Ang malakas na tunog ng alarm clock ang gumising kay Adalia. Dahan dahan siyang bumangon. Malaki na ang kaniyang tiyan. Kabuwanan na niya, at due date na niya sa susunod na linggo. Manas na ang kaniyang mga paa. Hirap na siyang makakilos. Limitado na ang mga bagay na kaya niyang gawin lalo na sa mga gawaing bahay. Pero, pinipilit niya pa ring bumangon nang maaga upang makapaglakad-lakad siya. Nakakatulong daw iyon upang hindi siya gaanong mahirapan sa panganganak.
Ulila na siya sa magulang. Namatay ang kaniyang ama dahil sa aksidente sa trabaho noong nasa elementarya pa lamang siya. Namatay naman ang kaniyang ina noong araw mismo ng kaniyang graduation dahil naman sa aksidente sa kalsada. Hindi na siya nakapagpatuloy pa sa kolehiyo. Hindi naman siya matalino kaya hindi siya nakakuha ng scholarship. Wala siyang ibang mapagpipilian noon kundi ang magtrabaho para makaipon kung gusto pa niyang makabalik sa pag-aaral.
Kinupkop siya ng kaniyang tiya Linda, ang nakatatanda at nag-iisang kapatid ng kaniyang ama, kapalit ng pagtulong niya sa karinderya nito. Ipinangako nitong bibigyan siya ng buwanang sahod. Ngunit isang beses lamang siyang nakatanggap, at hindi na iyon nasundan pa. Hindi niya naman magawang magreklamo dahil pasalamat pa nga siya at mayroong tumitingin at nagpapakain sa kaniya. Sapat na iyon. Itinuring niya na lamang na pagbabayad ng utang na loob ang pagtulong niya sa tiyahin.
Lumipas ang maraming taon, at nasanay na siya sa kaniyang buhay sa piling ng kaniyang tiyahin. Itinigil na niya ang pangangarap dahil pakiramdam niya ay hanggang doon na lamang siya. Tatanda siyang nagtatrabaho sa karinderya. Tatanda siyang nagbabayad ng utang na loob. At kailangan naroon siya sa pagtanda ng kaniyang tiyahin upang alagaan ito dahil pa rin sa utang na loob.
Hanggang sa nakilala niya si Anton.
Si Anton ay isang engineer na galing sa lungsod. Nagkaroon ito ng proyekto sa kanilang probinsiya. Nang isang beses na kumain ito sa kanilang karinderya ay napadalas iyon, at araw-araw na itong nagpahaging sa kaniya. Hanggang sa pormal na itong manligaw. Hindi nagtagal ay nahulog ang loob niya sa binata, at naging opisyal ang kanilang relasyon. Ngunit naging mahigpit ang pagtutol ng kaniyang tiyahin sa kanilang relasyon. Gusto nitong ituon niya lamang ang kaniyang buong atensiyon sa pagtulong sa paghahanapbuhay dahil babaero daw si Anton, at hindi siya nito seseryosohin. Kapag nakuha raw nito ang tunay na pakay sa kaniya ay iiwan din siya nito. Alam niya ang ibig sabihin ng tiyahin, ngunit hindi siya nakinig. Mahal niya si Anton. Si Anton ang kaniyang unang pag-ibig, at nais niyang ito na rin ang kaniyang maging huli.
Tumatakas siya sa kaniyang tiyahin upang lihim na makipagkita kay Anton. Nang ilang araw na lamang ang natitira sa pananatili ni Anton sa kanilang probinsiya ay hiniling nitong may mangyari sa kanilang dalawa, ngunit paulit-ulit siyang tumatanggi. Natatakot siyang baka malaman ng kaniyang tiyahin. Ayaw niya itong madismaya sa kaniya.
Kaya lang ay mas natakot siyang dumating ang araw na aalis si Anton at sa posibilidad na hindi na sila magkita pa kahit na nangako naman ito na gagawa ng paraan upang muli silang magkasama. Dahil sa takot na iyon ay naibigay niya nang buo ang kaniyang sarili sa binata. Kinabukasan pagkatapos ng isang gabi nilang pagniniig ay biglang nawala si Anton. Hinanap niya ito, ngunit hindi niya ito nahagilap.
Isang buwan pa ang lumipas at nalaman niyang buntis siya. Natakot siyang sabihin ito sa kaniyang tiya Linda, lalo na at wala man lamang paramdam si Anton. Lumipas pa ang mga buwan at hindi na naitago ni Ada ang katotohanan. Galit na galit ang kaniyang tiya Linda, ngunit wala itong nagawa.
At hindi na nga nagpakita pa sa kaniya si Anton. Tuluyan na siya nitong iniwan sa ere. Napagtanto niyang tama nga ang kaniyang tiya. Iniwan na siya ni Anton dahil naisuko na niya ang lahat dito. Napakatanga niya upang maniwala sa mga mabubulaklak nitong salita. Durog na durog ang kaniyang puso. Pakiramdam niya ay hindi na niya kaya pang magtiwala sa kahit na sino mang lalaki. Kaya ipinangako niya sa sariling kahit kailan ay hindi na magpapaloko sa mga kalahi ni Adan. Hindi bale nang tumanda siyang walang asawa. Sapat na sa kaniyang may anak siya.
Kailanman ay hindi siya nakaramdam ng pagsisisi sa kaniyang pagbubuntis. Naniniwala siyang hulog ng langit ang kaniyang anak. Mag-isa niya itong palalakihin, at gagawin niya ang lahat upang mabigyan ito ng magandang buhay. Ang anak niya ang nagbigay sa kaniya ng bagong pag-asa upang muling mangarap. Balak niyang magtrabaho pagkapanganak niya. Iyong trabaho na mayroong desenteng sahod. Mag-iipon siya at babalik sa pag-aaral. Magtatapos siya upang makahanap ng maayos na trabaho. Iyon lang ang paraan upang maibigay niya ang pinapangarap na buhay para sa kaniyang anak.
Iyon ang plano. Kung paano niya iyon gagawin ay hindi niya alam. Hindi niya alam kung papahintulutan siya ng kaniyang tiyahin. Pwede niya naman itong kausapin na bigyan ng sahod sa kaniyang pagtatrabaho sa karinderya kahit kaunti lang. Iyong sasapat lamang upang may maipon siya araw-araw para sa balak na pagbabalik sa pag-aaral. Ayos na sana sa kaniya ang magbayad ng utang na loob habangbuhay, kaya lang ay magkakaanak na siya. At iyon ang pinakamalaking twist sa estorya ng kaniyang buhay.
Hinaplos niya ang kaniyang tiyan at ngumiti. "Malapit na tayong magkita, anak," aniya. "Excited na ang nanay." Humugot siya ng hangin sa kaniyang baga at ibinuga ito. "Magiging maayos din ang lahat, anak. Pangako. Hindi mo kailangan ng tatay. Hayaan mo na iyon. Hindi niya tayo deserve. Sino ba ang nawalan kundi siya? Hindi ko ipaparamdam sa iyo na may kulang sa buhay mo. Gagawin ko ang lahat para sa iyo."
Hindi niya namalayan ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Muli siyang ngumiti at tumingin sa kalangitan. "Salamat pa rin, Anton, dahil binigyan mo ako ng magiging dahilan para magpatuloy ako sa buhay. Binigyan mo ako ng dahilan para maging masaya pa rin kahit iniwan mo ako. Pangakong aalagaan ko nang mabuti ang anak natin. At simula sa araw na ito, pipilitin kong kalimutan ka na nang tuluyan."
Pinahid niya ang kaniyang mga luha, at nagpatuloy na siya sa paglalakad. Sumisilip na si Haring Araw. Kailangan na niyang makabalik sa bahay dahil siguradong gising na ang kaniyang tiyahin at hinahanap na siya. Panibagong araw na naman ng pakikibaka sa karinderya.