Chapter 28

1595 Words
NATIGILAN si Vincent nang mapatapat sa kanyang puwesto ang dalawang naglalakad na babae. Si Precious nga. Maikakaila ba ito ng maamo nitong mukha? Ng malalamlam nitong mga mata at cute nitong ilong na noon ay lagi niyang pinagdidiskitahang pisilin? Ah, kahit anong anggulo ng dalagita ay makikilala niya ito. Masyadong malalim ang naging samahan nila para basta na lang niya ito makalimutan. Masyadong masakit ang mga alaala nitong iniwan sa kanya para basta na lang niya itong alisin sa kanyang memorya. “V-Vince…” anas nito na halos naglagos lang sa kanyang tainga. Napahinto sa paglalakad at ngayon ay nakatitig lang sa kanya habang ang kasama nito ay tila takang-taka sa reaksiyon nito. ‘Hi, Special! Kumusta ka na? Lalo kang gumanda at hiyang ka sa Maynila ah!’ Kung mababasa lang nito ang itinatakbo ng isip niya ay mababasa nito ang mga salitang iyon na ibig niyang bigkasin pero hindi. Hindi pa siya nababaliw para gawin iyon. Sa isang taong mahirap na tulad niya ay napakahalaga ng ego. Isa pa ay hindi niya malilimutan ang ginawa nitong pagtalikod sa kanya. Hindi ganoon kadaling limutin ang lahat para sa isang iglap lang ay batiin niya ito at magpanggap siyang walang anumang nangyari. Sinikap niyang diktahan ang isip. Nagkuwanri siyang hindi nakikilala si Ikay. Idiniretso lang niya ang paningin at nagpanggap na abala sa mga ginagawa pero ang totoo, masakit na masakit na ang loob niya sa mga sandaling iyon. Kung alam lang nito ang sayang sumapuso niya ngayong nakita na niya itong muli makalipas ang halos isang taon. “S-Special…ako ito…si Ikay!” Pinakunot niya ang noo para lalong maging effective ang pag-arte niya. Gayon man, kasabay ng ginagawa ay naiinis siya sa sarili. Kaytagal niyang inasam na makita ang dalagita at ilang beses din niyang isinaulo ang mga gagawin oras na magsanga ang landas nila nito. Bakit ngayon ay nangangapa siya kung ano ang tamang reaksiyon sa harap nito? Hindi ba at itinanim na niya sa isip na hindi niya ito kakausapin? Bakit ibig yatang matibag ng mga plano niya ngayong heto na si Ikay na halos ay maiyak na sa pagkakatitig sa kanya. “S-sino ka ba? H-hindi kita…kilala…” Kung hindi lumarawan ang pait sa mukha ni Ikay ay hindi niya iisiping naisatinig nga niya ang mga salitang iyon. Halos ay hindi na niya iyon marinig dahil ang totoo, tumututol ang kalooban niyang sabihin iyon. “Ikay, hindi ka raw niya kilala. Halika na at kailangan pa nating mamili.” Hinawakan ng katabing babae ang dalagita sa braso pero hindi agad ito natinag. Titig na titig pa rin ito sa kanya na hindi naman niya magawang salubungin ng tingin. Baka kasi kapag ginawa niya iyon ay hindi niya mapanindigan ang kanyang mga plano. Baka sa halip na iwasan ay mayakap pa niya sa labis na pagkainip ang kaibigan. “Tiyang kilala ko po siya…magkaibigan kami…” Kung maaari lang ay sumabad siya sa usapan ng mga ito at uyamin ang ginawang pantukoy ni Ikay sa kanya. Siya, kaibigan nito? Kaya ba pinagmukha siya nitong tanga kapupunta sa mga lugar na sinasabi nito at hindi naman ito dumarating? Kaya ba mas mahalaga ditong laging sumama kay Timothy noon at madali lang para dito ang hindi siya siputin sa kanilang usapan? Pagkaalala sa mga iyon ay kusang bumangon ang inis sa dibdib niya. “Hindi ko kayo kilala at nakakaabala na kayo sa akin…” maikli sibalut puno ng kasupladuhan niyang sabi. Dahil doon ay inirapan siya ng babaeng kasama nito. “Tara na, Ikay! Akala mo naman kung sino itong patpating ito!” himutok nito bago tuluyang tumalikod habang hatak ng isang kamay ang katabi. ‘Huwag mo nang sundan ng tingin, Vincent. Hindi siya nararapat sa atensiyon mo. Mula noon hanggang ngayon, hindi siya karapat-dapat…’ Yumuko si Vince at inabala ang sarili sa kunwaring pagtingin sa kanyang mga paninda. Nang mangawit ang leeg ay saka lang niya iniangat ang paningin. Tumingin siya sa direksiyon na pinuntahan ni Ikay at ng kasama nito pero kahit anino nito ay hindi na niya nakita. Noon lang siya napasulyap sa kanyang kamay at noon lang din niya naalalang may hawak pala siyang sigarilyo. Doon niya ibinunton ang inis. Itinapon niya iyon sa lupa at mariing tinapakan. “TINATANONG kita kung bakit ka sumuway, Victoria! Bakit hindi ka sumasagot?” Tulad kanina ay hindi natinag ang dalagita nang sigawan ni Precious. Malayo kasi ang isip niya. Naglalakbay iyon patungo kay Vince kaya hindi na niya alintana kahit marahil ang galit pa ng Tiya Monica niya. “Hoy!” Bahagya siya nitong itinulak. Noon lang niya ito nilingon. “P-pasensiya na, Precious…” “Anong pasensiya? Kanina pa ‘ko rito at kanina pa rin akong mukhang tanga!” Humakbang siya palapit sa isang puno ng bayabas. Tiningala niya iyon at saglit na binalikan sa isip ang mga panahong pinapanhik niya iyon. “Nagmamadali pa naman ako para puntahan ka, iyon pala ay nagpunta ka na ng bayan!” Nang muli niyang ibalik ang tingin sa kababata ay salubong na ang kilay niya. “Alam mo, ang ingay mo!” aniya rito. “Daig mo pa si Tiya Monica kung magalit…” “Huwag mo nga akong sinasagot ng ganyan, Victoria! Baka nakakalimutan mong marami kang lihim na ako lang ang nakakaalam?” “At baka nakakalimutan mo rin na halos isang taon mo na rin ‘yang isinusumbat sa akin? Paano ko naman ‘yan makakalimutan? Memorized ko na nga eh!” Muli siya nitong itinulak. “Huwag mo na ulit gagawin iyan, Ikay! Kapag inulit mo ay sinisiguro kong malilintikan ka kay Lola!” Sa narinig ay tuluyang bumangon ang inis niya rito. Saglit niyang nalimutan ang mga pinag-usapan nila at pinawalan muna niya ang galit. “Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangan mong gawin iyan! Una, bakit ba sumama ka pa sa akin dito sa probinsiya? Birthday ito ng papa ko kaya kailangan lang na umuwi ako at naintindihan naman ako ng parents mo. Eh ikaw? Pangalawa, kailangan ba talagang pagsundo ni Mang Ben ay kasama ka?” “Wala ka nang pakialam kung gusto ko ring umuwi rito. Bakit, hindi ko ba puwedeng ma-miss ang kuwarto ko? Madalang naman tayong umuwi ah—” “Tingnan mo na! Kapag nagsisinungaling talaga ay madaling mahuli! Hindi ba at sinabi mong si Doña Margaret ang nami-miss mo? Bakit ngayon ay ang kuwarto mo na?” Tumawa siya nang matinis na lalong ikinainis ni Precious. Itinulak ulit siya ng dalagita at dahil iyon na ang ikatlong pagkakataon, pumalag na siya. Dinuro-duro niya ito. “Sumosobra ka ng babae ka ha! Baka isumbong kita kay Mama Ramona pag-uwi ng Maynila!” “Ang yabang mo! Ako itong anak at ako pa ang isusumbong mo!” “Mabait ang mama mo at hindi nagmana sa’yo kaya bukas ang mga mata niya sa tama at mali! Lagi mo na lang akong ginaganyan, wala naman akong ginagawang masama sa’yo!” “Ang tigas kasi ng ulo mo!” “Eh bakit nga kasi kailangan mo ‘kong buntutan dito sa probinsiya? Kapag nasa Maynila naman ay hindi ka ganyan, ano ba meron dito?” “Wala! Masama bang ipakita natin sa pamilya mo na magkasundo tayo kahit hindi?” Umingos siya. “Ang plastic…” “Basta huwag mo na ulit gagawin iyan. Alam mo na ang mangyayari kapag umulit ka pa…” “Oo na!” patianod na lang niya. “Pero alam mo, kung nagkataong napaaga ka kanina nang pagdating ay malamang na kasama ka rin namin ni Tiyang sa bayan. Hindi ka naman tiyak magpaaiwan dito sa bahay kaya malamang ay nakita mo rin si Vince—” “Ano kamo?” “Ang sabi ko, tiyak na kasama ka namin—” “Nakita mo si Vince?” Nanlalaking mabuti ang mga mata nito. “Oo. Bakit?” Umiling ito. “O, kumusta naman? Nagyakap ba kayo? Nagbeso?” “Yuck, ano ba ang sinasabi mo diyan? Anong yakap at beso?!” “Ang arte mo!” singhal na naman nito. “So ano nga ang nangyari?” Malungkot siyang napailing. “Nabagok yata ang ulo niya sa bato eh…” “Ha?” “Hindi na niya ko kilala. Hindi na niya ‘ko natatandaan…” Pagkaalala sa kaibigan ay dagli siyang nakadama ng sakit ng loob. Nagbalik na naman sa isip niya ang eksena kanina sa palengke kung saan nakatulala lang siya kay Vince habang ang huli naman ay hindi siya pinapansin. Daig pa niya ang alien kung tanawin nito. “Hindi ka na kilala ni Vince? Paanong…paanong nangyari iyon?” Saglit na lumarawan ang pagtataka sa anyo ni Precious pero ilang saglit pa ay napangiti na ang ito sa kanyang pagtataka. “Ano’ng nakakatawa?” “Wala.” Nagkibit-balikat ito. “Kung ako sa’yo ay kalimutan mo na lang ang kaibigan mong iyon. Pagkatapos ng ginawa niya sa’yo ay nagawa mo pa siyang lapitan?” Lumabi siya. Kahit ano pa ang nangyari, hindi niya basta kayang itapon ang masasaya nilang alaala ni Vince. Naging kaibigan niya at kakampi ito noon kaya hindi niya ito basta puwedeng burahin sa memorya niya. Nakakalungkot lang na ito pala ay hindi ganoon sa kanya. Ipinagtataka rin niyang sa loob lang ng halos isang taon ay hindi na siya nito nakikilala. “Huwag mo nang lalapitan ang lalaking iyon. Ang babae ay hindi dapat lumalapit sa isang lalaki. Pabayaan mo siya sa gusto niyang palabasin.” Tiningnan niya sa mga mata si Precious. Nakikisimpatya ba talaga ito sa kanya? Bakit may nahihimigan siyang katuwaan sa paraan nito ng pagsasalita?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD