PAUWI na si Victoria galing sa mansiyon ng mga Agoncillo nang may makita siyang binatilyong naglalakad na animo ay hindi pansin ang malalaking patak ng ulan. Napakunot ang noo niya sa pagkakatingin dito.
“Magpapakamatay ba ‘yun?” bulong niya sa sarili habang nakamasid dito. Siya ngang nakapayong na ay nilalamig na, ito pa kayang malayang binubugbog ng ulan? Mukhang tatangayin na rin ito ng hangin sa sobrang kapayatan.
“Kuya, sumilong ka muna!” sigaw niya rito sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Nilingon siya nito at sumenyas ito pero hindi niya iyon maintindihan. Halos ay lamunin na ito ng malakas na bayo ng hangin at ulan. “Ha?!” sigaw niya. Muli itong sumenyas kasabay ng pagsigaw pero hindi niya talaga ito maintindihan. Lumakad siya papunta sa kinaroroonan nito at at laking gulat niya nang bigla nitong sunggabin ang hawak niyang payong. “Ay, ano ba!” sigaw niya sabay hampas sa braso nito.
“Sorry, Miss! Pasilong naman, please!” anito habang nangangatog na sa ginaw. “Ako na ang maghahawak nito,” muli nitong sabi na ang tinutukoy ay ang payong. Saglit siyang natigilan nang mapagmasdan ang kabuuan ng anyo nito.
‘Huwag kang magtitiwala sa mga taong hindi mo kilala, Victoria!’ anang nanay niya sa kanyang balintataw. Para pa niyang naririnig ang istriktang boses nito.
‘Tama ang mama mo. Huwag kang makikipag-usap kahit kaninong estranghero. Maraming gago sa paligid,” dagdag namang paalala ni Tiya Monica.
“Ah…Kuya, ano po kasi…hindi po puwedeng ano eh…” Hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin nang magsimulang maglakad ang binatilyong may hawak ng payong. Awtomatiko naman siyang umagapay dito. “Kuya…” muli niyang tawag na ikinalingon nito.
“Ano iyon?”
Sasabihin na sana niya ang nasa isip nang mapagmasdan ang mga mata nito. Saglit siyang natigilan habang nakatunghay sa mga matang iyon.
“May sasabihin ka, Neneng?” anito.
Bahagya siyang nainsulto sa narinig. She was already in Grade Six, twelve years old and pretty, according to many. Bakit ganoon na Neneng ang itatawag ng lalaking ito sa kanya?
“Mukha pa ba akong neneng sa paningin mo?” sikmat niya kasabay nang pagtaas ng mga kilay.
“Aba’y oo naman,” tugon naman nito na napangiti.
Hindi niya alam kung tama ang kutob niyang pinagtatawanan siya ng Behong ito. Lalo nang umusok sa galit ang bumbunan niya.
“Hindi na ‘ko bata, FYI!” napalakas niyang sabi.
“Ano naman iyong FYI?” taka nitong tanong.
Ibig niyang magtawa. Siyang alam ang ibig sabihin ng acronym na iyon ay tinatawag nitong Neneng samantalang ito pala sa kanilang dalawa ang nuknukan sa kainosentehan!
“FYI - for your info! Para iyon lang ay hindi mo alam? Ang lakas naman ng loob mong tawagin akong Neneng.”
Nabigla siya nang sa halip na mapahiya ay nagtawa ang binatilyo.
“Ano’ng nakakatawa?”
Umiling ito kaya dinunggol niya ito sa braso.
“Hindi ako natatawa…natutuwa lang ako sa’yo,” anitong muli na namang yumugyog ang mga balikat.
“Bakit ba?! Naiinis na ako ha!”
Saglit pang tumawa ang lalaki bago tumahimik. “Sorry, ‘Neng ha…Natutuwa lang talaga ako sa’yo.”
“Mukha ba akong clown at tuwang-tuwa ka diyan?”
Muli itong umiling. “Hindi sa ganoon. Para ka kasing ‘yung isang kapatid ko—masyadong pikon…saka nagpipilit nang magdalaga…”
Sa halip na kumalma ang loob niya ay lalo pa siyang nabuwisit. “Intsik ka ba?” masungit niyang tanong dito.
“Ha? Bakit?”
“Ang liliit kasi ng mga mata mo…at ang kutis mo, sobrang puti…”
“Maputi ka rin naman—”
“Alam ko! Pero Intsik ka nga ba? Sagutin mo ang tanong ko,” pangungulit niya sabay hinto sa paglalakad.
“Importante ba iyon, gayong tuwid naman akong managalog?”
“Oo, importante. Intsik ka ba o hindi?”
“Oo na. Intsik ang parents ko pero dito na kami nagtira buhat nang—”
“Tabi diyan!” aniya saka itinulak ang lalaki sa ulanan. Sinikap nitong muling makisilong pero inilayo niya ang payong kahit pa nga maging siya ay nababasa na rin ng ulan.
“Bakit ba? Ano ang kinalaman ng pagiging Intsik ko sa payong? Akin na iyan at pareho na tayong basa!”
Dumukwang ito para kunin ang payong pero muli niya iyong inilayo rito. Ang isa niyang kamay ay itinukod pa niya sa dibdib nito para pigilan ito sa pagpupumilit.
“Galit ang pamilya ko sa mga Intsik dahil malaki ang atraso nila sa amin, kaya lumayo ka sa akin!” tungayaw niya.
“Okay pero baka puwedeng mamaya na lang natin iyan pag-usapan pagdating sa bayan! Magpayong muna tayo at pareho na tayong basang-basa ng ulan!”
Dumukwang na naman ito at sa pagkakataong iyon ay makukuha na nito ang payong kaya binitiwan na lang niya iyon para dalawang kamay na ang maitukod niya sa dibdib nitong halos ay nakadikit na sa mukha niya.
Nang lingunin niya ang payong ay tinatangay na iyon ng malakas na hangin patungo sa kung saan. Alanganin namang habulin niya iyon dahil magmumukha lang siya lalong katawa-tawa sa harap ng lalaking ito.
“Tingnan mo ang ginawa mo!”
Napalingon siya rito nang maramdaman ang bahagyang p*******t ng kanyang mga braso. Mahigpit pala nitong hawak ang mga iyon.
“Hindi mo iyon dapat ginawa! Kung ayaw mo akong pasilungin, sana ay nagtatakbo ka na lang palayo! Tingnan mo ngayon! Paano kung pati ikaw ay magkasakit?!”
Malakas pa rin ang ulan pero malinaw niyang narinig ang bawat salitang binitiwan nito. Hindi niya alam kung alin sa mga sinabi nito ang tumusok sa dibdib niya pero tinamaan talaga siya. Guilt marahil. Napayuko siyang bigla.
“Halika na nga, tumakbo na lang tayo sa punong iyon!”
Ginamit niya ang mga palad para ihilamos sa basang-basa na niyang mukha. Noon lang niya natanawang mabuti ang punong itinuturo nito. Hindi iyon kalayuan sa kanila kaya nang hawakan nito ang kamay niya at saka siya hinatak patakbo ay tumalima na lang siya nang walang tanung-tanong.