Chapter 12

1207 Words
“SO, doon ka nakatira sa malaking bahay na iyon?” hindi makapaniwalang tanong ni Vincent sa dalagitang katabi sa ilalim ng mayabong na puno ng mangga. Saglit na tumingin ito sa kanya bago nagsalita. “Oo, doon nga. Bakit?” Noon tuluyang nanlaki ang mga mata niya. Kung sa villa na natanaw niya galing ang dalagitang ito, nangangahulugan lang iyon na hindi ito ordinaryong tao. May sinasabi sa lipunan ang angkan na kinabibilangan nito. Pero bahagya siyang nagtaka sa ayos nito. “Kamag-anak ka ng mga Agoncillo?” tanong niya nang hindi na matiis ang tanong na iyon sa isip. “Bakit? Hindi ba obvious?” Niyuko nito ang sarili at saglit itong namula nang mapagmasdan ang suot nitong damit. “Ah, ito ba? Iniisip mong nagsiisnungaling ako dahil sa ayos ko?” “Hindi naman sa ganoon—” “Mabait ang Lolo Mac ko at kahit mayaman kami, pinalaki niya kaming hindi malalaki ang ulo. Kung itong damit ko ang iniisip mo, ito kasi ang suot ko kanina nang pinaglinis niya ako ng library.” “Library? may library ang mga Agoncillo?” Iniliyad nito ang dibdib at saka muling bumida. “Sa laki ng bahay namin, kahit magkotse ka sa loob ng bahay ay puwede!” Lalong nanlaki ang mga mata niya. Library…books…kung gayon ay maraming libro sa loob ng bahay ng dalagitang ito! “Alam mo bang mahilig akong magbasa ng libro?” tanong niya sa dalagita. “Ah, talaga?” sagot naman nitong tila biglang naging interesado. “Oo. Nag-aaral din ako…diyan sa Filomena, Second year na. Ikaw?” “Grade Six…diyan sa Mababang Paaralan ng barrio natin.” Hindi niya naagapan ang ngiting sumilay sa mga labi niya. “Natatawa ka na naman!” bulalas nito at saka muling sumimangot. Noon niya napansin ang kabuuan nito. Sa unang tingin kasi ay ordinaryo lang ang ganda nito pero habang pinagmamasdan pala ito ay lalong tumitingkad ang inosente, pero maganda nitong mukha. Lampas balikat ang unruly nitong buhok, balingkinitan ang pangangatawan at sa murang edad nito ay masasabi nang hindi pahuhuli sa iba ang tindig nito. Kaakit-akit ang hugis puso nitong mukha kaya’t kahit magulo ang buhok nito ay mapapansin pa rin ang angkin nitong ganda. Expressive ang mga mata nito at makakapal ang mga kilay na animo ay hindi sa isang bata. Cute ang maliit ngunit matangos nitong ilong, bagay na bagay sa hugis ng mukha nito. Ang mga labi naman nito ay may kaliitan na sa tuwing bubuka upang magsalita ay hindi niya maiwasang hindi sundan ng tingin. She was really pretty…gorgeous, actually, but still young…and unbelievably rich! Sa lahat ng mga adjectives na naisip niya ay iyon na marahil ang pinakatumatak sa kanyang isip. Rich. Mayaman ito at hindi ito basta-basta dapat nakikihalubilo sa isang tulad niya. Inilayo niya ang tingin mula rito at nagkunwang abala sa pagmamasid sa malawak na parang na kasalukuyang nilulukuban ng biyaya ng ulan. “Hindi kita pinagtatawanan, Neneng. Natutuwa lang akong makakakilala ng isang mayamang batang tulad mo,” pagkuwa’y sabi niya rito. “Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi na ako bata? Grade Six na ‘ko! Dalaginding na!” “Okay!” aniyang muli na naman sanang magtatawa kung hindi lang niya nakita ang halos maiiyak nang mga mata ni ‘Neneng.’ “Sorry na. Sige, mula ngayon ay hindi na kita tatawaging bata. Ano pala ang pangalan mo?” Ito naman ang naglayo ng tingin at matapos ang ilang sandaling pagtahimik ay saka ito muling lumingon sa kanya. “P-Precious…Precious ang pangalan ko.” “Precious? Napakagandang pangalan…bagay sa’yo,” aniyang totoo sa loob. Sa edad ng batang ito, dapat ay sa laruan ng piko niya ito nakikita. Sa bagay, matay man niyang isipin ay hindi papasang manlalaro ng piko ang dalagita. Mas bagay ritong maglakad sa entablado habang may suot na matataas na takong at taas-noong naglalakad sa harap ng maraming tao. ‘Bingo! She could pass a beauty contest audition!’ “O-oo. Nag-iisa akong apo ni Don Macario Agoncillo. Ako ang anak nina Fred at Ramona, ang panganay na anak ng mga Agoncillo. Ang dalawa pang kapatid ni…Mommy ay wala sa bansa at kasalukuyang nagpapakadalubhasa sa pagka-doctor sa America.” Napatango siya. Bigla ay nakadama siya ng pagkapahiya sa sarili. Kung asarin niya ito kanina ay ganoon na lang samantalang ito pala ang nag-iisang tagapagmana ng mga Agoncillo. “Sorry pala kanina ha. Hindi ko naman gustong pagtawanan ka. Naalala ko lang talaga sa’yo ang kapatid ko…” “Huwag mo nang ituloy…” Tumingin ito nang masama sa kanya. “Hindi ako nagpipilit na magdalaga, okay.” Tumango siya. “Puwede ba tayong maging magkaibigan?” Nabigla siya nang suklian siya ng isang matamis na ngiti ni Precious. Patutulugin kaya siya ng ngiting iyon mamaya? “Sure. Ano naman ang pangalan mo?” Nakangiti pa rin ito at ang prominenteng biloy sa magkabilang pisngi ay animo nagyayabang kasabay ng ngiting iyon. “Vincent pero Vince na lang para mas maikli.” Inilahad niya ang isa niyang palad dito na agad naman nitong inabot. “Mula ngayon ay magkaibigan na tayo ha.” “Sige.” Nasa ganoon silang tagpo nang biglang gumuhit sa langit ang isang pagkatalim-talim na kidlat. Kasunod niyon ay ang pag-alingawngaw ng malakas na kulog. Napasigaw si Precious at nagsumiksik sa kanya. “Kidlat at kulog lang iyan,” aniya. May kung anong pagkaaliw siyang nadama sa pinakasulok ng dibdib. Iniangat niya ang kanang kamay at saka marahang hinagod ang likuran ng dalagita. Sa simula ay tila hindi ito palagay at umaktong aalisin ang kamay niya pero nang muling kumidlat ay tuluyan na itong sumiksik sa kanyang pipis ding katawan. Bilang tugon ay umakbay siya rito. “Natatakot ako, Vince. Takot ako sa kulog…” “Nandito lang ako at hindi kita iiwan, okay.” Luminga siya sa paligid. Delikadong magtagal sila doon dahil matatalim ang mga kidlat. Baka maparis sila sa isang kakilala ng Ate Susie niya na diumano ay tinamaan ng kidlat habang nasa bukid. “Mas malapit ang mansiyon ninyo kaysa sa bahay namin, Precious. Kung tumakbo kaya tayo hanggang makabalik sa inyo?” “Ha? Ayoko!” Napakunot ang noo niya sa matigas nitong pagtanggi. “B-bakit? Ayaw mong umuwi?” “Makakagalitan ako ng yaya ko oras na makita akong basang-basa ng ulan. Baka makagalitan ka rin...” “Paano?” “Huwag na tayo sa amin tumuloy!” anito saka saglit na nag-isip at pagkaraan ay muling tumingin sa kanya, “sa inyo na lang.” “Naku…hindi rin puwede sa amin…” “Tara na!” Humawak ito sa braso niya. Nang muling gumuhit ang liwanag sa kalangitan ay naramdaman niyang humigpit ang pagkakahawak nito. “Masikip sa bahay namin…madilim, saka pangit.” “Ayos lang. Ang mahalaga ay magkaroon tayo ng masisilungan—” “Pero hindi talaga puwede! Isa pa ay malayo ang sa amin…” “Saan tayo pupunta?” Natahimik siya at ibinalik ang tingin sa malawak na parang na nasa kanilang harapan. Parang sagot naman ng langit na unti-unting tumila ang ulan. Nagkatinginan sila. “Hihinto na yata,” aniya rito. Niyuko niya ang sarili at saka hinubad ang suot na jacket. Napangiti siya nang takpan ni Precious ang mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD