NAPANGITI si Vincent habang nakamasid sa isang grupo ng mga kabataang naglalaro sa kalsada. Binubuo ito ng walong bata na naghahabulan. Walang pakialam ang mga ito at sa kabila ng matinding sikat ng araw ay nagsisipagtakbuhan, walang mga kapaguran, walang ano mang alalahanin sa buhay.
Yumuko ang isang batang marungis upang kunin ang kanyang tsinelas sa lupa. Napigtas iyon sa hugpungan nang matapakan ng kalaro. Sumunod ang kalarong nakatapak dito kaya nang tumayo ito ay agad na tinamaan ang mukha ng nasa likod. Sa halip na magkagalit ay nagkatawanan pa ang dalawang bata. Nang magsilapitan ang iba pang kalaro ng mga ito at ikuwento ng dalawa ang nangyari ay umani rin iyon ng higit na malakas na tawanan.
“Some bad memories?”
Nalingunan niya ang kapatid na si Caroline. He nodded, then smiled at her. “Not at all,” aniya. Mula sa kalsada ay dumako ang paningin niya sa malawak na bukirin na nasisinagan ng panghapong araw. Agad siyang nakadama ng kalungkutan ng mapagmasdan ang kabuuan ng lugar. Ang mga bukid ay halos natutuyot na, ni walang palatandaan ng pagsisinop. Walang mga pananim, walang mga nagsisipag-awitang ibon na naglalaro sa ihip ng hanging probinsiya gaya noong mga panahon ng kanyang kabataan.
“Maraming alaala ang lugar na ito sa atin – mga masasaya at masasakit na alaala,” panimula ni Caroline. “Pero alam mo, kung papipiliin ako ng lugar na kalalakhan ko, I’d still be choosing this place.” Sumagap ito ng sariwang hangin at saka muling bumaling sa kanya. “I love this place, Vincent, just how much I love our childhood days.”
Si Caroline ay isa sa siyam niyang mga kapatid. Pangwalo siya at sumunod naman ito sa kanya. Magkasama silang nag-aral mula elementarya sa Barasoain Elementary School hanggang sekondarya sa Philippine Cultural High School. Magkasabay silang pumapasok sa eskuwelahan noon at hanggang sa pag-uwi ay naghihintayan pa rin sila kaya naman halos bestfriends na ang turingan nilang magkapatid.
Nagkahiwalay lang sila ng pinapasukan ni Caroline nang tumuntong ng kolehiyo. Kasalukuyan siyang nasa huling taon sa kursong Electronics and Communications Engineering sa Bulacan State University habang ang kapatid ay nasa ikatlong taon naman ng kursong Business Management sa Centro Escolar University.
Siya ang humimok kay Caroline na kunin ang kursong iyon dahil wala naman itong partikular na kursong nasa isip nang mag-take ng exams, pero katatapos pa lang ng unang semestre ay nakikiusap na itong mag-shift ng course. Hindi raw kasi nito magawang pakisamahan ang mga kaklase nito at idagdag pang nahihirapan daw ito sa mga subject sa kursong iyon. Iyon ang dahilan kung bakit bigla silang napauwi sa Cofradia, ayon na rin sa payo ng panlima nilang kapatid na si Ruth.
“Na-miss ko rin ang lugar na ito, Vince,” tukoy nito sa palayaw niya. Kahit kailan ay hindi nito nakasanayan ang tawagin siya ng kuya. Marahil ay dala na rin ng halos isang taon lang na pagitan ng edad nilang magkapatid.
“At sana ay makita mo talaga ang sarili mo sa lugar na ito,” aniyang napangiti.
Hindi nagtagal ay iniwan na siya ni Caroline. Nagpaalam itong tutulong kay Tiya Saning na mag-ayos ng hapunan nila. Si Tiya Saning ay ang tiyahin niyang matandang dalaga, nag-iisang kapatid na babae ng mama niya. Ito na ng nag-alaga sa kanilang magkakapatid noon sa Bulacan. Kung tutuusin ay mas madalas pa nga nila itong kasama noon dahil na rin sa kaabalahan ng mga magulang sa kanilang bukirin.
Muli niyang tinapunan ng pansin ang mga kaharap na lupain. Mula sa verandah na kinaroroonan niya ay tanaw niya ang buong sakahan na nabili ng kanilang mga magulang. Napahugot siya ng malalim na paghinga pagkaalala sa mga ito.
Kapwa Chinese nationals ang kanyang ama at ina. Si Henry Cruz, ang kanyang ama ay dating sundalo. Napasama pa ito sa hukbong sandatahan ng China noong panahon ng World War III. Buong buhay nito ay wala itong bukambibig kundi ang tungkol sa kagitingan nito bilang isang sundalong Tsino. Punung-puno ito ng kuwento tungkol sa kung paano ito nakipaglaban noong panahong nasa serbisyo pa ito. Nakalakhan na rin niyang ipinagmamalaki nito ang uniporme nitong siyang ginagamit noon sa pakikidigma.
Mayaman namang pamilya ang pinagmulan ni Ana, ang mama niya. Nagmamay-ari ng isa sa pinakamalalaking chocolate companies sa bansa ang angkan nito. Namuhay sa kariwasaan ang mama niya gayon din ang kanyang Tiya Saning. Lamang, nang mamatay ang mga magulang ng mga ito, tanging mga lalaking anak lang ang tumanggap ng mana ayon na rin sa tradisyon ng bansang pinagmulan nito. Dahil doon ay napilitang maghanap ng trabaho ang mama niya, kasama ang kanyang tiyahin. Pinalad namang matanggap itong manager ng isang restaurant kung saan ipinasok rin nitong waitress ang tiyahin niya.
Nang minsang nakabakasyon ang papa niya ay napadpad ito sa restaurant kung saan namamasukan ang kanyang mama. Doon nagkakilala ang dalawa at hindi nagtagal ay nagkaroon ng relasyon. Dahil pilit na ipinakakasal sa ibang babae ang papa niya nang mga panahong iyon ay napilitan itong iwan ang trabaho at mamuhay kasama ng mama niya na noon ay nagdadalantao na sa kanyang Ate Bia. Hindi pumayag ang ama nito at pilit pa ring pinaghihiwalay ang dalawa. Dahil maimpluwensiya at nagbuhat rin sa isang mayamang pamilya ang lolo niya, nagawa nitong manipulahin ang kapalaran ng kanyang papa. Lahat ng trabahong pinasukan nito ay hindi nagtagal, ilang linggo lang at laging natatanggal sa trabaho ang papa niya.
Nang lumaon at hindi na ito pinalad na matanggap sa lahat ng kompanyang sinubukan nitong pasukan ay nagdesisyon na ang mag-asawang mangibang-bansa. Noon napadpad ang mga ito sa Pilipinas. Nagbukas ng isang maliit na negosyo ang papa niya, isang security agency na nagsu-supply din ng security gadgets sa malalaking kompanya. Ang kuwento ng mama niya ay kapapanganak lang daw nito sa pangalawa niyang kapatid na si Susie nang mga panahong iyon.
Maayos ang takbo ng negosyo noong una pero hindi nagtagal ay nalulong sa bisyo ang papa niya. Unti-unting naubos ang mga naging pundar nila dahil sa hindi mapigilang bisyo nito. Tuluyang bumagsak ang kabuhayan nila hanggang sa mismong ang marangya nilang bahay sa Maynila ay nabenta.
Mabuti na lamang at marunong magsinop ang kanyang ina. Lingid sa kaalaman ng asawa ay nakabili pala ito ng malawak na lupain sa probinsiya ng Bulacan. Doon sila umuwi matapos mailit ang kanilang mga ari-arian.
Sa Cofradia ng bayan ng Malolos sa Bulacan siya ipinanganak. Doon na rin siya lumaki at nagkaisip kaya matatas na Tagalog ang alam nilang gamiting magkakapatid. Maging ang mga magulang niya ay Tagalog din ang lengguwaheng gamit sa pag-uusap kaya kapag may mga kaklase siya noon na nagtatanoong kung bakit hindi siya marunong ng Mandarin ay napapaisip din siya. Ah, marahil nga ay tuluyan nang tinalikuran ng mga magulang ang bansang kinalakhan nito.
Sampung taon na ang bunso nilang si Zenaida nang pumanaw ang kanyang ina sa sakit na colon cancer. Nasa unang taon na siya ng high school noon. Dahil sa dalawang taong singkad nitong pagpapagamot ay halos naubos na rin ang lahat ng naipundar ng mama niya. Ang kaunting perang nagawang itabi ng ama ang ginamit nilang panimula subalit halos isang taon lang ang itinagal ng perang iyon.
Ang kanyang Ate Bia na kumukuha ng kursong Medisina noon ay huminto na rin sa pag-aaral. Ito na rin mismo ang nagpasya ng bagay na iyon pagkat alam naman nitong hindi na talaga kaya ng papa niya na itaguyod pa sila. Palibhasa ay likas na sa ama ang pagiging mahilig sa sugal, idagdag pa ang pag-inom nito dahil sa pangungulila sa mama niya, tuluyan na silang nagupo sa kahirapan.
Hindi nagtagal ay nagpasya ang Ate Bia niya na isanla ang kanilang bahay sa isang mayamang negosyante. Ang papa niya ay naging sunud-sunuran na lang sa desisyon ng kanyang mga kapatid. Kahit matigas ang ulo nito at hindi nila maawat sa pagsusugal at pag-inom ay hindi nila ito pinabayaan. Natatandaan pa niya ang huling pagtatalo ng kanyang Ate Bia at Ate Susie na hindi niya sinasadyang marinig noon.
“Kung gusto mong mabuhay ang mga kapatid natin, dapat ay alam mong hindi na natin kailangan si Papa. Tingnan mo nga kung paano niya tayo pinabayaan!” anang Ate Susie niya habang matatalim ang mga matang nakatingin sa kanyang Ate Bia.
“Huwag kang magsalita nang ganyan, Susie! Kahit ano ang mangyari ay ama pa rin natin siya—”
“—na nagpabaya nang husto sa atin!” Humihingal ito habang nagsasalita. “Nang mamatay ang Mama ay nahulaan ko nang ganito ang mangyayari pero kahit paano, umasa akong magbabago siya. Na mare-realize niyang marami tayong mga anak niya ang magugutom kung hindi siya magtitino…pero ginawa ba niya?” Pumatak ang luha nito sa pisngi. “Hindi, Ate…dahil sakim siya. Wala na siyang ibang inisip kundi ang sarili niya! Wala siyang karapatang matawag na papa!”
Isang malakas na sampal ang ibinigay ng kanyang Ate Bia rito. “Wala kang utang na loob, Susana! Kung wala ka nang makitang mabuting bagay kay Papa ngayon, alalahanin mo ang mga panahong itinaguyod niya tayo noon! Palibhasa ay hindi mo alam kung paano kang inaruga ni Papa! Hindi mo alam kung paano siya nahirapan sa pagiging sundalo…kung paano niya tiniis ang hirap na mapalayo sa atin para lang mabuhay tayo!”
“Ate…”
“Bata pa nga siguro ako noon pero natatandaan ko isang gabing umuwi siyang sugatan. May tama siya ng bala sa balikat at inakala niyang mamamatay na siya nang gabing iyon kaya pinilit niyang pumarito para lang makita ka. Ilang buwan ka pa lang na naipapanganak noon kaya gayon na lang ang pag-iyak ni Papa nang maisip na hindi na niya magigisnan ang paglaki mo. Alam mo ba ang bagay na iyon, Susie?!”
Mahabang iyak lang ang narinig niya sa kanyang Ate Susie hanggang sa narinig niyang hindi nagtagal ay nagkapatawaran din ang mga ito.