“TINATANONG kita, Vince…bakit hindi ka makasagot?”
Mapait na tumingin nang diretso si Vince sa mga mata ng panganay na kapatid. “Ang sabi mo ay ikaw ang dapat na masunod, hindi ba? Na dapat ay para lang kaming tutang susunod sa mga desisyon mo dahil ikaw ang naghahanapbuhay para sa amin. Paano kung sabihin ko sa’yong kumakayod na rin kami, Ate? Ang ibig bang sabihin niyon ay maaari na rin kaming magdesisyon para sa pamilyang ito?” Tumingala siya at nakipagpalitan ng matalim na titig sa kapatid kaya’t huling-huli niya ang rumehistrong pagkagulat at sakit sa mga mata nito. Bigla ay ibig niyang pagsisihan ang sinabi at aluin na lang ito pero sa huli ay umiral ang kanyang ego.
“Ulitin mo nga ang sinabi mo,” mahina ngunit mapanganib nitong usal. “Nagtatrabaho ka? Nagtatrabaho kayo ng mga kapatid natin?”
Isang pilit na ngiti ang ibinigay niya rito. “Nagulat ka ba, Ate? Buong akala mo ay ikaw lang ang nagsasakripisyo para sa pamilyang ito? At kaming mga kapatid mo ay tatanga na lang habang naghihintay sa iuuwi mong pagkain?”
“Tama na, Kuya Vince…”
“Hindi ganoon kasimple ang buhay, Ate. Kung inaakala mong nabibigyan mo kami ng sapat na suporta para sa pag-aaral namin, nagkakamali ka. Bukod sa ibinibigay mong pera ay may kanya-kanya rin kaming nakatokang trabaho. Hindi namin gusto pero kailangan. Kailangan nating kumilos lahat. Hindi naman kami mga inutil para isantabi mo ang kakayahan naming tumulong para sa pamilya natin, hindi ba.”
“Hindi mo naiintindihan—”
“Ikaw ang hindi nakakaintindi, Ate!” Bahagyang umalsa ang boses niya pero hindi niya pinigilan ang sarili. Hindi niya sinikil ang hinanakit sa dibdib sa mga nakalipas na araw na kung tutuusin ay hindi naman nakalaan para sa kanyang Ate Bia.
Oo, nasasaktan siya. Oo rin at marami siyang kinikimkim na sama ng loob pero iyon ay patungkol sa hirap na dinaranas niya sa araw-araw. Bawat pangyayari, bawat sagutan at iringan sa araw-araw niyang buhay sa palengke man o sa paaralan, lahat iyon ay bumubuo sa bawat emosyong napapaloob sa dibdib niya. At ngayon ay tila ulan iyong bumubuhos na hindi niya magawang pigilan.
“Pinagtataasan mo ako ng boses?” May kung ilang sandaling inakala niyang iiyak ang kaniyang Ate Bia, ngunit mukhang nagkamali siya. Sa halip ay rumehistro ang galit sa maamo nitong mukha. Naging mabalasik iyon at nabigla siya nang walang anu-ano ay dumapo sa kanyang pisngi ang palad nito. “Ano’ng karapatan mong sagutin ako nang ganyan? Pagkatapos kong isakripisyo ang halos buong buhay ko para sa inyo ay iyan pa ang igaganti mo sa akin?!”
Hindi niya nagawang tugunin ang panunumbat na iyon. Ni ang haplusin ang kanyang nasaktang pisngi ay nakahiyaan niyang gawin.
“Kinalimutan ko ang sarili kong pangangailangan para sa inyo, Vince. Pati karapatan kong lumigaya ay tinalikuran ko na rin. Kung nagkulang man ako…kung hindi man sapat lahat ng mga ginagawa ko para sa inyong lahat, ipagpatawad mo dahil hindi ako perpekto. Hindi ko makukuha ang lahat ng bagay sa isang pitik lang! Kailangan kong hindi matulog, magtiis na hindi kumain at hindi maupo para lang makompleto ang ibabaon ninyo sa kinabukasan o sa mga darating na araw. Pasensiya ka na ha, Vince…hindi pa pala sapat lahat ng mga ginagawa ko.”
Noon siya natauhan. Biglang sumalit sa isip niya ang mga sandaling umuuwi galing sa ulanan ang Ate Bia niya, basang-basa at nangangatog sa lamig dahil naulan sa pagtitinda ng kung anu-anong kakanin at ihaw-ihaw para lang kumita.
Naalala rin niyang kapag sinabi niya ritong sira na ang kanyang sapatos, magsesermon ito kuno pero kinabukasan ay darating naman itong may uwing bagong sapatos. Sadyang mabait ang ate niya. Posibleng istrikto, pero may katuturan naman ang pagiging mahigpit nito. Kung bakit nagawa niya itong sagutin ay isang bagay na tiyak niyang pagsisihan hindi pa man nito nagagawang tumalikod sa kanya.
“Ate…” bulong niya sabay sulyap rito nang may pakiusap sa timbre ng boses.
“Sinu-sino ang nagtatrabaho sa inyo, Aida?” Inignora siya nito at sa halip ay binalingan ang kanyang nakababatang kapatid. Agad siyang sinalakay ng kaba; hindi maaaring malaman ni Ate Bia ang lahat. Mananagot na tiyak ang Ate Sussie niya.
“Tinatanong kita, Zenaida…”
“Ako na ang sasagot para sa kanya, Ate,” baling niya kay Ate Bia. “Pumasok ka na sa silid, Aida,” aniya sabay taboy sa nakababatang kapatid.
“Hindi!” pabiglang sabi ni Ate Bia at pagkuwa’y hinagip ang isang kamay ni Zenaida. Hindi inaasahang napadaing ang bunsong kapatid nang mahaplos ni Bia ang nagsusugat nitong kamay, sanhi upang magpalitan ng tingin ang mga ito. Ilang saglit na natigilan ang panganay at nang makabawi ay mabilis ngunit maingat na inabot ang isang kamay ng bunso. Walang nagawa si Vince kundi ang mapayuko nang marinig ang pagsinghap nito habang nakatitig sa namumulang braso at kamay ng bunso nilang kapatid na si Aida.
“HINDI ko alam kung saan pa akong punto nagkulang, Sussie. Sa pagkakaalam ko, lahat ay ibinigay ko na sa inyo ng mga kapatid natin.”
Hindi kumibo si Sussie sa pahayag na iyon ni Bia. Sa halip ay taas-noo lang itong tumitig sa nakatatandang kapatid.
“Anong masamang ideya ang pumasok sa isip mo at nagawa mo iyon?”
Muli ay hindi tumugon si Sussie, sanhi upang mapahakbang palapit si Bia rito. Nang makalapit ay agad nitong hinagip ang braso ng kapatid.
“Sumagot ka, Susana! Bakit mo pinabayaan ang mga kapatid natin?! Bakit mo sila itinaboy sa pagtatrabaho gayong kayod-marino na tayo nina Ted? Bakit?!” Nang hindi pa rin sumagot si Sussie ay hinawakan na ito ni Bia sa magkabilang balikat at saka niyugyog.
“Ano ba ang gusto mong marinig?” asik ni Sussie; umiling ito at saka nagpatuloy. “Alam mo, Ate, hindi ko maintindihan ang ikinagagalit mo. Hindi ba at mas dapat kang matuwa ngayong nalaman mong nakakatulong naman pala ang mga bata sa atin?”
Napasinghap si Sussie, tila hindi makapaniwala sa narinig. “Dapat ba akong matuwa sa kaalamang nagtatrabaho hanggang ang pinakabunsong si Aida?” Ito naman ang napailing nang marahas. “Ano’ng pumasok sa kukote mo para gawin ang bagay na iyon, Susana?”
“Tumigil ka na nga, Ate! Bakit ba hindi mo pa tanggapin na walang-wala na tayo ngayon? Bakit kailangan mong itago sa mga bata ang totoong kinasadlakan ng buhay natin nang mamatay ang Mama at maliko ang utak ng Papa?”
“Hindi mo alam ang sinasabi mo! Hindi lahat ng hirap na dinaranas natin ay kailangan mong ipamukha sa mga bata!”
“Iba ang pagpapamukha sa pagpapaalam! Para sa akin ay mabuti nang nararamdaman nila ang totoong kalagayan natin kaysa naman maniwala silang maayos pa tayo, gayong daig pa natin ang gumagapang na daga sa kahirapan!”
“Ikaw ang matanda, kaya dapat ay malawak ang pang-unawa mo! Bakit mo kailangang imulat ang isip nila sa ganoong buhay kung kahit paano naman ay maiaayos at mapagagaan mo iyon para sa kanila?!”
“Dahil hindi ako ipokrita katulad mo, Ate!”
Isang malakas na sampal ang ibinigay ni Bia sa kapatid. Kasabay niyon ay ang pag-iyak nina Ruth at Aida habang sina Ted at Joe naman ay gumitna upang paglayuin ang dalawa. Niyakap ni Ted si Sussie habang yapos naman ni Joe si Bia.
“Mula pagkabata ay palagi kang ganyan, Ate! Akala mo kung sino kang matino kung magmalinis sa harap ng mga kapatid natin! Ano ang gusto mong palitawin ngayon? Na matino ka at magaling, habang ako naman ay masamang kapatid dahil tinuruan ko silang magbanat ng buto?”
“Hindi iyon ang punto, Susana! Ang sinasabi ko lang, hindi ka dapat nagdesisyon nang mag-isa!”
“At bakit? Papayagan mo ba silang magtrabaho kung ipinaalam ko sa’yo? Hindi naman ‘di ba? Ano pa ang silbi nang pagpapaalam sa’yo?”
“Kung talagang ang gusto mo ay imulat sila sa totoong kalagayan ng buhay natin, magagawa natin iyon kahit hindi natin palabuyin sa palengke si Vince at makihalubilo sa kung sinu-sinong mga sunog-baga doon!” Natigilan ito sa puntong iyon at napasulyap sa kanya, pagkuwa’y awtomatikong bumukal ang mga luha nito sa mga mata habang napapailing. “Hindi kailangang magpaalipin ni Ruth…at hindi rin kailangang paglabahin ng pagkalalaking pantalon si Aida hanggang magsugat ang mga kamay niya…” Nang mapasulyap sa bunsong kapatid ay animo ito nauupos na kandila habang nananangis.
“Ganyan ka naman, Ate. Akala mo kung sino kang santa at sa huli ay ako ang ilulugmok mo sa putik sa harap ng mga bata. Ngayon, sino nga naman ang matino? Natural na ikaw at ako na naman itong kontrabida.”
“Tumigil ka na nga!”
“Bakit? Totoo naman, ‘di ba? Itatanggi mo pa ba? Mula noon hanggang ngayon, wala kang ibang ginawa kundi ipagparangalan ang pagiging matino mong ate! Nakakahiya naman sa isang matuwid na taong tulad mo ang paris kong demonyita!”
Muli ay isang sampal ang dumapo sa kanang pisngi ni Sussie. Nanlilisik ang mga mata nito nang sulyapan ang kapatid. Naging mabilis din ang paghinga nito na animo galing sa takbuhan.
“Wala kang karapatang pagsalitaan ako nang ganyan, Susana!”
“At wala ka ring karapatang saktan ako!”
“Dahil ayaw mong tumigil! Ayaw mong makinig at—”
“Ikaw ang magtigil! Kung ganito lang din nang ganito, tapusin na natin ang lahat, Ate! Magkanya-kanya na lang tayo para matahimik na tayong lahat!”
Napakunot ang noo ni Bia, habang nakatulala at naghihintay sa mga susunod na sasabihin ni Sussie.
“Ngayon din ay aalis ako sa bahay na ito.” Sumulyap ito sa kanya, pagkuwa’y isa-isang tumingin sa iba pa nilang mga kapatid. “Sumama ang gusto at ang ayaw ay maiwan.” Iwinaksi nito ang mga kamay ni Ted at saka humakbang papasok sa sarili nitong silid. Nakasunod naman ang paningin nilang lahat dito.
Nag-angat ng mukha si Bia, at inilibot ang tingin sa kanilang lahat. “Narinig niyo ang Ate Sussie ninyo…kumilos na ang gustong sumama sa kaniya...” anito makalipas ang ilang sandali nang pagkatigagal.
“Ate, p-puwede pa naman nating pag-usapan ang lahat, hindi ba?” tanong niya rito sa mahinang tinig.
Sumulyap ito sa kanya at ibig niyang maghinanakit sa ibinabadya ng mga tinging iyon. “Ikaw, hindi ba at gusto mo nang magsarili? Malaki ka na, hindi ba?” Tumigas ang anyo nito habang nagsasalita, pagkuwa’y bumaling kay Caroline. “Ikaw, hindi ka rin naman hihiwalay sa Kuya Vince mo, tama? Sumama ka na rin! Magsilayas na kayong lahat at magsama-sama kayo! Hindi ko kayo kailangan, mga traydor! Mga walang utang na loob!” Padarag itong tumalikod at umiiyak na tinungo ang maliit na pinto patungong komedor.
Naiwan silang walang magawa kundi ang magtinginan. Ilang saglit na pumagitna ang katahimikan hanggang magsalita si Ted.
“Vince, Aiden, sumama kayo kay Ate Sussie. Hindi siya maaaring mag-isa, alam niyo ‘yan.” Marahil ay nag-aalala ito dahil hindi naman lingid sa kanilang lahat na madalas atakehin ng asthma ang pangalawa nilang kapatid. Natatandaan niyang kapag sinusumpong ito noon ay hindi malaman ng kanyang Papa ang gagawin para lang kumalma ito.
“Kuya Ted, kailangan ba talaga nating maghiwa-hiwalay?” tanong ni Cory, ang pinakatahimik sa kanilang magkakapatid.
“Oo, pansamantala. Alam naman natin kung gaano katigas ang loob ni Ate Sussie at si Ate Bia naman ay ibang klase kung magtanim ng sama ng loob. Wala ring mangyayari kung magkakasama nga tayo rito pero hindi naman tayo nagkikibuan.”
“Tama si Kuya Ted,” ani Aiden. “Tama rin na tayo ang sumama kay Ate Sussie dahil tayo ang lalaki, Vince. Hindi natin siya maaaring pabayaan.”
“Paano si Ate Bia? Baka isipin niyang pumanig kayo kay Ate Sussie kung aalis kayo?” naluluha pa ring tanong ni Aida.
“Ako na ang bahala doon, bunso,” sabad ni Joe. “Gumayak na kayo habang nag-e-empake pa ang Ate Sussie. Ihahatid ko kayo para alam namin kung saan kayo tutuloy.”
Napahikbi si Caroline at napasunod naman dito sina Zenaida at Ruth.
“Tumahan na kayo,” ani Ted. “Walang mangyayari kung magpapatalo tayo sa emosyon. Pagsubok lang ito na dumarating talaga sa isang pamilya. Sa ngayon, kailangan tayo ni Papa kaya kailangan nating magpakatatag. Huwag kayong mag-alala dahil pansamantala lang naman ito habang may alitan pa ang mga ate natin.”
“Paano si Papa? Paano namin siya makikita?” tanong niyang may pag-aalala.
Tinapik siya ni Kuya Ted sa braso. “Tuwing araw ng Lunes at Biyernes ay dumalaw kayo sa ospital. Ako na ang bahalang gumawa ng paraan para hindi dumalaw si Ate Bia sa mga araw na iyan. Mag-iingat kayo ha.”
Tumayo na siya sa kinauupuang bangkito at laglag ang balikat na tinawid ang sala upang marating ang silid na tinutulugan nilang mga lalaki. Kasunod niya si Aiden.
“Kuya Vince…”
Nalingunan niya ang tumawag na si Caroline. Puno ng sakit at lungkot ang mga mata nito. Hinaplos ng kung anong awa ang puso niya. Napakamasayahin ng kapatid niyang ito kaya naman masakit sa kanyang makita ang mga luhang nag-uunahang bumalong sa mga pisngi nito.
“Kuya!” bulalas nito sabay hakbang palapit sa kanya. Niyakap niya ito at saka ginulo ang buhok nitong nakapusod sa kung paanong paraan na lang.
“Tumahan ka nga,” aniyang may himig ng pagbibiro. “Ang pangit mong umiyak, lumulubog ang ilong mo, oh.”
Sa halip na matawa ay hinampas ni Caroline ang braso niya. “Puro ka biro eh!”
“Sige na, aalis na kami at baka maiwan pa kami ni Ate.”
Bumitiw siya rito.
“Mag-iingat kayo, Kuya…” humihikbi nitong sabi. Talagang malapit sa kanya ang kapatid niyang ito. Ni hindi nga nito magawang matulog nang hindi pa siya umuuwi sa gabi. Marahil ay dahil sa mga pinagdaanan nila nang magkasama.
Nang bumitiw si Caroline sa kanya ay tumalikod na siya at tuluyang pumasok sa kanilang silid. Noon lang niya namalayan ang totoong damdaming sumisibol sa kanyang dibdib. Takot at pag-aalala para sa mga susunod na mangyayari. Iyon kasi ang unang pagkakataon na nag-away nang ganoon katindi ang dalawang nakatatanda nilang kapatid at magtanungan man sila o hindi, alam niyang pare-pareho sila ng nararamdamang lahat sa mga sandaling iyon.