“Oh? Ito na ba ang anak mo? Ang ganda-ganda naman,” wika ng matandang kalalabas lang ng kusina.
“Aling Bulma, pakiasikaso naman si Adriana oh. May gagawin pa kasi ako eh,” wika naman ng ina niya. Tumango naman ang matanda at nagpasalamat ang ina ng dalaga.
“Anak, dito ka na muna ha at marami pa akong gagawin. Aling Bulma ikaw na po ang bahala sa kaniya.”
“Oo, ako na rito,” sambit nito at nginisihan si Adriana. Nilapitan siya nito at natuod sa kaniyang kinatatayuan nang titigan siya ng matanda.
“M-May problema po ba?” tanong ng dalaga. Nginisihan lamang siya nito.
“Ang ganda mong babae Adriana. Para kang birhen sa kagandahan. Anak ka ba talaga ng ina mo?” aniya. Napipilian naman si Adriana at hindi alam kung ano ang isasagot dito.
“Opo,” mahinang sagot niya.
“Nahihiya ka ba sa akin? Sus! Tawagin mo na lang akong Manang Bulma. Kung masiyadong mataas just Bulma na lang. Hindi rin naman katandaan ang kuwarenta y ocho ‘di ba?” wika niya. Napakamot naman ang dalaga sa ulo niya.
“Kumain ka na ba? Tara sa kusina. Nagluto ako kanina. Akala ko kasi kakain dito si Gov hindi naman pala. Iyong ina mo naman busy masiyado,” sambit ni Bulma.
Naglakad na sila papsok sa kusina. Naiilang si Adriana dahil sa titig ng matanda sa kaniya. Naghain ito ng pagkain at kumain na rin siya.
“Huwag kang lalabas sa kuwarto mo kapag nandito si Gov. O mas mabuting iwasan mo siya kapag nandito siya sa bahay. Sinabihan ka na rin ba ng ina mo na huwag makiusyuso sa mga bagay-bagay na nangyayari sa loob ng bahay na ‘to?” usisa nito sa kaniya. Umiling naman si Adriana. Akmang susubo na siya nang magsalita ito ulit.
“Sa bagay sa postura at impresiyon ko sa ’yo mukhang ibang-iba ka. Probinsiyana at inosenti,” aniya at umiling-iling.
“Ano po ang ibig niyong sabihin?” tanong niya sa matanda.
“Delikado ka sa mata ni, Yoa. Ang ganda mong babae. Kahit sabihin na nating asawa siya ng ina mo ay alam ko naman kung ano ang kababalaghan sa dalawang iyan. Mag-iingat ka at mukhang lapitin ka ng problema.”
Kinabahan naman si Adriana.
“Sinasabi niyo po ba na masamang tao ang s-step father ko?” tanong niya rito. Napaisip naman ito.
“Hindi naman, sakto lang din. Basta huwag mo lang kantiin ang natutulog niyang itlog at sampalok wala tayong magiging problema,” aniya.
“Ganoon po ba? May puno po ba rito ng sampalok? Pangako ko po hinding-hindi ko po gagalawin. Pati na rin po mga itlog niyo rito sa bahay,” mabilis na wika ng dalaga.
Napakurap-kurap naman si Bulma at bumunghalit ng tawa.
“Nakalimutan kong laking ampunan ka pala at kasama mo mga madre. Iba ang tinutukoy ko,” aniya.
“Ano po ba ang tinutukoy niyo?” usisa ng dalaga.
“Gusto mo talagang malaman? Huwag mong pagsisisihan ha,” wika niya. Tumango naman ang dalaga.
“Ang ibig kong sabihin ay huwag mong kakantiin ang sandata at bala niya,” aniya. Lalo namang naguluhan ang dalaga.
“Hindi lang pala sampalok at itlog? May sandata at bala pa siya? Diyos ko! Huwag po kayong mag-aalala hinding-hindi ko po gagawin ‘yan. Ayaw ko pa pong mamatay,” sagot niya.
Napatingin siya sa dalaga at napailing.
“B-Bakit po?”
“Wala, basta iyon na ‘yon. Mas mabuting iwasan mo na lang siya, okay ba?” tanong nito. Tumango naman ang dalaga at kumain na. Huminga nang malalim si Bulma at pinagsalin pa ito ng pagkain.
“Ano ba ang sabi ng mama mo sa ‘yo kanina? Ihahatid kita mamaya sa kuwarto mo ang kaso baka maboro ka roon.”
“Okay lang po ako,” sagot niya.
Tumango naman si Bulma at inihatid na siya sa kuwarto niya pagkatapos niyang kumain. Pagpasok niya ay sobrang ganda ng kaniyang kuwarto. Mamahalin ang mga muwebles at gawa sa kahoy na alam niyang hindi niya kayang bilhin hanggang pagtanda niya.
“Ang ganda,” manghang saad niya. Umupo siya sa kama at tahimik na pinupuri ang paligid.
“Adriana, huwag mong kakalimutang mag-lock ng pinto, okay?” bilin ni Bulma sa kaniya. Tumango naman siya.
“Kapag may kailangan ka tawagin mo lang kami.”
Tumango lamang ang dalaga at nagpasalamat sa matanda. Nang makaalis nga ito ay nag-lock siya ng pinto at humiga sa kama. Napakalambot nu’n at tila hinehele siya para makatulog. Sa buong buhay niya ay ngayon pa lang siya nakahiga sa ganoong ka lambot na kama.
Pakiramdam niya ay nananaginip siya hanggang sa makatulog ang dalaga.
Naalimpungatan siya nang makarinig ng mahinang katok sa pinto.
“Adriana? Kakain na tayo. Bumaba ka na.” Rinig niyang sambit ni Bulma sa labas ng kaniyang kuwarto. Napatingin siya sa digital clock sa gilid at mag-a-alas siyete na pala. Ni hindi man lang niya napansin ang oras.
“S-Susunod na po,” sagot niya at inayos ang sarili. Itinali niya ang mahabang buhok at lumabas na ng kaniyang kuwarto. Natigilan siya nang makita ang lalaking nakatayo sa hindi kalayuan. Nakasuot ito ng mamahaling suit at nakatalikod sa kaniya. Napalunok siya nang lumingon ito at mag-abot ang paningin nila. Ang mga istriktong mata nito ay tila pinaparusahan siya sa ginawang pagtitig dito. Mabilis na iniwas niya ang kaniyang tingin at nagmamadaling bumaba.
Pagdating niya sa kusina ay naghahanda na si Bulma.
“May maitutulong ba ako?” tanong niya rito. Ngumiti lamang ito.
“Sige na, maupo ka na. Hintayin lang natin si Gov saglit at kararating lang nu’n. Nakita mo ba siya sa taas? Magbibihis lang daw iyon eh,” wika ni Bulma. Mahinang tumango naman siya. Umupo na siya sa gilid at hindi mapakali.
“Ang mama mo ay paniguradong mamayang madaling araw pa iyon uuwi.”
“Po? Hindi po siya uuwi ngayon?” Ulmiling naman ang matanda bilang sagot sa kaniya. Hindi niya alam at wala pa siyang ideya kung ano ang magiging buhay niya rito. Lalo pa at hindi pumipirme ang ina niya rito.
“Madalas ang mama mo ay kasama ang mga amega niya nagka-casino,” saad nito.
“Hindi ba siya pinipigilan ng step-father ko?” tanong niya rito. Ngumiti lamang si Bulma.
“Iyan din ang pinagtataka ko eh, pero ganoon talaga. Nagkakaintindihan naman sila sa ibang bagay kaya okay lang siguro. Kahit lakwatsera at sugarol ang ina mo ay hindi naman madamot at mabait din. Iyon nga lang may bisyo,” sagot nito.
“Matagal na bang ginagawa ni mama ‘to, Aling Bulma?” tanong niya rito. Umakto naman itong nasasaktan.
“Grabe ka naman maka Aling Bulma sa ‘kin. Ang sakit-sakit sa kasu-kasuhan. Bulma na nga lang eh o kaya B,” anito. Napangiti naman si Adriana.
“Pasensiya na po,” wika niya.
“Naku! Kung hindi ka lang maganda talaga eh. Gusto kitang kurutin pero mukha ka talagang santa eh kaya huwag na lang at baka magkasala ako,” aniya. Napangiti naman ang dalaga. Kaagad na natahimik sila nang pumasok si Yoaquin. Magkadikit ang kilay nito at tahimik na umupo. Inispatan siya ng tingin nito at nagsimula na silang kumain.
“Bulma, hindi ka ba sasabay sa ‘ming kumain?” tanong niya rito.
“Kumain ako ng meryenda kanina. Busog pa ako kaya mamaya na ako,” sagot nito. Yoa faked a cough kaya natahimik na silang dalawa.
“What’s your plan?” malamig na tanong nito. Halos walang salitang gustong lumabas sa bibig ng dalaga dahil sa pagkaasiwa sa step-father niya. Hindi niya rin kayang salubungin ang mga mata nitong sobrang istrikto.
“P-Po?”
Natigilan naman sa pagkain si Yoa at tiningnan siya. Natawa ito nang pagak sa kaniya.
“Po? Really?” anito at tila hindi makapaniwala sa narinig.
“Kasi naman Gov, laking probinsiya ‘yan. Magalang at halatang mabait,” sabat ni Bulma. Umiling lamang ang binata at tinitigan siya.
“Do you want to continue your studies? I heard you stopped right after you graduate high school,” sambit nito.Tumango naman nang mahina ang dalaga.
“Opo, binuhos ko na lang po ang oras ko sa pag-aalaga ng mga bata sa bahay ampunan,” nakangiting sagot ng dalaga. Naaalala niya pa ang mga batang naging buhay niya na rin.
“What’s good in that?” malditong tanong nito. Hindi naman makasagot ang dalaga. Hindi niya alam kung ano ang isasagot lalo pa at mukhang wala sa mood ang binata.
“Ano po ang ibig niyong sabihin?” tanong niya rito. Tiningnan lamang siya nito at hindi na nagsalita pa. Kita niya ang pang-uuyam sa mukha nito at kahit hindi niya nagustuhan iyon ay hinayaan niya na lamang. Tila nangmamaliit ito sa ginagawa niyang pag-aalaga sa mga bata.
Nagtinginan si Bulma at Adriana. Kaagad na sumenyas ang matanda na i-zipper ang kaniyang bibig. Tumalima naman ang dalaga at tahimik na kumain lamang. Pagkatapos ay tumayo si Yoa at umalis. T’saka niya lang napansin na ang mga tirang pagkain sa plato nito ay sobrang linis tingnan. Ang nagamit nitong kubyertos ay maayos na nakalagay sa gilid.
“Ganoon talaga siya. Masiyadong maayos sa gamit. Lahat dapat perfect ang angle at walang nangingibabaw. Masakit sa mata niya ang mga gamit na hindi maayos ang pagkakasalansan,” wika ni Bulma. Napatango naman si Adriana.
Nang matapos ay kaagad na tinulungan niya si Bulma. Akmang aayaw pa nga ito pero pinilit niya pa rin dahil wala naman siyang ibang gagawin. Nang matapos nga ay lumabas na siya at matutulog siya nang maaga. Plano niyang tulungan si Bulma sa gawaing bahay habang wala pa siyang ibang pinagkakaabalahan.
Paakyat siya sa hagdan nang masiplatan ang step-father niya sa may veranda sa gilid na nakapamulsa at may katawag ito.
“Yea, I already told them about the fund. That’s bullshit! I already told them not to. Carry on, just help them. Whatever, just help them out. Hindi ka ba naaawa? Show some goddamn mercy you idiot!”
Rinig niyang sambit ni Yoa. Mukhang galit ito base sa boses nitong kalmado pero sobrang bigat. Natigilan ito nang mapansin siya. Sumikdo ang puso niya sa kaba nang makita siya nito. Magkadikit ang kilay at halatang galit. Nilapitan siya at pakiramdam niya ay nawawalan ng lakas ang paa niya. He’s towering her.
“Hindi ba itinuro ng mga madre sa ‘yo na hindi magandang nakikinig sa usapan ng iba?” anito. Napalunok naman ang dalaga at iniwas ang tingin dito.
“H-Hindi ko sinasadya na marinig iyon. P-Pupunta na po ako sa k-kuwarto ko,” sagot niya rito. Gumagalaw ang panga nito at alam niyang galit ang lalaki.
“You have to learn setting some boundaries here. Or I will punish you myself, understand?” saad nito. Ramdam niya ang gigil at galit sa boses nito. Ilang beses na tumango naman siya at pinigilan ang sarili na maiyak dahil sa takot.
Yoa heaved a sigh and looked at the scared Adriana. Kumunot ang noo niya nang makitang tila nanginginig ito sa takot.
“You looked like a wet cat,” wika niya at iniwan na ito.
Napakurap-kurap naman ang dalaga at huminga nang malalim. Ilang beses niya iyong ginawa hanggang sa kumalma siya.
“Anak!”
Napalingon siya at napaupo na lamang sa sahig nang makita ang ina niya. Kaagad na dinaluhan naman siya nito.
“Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong ng ina niya.
“Saan po ba kayo galing?” tanong niya rito. Inalalayan siya nitong tumayo at tumingin sa paligid.
“Tara sa kuwarto mo tayo. Marami akong binili para sa ‘yo,” sambit nito. Sumunod na lamang siya sa ina niya.
“Ito anak, paniguradong bagay ‘to sa iyo. Ito pa, t’saka ito.”
Tiningnan niya lang ang ina niya na hinahalungkat ang laman ng mga paper bags.
“Ma, masaya ka ba sa bahay na ‘to?”
Natigilan naman ang ina niya at tiningnan siya. Kagyat na nawala ang ngiti sa labi nito.
“Bakit anak? Ayaw mo ba sa ganitong bahay? Para kang nasa palasyo. Malaki, magara at puwede mong ipagmayabang sa mga kakilala mo. Ang suwerte nga natin eh. May problema ka ba?”
“Ma, kahit wala tayong pera, kahit maghihikahos tayo okay lang naman ako eh. Kaya ko na pong magtrabaho para sa ating dalawa. Basta para sa ‘ting dalawa kakayanin ko,” wika niya.
Hinawakan naman ng ina niya ang kaniyang kamay.
“Anak, hindi ko kayang walang pera. Hindi ko kayang makita ka rin na nabubuhay sa kahirapan. Masakit para sa ’kin na marinig ‘to mula sa ‘yo. Pasensiya ka na anak kung naranasan mong maghirap. Alam kong nag-aalala ka lang sa ‘kin pero okay naman ako. Masaya ako sa buhay ko. Lahat nagagawa ko naman at mabuti naman ang step-father mo. Kahit na may kasungitan siya ay hindi naman siya nagkulang sa ‘kin. Naibibigay naman niya lahat ng request ko. T’saka kapag malapit na ang election ay ganiyan talaga siya. Parang mahirap lapitan dahil pokus sa mga plano niya,” saad nito.
Hindi na rin siya kumontra sa ina at hinayaan na lamang ito.