Chapter 13

1299 Words
ISANG nakalilitong karanasan para sa batang si Victoria ang makakita ng lalaking naghuhubad kaya naman agad niyang tinakpan ang mga mata. Kung makikita lang ng mama niya at Tiya Monica ang situwasyon niya ngayon, tiyak na kurot sa singit ang kanyang aabutin. Heto at katabi siya ng isang binatilyong ngayon lang niya nakilala pero naghuhubad na sa kanyang harapan. “Ano ba? Huwag ka ngang maghubad!” malakas niyang sabi sabay hampas ng kamay rito. Nang maramdaman ng palad niya ang kahubdan ng katawan ni Vincent ay lalo na siyang naalarma. Litong-lito siya sa iba’t-ibang klase ng damdaming isa-isang pumapasok sa kanyang sistema. “Isusuot ko lang naman ito sa’yo…” Nagdilat siya ng mga mata at saka tumingin kay Vincent. Nakahubad nga ito pero hindi naman siya nailang. Epekto iyon marahil ng pagkakangiti nito. Friendly smile, wika nga. “O, sa’yo muna,” anito sabay abot ng damit nito. Nang kunin niya iyon ay saka nito muling isinuot ang jacket nitong hawak. “Basa na ang jacket kaya ito na lang ang sa akin. Mabuti na lang at naisipan kong magsuot nito. Bahagyang malamig lang iyang damit ko pero hindi naman basa tulad nito.” Ngumiti ito sa kanya. “Sure ka? Baka malamigan ang likod mo…” alanganin niyang tanong pero tumalima naman siya at madaling isinuot ang damit. “Gumaganti ka ha,” biro nito. “Alam kong patpatin ako at mukhang sakitin…Actually, totoo iyon pero okay naman ako, kaysa naman ikaw ang magkasakit.” Gusto sana niyang ayunan ang sinabi nito. Kung titingnan kasi silang dalawa, mas mukha talaga itong masisipon kaysa sa kanya pero hindi na niya isinatinig ang nasa isip. Insulto namang masyado iyon, lalo pa at nagmamagandang loob lang ang lalaki. Lamang ay hindi niya maiwasang hindi mag-aalala para sa kapakanan nito. Dito na rin nanggaling na sakitin nga ito pero siya pa, kaysa sa sarili nito ang naisip nitong protektahan. “Salamat ha,” aniya. Agad siyang nakadama ng guilt. Inaway-away niya ito kanina pero ngayon ay nagmagandang-loob pa ito sa kanya. “Sorry na rin…kung hindi ko itinapon ang payong…hindi sana—” “Ayos lang iyon. Nainis ka lang talaga siguro sa akin kaya mo iyon nagawa. Pasensiya ka na din; hindi ko naman iyon sinasadya.” Tumango siya at kiming ngumiti, pagkuwa’y tiningala niya ang puno. Unti-unti nang tumitila ang ulan. Tikatik na lang halos iyon. Nilinga niya ang katawan ng puno at saka muling ibinalik ang tingin kay Vincent. “Anong date ngayon?” nakangiti niyang tanong dito. Saglit itong nag-isip at saka sumagot. “May 21…bakit?” Hindi siya tumugon. Sa halip ay kinuha niya ang isang maliit pero matalim na batong malapit sa kanya at saka inilapit ang sarili sa puno. Nagsimula siyang umukit doon habang nakamasid si Vincent. “Vince and Ikay…teka, ano iyan?” tanong ni Vince. “Sino si Ikay?” “Ah…ako rin iyan…Iyan ang palayaw ko. Sorry kung hindi ko pala nasabi…” “Parang ang layo naman ng Precious sa Ikay?” taka nitong tanong. “Ano kasi…utal kasi ako noong bata kaya ang bigkas ko daw sa ‘ikaw’ ay ‘ikay’…iyon ang dahilan kung bakit naging Ikay ang palayaw ko,” mahaba niyang paliwanag. Muntik na siyang mabuking nito. Napatango si Vincent habang nakamasid pa rin sa kanya. “Mula sa araw na ito, friends na tayo. Tandaan mo ang date ha…” Kinindatan niya ito at saka niya iniukit ang 05-21-09 sa katawan ng puno. Nasiyahan siya nang matapos sa ginagawa. “Okay ah,” komento ni Vincent habang tila nasisiyahan din sa pagkakatunghay sa puno. “Talagang documented…” “Siyempre…para kung hindi na tayo magkita, kahit paano ay may alaalang nagkakilala tayo isang araw na maulan sa bahaging ito ng Sta. Barbara.” “Huh? Bakit naman? Aalis ka ba?” Nang magtama ang paningin nila ni Vincent ay may kung anong lungkot siyang nakapa sa dibdib. Nakakatawa iyon pagkat ngayon lang naman niya ito nakilala. Kung si Virgie ito, o kaya ay si Caloy na mga kaibigan niya, mauunawaan pa niya ang sarili sa klase ng emosyong iyon, pero si Vince? Isang bagong kakilala? “Pupunta ako ng Maynila sa pagtatapos ng taon. Doon ako mag-aaral…” Seryoso ang mga mata nitong nakatuon sa kanya. “Tagaroon naman talaga kami,” aniyang ibig mapakagat ng labi sa sunud-sunod na kasinungalingang pinagsasasabi. Hindi naman talaga siya sinungaling, kaya lang ay napasubo na siya sa paghahabi ng kuwento tungkol sa buhay niya. Hindi na niya kayang bawiin ang mga nasabi na niya kay Vincent. “Kung taga-Maynila kayo, bakit ang sabi mo ay dito ka sa Sta. Barbara nag-aaral?” Napakunot ang noo nito. Saglit siyang natigilan. Ang hirap talagang gumawa ng kuwento…pero hindi siya maaaring mabuko ni Vincent. Kahiya-hiya naman kung matutuklasan nitong nag-iilusyon lang siyang maging isang katulad ni Precious. “Oo pero naiinip kasi ako sa mga lolo at lola ko kaya nakiusap ako sa parents ko na dito ako mag-aral noon, pero sa susunod na school year ay lilipat na ako ng school. Sasama na talaga ako kina Daddy at Mommy para sa Manila mag-aral.” Hindi kumibo si Vincent at nakakailang ang mahabang sandaling namagitan sa kanila. Basta nakamasid lang ito sa papahinang buhos ng ulan. Seryoso itong nakamasid sa paligid at tila nalimutan na ang presensiya niya. Sa wakas ay lumingon din ito sa kanya makalipas pa ang ilang sandali. Nakangiti na ito pero alam niyang hindi sinsero ang pagkakangiting iyon. “Tara na. Tila na ang ulan,” wika nito sa kanya. Tumayo si Vincent at saka nito inilahad ang isa nitong kamay. Tinanggap niya iyon at saglit pa ay sabay na silang nagpapagpag ng dumi sa kanya-kanya nilang mga pang-upo. Hindi niya alam kung nahalata nitong sinasadya niyang pagtagalin ang ginagawa. Para kasing ayaw pa niyang umuwi. Ganoong-ganoon ang nararamdaman niya sa tuwing nakikipaglaro siya ng piko o Chinese garter kay Virgie at Eloisa at bigla na lang eeksena ang sino man sa mama at Tiya Monica niya. Parang…parang ayaw pa niyang mahiwalay rito. Naramdaman niya nang alalayan siya ni Vince sa braso. Magkaagapay silang naglakad nito pababa sa main road. Wala silang kibuan. Gusto man niyang magsalita ay parang nahihiya siya rito kaya hindi na rin siya kumibo hanggang sa magpaalam na ito sa kanya. “Babalik ka na siguro sa mansiyon dahil basang-basa ka, hindi ba? Ipaliwanag mo na lang sa yaya mo ang pagkawala ng payong mo kanina.” Ngumiti ito at tila nagbalik naman ang sigla sa boses nito. “Ah, oo. Pauwi ka naman sa gawing iyon, hindi ba?” Itinuro niya ang kabilang bahagi ng daan na ang totoo ay siya rin naman niyang dadaananan mamaya kapag nakaalis na ito. “Oo. O, sige, mauna na ako.” Tumango siya. Ibig-ibig niyang sabihin ditong magkita pa sana sila sa mga susunod na araw pero ano naman ang idadahilan niya rito? Isa pa, bakit naman niya gugustuhing makipagkita pa kay Vince? Aayain din ba niya itong maglaro? Umaasa ba siyang magkakaron din siya ng special friendship dito tulad ng samahan nila ni Caloy? Nang tumalikod si Vincent ay wala siyang nagawa. Ilang ulit na bumuka ang mga labi niya para sana tawagin ito pero sa huli ay hindi naman niya naitutuloy ang balak. Malayo na ito ay habol pa rin niya ito ng tingin at hindi niya alam kung bakit siya naiinis na ni isang beses mula kaninang magpaalam ito ay hindi na siya nito nilingon. Nang makita niyang lumiko sa gawing kanang direksiyon ang lalaki ay nagsimula na siyang humakbang. Noon lang niya napansing suot pa rin pala niya ang damit na bigay ni Vincent. Napabuntong-hininga siya kasabay ng pagkakangiti. May pag-asa pa. Ang damit na iyon ang sign na muli pa silang magkikita ng bago niyang ‘kaibigang si Vincent.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD