"But be doers of the word, and not hearers only, deceiving yourselves.
For if anyone is a hearer of the word and not a doer, he is like a man observing his natural face in a mirror;
For he observes himself, goes away, and immediately forgets what kind of man he was.
But he who looks into the perfect law of liberty and continues in it, and is not a forgetful hearer but a doer of the work, this one will be blessed in what he does."
James 1:22-25
~
Ang pangalan niya raw ay Ruben, isang miyembro ng CFU na nakabase sa border ng Alegria at Dalaguete. Aniya'y nagri-raid ang unit nila pero napalayo si Elaine. Naisip ko namang pinalayo siya para makita ako sa gubat.
"Si Ander, 'yong commander ng Civilian Force unit. Medyo pareho lang ang trabaho sa guerillas. Partisan 'yong si Ander kaya ingat ka." Tinuro niya ang malayo. Napatingin naman ako roon pero puro puno ang nakita ko. "Balaan na kita. Pagdating mo roon, 'wag kang basta-basta sumasagot. May ibang naka-off duty pero nasa outpost para bantayan ang civilian."
"Dahil ba sa lockdown?"
"Oo."
"Walang news sa Mantalongon. Itanong ko sana kung anong nangyayari sa bansa? Anong tugon ng palasyo?" Pero nanahimik siya, bagay na ipinagtaka ko. "Pwede naman siguro akong magtanong tungkol diyan, 'di ba? Nasa labas naman ako ng Mantalongon," sabi ko pa.
Sumulyap siya sa akin bago muling binaling ang tingin sa harap. "Walang order para sagutin ko ang tanong na 'yan."
Nangunot ang noo ko at pinili nalang na manahimik. Plano kong alamin ang nangyayari kapag nakapunta na ako sa outpost na sinasabi niya... o kung walang magsasabi ay pupunta na lang ako sa sentro ng Alegria. Doon, baka sakaling malaman ko kung anong nangyayari doon at baka makahanap na rin ng tulong.
Naging tahimik ang paglalakad namin sa gitna ng palayan. Tirik ang araw pero malamig ang pabugso-bugsong hangin. Narinig ko na naman ang pamilyar na ingay ng kulisap sa kakahuyan, sa hangganan ng palayan.
"Kaninong palayan 'to?" Naisip kong itanong kay Ruben.
Umikhim siya bago sumagot. "Akin."
Napalingon ako sa kaniya saglit pero nanatiling nasa malayo ang tingin niya. Napatango ako at nagbaba ng tingin sa tuyong daanan sa gitna ng palayan.
"Mahirap bang magtanim ng palay?" tanong ko ulit. Sumulyap pa ako sa kaniya at nakita kong tumaas ang sulok ng labi niya.
"Manilenya ka?"
Umiling ako. "Hindi."
"May hardin ka?"
"Sa mama ko 'yong hardin sa bahay."
"Nakapagtanim ka na?"
"Oo."
"May taniman ka sa Mantalongon?"
"Noon."
"Alam mo na ang sagot."
Nangunot pa lalo ang noo ko, pagkuwan ay napatango-tango. Naalala ko ang lupa na pagmamay-ari ni Papa noon sa matarik na bahagi ng Mantalongon. Sina Kuya ang palaging nagbubungkal habang ako ang naglalagay ng buto sa lupa, tapos ako na rin ang nagdidilig.
Ilang buwan pa bago kami nakaani ng repolyo. Palagi kasing may peste na kumakain sa mga 'to. Minsan nang sinabi ni Mama na lagyan ng pesticide pero ayaw ni Papa. Makaraan naman ng ilang buwan ay nakapag-ani kami ng ilang bukag. Pero nang magkaroon ng crisis, ibinenta ni Papa ang lupang 'yon.
Mahirap na ang pangangalaga ng repolyo. Mahirap din siguro ang pangangalaga sa palayan.
"Kailangan ng tubig. Hindi nasusustentuhan ng tubig sa ibaba ang palayan kaya ginawan namin ng irigasyon mula sa tubig sa bundok," kuwento ni Ruben.
"May kasama ka sa pagtatanim?"
"Mga kaibigan," sagot niya.
Napatango ako. "Ang pamilya mo?"
"Ulila."
Napaiwas ako ng tingin sa malayo. Nakita ko ang kumikintab at gumagalaw na mga dahon at sanga ng puno sa kakahuyan. May ilang ibon ding lumilipad sa ibabaw ng mga iyon.
"Natulog na sila," mahina kong sambit.
Bumuntong-hinga siya. "Mukhang pinaghandaan na nila ang pagtulog. Pinamana ni Tatang ang palayan bago siya mamahinga."
"Inalagaan mo naman ng mabuti ang pamana sa 'yo. Nakikita kong maganda ang ani ngayong taon."
Natawa siya saglit. "Kung hindi makababa ang ani sa sentro, mabubulok ang mga palay sa imbakan."
Napatango ako. "Ilang case na ang nabalita sa bansa?"
"Sa huling tala ng DOH, isanlibo na."
Napahinto ako sa paghakbang at napaawang ang bibig. Malalaki ang mga matang napatanong ako sa kaniya. "Ganun karami na? Sa huling naalala ko, lima pa lang 'yong nakompirma."
Napailing siya. "Lima sana. Kaso nagkaroon ng mass gathering dahil sa isang public figure, tapos huli na nang mabalitaan ng awtoridad ang ilang kabataang pumasyal sa isang mall na puno ng infected."
"Paano nangyaring isanlibo?"
Umikhim siya at napaiwas ng tingin sa malayo. "Wag mong ipagkalat na sinabi ko sa 'yo."
"Hindi ko sasabihin sa iba."
Nagbaba siya ng tingin sa akin sabay buntonghinga. "Itong impormasyon lang ang sasabihin ko. Hindi sakop ng military secrecy dahil narinig ko lang sa isang residente. At alam kong makakatulong sa 'yo." Mataman siyang tumitig sa akin bago nagsalita ulit. "Isang teenager ang pumunta sa mall at umuwi bago nagkaroon ng lockdown sa buong Alegria. Nahawa lahat ng nasa bahay at ikinuwarantin ang buong subdivision. Ang problema, may nakatakas na bata. Carrier ng VV. Hinahanap ng militar at pulis sa buong komunidad pero hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita. Ang hinala ng iba, umakyat sa bundok Lanaya at doon nagtago."
Napakurap ako. Paulit-ulit at huminga nang malalim. "Ibig sabihin, mas pinatindi ang lockdown sa ibaba?"
"Oo. Matindi pa sa matindi." Binasa niya ang ibabang labi. "Shot to kill na rin ang order."
"Shot to kill?"
"Babarilin ang sinumang makitang nasa labas ng bahay."
Napakurap ako. "Kaya hindi makababa sa sentro ang ani?"
Tumango siya. "Maski galaw ng pagkain pinatigil. Kung hindi lang sana naging matigas ang ulo ng batang 'yon, may pag-asa pang makagalaw ang produkto sa ibaba. Ano nang kahihinatnan ng mga tao, ngayong anim na buwang lock-down ang pinatupad ng gobyerno para makontrol ang VV na 'yan?"
ANG OUTPOST na sinabi ni Ruben ay isang malawak na clearing sa gitna ng kakahuyan. Malalaking tent at naglalakihang tarpulin ukol sa VV virus ang kapansin-pansin sa lugar. May nakita akong ilang mga taong nakasuot ng camo pants na nagpaikot-ikot sa buong clearing. Sa palagay ko ay isa 'yong cardio-exercise.
Nandoon sa ilalim ng pinakamalaking tent ang isang lalaking nakakrus ang dalawang naglalakihang braso sa dibdib, at minu-minuto'y sumisigaw sa mga taong tumatakbo.
"1 meter dash, Calum! 2 meter dash, Bravia!"
Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-iling ni Ruben. Sumulyap ako sa kaniya nang ngumiti siya. "Anong nakakatawa?" tanong ko.
"Hundred ang counting ni Ander. Kaya one hundred at two hundred meter dash ang sinisigaw niya."
"Parusa 'yang takbo?"
"Pun and Ex."
Nangunot pa lalo ang noo ko pero pinili kong manahimik. Matapos dumaan ng mga taong pinaparusahan sa harapan namin ay tumakbo si Ruben papunta sa lalaking tinawag niyang Ander. Napatakbo na rin ako pahabol sa kaniya.
"Ander!" sigaw niya.
Napalunok pa ako nang bumaling ang tingin ng lalaki kay Ruben at sa akin na humahabol sa Civilian. Agad tumayo nang tuwid si Ruben at sumaludo kay Ander. Tumango naman si Ander at binaba ni Ruben ang kamay sabay baling sa akin.
"Ander, si Angela. Isang refugee galing sa Mantalongon. Angela, si Ander. Commander ng CFU."
Napatayo ako nang tuwid nang tumitig sa akin ang matatalas na mga mata ni Ander.
"Is she clean?" tanong nito.
"Aye," sagot ni Ruben.
Tumango si Ander at walang sabi-sabing tumalikod at naglakad palayo. Napakurap pa ako at napatalon ako nang hawakan ni Ruben ang palapulsuhan ko.
"Maligo ka muna."
"Inutos nino?"
"Ni Ander."
"Wala naman siyang sinabi."
Nagkibit-balikat si Ruben at iginiya ako sa likod ng mga tent. Nakita kong may poso roon at ilang balde.
"Saan ako maliligo?" tanong ko habang nakatitig sa poso.
"Diyan."
"Dito sa labas?" kunot-noo kong tanong at nagtaas ng tingin sa kaniya.
Nangunot naman ang noo niya. "Oo."
"Hindi puwede."
"Bakit hindi? Si Elaine, dito siya naliligo."
Napakamot ako ng ulo at napalinga-linga sa paligid. Naalala kong may damit akong natago sa backpack. "Nasa'n si Elaine?"
"Kasama si Jumbag. May damit ka sa backpack."
"Pano mo nalaman?"
"Anong ilalagay sa backpack?" tanong niya bago tumalikod at naglakad paalis.
Tumango nalang ako sa sinabi niya at tinanaw siyang maglakad pabalik sa pinanggalingan namin. Nang mawala siya sa paningin ko ay doon na ako nagsimulang maligo. Hindi ko na hinubad ang suot ko at nang matapos na ako ay nagpalinga-linga na naman ako sa paligid, nagbabakasakaling may makitang lugar kung saan pwede magpalit.
"Sa palikuran. Sundin mo lang 'tong daan, liko sa kaliwa. May makikita ka roong maliit na palikuran. Sa likod niyon, may sampayan."
Lumingon ako at nakita ko si Ruben na nakatingin na naman sa malayo.
"Salamat," nanginginig kong sambit sabay kuha sa backpack at takbo sa daang sinabi niya.
Ito 'yong hindi ko gusto kapag naliligo sa ilalim ng mga puno. Masyadong malamig ang tubig at hangin. Nanginginig ang kalamnan ko kahit pa tirik ang araw.
Habang tumatakbo, napansin ko sa gilid ng mga mata ang isang aninong tumatakbo sabay sa akin. Hindi ko pinansin hanggang makapasok ako sa loob ng palikurang sinabi ni Ruben. Matapos makapagpalit at handa na sanang lumabas, may kung ano sa loob ko na pumipigil sa aking lumabas.
Pumikit ako. Pinatalas ang pakiramdaman at may naramdaman akong malamig na hanging nanggagaling sa kaliwa. Agad akong dumilat at tumingin sa kaliwa. May butas roon... at may matang nakasilip!
Nanlaki ang mga mata ko at agad napalabas ng palikuran. Nakarinig ako ng yabag papalayo. Naging isang linya ang mga labi ko at hinabol ang lalaking nahuli kong sumisilip sa palikuran!
Hindi na dapat ako pumatol pero hindi ko gusto ang ginawa niya. Dapat niyang malaman na mali ang ginawa niya. Paano kung ginawa niya rin 'yon sa mga babaeng kasapi ng CFU?
Naging isang linya ang mga labi ko at binilisan ang takbo. Hindi ko alam kung dahil ba sa mga naglalakihang ugat ng puno kaya bumagal ang takbo ng lalaki... hanggang sa tumalon ako't nahuli ko siya --- padapa sa lupa!
"Ikaw! Sinong may sabing bumuso ka sa palikuran, ha? Ikaw, masama ang bumuso! Makakatikim ka talaga kapag ginawa mo pa ulit 'yon sa iba. Ako na ang huli mong biktima, naintindihan mo?" Pero hindi siya nagsalita kaya mas lalong sumama ang loob ko. "Ikaw talaga! Alam mo bang masamang ---"
Napahinto ako sa pagsigaw nang may dalawang paa na nakasuot ng combat boots ang tumayo sa harapan namin. Pag-angat ko ng tingin, nakita ko si Ander na nakakunot ang noo at nakahalukipkip. Matalim na naman ang mga matang tumitig sa akin.
"What are you doing with my second-in-command, Angela?"
Umawang ang mga labi ko sa sinabi niya. Second-in-command? Tumingin ulit ako ulo ng lalaking dinaganan ko. Nakadapa siya sa lupa habang nasa likod niya ako at pinipigilan siyang tumayo. Lumunok ako.
Mabilis akong umalis sa ibabaw ng lalaki at napatayo nang hindi oras.