CHAPTER 1

3444 Words
KASALUKUYAN… Maaga pa lang ay gumagayak na ang mag-anak na Montefalco. Unang araw ng bakasyon sa eskwela, at tulad ng kanilang nakagawian ay nag a-out of town ang buong mag-anak upang palipasin ang bakasyon ng mga bata, at para makapag-unwind din ang mag-asawang Don Francisco at Doña Esmeralda Montefalco. Pero hindi katulad nung mga nakaraang taon na sa ibang bansa sila nagpapalipas ng araw ng kanilang bakasyon. Kakaiba ang bakasyon nila sa taong ito, mas pinili nilang mag-asawa na sa probinsya nila Esmeralda magpalipas ng araw ng bakasyon, at para matuto rin ang mga batang mamuhay sa probinsya. Alam ng mag-asawa ang disappointment na nararamdaman ng kanilang mga anak na sina France Emerson, dalawampung taong gulang at ang bunsong si Francesca, labing-tatlong taong gulang. Nakasanayan na ng mga itong laging nasa ibang bansa sa araw ng bakasyon. Patunay ng pagkadismaya ng mga ito ang walang ganang pag-iimpake ng mga ito ng kanilang mga gamit na dadalhin. "Ano ba kayong mga bata kayo, bakit hindi pa kayo nagsipag-impake ng gamit niyo kagabi, alam niyo namang aalis na kayo ng maaga ngayong araw na ito," panenermon sa kanila ni Nanay Ising, ang nag-iisa nilang katulong sa bahay at nagsilbi na ring yaya sa dalawang bata. "What's the hurry Nay Ising, sa province lang naman kami pupunta. Kung ako lang ang papipiliin hindi na ako sasama kina Mommy at Daddy," lumalabing saad ni Francesca kay Nanay Ising. "Naku, magtigil ka ngang bata ka. Hindi porke probinsiya yun ay hindi ka na sasama. Napakaganda kaya sa probinsya, presko ang hangin, sariwa lahat ng pagkain, at isa pa nandoon ang lolo at lola niyo. It's time na makasama niyo naman ng matagal-tagal yung mga matatanda. Aba at ang tagal ng hindi kayo nadadalaw ng mga iyon dito eh." Pagpapaliwanag ni Nanay Ising kay Francesca. Binalingan nito si France na prenteng nakaupo sa sofa at may nakasaksak na headset sa tenga. "Hoy France Emerson," tawag ni Nanay Ising sa buong pangalan ng lalaki. Parang walang narinig ang binata, prente pa rin ang pagkaka-upo nito sa sofa, at hindi man lang nilingon ang tumawag na matanda. Pinukol ito ni Nanay Ising ng throw pillow, para makuha ang atensyon nito. Nagtagumpay naman ito sa ginawa dahil biglang napa-tayo sa kina-uupuan nito si France at kunot ang noong tinanggal ang isang side ng headset sa kanyang isang tenga. "What?!" galit ang tonong tanong nito sa matandang babae. "Huwag mo akong ma-what what diyang bata ka, at huwag mo akong pag-tataasan ng tono. Aba hindi kita pinalaki na ganyan!" galit na saad ni Nanay Ising sa binata. Napakamot na lang sa kanyang ulo si France dahil sa sermon ng matanda sa kanya, samantalang tatawa-tawa naman sa tabi nito si Francesca. "Nakapag-ligpit ka na ba ng gamit na dadalhin mo Emerson?" tanong ng matanda kay France. "Kagabi pa po, si Cheska lng naman ang hindi pa," bahagyang bubulong-bulong na sagot ni France sa matanda. Sabay turo niya sa isang maliit na maleta sa isang tabi. "Aba at iyan lang ang dadalhin mo doon?" gulilat na tanong ni Nanay Ising sa binata ng makita nito ang maleta niya. "Opo, probinsya lang naman iyon. Kapag nagsawa ako doon, uuwi agad ako dito kahit hindi pumayag sila Mommy, I can drive myself naman. I will just go with them today para hindi magtampo sila lolo at lola, pero hindi po ako magtatagal doon," pahayag ni France ng plano niya sa matanda. "Naku kayong mga bata kayo talaga oo, kung bakit hindi niyo na lang muna ienjoy ang una niyong bakasyon sa probinsya. Aba kahit pa sabihin pang napakalayo ng Santa Isabel ay napakaganda naman ng lugar na iyon. Walang-wala doon ang mga lugar na pinupuntahan niyo sa ibang bansa." Napapa-iling na lang na saad ni Nanay Ising sa kanila. "Siya sige na at magsipag-gayak na kayo at naghihintay na ang Mommy at Daddy niyo. Ako na ang bahalang magtapos ng mga eempakihin niyo," pagtataboy na ng matanda sa kanilang dalawang magkapatid. Agad naman silang tumalimang dalawa, iniwan na nila ang matanda sa sala. Kanya-kanya silang pasok sa kani-kanilang mga kwarto upang gumayak na para sa napipinto nilang pag-uwi sa probinsya. Ang kanilang destinasyon, Sitio Malaut sa bayan ng Santa Isabel. Ang probinsya kung saan ipinanganak at lumaki ang kanilang inang si Esmeralda Montefalco. Mahaba ang naging byahe ng mag-anak na Montefalco. Kasama nila sa pag-uwing iyon sa Santa Isabel ang kanilang family driver na si Mang Jose. Taga doon din kasi ito, matagal na itong naninilbihan sa pamilya nila Mrs. Esmeralda Montefalco bago pa man ito isama ng ginang paluwas sa siyudad ng Maynila simula ng mag-asawa ito. Paminsan-minsan ay nagbabakasyon ito sa Santa Isabel, lalo na kapag nasa ibang bansa ang buong pamilya. Pero kakaiba ang pag-uwi ngayon ni Mang Jose sa Santa Isabel, dahil ngayon ay kasama niyang uuwi ang buong pamilya ng kanyang mga amo. Libre na ang pamasahe at pangkain niya pauwi dahil siya ang nagmamaneho sa mga ito sa buong durasyon ng halos kalahating araw nilang byahe. Mula Maynila kasi ay aabutin ng halos labing dalawang oras ang biyahe pauwi sa Santa Isabel. Walang ibang transportasyon na makakapasok sa Santa Isabel kundi tanging by land lang. Walang eroplano o barko patungo doon. Kaya kahit maaga silang umalis ng Maynila, malamang ay aabutin sila ng dapit hapon sa pagdating doon. Lalo na at magkakaroon pa sila ng stop over. Sa hinaba-haba ng byahe ay tanging sina Mr. at Mrs. Montefalco lamang ang nagkukwentuhan. Paminsan-minsan ay sinasali nila sa usapan si Mang Jose. Pero kapansin-pansin naman ang pananahimik ng dalawang bata. Si Francesca ay maya't-maya ang pag-titweet at pag-post sa social media. Kung hindi naman ito nagpo-post ay nakikipag-videokol ito sa mga kaibigang naiwan sa Maynila o kaya ay nakabakasyon naman sa ibang bansa. Si France Emerson naman ay may nakasalpak na headset sa kanyang tenga, habang patuloy lang sa paglalaro sa kanyang cellphone. Napapa-iling na lang ang mag-asawa dahil sa mga ina-aksyon ng mga anak. Naka-ilang stop over din sila upang kumain at minsan ay magpahinga. Hanggang sa tuluyan na nilang narating ang bayan ng Santa Isabel. Halos malapit ng mag dilim ng narating nila mismo ang bayan. "Honey I think we should find some lodging here first sa bayan bago umuwi sa inyo. Dito na muna tayo magpalipas ng gabi. Alam kong pagod na si Mang Jose sa pagmamaneho, at ganoon din ang mga bata. Meron naman yata tayong matutuluyan dito?" suhestyon ni Don Francisco sa asawa. "Yeah I think meron naman Hon, matagal na akong hindi nakauwi dito sa Santa Isabel kaya hindi ko na rin tanda. Pero sa tingin ko ay nadedevelop na rin naman itong bayan namin. Ang huling uwi ko dito ay hindi ko pa nakikita yung building na iyon," saad ni Doña Esmeralda sa asawa. Sabay turo nito sa isang gusaling siya yata ang pinaka-malaki sa lahat ng gusaling nandoon. Sinundan nila ng tingin ang itinuturo ni Doña Esmeralda. Nakita