CHAPTER 8

1961 Words
Si Nina ang nag-asikaso kay Ada dahil kailangan ding magpahinga ni Jeremy. "Good morning, Ineng!" nakangiting bati ni Nina sa dalaga. "Good morning po," tugon ni Ada. Dala na ni Nina ang agahan ng dalaga. Nakalagay iyon sa isang bed tray table. Samantala, mahimbing namang natutulog si Ethan. "Ipinagluto kita ng may sabaw ng gata at may malunggay. Mainam ito para sa nagpapasuso. Humigop ka. Kumain ka ng marami para maraming madede si Ethan," ani Nina. Inilapag niya ang table sa harap ng dalaga. "Maraming salamat po, Aling Nina. Nakakahiya naman po. Pati kayo ay naaabala ko," ani Ada. "Ano ka ba? Masaya akong gawin ito. Si Jeremy nga na aking amo ay tinutulungan ka. Ako pa kaya? Isa pa, biro ko nga kay Jeremy ay parang binigyan niya ako ng apo." Nahihiyang natawa nang marahan si Ada. "Nasaan po siya?" "Si Jeremy? Hayon at tulog mantika. Tanghali na iyon magigising. Ganoon naman siya palagi. Hindi na bago sa kaniya ang magpuyat. Kumbaga, isa siyang night owl." "Wala ho ba siyang trabaho?" Ngumiti si Nina. "Wala. Hindi niya iyon kailangan." Nagsalubong ang mga kilay ni Ada. "Walang trabaho si Jeremy pero marami siyang negosyo. Hawak iyon ng iba't ibang tao niya." "Talaga ho?" namamanghang wika ni Ada. Tumango si Nina. "Ipinanganak na bilyonaryo si Jeremy at solo siyang anak. Ni minsan ay hindi niya naranasang maghirap pagdating sa pera. Maliban sa ipinanganak siyang mayaman, magaling din sa negosyo. Nagmana siya sa kaniyang amang si Don Ismael. " "Ano ho kaya ang pakiramdam na maging kagaya niya? Iyong ipinanganak hong mayaman. Ako ho kasi lumaki sa hirap. Maaga pa akong naulila. Maaga rin akong kumayod para maitaguyod ang sarili ko. Hindi nga ho ako nakapagtapos ng pag-aaral." "Huwag mong pangaraping maging kagaya ni Jeremy. Mas maigi na na lumaki ka sa hirap dahil alam mo kung gaano kalupit ang mundo. Si Jeremy ay easy-go-lucky. Ang nasa isip niya, lahat ng problema ay nasosolusyonan ng pera. Lumaki siyang ganoon ang mentalidad." "Pero mukhang mabait naman po si Jeremy," ani Ada. "Mabait naman ang batang iyon, pero kagaya ng sabi ko sa iyo, medyo mababaw ang tingin niya sa buhay. Nag-aalala nga ako sa kaniya. Paano kung wala na ako? Hindi naman ako habangbuhay nandito sa mundo. Kapag wala na ako, sino ang magsasabi sa kaniya kung tama o mali ang ginagawa niya? Sino ang gagabay at aalalay sa kaniya?" "Mahal na mahal n'yo talaga si Jeremy, ano?" puno ng paghangang saad ni Ada. "Oo, sobra. Para ko na siyang anak. Buong buhay niya mula nang isilang siya, kasama niya ako. Ni minsan ay hindi ko siya iniwan. Madalas nga niya akong tuksuhin na ako raw ay buntot niya. Eh, ano'ng magagawa ko? Hindi ko mapagkatiwalaan ang mga desisyon niya sa buhay. Kailangang lagi akong nakaalalay." Bumuntong hininga ito. "Kaya nga nang malaman ko ang ginawa niyang pagtulong sa iyo ay kakaiba ang naramdaman kong saya. Ni minsan ay hindi ko naisip na magagawa ito ni Jeremy. Makasarili ang batang iyon. At ang babae para sa kaniya ay laruan lang." Pati si Ada ay napabuntong-hininga sa narinig. Totoo pala ang kaniyang hinala. Hindi nga naiiba si Jeremy sa mga lalaking kilala niya. "Halos araw masakit ang ulo ko sa mga ginagawa ni Jeremy sa buhay niya lalo na pagdating sa mga babae. Ni minsan ay wala pa siyang sineryoso. Basta isang araw, sinabi ko sa kaniya na kakarmahin din siya. At kapag dumating ang araw na iyon ay huwag siyang iiyak-iyak sa akin dahil hindi naman ako nagkulang sa pagpapaalala sa kaniya." "Pare-pareho po talaga ang mga lalaki, ano ho, Aling Nina? Ang tatay rin kasi ni Ethan wala ring kwenta. Hindi ko naman sinasabing walang kwenta si Jeremy, pero kagaya ng maraming lalaki, walang kwenta si Anton." "Anton ang pangalan ng tatay ni Ethan?" Tumango si Ada. "Mahigpit po ang tiyahin ko. Kaya umedad ho ako ng bente-singko na hindi nagkakaroon ng nobyo. Pero nang dumating si Anton sa buhay ko, nagbago ang lahat. Natuto akong suwayin si Tiya Linda. Natuto akong tumakas. Hindi naman nagkulang ng paalala sa akin si Tiya na sinasamantala lang ni Anton ang pagiging inosente ko. "Pero dahil nga po sa unang beses akong umibig, naging mapusok ako. Isa pa, mukha namang seryoso sa akin no'n si Anton. Akala ko totoong mahal niya ako. Hanggang sa isang beses, may nangyari sa amin. Pagkatapos no'n, nawala siya na parang bula. Sinubukan ko pa siyang hanapin. Pero ang sabi nga nila, mahirap hanapin ang nagtatago." Nagbuntong hininga siya. "Nagsisisi akong nakilala ko si Anton at sinuway ko si Tiya, pero sa isang banda, nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng anak." "Binabago ng bata ang pananaw natin sa buhay," wika ni Nina. "Naniniwala akong si Ethan na ang swerte mo sa buhay. Kaya mahalin at alagaan mo siya nang mabuti." "Opo, Aling Nina. Gagawin ko ang lahat para maging isang mabuting ina. Hindi mararamdaman ng anak ko na may kulang sa buhay niya dahil pupunuin ko siya ng pagmamahal." Ngumiti si Nina at tumango. "Oh, siya sige. Kumain ka na at ako ay may ibang gagawin. Tawagin mo ako kapag kailangan mo ako. Huwag kang mahihiya," aniya. Tumango si Ada at nilisan niya ang kwarto. Lumipas ang isang linggo at halos nakabawi na ng lakas si Ada mula sa panganganak. Nagagawa na niya halos lahat ng bagay nang mag-isa. Sa buong linggo na iyon ay hindi siya inobliga ni Jeremy na gawin ang kahit na anong gawain sa mansiyon. Pakiramdam niya ay nagbubuhay reyna siya, at hindi niya maitangging nahihiya siya sa special treatment na kaniyang natatanggap. Isang araw ay nagising siyang wala si Ethan sa kaniyang tabi. Nataranta siya at nagmamadaling lumabas ng kaniyang kwarto. Hindi pa rin kasi maalis sa kaniya ang trauma na dulot ng kaniyang tiya at ni Mr. Clemente. May mga araw kasing napapanaginipan niya pa rin ang mga ito. At ang mga bangungot na iyon ang dahilan kung bakit naging paranoid na siya kahit alam niyang ligtas siya sa mansiyon ni Jeremy. Nakahinga siya nang maluwag nang makita si Jeremy sa main entrance ng mansion. Karga nito si Ethan habang nagpapaaraw. Nakaharap kasi ang mansion sa silangan. Napangiti siya habang bahagyang hinihele ni Jeremy si Ethan. Natawa pa siya nang bahagya dahil nagbi-baby talk si Jeremy sa pagkausap dito. Naramdaman ni Jeremy ang kaniyang presensiya kaya nilingon siya nito. "Gising ka na pala," anang binata. "Baka pagod ka na," ani Ada. "Akin na si Ethan para makapagpahinga ka." Natawa si Jeremy. "Are you kidding me? Paano ako mapapagod kay Ethan? Eh wala naman siyang ginagawa kundi magpa-cute sa akin." Muli nitong pinanggigilan ang sanggol. "Sa tingin ko nga mapapawi ni Ethan ang pagod ko kapag napagod ako." Tumingin ito kay Ada. "Kapag ba pagod ako, pwede ko ba siyang hiramin?" Kay lapad ng ngiti nito. "Oo naman!" nakangiting tugon ni Ada. "Pero sa ngayon, ibigay mo muna siya sa akin. Sa tingin ko, hindi ka pa kumakain. At saka ang aga mo yatang nagising. Parang ngayon ka lang nagising nang ganito kaaga." "Actually two days na akong nagigising nang maaga. Nagla-lie low na muna ako sa mga lakad ko. Mas gusto kong mag-stay rito sa mansiyon. Mas gusto kong kasama si Ethan. Pwede bang gawin ko ito araw-araw?" Nagsalubong ang kilay ni Ada. "Ang alin?" "Ang paarawan si Ethan," tugon ni Jeremy. "Iyon lang ba? Walang problema. Gusto ka naman ni Ethan. Pero baka masanay siya sa iyo. Paano kapag umalis na kami rito, eh di hahanapin ka niya." Ang malapad na ngiti ni Jeremy ay unti-unting nabura. "Ada..." aniya. "Dumito na lang kaya kayo?" Kumunot ang noo ni Ada. "Hindi ba wala naman kayong pupuntahan? Ikaw mismo ang nagsabi sa akin niyan. Nakiusap ka rin sa akin na bigyan kayo ng pansamantalang matitirhan. Dumito na lang kayo sa mansiyon." "Pero, Jeremy, nakakahiya naman kung habangbuhay na lang kaming magiging pabigat sa iyo. Hindi mo naman kami kaanu-ano." "Huwag mong sabihing pabigat kayo, lalo na si Ethan." "Pero gumagastos ka sa amin. Doon pa lang, dapat mahiya na ako sa iyo." "Huwag mong intindihin ang ginagastos ko sa inyo. Barya lang sa akin iyon. Ni hindi iyon dumadaplis sa perang mayroon ako," tugon ni Jeremy. "Please, Ada. Tanggapin mo na ang alok ko. Isipin mo na lang na para ito kay Ethan." Nag-isip si Ada. "Papayag ako, sa isang kondisyon," aniya. "Kahit anong kondisyon," ani Jeremy. He got excited. "Hayaan mo akong magtrabaho rito sa mansiyon. Hayaan mong pagtrabahuan ko ang mga pangangailangan namin. Iyon lang ang paraan para hindi ako mahiya sa iyo." Nagdalawang-isip at labag man sa loob ay tumango si Jeremy. "Sige," aniya. "Payag ako sa kondisyon mo. Pero may exception at huwag mong tatanggihan. Kapag may ibibigay ako kay Ethan, tatanggapin mo. Consider them as a gift. Iyon lang. Please!" Tumango si Ada at ngumiti. "Thank you, Ada!" tuwang-tuwang wika ni Jeremy. Hinagkan niya ang sanggol. "Nandiyan pala kayo," wika ni Nina sa kanilang dalawa. "Tutal nandito naman na kayo, kumain na lang kayo ng agahan nang sabay." "Good idea, Yaya," tugon ni Jeremy. "Ikaw na muna ang bahala kay Ethan." Ibinigay niya ang sanggol kay Nina. "Let's go eat, Ada." Ngumiti si Ada at sinundan ito. "Kain lang nang kain, Ada," wika ni Jeremy. Samantalang siya ay ganadong-ganado lalo na at alam niyang hindi aalis sina Ethan. Halos wala na nga siyang plano maliban sa i-babysit ito. Bakit walang nakapagsabi sa kaniya na napakasayang mag-babysit ng sanggol? Natatawa nga siya sa kaniyang sarili na kung sakaling pipili siya ng trabaho, walang iba kundi ang maging isang babysitter. "Jeremy, ano ba ang magiging trabaho ko rito sa mansiyon?" tanong ni Ada. "Ikaw, ano ba ang gusto mo?" balik-tanong ni Jeremy. "Actually, marami naman na akong katulong. Walang bakanteng trabaho rito. Pero dahil gusto mong pagtrabahuin kita, pinagbigyan kita. Now, it's up to you kung ano ang gusto mong gawin." Natigilan sa pagkain si Ada. "Pwede ba iyon? May trabaho ako tapos hindi ko alam kung ano." Natawa si Jeremy. "Gusto mo bang magbawas ako ng katulong para magkaroon ka ng seryosong trabaho?" aniya. "Huwag!" mariing wika ni Ada. "Kawawa naman ang tatanggalin mo." "Ayon naman pala." Ngumiti siya. "Don't stress yourself out. Mamili ka na lang ng kung ano ang gusto mong gawin dito sa bahay. Kahit ano pa ang gawin mo, bibigyan kita ng sahod. And I will pay you on time. At saka nabanggit sa akin ni Yaya na naikwento mo raw sa kaniya na hindi ka nakapag-college. Pwede mong i-pursue iyon kung gusto mo. Wala akong hinihiling na kapalit. Gusto ko lang nandito kayo ni Ethan." "Bakit mo ito ginagawa?" hindi mapigilang maitanong ni Ada. "Hindi mo nga ako kilala. Alam mo pang may buntot akong gulo, pero tinutulungan mo pa rin ako." "Hindi ko rin alam," tugon ni Jeremy. "Siguro natutuwa lang ako sa anak mo. Simula kasi nang nandito na kayo, hindi na boring ang buhay ko. Ethan makes me happy. Kaya huwag ka nang mag-isip kung bakit kita tinutulungan. Huwag ka na ring mag-isip kung paano ako mababayaran sa lahat ng ginagawa ko. Ethan is enough." Ngumiti si Ada. "Okay," aniya. "Gusto ko ngang makabalik sa pag-aaral. Pero saka na siguro iyon kapag malaki-laki na si Ethan. Sa ngayon, magtratrabaho na muna ako. Bahala na kung ano, basta magtratrabaho ako. Tapos mag-iipon ako at iyon ang ipang-aaral ko. Magsusikap ako hanggang sa kaya ko nang tumayo sa sarili kong mga paa. Para hindi kami habangbuhay na nakadepende sa iyo." Natigilan si Jeremy. Ewan niya ba. Sa tuwing nagpapahiwatig si Ada na posible itong umalis kasama si Ethan ay para siyang nahihirapang huminga. Ngunit itinago niya ang kaniyang emosyon. Tumingin siya kay Ada at ngumiti. "Ikaw ang bahala," aniya. "Salamat, Jeremy. Salamat talaga," wika ni Ada. "You're welcome." Iyon lang at nagpatuloy na sila sa pagkain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD