“Aradelle,”
“Pssst!”
“Isa, Ara! Wag mo akong pilitin,”
“Magda—”
“Ito na gising na. Di ba nga? Ano ba yon, Ate?” himutok ko nang sa wakas ay bumangon na ako sa aking kama.
Gambalain na ang tulog ko, wag lang banggitin ang buo kong pangalan at talagang maghahalo ang balat sa tinalupan.
“Shhh! Ang ingay naman,” bulong ni Ate saka tinatabunan ang bibig ko.
“Ano na naman ba?” tanong ko rito saka ginulo ang buhok ko dahil sa iyamot.
Malalim na ang gabi at dapat ay ipagtutulog na.
Unti-unti nitong inalis ang kamay sa bibig ko. “Tara?”
Nangunot ang noo ko. “Ano? Saan?”
“Alam mo na yon,”
“Ate! Pahamak ang hanap mo,” gigil na bulong ko at panay ang lingon sa palibot ng kwarto sa takot na baka mamaya ay may magising at magsumbong kina Superiora na gising pa kami.
“Ara, ibang lugar naman ang pupuntahan natin,”
“Ano? Eh di mas nakakatakot. Hindi natin alam ang lugar na iyon, baka mamaya ay mamali tayo ng kalkula ng oras,”
Bumuntong-hininga si Ate at nag cross-arms, “O si Manang Magdalena, aayaw na naman.”
Umirap pa ito na parang ako pa ang kontrabida at mali.
Haayst! Hindi ko talaga minsan lubos maunawaan kung sino ba talga ang panganay saming dalawa.
22 na si Ate samantalang ako ay papadise-otso pa lamang bukas.
Laking gulat ko nang isa-isang nagsibangunan ang mga kasamahan ko sa kwarto at nagtipon sa tabi ko.
“Aradelle, sige na, ngayon na lang ulit eh. Kaya ka nga namin sinasama kasi nga baka di ka matahimik, eh di bantayan mo na lamang kami, kagaya ng dati,” sumamo ni Lori, ang isa sa mga pinipilit na magkaibigan daw kami.
“Planado na ito?” bulalas ko sa gulat.
Nagsingisihan ang mga ito at magkadaop pa ang mga palad sa pagsumamo sakin.
“Ayan, magkampihan pa kayo sa paggawa ng mali,” iyamot na saad ko.
Tapos itong si Ate, konsintidor talaga, laging nangunguna sa mga kalokohan.
Napabuntong-hininga na lamang ako at napahilamos ang dalawang kamay sa mukha.
“Isang oras.” Sabi ko.
“Dalawa! YEY!” sabi ni Ate at impit ang mga sigawan ng mga kasamahan ko.
Tsk! Haay!
Tumayo na ako at hinanap ang tsinelas ko.
Pagkatapos na suotin ang tsinelas ay pinusod ko ang mahaba, maitim, at tuwid na tuwid kong buhok. “Isang oras at kalahati lamang ang palugit ko sa inyo o ako mismo ang magrereport kina Superiora ng mga kalokohan ninyo.”
“Opo, Manang!” biro pa ni Ate na mas kinagulat ko ang paghubad ng puting pantulog namin at nakapailalim ang isang kulay pulang dress.
“Ate, bawal iyan! Bawal ang magsuot ng mga damit na maaaring makita ang balat,”
Umirap lamang si Ate, dumila pa na animo’y walong tauning gulang lamang.
ARGH!! Malaking gulo talaga ito.
“Ang ganda mo talaga Serena,” sabay-sabay na puri ng mga kasamahan ko sa kwarto na isa-isa na ring naghubad ng kanilang mga pantulog.
Jusko! Ano ba naman ang mga naiisip nila?
“Let’s go!” hirit ni Ate Serena at nagpaumuna nang lumabas sa bintana sa likuran ng kwarto namin.
Hinintay ko muna silang makalabas lahat bago ako sumunod. Ako na ang pinakahuli.
Nang maisara ko ang bintana at humarap sa kanila, puro mapang-usig lamang na mga tingin ang tinapon nila sakin.
Hindi na kasi ako nag-abalang magbihis, itong pantulog na lamang namin.
“Oh bakit? Magbabantay lang naman ako sainyo,” walang-emosyon na sabi ko saka naglakad na.
Nang makarating kami sa bungad ng gubat ay isa-isa na kaming naglabas ng flashlight.
Ito ang gubat na naghahati sa dormitoryo naming mga babae na nag-aaral para maging mga madre at ng mga lalaking nag-aaral naman upang maging mga pari.
Kapag binaybay raw ang kahabaan ng gubat pahalang, itong espasyo sa gitna ng dalawang dormitoryo, sabi-sabi ay may napakaganda raw na lawa roon sa dulo.
“Grabe, sobrang excited ko nang makita iyong bagong transfer,” giliw na sabi ni Jen, isa sa mga kasamahan ni Lorin habang binabagtas ang kakahuyan.
“Oo nga. Sobrang gwapo raw,” hirit pa ni Lori.
Napairap na lamang ako. “Maghunos-dili kayo sa mga sinasabi niyo. Alam na alam ninyong masama ang pagpantasyahan ang mga kasamahan natin sa paglilingkod.”
“Ah ayan na naman po si Superiora Magadalena at ang kaniyang walang katapusang pag-papaalala,” sarkastikong sabi ni Helena.
Napatingin ako rito at hindi ko ba alam kung bakit kahit ganito talaga ang pagkatao niya, hindi ko magawang magalit sa kaniya.
“Nagsasabi lamang Helena,”
“TAMA NA YAN! Mag-enjoy na tayo!” sigaw bigla ni Ate dahilan para matigilan kaming lahat sa paglalakad at napansin ang ningas ng apoy sa di kalayuan.
“Andito na ba tayo?” tanong ko kay Ate.
“Oo!” sigaw ni Ate at lulumpat-lumpat nang tumakbo papunta sa kung saan nanggagaling ang ningas.
Maraming kakahuyan pa ang nilagpasan namin bago tuluyang makarating sa dulo kung saan kami lumusot at tumambad ang mga kalalakihang nagkakasiyahan na sa paligid ng malaking lawa.
Banayad lamang ang galaw ng tubig na nagliliwanag pa sa sikat ng bilog na bilog na buwan.
“Ang ganda,” sabay-sabay na singhap ng mga kasamahan ko.
Oo nga napakaganda. Makaubos-hininga ang tanawin lalo na ang lawa.
Dati-rati ay hindi naman dito ang punta namin kapagka tumatakas, doon lamang sa malapit na kaparangan sa kabilang dulo ng dormitory at nakikipaglaro sa mga kalalakihan ng tinaguan at habulan.
Libreng tumakbo, libreng sumigaw, libreng humalakhak dahil hindi naman namin magawa sa dormitoryo.
Napalingon ako ulit sa mahabang hanay ng matataas na kakahuyan na nilabasan namin dahil parang napunta kami sa isang mundo na kaibang-kaiba sa mundong ginagalawan namin araw-araw sa dormitoryo.
Kaya siguro ganoon na lamang ang kasabikan nina Ate.
“Ara, humanap ka na lamang ng mapapagtahanan ha, tapos tawagin mo na lamang kami kung oras na para bumalik,” sabi ni Ate Serena sakin, dahilan para mabaling pabalik ang tingin ko sa aking harapan.
“Sige ako na ang bahala, Ate,”
“Salamat talaga, Ara ha. Babawi ako pangako,” sabik na sabi ni Ate na halos hindi na ako tingnan kapapangad kung saan.
“Ate, pinapaalala ko lamang na kahit magkakasiyahan ay alalahanin at isaisip mo sana ang mga patakaran natin. Matinding kaparusahan ang ipapataw sa iyo kung sakaling lumabag ka,”
“Oo, alam ko naman yon. Saka, mga kaibigan naman na nating ang mga ito, sabay-sabay na tayong lumaki,”
“Ah...oo nga, alam ko naman Ate,” alanganing sabi ko dahil wala naman akong ginawa noong una kundi ang mag-alala, magmadali, at maaligaga dahil mamaya ay mahuli kami kaya wala talaga akong oras para makilala pa ang mga lalaki na kinakalaro nila sa gubat.
“Kung nagugutom ka, andon ang mga pagkain. Sige na, ikaw na ang bahala sa sarili mo,”
Madaling umalis si Ate at iniwan akong mag-isa.
Hindi ko mapigilang mahiya ng kaunti sa itsura ko pero isinantabi ko na lamang dahil andito lamang ako para maging bantay at paalala dahil mahirap na.
Naupo ako sa isang tabi at tahimik na inobserbahan ang mga nangyayari sa harapan ko.
Parang ibang mga tao ang nasa harapan ko. Magulo, maingay, mapupusok, at masisigla. Kulang na lamang ay mapunit ang mga labi sa pagtawa at pagngiti.
Malayong-malayo sa tila mga walang-kabuhay-buhay na mga robot tuwing linggo na may misa at kapag may pasok.
Sa dormitory kasi kung saan kami pumapasok at nag-aaral para sa paghahanda samin sa paglilingkod, mahigpit na pinagbabawal ang malalaking kilos, kailangan ay hipid na hipid lamang.
Para bang bawat galaw ay may eksaktong sukat o may bilang at may takdang oras, ultimo sa paliligo, pagkain, pagsisipilyo, at sa paghahanda sa pagtulog.
Bawal rin ang kahit anong emosyon dahil hindi raw biro ang paglilingkod.
Lamang ang oras namin sa pagdarasal at pag-alala sa mga batas pangsimbahan na dapat na italima sa aming mga pagkatao.
Isang beses lamang sa isang lingo na nakikita namin ang aming pamilya dahil ang dormitoryo namin ay malayo sa lugar kung saan kami naninirahan.
Ah, malayo pala talaga sa kung saan makikita ang mga kabahayan at mga establisyementong nagbibigay ng makamundong pangangailangan ng mga taong wala sa paglilingkod.
Sa isang secluded area matatagpuan itong dormitoryo. Hindi ko mawari kung paano ilalarawan ang lugar pero mahirap umalis dahil kinakailangan pang sumakay ng bangka bago makarating dito.
Noong elementarya ay hindi pa ako dito pumapasok, doon sa lugar namin ako nagsimula pumasok. Pero nang matapos ako ng elementarya, ipinadala na rin ako rito.
Malaki mang pagbabago para sa akin dahil marami ang mga bawal, pinagbuti ko na rin ang pag-aaral ko dahil kasama ko naman ang Ate at hindi ko kinakailangan magpanggap.
Parang napabuti pa talaga kaysa nasa bahay ako na laging takot at nangangamba na hindi mapantayan ang mga ekspektasyon na gusto ng aming mga magulang lalo na ng aking ina.
“Hi.”
Natigilan ako sa pagmumuni-muni nang may magsalita sa harapan ko at marahang iniangat ang tingin para makita ang mukha ng lalaki.
“Hello,” tugon ko. “May kailangan ka?”
Hindi ko masyado makita ng malinaw ang mukha ng lalaki dahil masyadong madilim pero kaya ko namang tandaan ang boses niya para hindi naman kakahiya sa sunod na magkrus ulit ang mga landas namin.
“Ah wala naman. Napansin ko lamang na mukhang ang lalim ng iniisip mo, hindi ka na nakakapag enjoy,” sabi nito saka inabutan ako ng inumin. “Oh, uminom ka na muna. Baka uhaw ka na.”
“Ah sige, salamat pero hindi na. Nagbabantay lamang ako ng oras. Mahirap na baka mabutikawan kami nina Superiora, dahil lumagpas sa oras."
“Teka…base sa pananamit at pagsasalita mo, ikaw ba iyong Aradelle Magdalena?”
“Oo…” hiyang-hiya at may bahid ng inis na sabi ko.
“Aba. Kinalulugod ko na makilala ka,” sabi nito at inabot na ang isang kamay para makipagkilala.
Pero hindi ko pa rin tinanggap dahil bawal ito. Ang humawak maski sa kamay ng isang lalaki maliban sa mga pari at kapamilya.
“Totoo nga, hindi ka basta-basta mapapasuway sa mga pinagbabawal sa kautusan,” tawang-tawa na sabi nito.
“Dahil iyon ang tama. Kung wala ka naman nang kailangan ay pwede ka ng umalis sa harapan ko dahil baka mamaya ay mawala sa paningin ko ang Ate ko,”
Imbes naman umalis itong lalaki ay nagpakatawa-tawa pa ito lalo.
Nangunot na ang noo ko sa inis.
Sa loob ng mahigit na apat na taon, ay hindi pa ako nakakausap ng lalaki maliban sa mga pari na nakakasalamuha namin tuwing may misa.
“Anong nakakatawa?”
“Wala? Kung sa iba umay na umay na at kung papahilingin ay hindi na babaalik sa dormitory dahil sa walang katapusang mga utos sa araw-araw, pero ikaw parang magkakasakit ka pag napalayo rito,”
“Iba ako,”
“Oo nga, sabi nga ng mga kasamahan ko,”
“Pinag-uusapan niyo ako,”
Nawala ang ngiti sa labi nito, “Maglalabing-walong taon ka na bukas hindi ba?”
“O-Oo? Bakit? At bakit niyo ako pinag-uusapan?”
Ngumisi na lamang ito at umalis.
Hinabol ko pa ito ng tingin pero agad ring ibinalik sa kung nasaan si Ate kaso wala na ito roon.
Tumayo ako at kunot-noo na naglakad palapit sa pwesto kung saan ko huling nakita si Ate.
“Ate?” tawag ko nang pasigaw dahil malabong marinig nito dahil sa lakas ng tugtugin.
Ah! Ito na nga ang sinasabi ko.
Nilibot ko pa ang paligid pero bigo akong makita si Ate.
Hanggang sa mapatingin ako sa orasan sa kamay ko at ganon na lamang ang takot na naramdaman ko dahil mag aala-una na ng madaling-araw.
“ATE SERENA?!”
“Ara! Tara na!” Natigilan ako nang biglang hablutin ni Lori ang braso ko.
“Anong problema? Bakit ganiyan ang mukha mo? Bakit ka takot na takot?”
“Natunton raw ito ng mga pari!” halos mangiyak-ngiyak na sabi ni Lori.
Para akong mauubusan ng lakas sa sinabi ni Lori. “Si Ate! Nakita niyo ba?”
“Pasensiya na, Ara pero nagsitakbuhan na ang lahat. Binalikan lamang kita dahil nakita kita. Tara na pakiusap!”
Gusto kong maiyak pero sumama na lamang ako kay Lori at nanalangin na lamang na sana ay nakabalik na si Ate.
“Bilis, Aradelle!” bulong ni Helena nang hawakan ang kamay ko at hinigit na ako para tumakbo.
Hindi na binuhay ang mga flashlight sa takot na baka makita pa kami ng mga pari.
Kita ko sa di kalayuan ang mga kalalakihang kani-kaniya na rin ang takbo sa kung saan para makabalik sa kanilang dormitoryo.
Sa awa ng taas ay nakarating naman kami sa likod ng dormitoryo sa tapat ng aming kwarto at marahan akong pumasok sa bintana.
Madali kong pinangkuha ang mga hinubad nilang pantulog at iniabot sa kanila isa-isa ang mga ito.
“Sino pa?” humahangos na tanong ko.
Wala namang makasagot sa mga ito dahil nag-iiyakan na.
“Maraming naiwan,” hikbi ni Lori.
“Tumahan ka na. Kalma na. Magsihiga na kayo at mamaya ay mag-iikot na sina Superiora,” naiiyak na ring sabi ko.
Napakalakas ng t***k ng dibdib ko habang umaayos ng higa. Matindi ang patak ng pawis ko habang pinipigil ang mga luha dahil sa takot na baka isa si Ate sa mga naiwan at sa kasamaang palad ay mahuli ng mga pari.
Makalipas ang mahigit dalawampong minuto ay bumukas na nga ang pinto at pilit akong nanatiling nakapikit.
Rinig ko ang malalakas at mabibigat na hakbang ng grupo ng mga madreng pumasok. Sina Superiora na ito panigurado.
“Magsibangon kayo!” gigil pero mahinahon pa ring sabi ni Superiora.
Dali-dali kaming bumangon at nag-aakto pang talagang parang bagong gising lamang.
“Pumila kayo at sumunod sa amin!”
Dali-daling naglakad paalis si Superiora at nagsitinginan kami bago pumila at sumunod.
Sa isang di pamilyar na mahabang pasilyo kami naglalakad. Malalaki ang poste na nakahilera sa kahabaan ng madilim na pasilyo.
Ako ang nauuna sa pila dahil sa nagsisinginig na sa takot itong mga kasamahan ko.
Nang lumiko sina Superiora ay ganon na lamang ang hilakbot na bumalot sa akin nang makita si Ate na pinapalo kasama ng iba pang mga kababaihan na naiwan sa loob ng isang liblib na silid na ngayon ko lamang nakita.