Chapter 2

1850 Words
KINABUKASAN ay natatandaan niyang agad silang lumuwas ng Maynila at nanuluyan sa isang maliit na apartment. Kung saan-saang establisimyento namasukan ang Ate Bia niya maitaguyod lamang sila habang ang Ate Susie naman niya ang tumayong ina sa kanilang mga nakababatang magkakapatid. Ang papa niya, marahil dala na rin ng hiya, ay sinikap namang maghanap ng trabaho subalit dahil matanda na ay hindi ito pinalad na mapasok saan mang kompanyang sinubukan nitong apply-an. Sa huli ay tumulong na lang ito kay Ate Susie sa pag-aasikaso sa kanila. Sa kanilang sampu na magkakapatid ay walo ang nag-aaral kaya naman halos ay hindi na natutulog ang Ate Bia niya sa paghahanapbuhay. Namamasukan ito sa isang pabrika sa umaga at nagtitinda naman ng pork at chicken barbecue sa gabi. Ang dalawang sumunod kay Ate Susie na sina Ted at Cory ang katulong nito. Si Ruth ang sumunod kay Cory na sinundan naman ni Joe. Ang pampito nilang kapatid ay si Aiden, kasunod siya at si Caroline. Si Zenaida ang kanilang bunso. Tulad ni Caroline ay ka-close din niya ang kanyang kapatid na si Ruth. Masayahin din kasi ito at palaging nakangiti hindi tulad ng kanyang Ate Susie na palaging seryoso. Hindi rin siya malapit dito at kung bibilangin, hindi bababa sa sampu ang hinanakit niya rito. Isang pangyayaring bahagi ng kanyang kabataan ang hinding-hindi niya malilimutan. Agad iyong sumagi sa isip niya pagkaalala sa kapatid. “Sama ka sa amin, Vincent!” anang kaklase niyang si Mike. “Maglalaro kami ng basketball sa Ibayo.” Ang Ibayong tinutukoy nito ay ang kabila ng patubig kung saan may mga bukid na nakatengga at walang pananim na maaaring nilang paglaruan. “Sige, kayo na lang,” tugon niya habang nakayuko. Dalawa ang dahilan niya kung bakit hindi siya maaaring sumama; una, kailangan pa niyang magtinda para kumita ng kaunting salaping babaunin nila ni Caroline kinabukasan at pangalawa, malapit nang mapigtas ang tsinelas niyang ginagamit. Halos dalawang buwan pa lang iyon pero dahil madalas niyang gamitin sa paglalaro ng basketball ay madali iyong numipis. Sa tingin niya, hindi na iyon aabutin pa ng isang linggo. Tsinelas sa halip na sapatos ang gamit niya sa pagpasok sa paaralan. Tanging siya lamang sa apatnapung Second Year ang nakakapasok nang ganoon. Mabait naman kasi ang adviser niya at ipinakiusap niya ritong kung maaari ay papasukin siya sa kabila nang hindi niya pagsunod sa polisiya ng paaralan, pagdating sa proper uniform. Ang halos naninilaw na niyang polo ay pinagkaliitan na lang ng kapatid na si Joe at ang pantalon naman niya ay bigay ni Ted. Dalawang pares lang iyon kaya araw-araw ay naglalaba siya. Hindi tulad niya ay maayos ang suot ni Caroline. May kompleto itong bilang ng uniporme at mayroon din itong sapatos at medyas. Hiniling niya sa kanyang Ate Bia na unahin iyon at ibigay sa kapatid sa mismong ikasampung kaarawan nito. “Ayaw mo ba talaga?” pangungulit ni Mike, tinapik pa siya sa balikat. Nang umiling siya ay lumayo na ito. Noon siya tumayo at inilabas mula sa dala niyang malaking bag ang isang kahon ng sigarilyo. Walang guwardiya ang paaralan nila kaya nagagawa niyang isilid iyon sa loob ng bag niya nang walang aberya. Sa hapon, matapos ang klase ay saka siya magpupunta ng bayan at magtitinda niyon. Bukod sa sigarilyo ay may tinda rin siyang kendi at diyaryo na idinadaan naman sa kanya ng kaibigang si Paeng. Kung minsan, kapag may nakukuhanan ay naglalako rin siya ng nilagang mais at mga prutas sa bayan. Iyon ang nagtataguyod sa kanila ni Caroline. Ito kasi ang itinoka sa kanya ni Ate Susie habang sina Zenaida at