NAKAUPO sa pasamano ng bintana ng kuwarto niya si Kookie, habang umiinom ng beer. Kanina pa niya gustong umiyak, pero hindi niya alam kung bakit tila namanhid siya. Nakatulala lang siya ngayon sa labas ng bintana, umaasa na babalikan siya ni Oreo. Tuwing nagtatalo sila ni Oreo, hindi ito pumapayag na may magwo-walk out sa kanila. Ang sabi nito sa kanya, mga bata lang daw ang nagwo-walk out kapag nakikipag-away sa girlfriend o boyfriend nito. Hindi na sila bata. Kaya bakit hindi pa siya binabalikan ni Oreo? Doon na nawala ang pagkamanhid na nararamdaman ni Kookie. Unti-unti nang gumapang ang sakit sa puso niya, hanggang sa parang lason iyon na gumapang sa buong katawan at sistema niya. Pakiramdam niya, lahat ng bahagi niya ay masakit. Sa loob man o sa labas. Ngayon lang niya naramdaman

