ANG araw na iyon ang naging simula ng isang bagong Vincent. Bawat sabihin ni Tonio ay tumanim sa isip niya. Tama ito, kailangang maging matatag siya sa bawat hamon ng buhay. Hindi siya maaaring magpakita ng kahit katiting na kahinaan ng loob sa harap ng ibang tao, dahil kung hindi, siya rin ang talo sa huli.
Ang ugaling iyon ay nadala niya hanggang sa kanilang pamamahay. Madalas, nakapagtataas na rin siya ng boses sa kanyang mga nakababatang kapatid. Kapag walang matandang kapatid na maaaring sumita sa kanya, nagkakaroon siya ng kalayaang kastiguhin ang dalawa pa niyang kapatid na babaeng sumunod sa kanya. Tinuturuan niya ang mga itong magbasa at magsulat at kung hindi agad matuto ay nakakatikim ng parusa ang mga ito. Naroong paglinisin niya ng komedor o palikuran o kaya naman sa murang edad ay pinaglalaba na niya ang mga ito ng pantalon ng kanilang mga kuya.
Kung minsan ay nakadarama siya ng habag lalo pa at nang isang araw ay makita niyang namumula ang mga kamay ng bunsong si Zenaida. Hindi kasi nito tinapos ang tatlong pahinang sulatin na ibinigay niya kaya pinalabhan niya rito ang ilang pantalon nina Ted at Joe.
Dahil kapos sila sa kakayahang mamuhay nang mariwasa, tanging mga kamay ang gamit ng kapatid sa paglalaba ng mga iyon. Hindi sila nausuhan ng washing machine ni minsan. Ang resulta, nalinis nga ang mga pantalon pero nagmarka naman ang mga sugat sa mga kamay ni Zenaida. May kaputian pa naman ang kanyang bunsong kapatid kaya hindi maaaring hindi iyon mapupuna ng mga ate niya.
Agad niyang kinausap si Zenaida dahil doon, ang kaba at awa rito ay pilit niyang pinagtatakpan ng tigas ng loob.
“Parating na sila. Subukan mong magsumbong at mayayari ka sa akin,” banta niya rito na ang tinutukoy ay sina Ted at Joe.
Napalabi muna si Zenaida bago napailing. “Bakit naman ako magsusumbong, Kuya?”
Sinulyapan niya ang mga kamay nitong kumikislap pa sa liwanag ng araw ang pamumula.
“Ah, ito ba?” anito sabay yuko sa sariling mga kamay. “E, resulta ito ng katangahan ko, Kuya. Puwede naman akong gumamit ng fishnet sa paglalaba pero pinili kong magkamay.” Humagikgik ito pero hindi iyon nakabawas sa guilt niya.
“Basta umayos ka. Kapag nakita nila iyan at nakagalitan ako, lagot ka sa akin.”
Tumango ito at saka ngumiti. Lalo na siyang kinain ng guilt, kaya inilayo na lang niya ang tingin para paglabanan iyon.
Hindi pa nagtatagal na nakalalayo si Zenaida ay biglang bumalandra ang pinto. Galit na anyo ni Ate Bia ang bumungad sa kanya.
“Sino sa inyo ang nagbigay ng pera kay Papa kagabi?” namumula ang mukha nito habang nanlilisik ang mga matang nakatunghay sa kanila.
Laking gulat niya pagkat noon lamang niya nakitang nagalit nang ganoon ang kanyang Ate Bia. Kasabay ng pagkagulat ay ang pagkabog ng dibdib niya sa kahulugan ng tanong nito.
“Bakit hindi kayo makasagot?” Bumaling ito kay Zenaida pero muli ring binawi ang tingin. Marahil ay naisip na imposibleng ang nakababatang kapatid ang gagawa niyon. Nang muli siya nitong balingan ay hindi niya nagawang iwasan ang tingin nito. “Ikaw ba, Vince?
“Ate—”
“Ikaw ba ang nagbigay ng pera kay Papa?” mapanganib nitong tanong.
“Hindi—”
Mabilis itong nakahakbang palapit at iniangat siya sa kinauupuan sa pamamagitan ng paghagip sa kanyang kuwelyo. “Tinatanong kita, ikaw ba, Vince?” Nanginginig ang katawan ni Ate Bia habang sa mga mata nito ay nagbabanta ang mga luha.
“Ate!” sigaw ni Zenaida.
“Sumagot ka!”
Hinawakan niya ang mga braso nitong nakakapit sa kanyang kuwelyo. “Maawa ka kay Papa, Ate! Hindi na niya nararanasan ang magkapera at alam naman nating hindi siya sanay sa ganoong buhay!”
“Sinasabi mo bang wala akong kuwentang anak at pinagkakaitan ko siya?”
“Hindi sa ganoon, Ate. Ang sinasabi ko lang, kawawa naman si Papa. Gasino na ba ang paminsan-minsang pagbibigay—”
“Hindi mo ako dapat pinangunahan! Mahigpit kong ipinagbilin na huwag ninyong bibigyan ng kahit isang sentimo ang Papa, hindi ba?!” Binitiwan siya nito at tuluyan na itong napaiyak sa harap niya. Itinakip nito ang mga palad sa mukha nito at saka nagpatuloy sa pag-iyak.
“Ate…may nangyari ba?”
Matalim ang tinging ipinukol nito sa kaniya. “Dahil sa awang sinasabi mo ay napahamak siya, Vince! Bakit ba hindi ka nagtitiwala sa mga pasya ko?! Bakit nagmamarunong ka?!”
Dahil sa pagkabila ay nabitin sa ere ang mga kamay niyang iyayapos sana dito.
“Anong napahamak ang ibig mong sabihin, Ate?” gimbal na tanong ni Zenaida na noon ay nagkalakas na ng loob na lumapit sa kanila.
Nilinga ito ni Bia at saka niyakap. “Nabaril si Papa at ngayon ay nasa ospital, Aida!”anito sa pagitan ng pagluha. “Nagpunta siya sa pasugalan kagabi at doon ay nakita siya ng isang taong kanyang pinagkakautangan nang malaki. Nagkagulo at sa huli ay nabaril si Papa. Hindi pa siya nagigising kaninang umalis ako ng ospital.”
Napaawang ang mga labi niya sa pagkagulat. Hindi niya sukat-akalaing ang kapirasong pagnanais niyang makapagbigay ng kahit kaunting kasiyahan sa ama ay magtutulak pala dito sa disgrasya.
Nang nagdaang gabi ay susukot-sukot na lumapit sa kanya ang ama at naidaing ang kagustuhan nitong makita ang mga kaibigan. Iyon ang pinili nitong salita pero alam naman niyang ang kahulugan niyon ay ang muling pagsusugal nito pagkat ang mga kaibigang tinutukoy nito ay ang mga kasama nito sa pasugalang pag-aari ng isang likong pulitiko na kaibigan nito noong mga panahong humahawak pa ito ng limpak-limpak na salapi. Mga taong nakinabang din naman sa pinagpaguran ng kanyang ama pero nang bumagsak ito ay iniwan na itong mag-isa.
Dahil sa awa, inabutan niya ng pera ang ama. Iyon ay perang galing sa isang Linggo niyang paghahanapbuhay sa palengke, isama pa ang baon na ibinigay ni Caroline nang nagdaang araw. Sa labis na tuwa ay mabilis na itong tumalikod matapos siyang pasalamatan sa wikang Mandarin. Iyon ang kakatwa sa kanyang Papa; kapag natutuwa ay naaalala nitong gamitin ang mother tongue nito.
“Nasaan si Papa, Ate Bia?”
Nalingunan niya ang nagtatanong na anyo ng nakatingalang si Zenaida.
“Naroon siya sa Ospital ng Maynila. Pagdating ng mga kapatid mo ay pagayakin mo at pasunurin dito.” Iniabot nito ang isang maliit na piraso ng papel kay Zenaida. “Huwag kang pupunta nang mag-isa diyan at tiyak na maliligaw ka.” Muli itong dumukot sa bulsa at iniabot ang isang piraso ng perang papel sa nakababata niyang kapatid. “Bumili kayo ng lugaw o kaya ay sopag sa kanto. Tiyak na kailangan iyan ni Papa paggising. Kung may maidadagdag si Ted, sabihin mong bumili na rin ng prutas.”
“Paano ka, Ate?”
“Kailangan naming kumayod ni Sussie ng pambayad sa ospital, Aida.” Pinukol siya nito ng isang matalim na sulyap. “Huwag kang dadalaw sa Papa, Vincent. Siguraduhin mong hindi kita makikita sa ospital pagpunta ko doon mamayang gabi.”
“Ate Bia…”
“Huwag ka nang kumontra, Aida,” baling nito nang tumutol si Zenaida, “sundin mo na lang ang mga sinasabi ko. Hangga’t ako ang naghahanapbuhay sa bahay na ito ay desisyon ko ang dapat ninyong sundin. Maliwanag ba?”
Tumango si Zenaida. Siya man ay ibig niyang sumang-ayon bilang tugon sa sinabi nito pero hindi niya magawang pasunurin ang kanyang ulo. Ni hindi siya makagalaw sa samu’t-saring emosyon na noon ay naghahari sa puso niya.
Bakit ganoon? Wala ba siyang karapatang magpalugod sa kanyang ama? Kung hindi man naging mabuti ang resulta, hindi naman niya iyon ginusto. Wala na rin ba siyang karapatang magkamali sa paningin ng mga nakatatanda niyang kapatid?
“Nagkakaintindihan ba tayo, Vince? Sumagot ka kapag kinakausap kita,” ulit ni Ate Bia.
Ang dapat ay sumagot siya ng oo, kung hindi man tumango bilang pagpapatianod sa kagustuhan ng nakatatandang kapatid subalit natagpuan niya ang sariling nakayuko at ang mga kamay ay nakakuyom sa magkabila niyang tagiliran. Ang kanyang mga ngipin ay naggigiritan din dala ng matinding emosyong lumulukob sa kanyang buong sistema.
“Bakit hindi ka makasagot? May gusto ka bang sabihin, Vincent?” Humakbang itong palapit sa kanya.
“Kuya, umoo ka na kasi! Ano ba’ng nangyayari sa’yo?!” ani Aida subalit bahagya lang niya itong sinulyapan.
“Tinatanong kita, Vince…”