Aiden naman ay sagot nina Ted at Joe. Ang lahat ng iyon ay lingid sa Ate Bia niya. Ang alam kasi nito ay nagkakasya ang ibinibigay nitong pera sa kanyang Ate Susie. Hindi naman ito papayag na maghanapbuhay sila kaya sekreto ang gawain nilang iyon. Kapag hinanap siya o sina Ted at Joe ng kanilang ate ay ito ang nagdadahilan ng kung anu-ano. Sa ganoong paraan, nagagawa nilang mabuhay nang maayos-ayos at maipagpatuloy na rin ang pag-aaral nang hindi nag-aalala ang Ate Bia niya. Tumingala siya sa langit at saka ngumiti. Maganda ang panahon at tiyak na marami siyang maibebentang kung anu-ano ngayong hapon. Araw din kasi iyon ng palengke. Ang plano niya ay sa bayan na rin siya magpapalipas ng gabi at kung sakaling matanong siya pag-uwi ay ikakatwiran na lang niyang may group project siyang pinuntahan. Nang may mapadaang jeep ay sumabit siya. Ilang pasikot-sikot na kalye rin ang binagtas nila bago nakarating ng bayan. Nang bumaba ay kinawayan niya ang driver na nakasilip sa side mirror at nginisihan ito habang dirty finger naman ang tugon ng mamang driver. Sanay na siya sa ganoong tagpo. Sinasadya niyang puno ang jeep na sasakyan para kunwari ay mapipilitan siyang sumabit. Kapag may bumaba at nagkaroon ng space ang jeep ay bababa na rin siya at lilipat ng ibang sasakyan para makaiwas sa pagbabayad ng pamasahe. Laking pasalamat na lang niya na sa laki ng Maynila at dami ng taong naglipana sa araw-araw ay hindi na siya natatandaan ng mga jeepney driver na nabibiktima niya. Nagmamadali niyang tinungo ang lugar na lagi niyang pinupuwestuhan subalit agad siyang natigilan nang makitang may lalaking naroon at nagtitinda ng samalamig. “Kuya, hindi ba sa kabila ka nakapuwesto?” panimula niya paglapit dito. “Dito kasi ako.” “Kanina pa ‘ko dito kaya dito ako—” “Araw-araw ay dito ako nakapuwesto, ikaw naman ay sa banda roon.”Itinuro niya ang lugar na kalimitan niya itong nakikita. “Ayoko doon, maraming ipis at marurumihan ang mga paninda ko.” “Pero diyan nga ako.” Nalukot ang mukha ng lalaki at saka humakbang ng isa palapit sa kanya, pinitsarahan siya. “G*go ka,’no! Sinisita mo ba ‘ko?” “Hindi naman sa ganoon, Kuya, kaya lang ay—” “Huwag mo akong pangunahan at baka gilitan kita sa leeg, bata ka!” anito. Natakot naman siya kaya hindi na kumibo. Binitiwan nito ang kuwelyo niya at saka ngingisi-ngising naupo sa stool na malapit dito. Tinalikuran niya ito upang maghanap ng sariling lugar. Bubulong-bulong siya sa sarili. Ibig maghimagsik ng kanyang loob. Natutuwa nga siya sa puwesto niyang napili dahil malapit iyon sa kanto kung saan nagsasanga ang mga kalye. Malapit din iyon sa sakayan ng mga karatig-jeepney kaya mas mabili ang mga tinda niya lalo na ang sigarilyo. Kung doon siya pupuwesto sa dating pinupuwestuhan ng lalaking nakabangga, tanging mga deboto ng simbahan ang mga dadaan at makakakita sa kanya. Karaniwan, lalo at hindi araw ng Linggo ay mga babae, bata at matatanda ang mga pumapasok doon para mag-alay ng kandila at magsimba. Sino naman sa mga iyon ang bibili ng sigarilyo sa kanya? Napailing muna siya bago luminga sa paligid. Noon niya natanawan ang papalapit na si Tonio. Hindi mahirap makilala mula sa malayo ang lalaki dahil sa pula nitong buhok. Ang mga braso nito ay punung-puno rin ng tattoo kaya kahit sa gitna ng karamihan ay mamumukod ito. “Hoy, bata, buwis mo!” maangas nitong sabi sabay hampas sa balikat niya. Si Tonio ay idineklara na ang sarili bilang pangalawang may-ari ng palengke. Nanghihingi ito ng upa sa mga nagtitinda roon na bagaman maliit ay kalabisan pa ring maituturing. Araw-araw itong nangingikil at malilintikan dito ang sino mang umangal. Natatandaan niyang nang unang araw niya sa pagtitinda ng sigarilyo ay sinindak din siya nito kaya naman napilitan na siyang ibigay ang kaunti niyang benta noon dito. “Wala pa, boss, may nauna na nga sa puwesto ko kaya—”Napaigik siya nang maramdaman ang dagok nito sa kanyang likuran. “Nagdadahilan ka pa ha! Magbuwis ka kung ayaw mong masaktan!” “Hindi pa nga ako nakakapuwesto boss, ano ang ibubuwis ko sa’yo?” Hinawakan siya nito sa leeg na animo sasakalin ano mang oras kaya agad siyang kinain ng pangamba. “Wala kang pambuwis? Sigurado ka?” Kinapkapan siya nito sa magkabilang bulsa ngunit hindi nagtagal ay agad ding binitiwan nang walang makitang kahit anong sentimo roon. Pagkuwa’y kinuha nito ang dala niyang bag at saka kinalkal ang laman niyon. Nang wala pa rin itong napala ay ibinalik na nito ang bag sa kanya. Tiningnan siya nito nang diretso sa mga mata at saka ito napangisi. “Laki-laki mo na, iyakin ka pa!” bahagyang napapangiting sabi nito. Noon lang niya namalayang napaluha pala siya dala ng habag sa sarili. Kaunting barya lang naman ang hangad niya para maibaon nila ni Caroline pero wala pa siyang beinte minutos sa lugar na iyon ay dalawang walang pusong nilalang na ang nakasalamuha niya. Nagyuko siya ng ulo at saka marahang pinahid ang luha sa mga mata. “Bigyan mo ‘ko ng sigarilyo!” utos nito na agad naman niyang sinunod. “Ilang taon ka na ba?” tanong nito matapos humithit at saka bumuga ng usok sa hangin. “Katorse.” “Ikaw ang duwag na hindi marunong mangopo, bata.” Tinapik siya nito sa balikat. “Ikaw, naninigarilyo ka ba?” Magaan na ang dating ng mga salita nito, hindi tulad kanina nang sagutin niya. Naawa kaya ito nang matuklasang wala siya ni isang kusing sa katawan? “Hindi,” tugon niya kasabay nang pag-iling. Malakas na tawa ang isinukli ni Tonio. “Nagtitinda ka, pero hindi mo ito alam gamitin? G*go ka talaga!” Tumawa na naman ito bago kumuha ng isang stick ng sigarilyo sa kaha niya at saka iyon basta na lang isinalaksak sa bibig niya. “Isubo mo.” Umiling siya pero hinawakan nito ang batok niya at saka ulit ipinilit ang sigarilyo. Nang maisubo niya iyon ay agad nitong iyon sinindihan. “Hithitin mo para magtuloy.” Sinunod niya ang sinabi nito pero agad siyang napaubo. Tinapik-tapik nito ang likod niya. “Sa una lang iyan. Masasanay ka din.” Ilang saglit lang ay natutunan rin niya ang mga sinasabi nito. Hindi na siya nauubo tulad kanina. “Tandaan mo ito, bata…ang buhay ng tao ay parang pampasaherong jeep, unahan lang sa pagsakay. Kapag puno na ay tibayan ang loob mo para makasabit.” Napatingin siya nang diretso sa mga mata nito. “Kapag hindi matatag ang dibdib mo, matitiklo ka ng mga gagong tulad ko sa mundong ito.” Muli itong ngumisi. Naglitawan ang madidilaw nitong mga ngipin. “Pero huwag mong igumon ang sarili mo sa bisyong iyan. Gagawin mo lang iyan kung sa tingin mo ay may sumisindak sa’yo…pampalakas ng loob at kunwari ay g*go ka rin.” Napatango siya. Nasundan niya ng tingin si Tonio nang lumapit ito sa lalaking nagtitinda ng samalamig. Kitang-kita niya kung paano nito pintsarahan sa kuwelyo ang lalaki habang patingin-tingin sa kanya. Hindi nagtagal ay susukot-sukot na umalis ang lalaki. Kinawayan siya ni Tonio at agad siyang napatakbo palapit dito. “Mula ngayon ay sa’yo na ang puwestong ito. Kapag may nag-angas ay sabihin mong bata kita.” Tinapik siya nito sa likod na muntik na niyang ikatumba, pagkatapos ay humakbang na ito palayo. Maliit na sa paningin niya si Tonio pero hindi pa rin niya maalis ang tingin dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD