"Ang pag-aasawa ay isang malaking desisyon at tungkulin na kakaharapin mo. Hindi ito isang laro lang o bahay-bahayan na kapag ayaw mo na ay pwede niyo nang itigil. Ang pag-aasawa at pagpapakasal ay nangangailangan ng tunay na pagmamahalan at respeto sa bawat isa." "Amen." "Brittany! Seryoso ako!" Biglang nagising ang diwa ko sa sigaw ni nanay. Nailayo ko pa ang phone sa aking tainga dahil sa tinis ng kaniyang boses. Tumawag ako sa pamilya ko para ipaalam ang tungkol sa naging desisyon ko. Magpapakasal na nga ako kay Rizlan. Hindi ko naman inaasahan na matutuwa ang mga magulang ko pero mas hindi ko inaasahan ang pa-nubena ni inay. Naantok tuloy ako bigla. Ewan ko ba, bigla na lang akong naantok habang nagsasalita si nanay sa kabilang linya. Gustong-gusto ko ang boses niya. "Oo na na,

