Kinabukasan ay maagang gumising si Adriana para tulungan si Bulma. Saktong pagdating niya sa kusina ay nagluluto ito.
“Oh? Ang aga mo yata ngayon, Adriana,” anito.
“Sanay po kasi ako roon sa kinalakhan ko na maagang gumising para maghanda. Baka po sana ay may maitulong ako,” mahinang sagot niya.
“Naku! Bata ka, dapat ay natutulog ka pa ngayon. Alas-singko pa naman ng umaga eh,” sagot ni Bulma.
“Ayaw ko na pong matulog. Isa pa po ay nakapagpahinga na po ako nang maayos kagabi. Mahaba na po ang itinulog ko,” aniya.
“Umupo ka na lang diyan. Tingnan mo na lang ako at huwag ka ng magpagod,” saad ni Bulma.
“Pero—”
“Why are you disturbing her?”
Sabay na napatingin silang dalawa ni Bulma sa pinto nang marinig ang boses na iyon. Napalunok ang dalaga nang dumaan si Yoa sa kinauupuan niya at dumeritso ito sa refrigerator para uminom ng tubig. May pawis pa ito sa noo at mukhang galing sa pag-jogging.
“Ang aga mong nag-jogging ngayon ah. Hindi ka na naman ba nakatulog?” usisa ni Bulma sa mo niya.
“Yea,” tipid na sagot lamang nito at tinungga ang tubig. Tiningnan nito si Adriana na ikinatakot ng huli.
“Nagmamagandang loob lang itong si ganda. Gustong tumulong sa ’kin at hindi yata sanay na walang ginagawa. Alam mo naman ang mga babaeng laking probinsiya. Lalo pa at nasa liblib sila. Lumaki pa sa bahay-ampunan kasama ang mga madre. Maliban sa konserbatibo ay talaga namang masisipag,” wika ni Bulma.
Hindi naman nagsalita si Yoa at tiningnan siya.
“I’m glad your mother didn’t raise you. If she did, you’ll be sorry for your life,” malamig na saad nito.
“Ano po ang ibig niyong sabihin?” tanong niya rito. Umayos ito sa pagkakatayo at tiningnan siya.
“Napulot ko lang ang ina mo sa tabi-tabi. A high-class call girl. If it happens that you’re with her hindi naman imposibleng susunod ka rin sa yapak niya,” wika nito. Napipilan naman siya. Gusto man niyang sagutin ito pero wala ni isang salitang lumalabas sa bibig niya. Nasasaktan siya sa mga lumalabas sa bibig nito. Naikuyom niya ang kaniyang kamao at napapikit nang ilang segundo.
“K-Kung ganoon naman po pala. Bakit niyo pinakasalan ang mama ko? Kahit hindi niyo po sabihin alam kong sobrang baba ng tingin mo sa kaniya,” kinakabahang aniya.
Natigilan naman si Bulma na nagluluto at nakinig sa dalawa.
“Did I say that? I can’t remember saying that to you. I’m just telling you a little background about us,” sagot nito.
“Walang nakaka-proud sa pagbebenta ng laman kapalit ng pera, Adriana. Kung iyan ang gusto mong marinig sa ‘kin. Hindi ko sila masisisi kung sa tingin nila mabubuhay sila roon. It’s their life. Life is f*****g them hard so they’re not to blame if they prefer easy money. Who am I to judge their choice?” dugtong ni Yoa.
Wala namang maisaboses si Adriana dahil totoo naman iyon. Wala namang madali sa buhay na ‘to. Mahirap nga ang buhay nila sa probinsiya lalo na rito sa siyudad.
“How about you? How much are you, Adriana?”
Nahigit ng dalaga ang hininga niya sa tanong ng kaniyang step-father. Ilang saglit pa ay parang demonyo itong humalahak.
“Chill,” anito at nilapitan siya.
“Do better choices ahead. Huwag mong pasukin ang pinasok ng mama mo. You have the power to break that curse, so never ever follow what she’s gone through.”
Naiwan naman silang dalawa ni Bulma na parehong tahimik. Napakurap-kurap lamang siya at hindi alam kung ano ang sasabihin. Tiningnan niya ang matanda na ngayon ay nag-aalalang nakatingin na rin pala sa kaniya. Nginitian naman siya nito nang tipid.
“Huwag mong masiyadong seryosohin ang sinasabi ng amain mo, Adriana. Masiyadong seryoso lang din iyon sa buhay,” sambit nito. Umiling naman siya.
“May ponto naman po siya hindi ba?” sagot niya sa matanda. Nagkibit-balikat naman ito.
“Hindi ko masisisi si mama kung pinasok niya ang trabahong iyon noon dahil hirap na hirap siya. Wala akong ideya kung ano ang pinagdaanan niya at napaunta siya sa ganoong sitwasiyon. Ano po ba ang trabaho ng step-father ko, Bulma?” tanong niya rito.
Lumapit naman ang matanda at tiningnan siya.
“Gobernador siya ng bayang ito. Kilala na ang pamilya nilang makapangyarihan kahit noon pa man. Hawak ng pamilya nila ang bayang ‘to. Sadyang iba lang ang ugali ni, Yoaquin kaya malayo ang bahay na ‘to sa pamilya niya. Magulo, masalimout, at hindi maganda sa mental health niya ang pagtira kasama ng kaniyang mga kapatid. Masiyadong mataas ang kompetisyon. Halos lahat ng mga nagtataasang building na nakikita mo rito ay pagmamay-ari nila. Kaya sinasabi ko rin sa ‘yo na mag-iingat ka sa kaniya. Kahit na matagal na akong naninilbihan sa kaniya hindi ko pa rin alam kung ano talaga ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Palaisipan kasi talaga ang lalaking ‘yan. Masiyadong tahimik pero kung magsalita walang buto ang dila. Ang sakit-sakit,” anito.
“Ganoon po ba?”
“Wala mang kakaibang kapangyarihan iyan, pero pangalan niya pa lang ay kinatatakutan at nirerespito na sa lugar na ‘to. Hawak niya ang lugar na ‘to, Adriana.”
“Bakit si mama ko pa ang napili niyang asawahin? Base po sa kuwento niyo ay maraming magkukumahog sa kaniya,” aniya.
“Iyan nga rin ang pinagtataka ko eh. Pero sila lang ang nakakaalam kung anong meron. Hindi ko rin masasabi na nagmamahalan sila kasi halata namang hindi. Alam mo Adriana, mas mabuti pa sigurong magdilig ka na lang ng halaman sa labas. Baka sa kakatsismis natin dito maabutan tayo ni, Yoa at masampulan ang mga bungo natin,” wika niya.
Napakamot naman ang dalaga sa ulo niya.
“Opo,” sagot niya at lumabas na ng back door. Nakita niya ang hose at binuksan na iyon. Lumabas na rin si haring araw at hindi pa naman masakit sa balat kaya nagsimula na siyang magdilig ng mga halaman. Iyong iba ay malapit ng mamatay kaya inayos niya.
“Sayang naman nito,” aniya habang nakahawak sa kakaibang bonsai. Diniligan niya iyon at inayos. Tumayo siya at hinawakan ang hose paharap sa kaniya para lakasan sana iyon nang tumilamsik ang tubig sa mukha niya.
“Ay!” hiyaw niya. Napakurap-kurap siya at basang-basa ang mukha at bandang dibdib niya. Natawa na lamang siya sa sarili.
“Adriana, okay ka lang ba riyan?” tanong ni Bulma na nasa loob ng kusina.
“Opo,” sagot niya at nagpatuloy na sa ginagawa. Habang nagdidilig ay napatingala siya sa itaas. Kagyat na nagsitaasan ang kaniyang balahibo nang makita ang step-father niya na nakapamulsa ang isang kamay at sa kabila naman ay naninigarilyo habang nakatingin sa kaniya. Ang kilay nito ay halos magdikit na. Sinubukan niyang iiwas ang tingin dito pero parang hinihigop siya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit.
“Adriana!”
Napalingon naman siya at nakita ang ina niyang mukhang kagigising lang. Nasa kabilang terasa ito at nakatingin sa step-father niya.
“Mama,” aniya.
“Pasok ka na sa loob at magbihis. Bata ka baka malamigan ka,” anito.
“Tatapusin ko na lang po ‘to, malapit na,” sagot niya.
“Ano ka ba? Maraming helpers diyan. Huwag kang magpapagod,” saway nito. Hindi na rin siya nakipagsagutan pa at sumunod na lang. Pumasok na siya ng bahay at kaagad na tinanggap ang towel na dala ng kaniyang ina.
“Anak, hindi kita dinala rito para pagtrabahuin,” smabit nito.
“Mama, hindi naman ako napapagod. Isa pa magaan na trabaho lang ‘yon. Nababagot po ako lalo na’t walang ginagawa,” sagot niya. Tiningnan naman siya nito at hinaplos ang mukha niya.
“Napakaganda mo anak. Para kang prinsesa. Ang maamo mong mukha ay hindi nababagay sa ano mang gawaing bahay. Ang dapat mong ginagawa ay mag-shopping. Bilhin lahat ng gusto mo. Damit, bags, alahas, sandals, at mag-self soothe ka sa mga paraang nare-relax ka. Hindi sa mga ganito. Ang mga kamay na ‘to ay hindi dapat nakakahawak ng marurumi. Hindi ka puwedeng maalikabukan,” saad nito.
“Mama, alam mo namang hindi ako ganiyan. Hindi po ako masaya sa mga material na bagay,” sambit niya.
“Ngayon lang iyan anak dahil nasanay ka sa hirap. Dinala kita rito para magkaroon ng magandang buhay. Na-enroll ka na ni, Yoa sa isang private college institution. Alam mo bang mga mayayaman lang ang nakakapasok doon? Explore anak at makipagkaibigan ka. Sigurado akong katagalan ay masasanay ka rin sa karangyaan,” wika nito.
Na-excite naman siya sa balita ng ina niya na makakapag-aral na siya sa college.
“Mama, na-enroll na po ako? Hindi ko pa po nasabi sa inyo kung ano ang gusto kong maging hindi po ba?” saad niya rito. Ngumiti naman ang ina niya at inayos ang kaniyang anak.
“Alam kong kaya mong maging fine arts student. Bata ka pa mahilig kang mag-painting,” sagot nito. Natutuwa siya at naisip pa iyon ng mama niya pero nagbago na iyon. Hindi na siya bata ngayon.
“Bakit anak? Hindi na ba ngayon? Ano ba ang gusto mong kunin?”
“Gusto ko pong maging madre ma,” saad niya. Hindi naman makapagsalita ang ina niya. Tila gulat pa nga ito sa isinagot niya. Umiling naman kaagad ito.
“Anak hindi, hindi puwede,” sambit nito at tila nagiging hysterical pa. Hinawakan nito ang kamay niya at tinitigan siya.
“Hindi ka puwedeng maging madre anak. Hindi ba puwedeng magpinta ka na lang ha?” dagdag pa nito.
Naguguluhan siya kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon ng ina niya.
“Anak, mahirap maging madre. Ilang taon din ang igugugol mo ‘di ba? Hindi ka makakapag-asawa at magkakaanak. Hindi puwedeng wala kang kasama sa pagtanda,” giit nito.
“Mama, ayos naman po ako. Gusto ko pong samahan sila ni, sister sa kumbento. Gusto kong tulungan ang mga bata sa bahay-ampunan,” saad niya.
“Adriana ano ba?” singhal nito. Nagulat naman siya. Huminga ito nang malalim at tiningnan siya.
“Nasasaktan ako ngayon Adriana. Hindi sa hindi ko nirerespito ang gusto mo pero anak, kahit ano huwag lang ‘yan. Hindi ka puwedeng tumanda na walang kasama. Minsan na rin akong namuhay mag-isa at hindi ako masaya.”
“Mama makakasama ko naman sila sister,” saad niya. Umiling naman ito.
“Gusto mo naman akong maging masaya hindi ba? T’saka bata ka pa. Puwede pang magbago ang isipan mo. Isa pa anak, subukan mo lang ang kursong ‘to. Alam ko babalik din ang gusto mo sa pagpinta. Marami kang makikilalang mga bagong kaibigan. Maraming mga boys na guwapo. Hindi ka pa nga nakakapag-jowa hindi ba? There’s more to the world outside Adriana,” aniya.
Hindi naman makapagsalita ang dalaga. Lumambot ang ekspresiyon ng ina niya at tiningnan siya.
“Anak, tatanda rin ako. Gusto kong bago ako mawala sa mundong ‘to makita kitang masaya, may pamilya, at may mga anak,” wika nito. T’saka niya lang naramdaman ang paghihinagpis nito.
“Ayaw kong matulad ka sa ‘kin anak. Nakamamatay ang kalungkutan,” sambit nito. Huminga siya nang malalim at tumango. Natigilan sila pareho nang bumaba na si Yoa at nakasuot ito ng suit. Hindi maipagkakaila ang kaguwapuhan nito.
“Yoa, aalis ka?” tanong ng ina niya. Tumango naman ito.
“Anak, sige na. Magbihis ka na,” wika ng ina niya. Tumango naman siya at ualis na. Naiwan naman silang dalawa ni Yoaquin.
“You look disoriented,” komento nito.
“Gusto niyang maging madre.”
Tumikwas naman ang kilay ni Yoa.
“Hindi maiiwasan. She lived with nuns almost half of her life,” sagot nito.
“You too?” she exclaimed. Tiningnan lamang siya nang deritso ni Yoa.
“Remember our deal, Emma. Huwag mong kakalimutan kung bakit nasa poder ko kayong dalawa. Ayaw ko sa lahat iyong binibigyan ako ng problema. Kilala mo ako kapag nagagalit,” sambit nito. Napalunok naman ang babae at napatango.
“Alam ko, kakausapin ko pa siya.”
“I enrolled her in fine arts, she will study fine arts, understand?” anito. Tumango naman si Emma.
“Alam ko, huwag kang mag-aalala. Pasensiya ka na rin,” sagot niya rito. Hindi naman ito nagsalita at umalis na. Napaupo naman si Emma at napahawak sa kaniyang ulo. Sumasakit na naman ito.