Kabanata 1
"Sa palagay ko ay nasabi ko nang lahat ang dapat mong malaman tungkol sa magiging trabaho mo ,Athena" nginitian ni Menerva ang babaeng nasa harap niya.Binigyan niya ng briefing tungkol sa mga gawain nito bilang bagong kalihim ni Mr.Maynard Gavina na iiwanan ni Menerva dahil sa pagbibitiw niya bilang sekretarya ng may-ari ng Gavina Construction Development Corporation.
"May gusto ka pa bang itanong?"
"Hindi naman tungkol sa trabaho at office layout, Miss Menerva Reyes.Napaliwanag mo nang mabuti ang mga ito.Ang gusto ko sanang malaman ay......."
"Ano iyon?"Napansin ni Menerva na nag alinlangan ang kausap at ibinitin ang sasabihin."Tungkol sana kay Mr.Gavina .Ang personal opinion mo sa kanya .Madali ba siyang pakisamahan sa trabaho?Is he strict or temperamental?"
Hindi malaman ni Menerva kung paano niya sasagutin ang tanong ni Athena without getting too personal.Ano amg iisipin ng dalaga na bagong graduate pa lamang mula sa BS Office Administration at tuwang -tuwa sa pagkakakuha nito ng magandang trabaho kung sasabihin niya dito na mabait at madaling pakisamahan si Mr.Gavina ,ngunit huwag kang magkakamaling umibig sa kanya tulad nang nangyari sa akin.
"Isang very considerate na amo si Mr Gavina." nagawa niyang sabihin kay Athean. "Sa palagay ko ay hindi ka magkakaproblema sa pagtatrabaho sa kanya."
"Nakita ko ang mga larawan ng kasal niya sa isang pahayagan," ani Athena. "Makisig siya. Marami siguro siyang winasak na puso ng binata pa siya."
Kasama na doon ang puso ko, mapait na naisip ni Menerva. Inignora niya ang sinabi ni Athena. Maaaring magtaka ang babae ngunit walang pakialam si Menerva kung ano ang iisipin sa kanya ng mga tao sa pagkakataong iyon. Hahayaan na lamang niyang kilalaning mag-isa nang bagong sekretarya ang amo nito kapag wala na siya sa puwesto.
Nang makaalis na si Athena, bumalik sa kanyang desk si Menerva at sinimulan na niyang tanggalin sa mga drawers ang lahat ng kanyang personal belongings. Hindi niya alam kung tama itong ginagawa niyang pag-iwan sa isang maayos na trabaho para lumayo at itago ang nasaktan niyang damdamin. Ngunit ayaw nang mag isip ni Menerva.Ayaw na niyang makita pang muli si Maynard.Ang lalaking inaasahan niyang magiging kabiyak ng kanyang puso.
Nagtrabaho siya bilang personal secretary ni Maynard Gavina sa loob ng dalawang taon. Magkasama nilang binalikat ang lahat ng hirap at tagumpay sa pamamalakad sa negosyo na minana ng lalaki sa mga magulang. Ang construction firm na itinataguyod ni Maynard mula sa near bankruptcy sa maunlad na kinalalagyan ngayon ng kumpanya. Isa na ito sa mga sikat at tanyag na construction and development corporation sa bansa.
Alam ni Menerva na talagang iibig siya kay Maynard. Ang boyish good looks nito at ang pagpupursige nitong magtagumpay ay nakabighani sa dalaga. Tulad ng karamihan sa mga babaeng nakakatagpo ni Maynard. Ngunit siya ang piniling mahalin ng kanyang boss.
Nagsimula ang lahat nang yayain siyang mag-dinner ng boss niya pagkatapos ng mahabang orasng overtime. May ginawa silang mahabang contract na kailangang ulit-ulitin bago inaprubahan ng kabilang party. Ang dinner ay isang bonus sa pagod na ginugol ni Menerva para sa nasabing trabaho.
Naging memorable ang dinner kahit na halos ang pinag-usapan lamang nila ay tungkol sa mga plano ni Maynard tungo sa pagpapalawak ng kanyang negosyo at isang possible merger sa isang napakalaking development na pag-aari ng isang mayamang pamilya.