nilang lahat ang nasa limang palapag na gusali, ito lang ang nag-iisa at pinakamataas na gusali doon. Halos karamihan kasi ng mga negosyong nakatayo doon ay nasa isang palapag lang na gusali o kaya ay two storey lang. May kuryente na rin naman doon at signal ng cellphone, kaya hindi na rin masasabing hindi naabot ng sibilisasyon ang lugar. Pero kung ikukumpara ito sa ibang bayan na nauna nilang nadaanan, masasabing bahagya ngang huli sa development ang bayan ng Santa Isabel. "Are we still in the Philippines Mom?" biglang-bigla ay tanong ni Francesca sa ina. "Yes iha, andito na tayo sa probinsya ng lolo at lola niyo. Pero your dad suggest that we should spend the night first here in town, bukas na tayo umuwi sa amin dahil malayo-layo pa iyon dito sa bayan," paliwanag naman ni Doña Esmeralda sa anak. "Great, as if makakahanap tayo ng five star hotel sa Godforsaken town na ito," saad ni Francesca na umikot pa ang mga mata. "Francesca! Watch your mouth!" saway agad ni Don Francisco sa anak. "Sorry Dad," wala sa loob namang hingi ng paumanhin ni Francesca dito. Sabay humalukipkip na lang ulit sa kinauupuan nito. Pagbaling nito kay France ay nakita nitong umikot din ang mata nito sa kanya. Pero wala itong kahit anu pa mang sinabi saka muli nitong ibinalik ang atensyon nito sa paglalaro. "Meron naman po kayong maarkilang paupahang bahay ngayong gabi dito sa bayan Don Francisco, Madam Esme…" singit ni Mang Jose sa pag-uusap nilang mag-anak. "Oo nga pala taga-rito ka nga rin po pala Mang Jose di ba?" parang hindi pa siguradong tanong ni Don Francisco sa kanyang driver. "Opo Sir, halos magkatabi lang po ang Sitio na tinitirhan namin ni Madam Esme. Pero meron po akong kamag-anak dito sa bayan, doon po muna ako magpapalipas ng gabi sa kanila kapag nahatid ko na po kayo sa paupahang bahay na maari niyo pong tuluyan," paliwanag ni Mang Jose. "That's great to hear, thank you so much for the help Tay Jose," pasasalamat naman ni Doña Esmeralda sa kanilang driver na nakagawian na niyang tawaging tatay. "Señorita," tawag-pansin ni Mang Jose kay Francesca, "Huwag po kayong mag-alala, kasi kahit hindi naman po katulad ng nakagawian niyong five star hotel ang tutuluyan niyo ay mas maganda naman po iyon kesa sa mga five star hotel na natuluyan niyo na. Napakaganda po kasi ng view doon at puro natural na tanawin ang makikita niyo. Presko pa ang hangin, hindi niyo na kailangan pa ng aircon," buong pagmamalaki pang saad ni Mang Jose sa dalagita. "Whatever…" bale-walang sagot naman ni Francesca dito saka muling pina-ikot ang mata sabay irap sa matandang driver. Napakamot lang ng ulo si Mang Jose dahil sa ginawi ng dalagita, pero nakangiti pa rin siyang pinagpatuloy ang pagmamaneho. "Manners Chesca," saway naman ni Doña Esmeralda sa anak nang makita ang ginawi nito kay Mang Jose. "Pasensya na po kayo Tay kay Chesca ha," hinging paumanhin ng ginang sa kanilang maneho. "Naku, wala po sa akin iyon Madam. Parang apo ko na rin naman po sila Señorito France at Señorita Chesca. Lumaki na sa akin ang mga batang iyan kaya sanay na po ako sa ugali nila," nakangiting saad naman ni Mang Jose sa ginang bilang pag-assurance dito na balewala sa kanya ang aktuwasyon ng dalagita. Hanggang sa narating na nila ang lugar kung saan sinabi ni Mang Jose na maari nilang tuluyan. Tama nga ang sinabi nito, hindi man ito isang five star hotel ay napakaganda naman nito. Isa itong undeveloped resort ng lugar. Nasa may bandang unahan lamang ito ng bayan ng Santa Isabel. Mayroon itong isang bungalow style na bahay na parang nagsisilbing pinaka main building nito at reception area. Sa nasasakupan nitong lupain nakatayo ang tatlong ibat-ibang klaseng cottage na magkaiba ang mga laki. Lahat ng mga cottage doon ay gawa sa kawayan at nipa. Pero napakaganda naman ng pagkakatayo ng mga ito. Dahil sa bahagyang madilim na ay hindi na nila masyadong aninag ang paligid. Pero dinig nila ang paghampas ng alon sa dalampasigan, kaya alam nilang malapit lang sila sa may dagat. Maririnig din ang ang iba't- ibang huni ng ibon at mga kulisap. Dahil sa madalang lang naman magkaroon ng bisita ang bayan ng Santa Isabel kaya walang tao ngayong naka-ukopa sa resort. Ikinatuwa ng may-ari ng resort ang pagdating ng pamilya Montefalco sa kanila, dahil kahit papaano ay may kita sila ngayong araw. Dahil madalas ay lagi silang zero sa kita. "Uukopahin namin ang tatlong cottage ngayong gabi." saad ni Don Francisco sa may-ari na siya ring nagsisilbing receptionist doon. "Sige po Sir, tamang-tama at wala namang tao po doon ngayon, ipapahanda ko lang po ang mga cottages," saad ng may-ari ng resort dito. Saka nito tinawag ang asawa at anak nito upang ipahanda ang mga gamit sa cottage. "Gusto ko sanang magkaroon kami ng pagkain ngayong gabi at almusal kinaumagahan, walang problema sa pera babayaran ko ang extra serbisyo niyong ibibigay sa amin bukod sa upa ng mga cottage," negosyanteng-negosyante ang dating ni Don Francisco habang nakikipag-usap sa may-ari ng resort. " Okay po Sir, wala pong problema sa request niyo. Ano po ba ang gusto niyong hapunan ngayong gabi? Doon ko na lang po ba ipapa-hatid sa Malaking Cottage lahat ng pagkain ninyo?" tanong naman ng may-ari kay Don Francisco. "Kung maaari sana, wala naman kaming selan sa pagkain, kung ano ang available na pwede niyong ihain sa amin ay kakainin namin," saad naman ng Don dito. "But Dad, I want to eat steak," biglang nag-request si Francesca. Pero hindi naman ito tumitinag sa kadudutdot sa cellphone nito. "Ahm," napa-kamot sa ulo ang may-ari ng resort. Hindi nito alam ang isasagot sa request ng dalagita. "Señorita, wala pong steak sa lugar na ito, pero kung gusto niyo po ay bibigyan nila kayo ng tapa ng baboy. Mas masarap pa po iyon sa steak na gusto niyo," biglang sagot naman ni Mang Jose sa dalagita. Pinasalamatan ng lihim ng may-ari ng resort ang matanda dahil sa pagsalo nito sa kanya. "Argh, that's why I don't like the province," bored na saad ni Francesca. "Francesca!" galit na saway naman ni Doña Esmeralda sa anak. "Sorry," wala sa loob na namang hingi ng paumanhin ni Francesca sa ina. Saka na ito muling nagdutdot sa cellphone niya. "Is my room ready? I want to lay down now. I'm dead tired. Don't disturb me even if you want to eat. I just want to rest," nang mula sa kung saan naman ay nagsalita si France. Sa buong durasyon ng biyahe nila kanina ay hindi ito umiimik. Ngayon lang ito nagsalita, pero mahihimigan ang awtoridad sa tono nito base sa pagrerequest nito kaagad ng kwarto nito at mga habilin nito sa pamilya niya. Mabuti na lang ay dumating na ang mag-ina ng may-ari ng resort saka ibinalita ng mga ito na maari na silang tumuloy sa may cottage. Agad namang inihatid ng matandang lalaki na may-ari ng resort ang pamilya Montefalco sa kani-kanilang mga uukopahing cottage. Nang masigurong komportable na ang mga ito doon