“HAPPY BIRTHDAY, Papa!” bati ni Victoria sa ama. Hinagkan niya ito sa pisngi at niyakap naman siya nito matapos magpasalamat.
“Mabuti at nauwi ka, anak. Ang akala ko ay hindi pa papayagan ni Ramona.” Sinulyapan nito ang mama niya at saglit na nag-usap ang mga mata ng mag-asawa.
“Mabait po sila sa akin, Papa. Noong nakaraang linggo pa nga nila ako pinayagan at nakita niyo naman, ipinahiram pa nila si Mang Ben para ihatid ako dito.” Nilagyan niya ng pancit at puto ang pinggan ng ama at inabot dito. Ganoon din ang ginawa niya para sa mama niya at Tiya Monica. Sa huli ay nilagyan niya ng pagkain ang sariling pinggan.
“Mababait talaga sila, anak at malaki ang utang na loob natin sa kanilang mag-asawa. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ka makatutuntong sa isang ekslusibong paaralan.”
“Oo nga po pero kung sakali man, makakatapos pa rin naman ako dito sa Sta. Barbara—”
“Pero hindi ka na makatutuntong ng kolehiyo. Sa uri ng trabaho ng papa mo, baka kahit dalawang taon ay hindi ka makapagtapos.”
“Papa naman…” Ibinaba niya ang pancit sa kaharap na mesa at lumakad palapit sa kanyang ama. Naupo siya sa tabi nito at saka siya humilig sa mga balikat nito. “Basta para po sa akin, kayo ang pinakamabuting papa at siyempre, si Mama naman ang pinakamabuti at pinakamagandang ina sa balat ng lupa.”
“Talaga?”
“Opo! At pagbubutihin ko ang pag-aaral para makapagtapos ako at makatulong sa inyo. Darating ang araw na hindi na po kayo kailangang lumayo para lang sa amin.”
“Sana nga, anak. At salamat naman na mahal mo kami ng iyong mama.”
“Naku, kayo talagang mag-ama ay puro kadramahan sa buhay.” Ang mama niya iyon habang sa mga kamay ay may hawak na isang katamtaman ang laking birthday cake.
“Wow, Mama, saan po galing iyan?” Paborito niya ang cake at na-excite siya nang makita iyon.
“Nariyan sa labas si Precious, anak. Siya at si Mang Ben ang may dala nito,” anang mama niya. Inilapag nito sa mesa ang cake at saka sinindihan ang isang kulay asul na kandilang naroon.
Nang tumingin siya sag awing pinto ay naroon nga at magkasunod na pumapasok sina Precious, Mang Ben at Tiya Monica niya.
“Happy birthday po,” nakangiting bati ni Precious sa papa niya na madali naman nitong tinugon. Nagbigay din ng pagbati si Mang Ben.
Sa isip ay napaismid siya. Paano niya kaya isusumbong ang babaeng ito sa mama niya kung napaka-plastic nito? Tiyak na hindi maniniwala ang mga magulang niya kung idadaing niya ang dinaranas sa mga kamay nito kaya siguro nga, tama lang na tumahimik na lang siya.
Nang sulyapan niya si Precious ay binigyan niya ito ng isang mapagpanggap ding ngiti at hindi nalingid sa matatalas niyang mga mata ang bahagyang paggalaw ng sulok ng mga labi nito. Umismid sa kanya ang bruha!
BUKAS ay maagang luluwas si Victoria kaya noong hapong iyon ay nagpaalam siya sa mga magulang na sasaglit sa mansiyon. Nagdahilan na lang siya ng kung anu-ano. Baka kasi kapag sinabi niya ang totoong plano niyang magpunta sa bayan para makita si Vince ay hindi siya payagan ng mga ito. Lihim na lang niyang dasal na sana ay hindi maisipan ni Precious na magpunta sa kanila. Kapag nangyari kasi iyon ay mabibisto siya sa gagawin niya. Hindi lang galit ng mga magulang at tiyahin ang haharapin niya, madadagdag na rin doon ang pagmamarakulyo ni Precious.
Mabuti na lang at kahit paano ay may naitabi siyang pera mula sa araw-araw niyang baon. Sa halip na maglakad ay nagawa niyang magpahatid sa tricycle na naningil lang ng beinte pesos. Halos labinlimang minuto lang ay naroon na siya.
Dali-dali niyang pinuntahan ang puwestong kinaroroonan kahapon ni Vince at bigla na naman siyag kinabahan nang muli itong makita. Napahinto siya sa paglalakad habang ang mga mata ay abala sa pagmamasid rito.
Si Vince naman ay abala sa pagtitinda ng sigarilyo at kendi sa mga dumaraang mamimili. Maganda ang puwesto nito, daanan ng mga sasakyang nag-aabang ng pasahero kumbaga, kaya hindi ito napapahinga sa ginagawa.
Kinakabahan man sa mangyayari ay humakbang na siyang palapit dito. Bahala na. Kung tulad kahapon ay sasabihin na naman nitong hindi siya kilala, puwes ay mapapahiya na ito ngayon! Dala niya ang ilang patunay ng pagsasamahan nila. Naroon ang batong ginamit niya sa pag-ukit ng kanilang mga pangalan sa matandang puno sa Ilaya. Dala rin niya ang ilang balat ng kendi, biscuit at kung anu-ano pang mga gamit na bumubuo sa mga alaala ng pagkakaibigan nila. Paniguradong hindi na papalya ang memorya ni Vince oras na makita ang mga iyon.
“S-Special…” anas niya. Agad namang nag-angat ng tingin si Vince. “K-kumusta ka na?” aniya sa pagitan ng mabilis na pagtahip ng dibdib. Hindi siya sanay nang binabalewala nito kaya ngayong ganoon ang ginagawa ni Vince ay hindi siya halos makapaniwala.
“Wala akong tindang siopao kung iyon ang special na tinutukoy mo. Tumabi ka diyan at baka mahagip ka ng mga dumaraang sasakyan!” Tulad kahapon ay masungit pa rin ito pero kahit paano, ang kaalamang nag-aalala ito sa kanya ay bumuhay sa munti niyang pag-asang hindi totoong hindi siya nito natatandaan bilang kaibigan.
“Wala pang isang taon, Vince…halos ay siyam na buwan pa lang pero nakalimutan mo na ‘ko?” Halis ay mapaiyak na siya habang tila balewala naman iyon rito at patuloy pa nitong nagagawang magbenta at sumigaw ng paninda nito sa panulukan ng kalyeng iyon. “Vince…”
“Tumabi ka ‘kako riyan, bata! Umuwi ka na nga at baka hinahanap ka na ng mga magulang—”
Yumakap siya kay Vince kaya’t napahinto ito sa pagsasalita. Sa dibdib nito ay ibunuhos niya ang halos isang taon ding pag-aalala at sama ng loob rito. “Huwag mo ‘kong kalimutan, Vince! Malungkot kapag wala ka! Hindi ko kayang magkaaway tayo!” aniya sa pagitan ng pagsigok. Naramdaman niya ang unti-unti rin nitong pagyakap sa kanya. Nang tingalain niya ito ay naroon at nakabadha sa mga mata nito ang pangungulila ngunit dagli rin iyong naglaho sa isang iglap.
“Umuwi ka na, Ikay. Hindi ka nababagay dito…hindi para sa’yo ang lugar na ito…”
Bahagya siya nitong itinulak. Hindi niya iyon pinansin at mula sa dala niyang pouch ay kinuha niya ang mga bagay na kanyang pinakakaingat-ingatan. Nagbago ang ekspresyon ni Vince nang makita ang mga hawak niyang gamit.
“Natatandaan mo ba ‘to? Ito ‘yung balat ng kending pinagsaluhan natin noon. Ang sabi mo noon, special ako sa’yo kaya sa akin na lang ito pero ang sabi ko naman ay special ka din sa akin kaya dapat ay hati tayo…”
Sumigok siya at muling nagpatuloy. “Ito, natatandaan mo pa?” Ipinakita niya rito ang balat ng biscuit na dala nito sa ikalawang beses na pagkikita nila sa library ni Don Igme. “Ang sabi mo, nanggaling pa ang biscuit na ito sa bukid, Araro kasi ang pangalan nito, ‘di ba? Sumakit ang tiyan ko katatawa noon. Puro ka kasi kalokohan, Uraro pala ang ibig mong sabihin…”
Sumunod naman niyang inilabas ang isang tuyot na balat ng saging. “Ito Special, sigurado akong hindi mo ito makakalimutan…ito ang unang beses na nagsalo tayo sa isang pananghalian,’di ba? May dala kang kanin at ulam naman ang dala ko. Nakakamay pa tayo noon at masaya tayong nagsusubuan. Nakalimutan mo na bang sinabi mong hindi ko iyon dapat gawin sa lahat ng lalaking makikilala ko? Hindi ko iyon nakakalimutan…dahil hindi rin kita kinakalimutan, Special. Bakit ikaw, ang bilis mo naman yata akong inalis sa isip mo?”
Hindi ito agad nakakibo. Tila hindi nito inaasahan ang mga sinabi at ipinakita niya kaya natulala na lang ito.
“Ito, hindi mo na rin ba natatandaan?” Ang hawak niya ngayon ay ang kapiraso ngunit matulis na bato na siya niyang ipinang-ukit sa katawan ng puno. “May twenty-one, Special…May twenty-one nang una tayong nagkakilala at naging magkaibigan…sa gitna ng ulan…”
Halos walang patid ang paglalaglagan ng mga luha ni Ikay. Kasabay niyon ay ang paghikbi niya. Halos ay wala nang paglagyan ang sakit ng loob na nadarama ng mura niyang puso.
Nang muli niyang tingalain si Vince ay inasam niyang magagandang salita na ang mga sasabihin nito…na aamuin na siya nito at sasabihing natatandaan na siya…na naghihinanakit lang ito sa kanya dahil hindi na niya ito nagawang hintayin noon para magpaalam dahil na rin sa pagmamadali ni Precious na lumuwas na sila ng Maynila…subalit bigo siya…hindi ang mga inaasahang magagandang salita ang lumabas sa bibig ni Vince…