Ang pamilya Gavina. At least ay nalaman ni Menerva na napansin na rin siya ni Maynard bilang isang babae at hindi lamang bilang isang efficient machine na nagpapatakbo nang maayos sa opisina nito, tumatanggap ng mga tawag sa telepono at tagatimpla ng black coffee para sa kanyang amo.
"Napakatiyaga mong makinig sa mga problema ng kumpanya, Menerva," nakangiting wika ni Maynard. "Maghapon mo akong inaasikaso at ngayon ay pinabayaan mo pa akong kulitin kita tungkol sa mga plano ko sa negosyo. Sana ay binara mo na lamang ako."
Tumawa si Menerva. "Hindi naman naging boring ang makinig sa mga ideya mo para sa ikauunlad ng kumpanya. Isa pa, bahagi na rin ako nito at ini-enjoy ko ang trabaho ko dito."
"Marahil ay akala ng mga kaibigan mo na isa akong slave-driver dahil halos dito ka na tumira sa opisina. Hayaan mo at sisikapin kong huwag kitang mapagod na mabuti."
Natawa nang lihim si Menerva nang ma-imagine niya kung paano kikilos si Maynard na hindi niya ito tutulungan. Palaging sinasabi sa kanya ni Cristal, ang kasama niyang umuupa sa apartment na isa siyang martir para mamalagi sa opisina hanggang gabi. Si Cristal ay nagtatrabaho din ngunit pagdating ng ika-lima ng hapon ay nakalabas na ito. Mahilig sa parties at sosyalan ang dalaga at madalas na wala sa apartment kung gabi, lalo na kung weekends. Kahit na alam niyang may pagtingin si Menerva kay Maynard, ipinalagay pa rin ni Cristal na isang pag-aaksaya ng panahon ang lahat.
"Dapat ay lumalabas ka at nag-e-enjoy. Hindi iyang para kang alipin sa harap ng makinilya mo para sa isang lalaking hindi ka naman yata pinapansin," matigas na sabi niya kay Menerva. "Ipakita mo sa kanya na may higit na mahalaga sa buhay mo maliban sa kapakanan ng Gavina Construction. Ginagamit ka niya. Ang iyong loyalty sa kanya at sa kumpanya, para masulit niya ang pagod mo. Ni hindi ka yata niya binabayaran ng overtime pay sa lahat ng ekstrang trabahong ginagawa mo outside of office hours?"
"Hindi naman ganoon si Maynard," pagtatanggol agad ni Menerva. "Hindi mo lamang siya kilala."
"Alam ko ang tipo niya," ani Cristal. "Huwag mong aasahan ang mga salita niya. Bakit hindi mo ibaling sa iba ang atensyon mo bago ka masaktan nang husto?"
Ngunit kahit na alam niyang matino naman ang payo ng kasamahan niya, ipinagwalang-bahala ito ni Menerva. Ang nasimulan bilang isang ordinaryong working relationship ay naging sentro ng buhay niya. Siya lamang ang pinagkatiwalaan ni Maynard ng mga plano nito, pagasa at mga hinaharap na problema. Natural lamang marahil na umasa siyang balang araw ay higit pa sa isang efficient secretary ang magiging turing sa kanya ni Maynard Gavina.
Sa pagdaraan ng mga buwan, nagkaroon ng gantimpala ang tiyaga ni Menerva. Madalas na siyang ilabas ni Maynard para manood ng sine, concert o kumain sa labas. Pagdating ng weekends ay nagpi piknik sila ni Maynard sa beaches at kung saan-saang magagandang pook sa labas ng Maynila. Or they simply drove around in his car. Alam niyang labis ding nasiyahan si Maynard sa mga panahong magkasama sila. "Relaxed ako kapag kasama kita, Menerva," anito minsan. "Ikaw ang nag-iisang tao na puwede kong asahan sa lahat ng pagkakataon. Hindi yata ako mabubuhay kung wala ka."
At nang sa wakas ay hilingin ni Maynard na magpakasal sila, nabigla si Menerva. Ginabi sila sa opisina as usual at inihatid siya ni Maynard sa bahay. Nang magpasalamat ang dalaga at ihatid niya si Maynard sa may pintuan, niyakap siya ng binata. Hinalikan siya sa mga labi passionately. "Hindi naman palaging trabaho na lamang ang mangyayari sa buhay natin, Menerva," anito. "Balang araw ay magkakaroon tayo ng panahon para sa ibang mga bagay. Para sa ating dalawa, handa ka bang makipagsapalaran at pakasal sa akin?"
Hindi napaka-romantic ng pagpapahayag ng pag-ibig, naisip ni Menerva nang nakaalis na si Maynard. As usual ay wala roon si Cristal at nagiisang nag-isip si Menerva. Maligayang-maligaya siya na mahal siya ni Maynard at pakakasalan siya nito.
Pati si Cristal ay nabigla nang ibalita ni Menerva ang lahat dito. "Gagawin niya ang lahat para hindi makawala ang isang napakahusay na sekretarya," naibulalas ni Cristal. Ngunit binawi niya ito at sinabing nagbibiro lamang siya. Binati nito si
Menerva. "Sana ay maging maligaya ka. Kailan ang kasal?"
Ipinaliwanag ni Menerva na hindi pa nito malaman dahil kasalukuyang inaasikaso ni Maynard ang negosasyon sa merger ng Gavina Construction sa isang korporasyon. Tatapusin muna ito ng lalaki.
"Bagay sa iyo ang maging asawa ng isang businessman," ani Cristal. "Sana ay ma-realize ni Maynard ang halaga ng katulad mo sa buhay niya."
Ang sumunod na mga linggo ay naging busy para sa lahat sa Gavina Construction and Development Company. Ang proposed merger ng kumpanya sa isang malaking electrical group, ang Mondragon Group of Companies, ay umukopa sa lahat ng panahon ni Maynard. Palaging kasama nito ang kanyang business advisers at accountants at bahagya na itong makita ni Menerva. May mga naririnig na siyang usap-usapan na ang negosasyon ay hindi lamang kay Mr. Ferdinand Mondragon kundi pati sa magandang anak nitong dalaga at tanging tagapagmana na si Gracia Mondragon. Hindi pinansin ni Menerva ang mga tsismis at naniwala siya kay Maynard nang gumawa ito ng mga dahilan kung bakit hindi sila nagkikita sa labas ng opisina.
"Isa na namang cocktail party na kasama ang mga Mondragon," paliwanag nito sa kanya. "Ayaw ko sanang pumunta, sweetheart, pero kailangang makilala kong lahat ang mga business associates ni Don Ferdinand. Dapat mong unawain na kailangang wala siyang masabi sa akin sa stage na ito ng aming deal."
Mahalaga din ba, lumuluhang naitanong ni Menerva sa sarili, na pakasalan ni Maynard ang anak ni Don Mondragon, isang buwan lamangang nakakalipas mula nang ipangako sa kanya ng lalaki ang pag-ibig at pangalan nito? Napaigtad si Menerva sa puntong ito ng kanyang mga pagbabalik-tanaw. Ni hindi man lamang nagpaliwanag o humingi ng paumanhin si Maynard. Nag-iwan lamang ito sa kanya ng isang sulat na nagsasaad na sila ni Gracia ay pupunta sa Canada para sa kanilang pulut-gata at siya ay babalik sa opisina pagkalipas ng dalawang linggo. Napaka-impersonal ng mensahe, na tila isang pangkaraniwang komunikasyon sa pagitan ng isang amo at ng kanyang efficient na sekretarya at ni walang ano mang pahiwatig tungkol sa naging damdamin nila sa isa't isa.
Halos panawan siya ng ulirat dahil sa shock ngunit nagawa pa ring gawin ni Menerva ang kanyang trabaho sa opisina nang araw na iyon. Babalik si Maynard pagkalipas ng dalawang linggo at walang balak si Menerva na hintayin ito at ngitian ang pagpapatawad sa muli nilang pagkikita. Isang linggong advance notice ang nakasaad sa kanyang employment contract at isinumite niya ang kanyang pagbibitiw sa assistant manager ni Maynard nang hapong iyon.
Hindi naman siya pinigilan ng assistant manager at pinakiusapan lamang siya nitong maginterview at mamili nang nararapat na pumalit sa kanya sa trabaho. Alam marahil ng lalaki na umiibig siya kay Jerwin. Isang classic case kung saan na-in-love ang sekretarya sa matikas niyang boss. Ang hindi nalalaman ng lahat ay ang katotohanang nangako si Maynard na pakakasalan siya.Na binalak na nilang bumili ng engagement ring pagkatapos sana ng merger sa Mondragon Group of Companies. Obviously,ang napakalaking attraction ni Gracia Mondragon ay ang electrical company ng ama ng babae.
Marahil ay dapat siyang manatili sa kanyang. trabaho, naisip ni Menerva nang hagurin niya ng tingin for the last time, ang kabuuan ng kanyang opisina para tiyaking wala siyang naiwanang ano man, bago siya umalis para umuwi sa kanilang apartment. Marahil sa halip na umalis, hinarap muna niya si Maynard sa pagbabalik nito. At ano ang sasabihin niya? Ang nangyari ay hindi na mababago pa at hindi tipo ni Menerva ang sumira sa isang relasyon kahit na may pagkakataon siya. Inamin niya ang kanyang pagkatalo nang sabihin niya kay Cristal ang lahat. "Wala akong pagkakataon laban sa maganda at mayamang si Gracia Mondragon."
"Well, ginising marahil ng babae ang protective instinct ni Maynard Gavina para alagaan siya at ang kumpanya ng papa niya",makahulugang wika ni Cristal habang tinitignan nito ang mga larawan ng bagong kasal sa pahayagan."Mukhang manyikang babasagin ang tagapagmana ni Mr.Ferdinand Mondragon."Nang makita ni Cristal ang malungkot na anyo ng kaibigan ,inihagis nito ang diyaryo at hinarap niya ito ."Anong gagawin mo ngayon, Menerva?Mahirap ang trabaho ngayon at baka matatagalan bago ma makakita nang iba".
"Alam kong dapat na akong kumilos para makalimutan ko ang kamalasan ko sa pag-ibig," ani Menerva. "Pero parang naduduwal ako sa office life sa ngayon. Kahit na ang maghanap ng trabaho ay tila depressing para sa akin."
"Magbakasyon ka kaya muna," suhestiyon ni Cristal. "Ni hindi ka nagkaroon ng holiday dahil hindi ka pinapayagan ng sinasamba mong si Maynard noon, hindi ba?"
"Kasi naman ay talagang busy kami noon ... " awtomatikong dipensa ni Menerva.
"At sunud-sunuran ka sa kanya. Well, ngayon ay wala ka nang amo kaya puwede ka nang magbakasyon. Isang break para kumawala ka muna sa lahat. Puwede kang umuwi sa inyong probinsiya at dalawin ang parents mo."
"Para pagtatanungin ako kung bakit ako umalis sa Gavina Construction na ayaw ko na munang maalala, Cristal. Gusto kong pumunta sa isang lugar para hanapin ang sarili ko. Kung saan walang nakakaalam ng mga pangyayari." Huminga nang malalim si Menerva. "Ah, alam ko na. Sa ninang ko sa Tagkawayan, sa Quezon. Isang tahimik na lugar ngunit magandang bakasyunan. Biyuda na si ninang at may ilang cottages siyang pinauupahan sa mga bakasyunista kung summer. Hindi lamang sa perang kinikita ng mga ito kundi sa pagkakaroon ng mga taong nakakausap niya. Nalulungkot din siya, marahil."
"Pero ano naman ang gagawin mo sa isang tahimik na lugar? Lalo ka lamang malulungkot."
"Makabubuti sa akin ang fresh air at exercise. Na tila kailangang-kailangan ko sa mga panahong ito."
Pinanood ni Cristal ang kaibigan habang nageempake ito ng mga dadalhin.
"Well, baka naman doon ka makatagpo ng kapalit ni Maynard para tuluyan na siyang mawala sa iyong sistema. Baka may makilala kang guwapo, mayaman at umibig ka dito. May kasabihang ang pinakamabisang paraan para makalimutan ang isang lalaki ay ang umibig sa iba."
Isinara ni Menerva ang kanyang suitcase at inilock ito. "Hindi mangyayari iyan. Marahil ay naging baliw ako pero hindi na ako magkakamaling muli." Mapait ang tawang namutawi sa mga labi ng dalaga. "Salamat kay Maynard at natuto ako ng leksiyon. Sisikapin kong umiwas muna sa mga lalaki, guwapo man, mayaman o pangit."