ay magalang na itong nagpaalam upang atupagin na nito ang kanilang mahahapunan. Pagka-balik ng matanda sa kanilang bungalow na bahay ay agad siyang sinalubong ng kanyang mag-ina. "Maghanda tayo ng mahahapunan ng pamilyang iyon, mukhang maswerte tayo ngayong araw na ito, dahil mukhang big time ang bisita natin," bungad ng matandang lalake sa mga ito. "Opo nga Tay, mukhang galing pa ng Maynila. Tsaka ang kikinis ng mga balat, halatang hindi mahihirap," sagot naman ng anak nitong dalaga. "Ay naku eh ano ba ang ipapakain natin sa mga iyon? Baka naman maseselan ang mga iyon dahil halatang mayaman," nag-aalala namang saad ng matandang babae sa kanyang asawa. Hala eh magkatay na tayo ng manok, at mag-ihaw tayo ng isda. Marami naman tayong preskang gulay diyan at iyon na lang ang lutuin natin para sa kanila. Agapan na lang natin ang pamamalengke bukas upang makapag handa tayo ng masarap na almusal para sa kanila," instruction ng matandang lalake sa dalawa. Agad namang nagsi-tanguan ang mga ito at tumalima na sa mga inutos ng matanda. Kanya-kanya na silang gawa ng kanilang mga gawain upang maipaghanda ng makakain ang kanilang mga bisita. Sa kabilang banda ay nagpaalam na si Mang Jose sa mag-asawang Montefalco, upang umuwi muna sa kanyang kamag-anak doon sa bayan ng Santa Isabel. Hindi na rin naman siya pinigilan pa ng mag-asawa. Sinabihan pa siya ng mga ito na mag-hapunan na muna doon, pero tumanggi na siya. Idinahilan niyang wala na siyang masasakyang tricycle dahil maagang nagsisipag garahe ang mga bumabyahe doon. Hindi naman kasi katulad ito ng Maynila na bente-kwatro oras na mayroon byahe at gising ang mga tao. Naunawaan naman siya ng mag-asawa kaya hinayaan na siya ng mga itong umalis at hinabilinan na bumalik na lang ng alas nuwebe ng umaga. Pagkaalis ni Mang Jose ay naiwan ang mag-asawang Don Francisco at Doña Esmeralda sa kanilang inuukuoang cottage. Ang kanilang mga anak na sina France at Francesca ay nasa sari-sarili din nitong mga cottage. Pabuntung-hiningang tumanaw si Doña Esmeralda sa labas ng cottage, nakatuon ang tingin niya sa may dalampasigan kahit na hindi naman niya nakikita ito dahil madilim na. Sinamyo na lang niya katahimikan ng paligid at pinakinggan ang mahihinang paghampas ng alon. Mula sa kanyang likuran ay niyakap siya ni Don Francisco. Sumandal siya sa matitipunong dibdib ng asawa. "Anong iniisip mo Mahal?" tanong ni Don Francisco sa asawa. "Iniisip ko kung tama bang dito natin dinala ang mga bata, hindi sila sanay sa buhay na ganito. Maaring tama ang intensyon nating dapat din nilang maranasan ang buhay sa probinsya. Pero aminin nating magiging malaking impact ito sa kanila, dahil hindi katulad ng kanilang nakalakihan ang buhay dito," saad ni Doña Esmeralda sa asawa. "Sa tingin ko Mahal ay tama lang ang ginawa natin, nakita mo kung gaano natin naispoiled si Chesca, at si France, halos hindi man lang natin nararamdaman. He was cold and aloof the entire drive here. It's a good time to teach them some reality of life, Mahal. Pareho tayong lumaki sa hirap, at kung anong buhay meron tayo ngayon ay magkasama nating pinaghirapan. Panahon na rin para maranasan naman ng mga anak natin iyon, this is will be their life most valuable lesson," pang-aalo naman ni Don Francisco sa asawa. Naisip ni Doña Esmeralda na tama naman ang kanyang esposo. Bagamat medyo nakaka-angat sila ng buhay kesa sa karamihan sa Sitio Malaut eh hindi rin naman sila sobrang yaman na katulad ngayon. Naranasan pa rin niyang magsaka ng kanilang bukirin at mangahoy sa kakahuyan. Maligo sa batis at mag-alaga ng kanilang mga hayop. Nang magkakilala sila ni Don Francisco sa Maynila ay pareho silang nagtatrabaho sa isang kompanya. Nang ligawan, naging nobyo at ikasal siya dito ay simple at payak lang din ang naging buhay nila sa mga unang taon ng kanilang pagsasama. Umuwi din sila noon sa Sitio Malaut, pero hindi pa ganoon karangya ang buhay nila. Hanggang sa swertehin silang mag-asawa ng pasukin nila ang larangan ng pagnenegosyo. Pagdevelop ng mga lupa at pagbebenta nito ang naging negosyo nila, hanggang sa nakilala na sila sa larangan ng negosyo nila. Nang tuluyan na silang umangat sa buhay ay sunod-sunod na ang biyayang natanggap nila, hanggang sa narating na nila ang estado ng buhay nila ngayon. Sa loob ng ilang dekada na taon na lumipas ay ngayon lang muling nakabalik ng Santa Isabel si Doña Esmeralda. Isa sa mga dahilan ng pagbabalik nila ay tungkol pa rin sa kanilang negosyo kaya napagpasyahan nilang doon magbakasyon, bukod pa sa pagdalaw sa kanyang mga magulang at maparanas sa mga anak ang buhay probinsya. Plano nilang mag-asawa na humanap ng lugar na idedevelop nila doon at ibebenta, at isang malaking opportunity para sa kanila ang Santa Isabel ng dahil sa natural na kagandahan nito na biyaya ng kalikasan. Tahimik nilang ninanamnam na mag-asawa ang katahimikan ng lugar ng walang ano-ano ay bigla silang nakarinig ng matinis na tili na nanggagaling sa kabilang cottage na inookupa ni Francesca. Naalarma silang mag-asawa at agad na tumakbo papunta sa cottage nito. Dire-diretso silang pumasok sa loob upang alamin kung ano ang nangyari dito. Naabutan nila ang dalagitang nakatungtong sa may gilid ng kama nito, habang hindi pa rin maampat sa katitili. "Why? What happened?" tanong ni Don Francisco sa anak. "T-there is a bug on my bed Dad!" patili nitong sigaw habang parang diring-diri na tinuturo nito ang isang salagubang na tahimik na palakad-lakad sa gitna ng higaan nito. Nagkatinginan lang ang mag-asawa ng makita ang reaksyon ng anak. Pilit na pinipigilan ni Doña Esmeralda ang tumawa habang nakikita ang reaksyon ng anak, samantalang si Don Francisco naman ay hindi napigilan ang sarili. Bahagya itong napatawa habang hinuli ang salagubang at pinaglakad sa kanyang mga kamay. "Baby it's just a harmless beetle, your Mom and I used to play with it when we were little," tatawa-tawang saad ni Don Francisco sa anak. Saka ipinakita pa dito na hawak niya ang salagubang. "Ewww Dad, gross…" akala mo naman ay diring-diri na saad ni Francesca sa ama. Pero tinawanan lang siya ng Don dahil sa reaksyon niya. "Tsss, always a scene maker," France snorted. Hindi nila namalayang nandoon din pala ito, marahil ay narinig din nito ang pagtili ng kapatid at nag-alala. Now his face looks annoyed dahil naistorbo ito sa kung anumang ginagawa nito sa sariling inookupang cottage nito. Tinapunan nito ng masamang tingin ang kapatid saka na muli itong tumalikod at hindi na hinintay na mag-react ang sinuman sa kanila sa sinabi nito. Saka ito muling dumiretso sa cottage nito. Nagkatinginan lang ang mag-asawang Don Francisco at Doña Esmeralda sa ginawi ng anak. They really hope na magkaroon ng magandang outcome ang pagbabakasyon nilang ito dito sa probinsya, lalong-lalo na sa panganay nilang si France.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD