"FEATURE article?" hindi makapaniwalang tanong ni Misha kay Kia, ang Editor-in-chief ng kanilang university publication – ang FearlessMan Publication o mas kilala bilang FM.
May malaanghel itong mukha na siya namang nagpa-guilty sa kanya dahil sa ginawa niyang pagtataas ng boses. Napatingin sa kanya ang tatlong senior writers at ang Features Editor nilang si Sean na kasalukuyan nilang kasama sa loob ng opisina. Mabilis siyang humingi ng paumanhin.
Buong semestre na siyang nagsusulat ng tula, essay o kung minsan ay istorya para sa literary page ng mga lathalain nila. Kaya naman nagulat siya sa biglaang pagbabago.
"It's okay, Misha. And to answer your question, yes. Feature article," nakangiting sabi ni Kia.
"Ate Kia, pasensya na sa naging reaksyon ko. Nag-apply ako as a literary writer kaya ang in-e-expect ko ho, sa literature page lang ako magsusulat. Wala akong experience sa pagsulat ng feature story," paliwanag niya..
"Misha, marami nang nag-quit na staff this academic year at nakapagtatakang halos lahat ay features writer –" Natigilan ito nang tumikhim ang mga kasama nila sa opisina. Ngumiti lang ito at hinawakan siya nito sa balikat. "Kaya kailangan ko ang lahat ng available staff na kailangan. Don't worry. Ikaw ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa written exam at interview kaya may tiwala ang buong editorial staff sa'yo. Kaya mo 'to," seryong sabi nito.
Napakunot naman ang noo niya. Pinagsusulat lang siya nito ng feature article pero parang isasabak siya sa giyera nito sa paraan ng pagkausap nito sa kanya. Akmang magtatanong uli siya nang unahan siya nito.
"At kung hindi mo 'to tatanggapin, puwede ka nang magpaalam sa posisyon mo rito sa FearlessMan," nakangiting babala ni Kia.
Kinilabutan siya. Mabait na sa kanya ang Ate Kia niya simula pa lang nang pumasok siya sa publikasyon kahit na mas matanda ito sa kanya – sadyang nakakatakot lang talaga ito kapag nakangiti. Napatunayan na niya ito base sa mga kahindikhindik na kuwento ng mga senior staff writer.
Pero hindi siya puwedeng maalis sa publikasyon ay dahil gustung-gusto niya ang pagsusulat para sa literary page niyon.
Tumango na lang siya. "Sige na nga po."
Ginulo ni Kia ang buhok niya. "Good girl. Matanong ko lang, kilala mo ba ang Marusen Wolves – ang bansag sa mga miyembro ng Marusen Student Council Executive Committee?"
Umiling siya. "Hindi po. Bakit?"
"I-a-assign kita sa paggawa ng feature article tungkol sa kasikatan at tagumpay na tinatamo ng Marusen Wolves, ang mga tao sa likod ng executive committee. Gusto kong gawan mo ng character profile ang bawat member, lalo na tungkol sa buhay ng presidente natin," paliwanag ni Kia.
Sa isang iglap ay biglang tumahimik ang buong silid at napatingin ang lahat sa kanya na may simpatsya sa mga mata. Wala sa oras na napalunok tuloy siya.
"I-a-assign mo siya sa executive committee, Kia?" saad ni Sean, ang Features Editor nila.
Lumapit si Sean sa kanila at tumayo sa harap ni Kai. Naningkit din ang singkit na nitong mga mata. "Ako ang Features Editor kaya ako ang magde-desisyon kung sino ang i-a-assign ko sa team ng cyborg na 'yon at in-a-assign ko ang sarili ko."
Napakunot naman ang noo niya sa bayolenteng reaksyon ni Sean. May pagka-wild nga ito at bossy ito pero ngayon lang niya ito nakitang magkagano'n.
Bumuntong-hininga si Kia at ipinatong ang kanang kamay sa kaliwang balikat ni Sean. "Hindi pa 'ko tapos. Hindi ko naman hahayaang isabak ang new staff natin sa cyborg na 'yon."
Cyborg?
"Kaya nga isa-suggest ko na ikaw ang maging partner niya," sabi ni Kia habang nakangiti sa kanya.
Napangiti na lang siya nang alanganin.
"Salamat kung gano'n," nakangising tugon ni Sean at tinignan siya. "Ikaw, bata, tara na."
"Ha?"
Ipinaikot ni Sean ang mga mata at hinila na siya sa kamay palabas ng opisina.
Napakurap na lang siya at bago sumara ang pintuan ay narinig pa niya ang usapang lalong nagpakaba sa kanya.
"Kia, ayos lang ba na newbie ang isabak mo sa cyborg na 'yon?"
"Dito natin malalaman kung sino ang tatagal at magsu-survive sa FM ngayong taon," kalmadong sagot ni Kai.
Napalunok na lang uli siya.