Paglabas ko ay nakasalubong ko sina Analyn at ate Dimples. "Si Bri?" tanong ni ate. "Tulog." "Nakausap mo na ba?" malamig pa rin niyang tanong. Sinulyapan ko si Analyn na tahimik lang pero ang mga mata ay mariin na nakatutok sa akin. Tulad ko, overprotective din si Analyn pagdating sa kaniyang anak, kaya naiintindihan ko ang nararamdaman niya. Valid na mainis siya sa akin o sa anak ko dahil sa nangyari. Hindi iyon biro, pwedeng ikasawi ng bata ang pagkakahulog sa hagdan. Pasalamat na lang talaga at maikli lang ang distansya ng nagulungan ng bata at hindi ito dumiretso hanggang baba. "Kinausap ko na, ate," sagot ko saka ako humarap kay Analyn. "Aning, ako na ang humihingi ng pasensya sa nangyari. Pero kasi... kasalanan din ng anak mo. Tingin ko, kailangan natin silang kausapin pareho.

