NAPADIRETSO si Victoria sa pagkakaupo nang marinig ang tinig ng ina. Mula sa pagmumuni-muni ay nabalik siya sa kasalukuyan.
“Magsabi ka nga sa akin ng totoo, Ikay, ikaw ba ay kinakatulong sa bahay ni Ramona?”
Bahagyang nagtaka ang dalagita. Kung sakali mang gayon nga ang nangyari ay hindi naman dapat mag-react nang ganoon ang mama niya. Hindi ba at noon pa malinaw ang magiging katayuan niya sa pamilya ni Ma’am Ramona? Kaya nga palagi siyang isinasama ng mama niya at ni Tiya Monica sa mansiyon para tumulong sa paglilinis ay dahil doon. Ibig daw ni Ramona na matuto siya ng mga gawaing bahay bilang paghahanda sa pagpisan niya sa mga ito sa Maynila. Ngayong nangyayari na iyon, bakit tila may galit sa himig ng mama niya?
“Bakit po? May problema ba kung sakali?”
“Wala naman, anak…” Saglit itong hindi nagsalita at tila nahulog sa malalim na pag-iisip. “Magsabi ka na kasi ng totoo. Ano ba ang mga trabaho mong ginagawa sa kanila?”
“Mama, wala nga. Ako ang namamalantsa at naglalaba ng mga damit ko. Nakakahiya naman kahit pa inaalok ako ni Mama Ramona na isabay na lang sa paglalaba ng maid nila ang mga damit ko. Alam niyo namang ayoko po nang ganoon.”
“Bukod doon, anak? Ano pa?”
“Wala na po,” kaila niya sabay alis ng kamay sa pagkakahawak nito. Inilipat niya iyon sa likuran ng ina at kunwa’y hinahagod iyon. “Napakabait po ng buong pamilya sa akin. Sarili ko ang oras ko at nagagawa ko ang gusto ko.”
Tinitigan siya ng mama niya. “Sigurado ka?”
“Opo.”
“Eh bakit parang ang tigas ng mga kamay mo?”
“Mama, natural lang iyon. May subject po kasi kaming Agriculture at pinagtatanim kami sa school kaya baka ganoon.”
Napatango ito. “Mabuti naman kung ganoon. Kung sakali namang utusan ka nila, ayos lang iyon anak pero matuto kang magsabi kung hindi mo na kaya. Kung hindi na kaya ng oras mo, maging tapat ka kay Ma’am Ramona at sigurado akong maiintindihan ka niya.”
Siya naman ang tumango para hindi na humaba ang usapan. Ngumiti na lang siya sa mama niya na nauwi na sa tuluyang pagngiti nang makita mula sa malayo ang paparating niyang tiyahin.
KINABUKASAN ay niyaya ni Tiya Monica si Victoria na magpunta sa bayan para mamili. Uuwi kasi ang papa niya at pinakiusapan ng kanyang ina ang nakatatandang kapatid na maghanda ng masarap na hapunan mamayang gabi.
“Tiyang, baka magalit po si Precious kapag hindi niya ako nadatnan sa bahay.”
Kanina ay nagpasabi si Precious sa mama niya na huwag siyang aalis dahil ipapasundo raw siya nito sa driver na si Ben. Kung dati ay nagtataka siya, ngayon ay hindi na. Iniisip na lang niyang paraan nito iyon para hindi makahalata ang mga magulang sa totoong situwasyon nila.
“Bakit naman siya magagalit?” tanong ni Tiya Monica habang sumasagsag sa paglalakad. Hindi nito alintana kung nababangga o nakakabangga man ito ng mga tao sa daan. Papasok na sila sa maliit na eskinita papunta ng simbahan kung saan naroon ang palengke.
“Nagpasabi po kasi siya kay Mama kanina. Huwag daw akong aalis at ipapasundo niya ako kay Manong Ben.”
“Hay naku! Minsan ka na nga lang umuwi dito sa atin, tapos ay hindi ka pa lalabas!”
“Alam niyo naman, laging nagmamadali iyon sa pagluwas.”
“Eh bakit kasi sumama siya sa’yo pag-uwi at ngayon ay nagmamadali siya ng pagluwas? Hindi ba at holiday naman sa Lunes? Tamang-tama nga at birthday ng papa mo bukas, sakto ang ginawa mong uwi.”
Napangiti siya. “Iyon nga po ang dahilan kung bakit ako umuwi, Tiyang. Itinapat ko po talaga sa birthday ni Papa.”
“Oo nga pero mas masaya siguro kung hindi mo kasama ang Precious na ‘yan. Mas enjoy dahil wala kang inaalala.” Tumawa ito.
Ang totoo ay nagtataka din siya kung bakit nga nagpilit pang sumama sa kanya si Precious sa pag-uwi gayong ang mga magulang naman nito ay nagpaiwan sa Maynila.
“Ang sabi niya, naiinip daw siya kay Doña Margaret.” Nagkibit siya ng balikat, pilit na iniaalis sa isip ang isang bahagi ng alaala na may kaugnayan sa matanda.
“Bueno, doon na lang siya sa mansiyon. Huwag na niyang abalahin ang sarili niyang dumayo sa atin. Huwag ka na rin kamo niyang ipasundo dahil dati ka namang nakakapunta sa mansiyon nang mag-isa.”
“Sinabi ko na po iyon nang maraming beses sa kanya pero nagagalit lang sa akin.” Pinatulis niya ang nguso. Magkokomento pa sana siya nang may mula sa karamihan ng mga tao ay may mahagip siya ng tingin. “V-Vince…?”
“ANO bata, nakaubos ka na ba?”
Umiling si Vincent sa tanong na iyon ni Tonio. Sinulyapan niya ng tingin ang kanyang mga paninda. “Napakatumal ngayon,” tugon niya.
Napangiti muna si Tonio bago nagbitiw ng isang birong may kasamang mura. “Kung hindi nasunog ang looban ay hindi magkakaganyan! Napakalaki ng ibinagsak ng palengke mula nang matupok iyon!”
Ang tinutukoy nito ay ang pagkasunog ng loob at likod na bahagi ng malaking palengke. Nangyari iyon ilang linggo na ang nakararaan pero ang epekto niyon ay ramdam pa rin nila hanggang ngayon. Madalang ang mga taong nagpupunta at namimili sa bayan. Marahil ay naiinis sa anyo ng palengkeng nalinis man ay sadyang magulo pa rin kung pagmamasdan.
“Hindi bale, sasampa ako mamaya sa mga jeep para makapag-abot.”
Tinapik siya nito sa balikat. “Huwag na, bata! Alam mo namang hindi ako naghihintay ng buwis sa’yo! Nangungumusta lang ako.” Lumitaw ang madidilaw nitong mga ngipin sa paraan ng pagkakangiti nito.
“Salamat, bossing!” Inabutan niya ito ng isang kaha ng Marlboro lights pero binuksan lang nito iyon at saka kumuha ng isang stick at muling ibinalik ang kaha sa kanya. “Sa’yo na ‘yan, bata! Pandagdag mo!” Ngumisi ito.
“Salamat,” anas niyang halos ay hindi na narinig ng patalikod nang si Tonio. Nasundan na lang niya ito ng tingin, pagkuwa’y yumuko siya at kumuha ng isa ring stick mula sa kaha ng hawak na sigarilyo. Sinindihan niya iyon at saka hinithit, ibinuga at muling hinithit.
Nang iangat niya ang paningin ay muli siyang nagbuga ng usok. Bahagyang nanlabo ang paningin niya dahil sa pagkakatakip ng usok sa kanyang harapan. Nang tuluyang humalo iyon sa hangin at malinaw na niyang natatanaw ang mga nagdaraang mga parokyano ni San Agustin ay agad na tumahip ang dibdib niya. Isang pamilyar na bulto ng isang babae ang naglalakad hindi kalayuan sa kanya. May kasama itong babaeng nasa katanghalian ang edad at may hawak na bayong.