Tahimik na naglalakad si Dash sa school ground papunta sa unang klase niya. Inayos niya ang suot na salamin at palingon-lingon sa paligid.
Baka makasalubong niya ang magba-barkadang gansters. Hindi naman sa ayaw niyang makasalubong ang mga ito, sadyang umiiwas lang talaga siya sa gulo.
Isa pa ang Raven na iyon. Hindi niya maintindihan ang babae, para itong robot. Hindi, baka naman robot talaga ang babaeng iyon?
Ano bang iniisip niya?! Hindi niya dapat pakealaman ang ibang tao. Pero ang weird lang kasi ng ginawa nito sa kanya kahapon. May pa sandal pang nalalaman sa kanya. Pasimpleng galawan lang ano?
Umakyat si Dash sa building patungo sa third floor kung saan ang classroom ng klase niya. Naalala niya, kaklase niya pala sa subject na ito si Raven at Cale.
Wala pa ang kanilang prof pagdating niya ngunit puno na ang buong classroom. Himala at kompleto ang mga kaklase niya. May mga bagong mukha kasi siyang nakita na hindi niya nakita kahapon.
Pumunta siya sa pwesto niya at umupo. Nasa gilid na niya si Raven at nakatanaw lang ito sa labas ng bintana. Open field kasi sa labas at nandoon ang ibang students na wala pang klase at nagpa-practice ng sports, drama, sayaw, at kung ano pang activities.
"Psst!"
Pamilyar ang sitsit na iyon. Hindi siya lumingon. Ano na naman kaya ang kailangan ni Cale sa kanya?
"Psst! Dash! Dash!"
Hindi niya pinansin ang pangungulit ng kaklase. Buong oras ng klase nila ay walang ibang ginawa si Cale kundi sitsitan siya at tawagin ang pangalan niya. Ilang beses itong na sita ng prof hangang sa naubos ang pasensya at pinalabas ito.
Nang matapos ang klase, mabilis na nailigpit ni Dash ang mga gamit niya. Kulang nalang ay liparin niya ang pinto para maka-alis na siya. Kanina pa kasi siya hindi mapakali sa inuupuan niya.
Paano ba naman kasi, sa kalagitnaan ng klase napansin niyang hindi na nakatitig si Raven sa labas ng bintana kundi nasa kanya na ang buong atensyon nito!
Nakakahiya ang babaeng iyon. Hindi ba ito marunong makiramdam? Halatang hindi siya komportable kanina, kinalabit na nga siya ng kaklase niya sa likod at sinabihan siyang huwag malikot.
Iiling iling na lumabas siya ng classroom. Mabuti nalang at ito na ang last subject niya para sa araw na iyon. Makakauwi na siya sa kanilang bahay at makakapag-relax kahit kaunting oras.
Napa-atras si Dash nang biglang sumulpot ang pagmumukha ni Cale sa harap niya. Halos ilang dangkal nalang ang kulang para maghalikan sila! Pinagpawisan siya ng malamig. Muntik na iyon ah!
"Uyy!" Tatawa-tawa pa nitong sabi.
Sinamaan niya ito ng tingin. Hindi niya nagustuhan ang ginawa nito. Wala naman siyang kaso sa mga bakla pero kahit kailan hindi niya gugustuhing tawaging bakla dahil lang may nakahalikan siyang lalaki! It was a close call, he could say.
"What do you want?" nakasimangot na tanong niya dito.
Natigilan si Cale. Marahil ay napansin nito na wala siya sa mood. Ngunit ngumiti kaagad ang binata at hindi niya maintindihan ngunit may nagsasabi sa kanyang ang mga ngiting iyon ay delikado. Ngiting may binabalak na masama.
"Do you want to know why we look up to Raven so much?"
Hindi pinahalata ni Dash ang biglaang pagsiklab ng interes sa loob niya. Nilampasan niya ang binata. "Uuwi na ako,"
"Teka, teka!" humarang ito sa dinaraanan niya kaya napahinto siya. "Kung sakaling mag bago ang isip mo, heto tangapin mo,"
Nilahad nito ang isang sobre na kulay ginto. Nang hindi niya ito tinangap ay pinagpilitan nitong isuksok sa bulsa ng pantalon niya ang sobre.
"Nasa loob ng sobre ang lahat ng kailangan mong gawin para malaman kung ano ang sinasabi ko," saad nito bago tumalikod. "See you later, pare!"
Sinundan niya ng tingin ang likod ng lalake habang nakakuyom ang kamao. Hindi. Hindi niya bubuksan ang sobre. Wala siyang balak makipag-kaibigan sa mga taong alam niyang delubyo ang ibibigay sa kanya.
Oo, wala siyang balak.
Pero anong ginagawa niya ngayon sa abandunadong gusali na ito?! Nakapasok na siya sa loob, may nakita siyang malaking tao na nakaupo sa sulok. Napa-atras pa siya nang bigla itong tumayo at nilapitan siya.
Nilahad nito ang kamay na parang may hinihingi. Pinakita niya ang itim na telang nakapaloob sa sobreng ibinigay ni Cale. Taimtim itong sinusi ng lalake at muling ibinalik sa kanya.
Naglakad ito palayo kaya sinundan niya.
This is a bad idea. Ano bang iniisip niya?! Sa lokasyon pa lang na sinasabi ni Cale, halatang may nagaganap na illegal! Humanda sa kanya ang lalaking iyon kapag nasabit siya dito! Wala siyang ibang sisisihin kundi si Cale at ang Raven na iyon!
Kasama sa sulat ang dapat niyang gawin kapag narating na niya ang gusali. Ibigay ang itim na tela sa malaking taong nagsisilbing bantay at sundan ito matapos. Wala ng ibang binilin si Cale.
Tumigil sila sa isang kwarto na mukhang dating opisina. Binuksan ng lalaki ang pinto at pinapasok siya.
May mga papeles na nakakalat sa loob at ang mesa ay siguradong kahit kamay mo lang ang ipatong mo ay guguho na. Ang swivel chair na pinaglumaan ay nakatumba. Nakabukas ang aparador at nakakalat ang laman.
Biglang sumara ng malakas ang pintuan. Narinig niya ang mabigat na yabag ng lalaki palayo. Kinulong ba siya nito?! Tumibok ng mabilis ang puso niya. Tumakbo siya sa pinto at sinubukan itong buksan.
Naka-lock!
Ikinulong siya ng lalaki sa kwartong iyon! Prank ba ito? Ang lakas ng t***k ng puso niya sa sobrang takot. Kulang nalang ay tumalon ito palabas sa dibdib niya! Hindi siya makapag isip ng maayos. Walanghiyang Cale na yan, may masama pala itong balak sa kanya!
"Palabasin mo ako dito!" binalya niya ang pinto at sinipa. Pero gawa sa purong bakal ang pinto, imposibleng masisira niya ang ganyan kalapad na bakal!
Hinagilap niya ang swivel chair at itatapon na sana sa pinto nang biglang gumalaw ang sahig at may kakaibang tunog siyang narinig. Anong nangyayari?!
Napakapit siya sa mesa nang unti unting gumalaw pababa ang sahig. Palalim ng palalim at habang tumatagal ay mas kinakabahan si Dash. Ilang sandali pa ay may unti-unti siyang naririnig na ingay.
Mga sigawan ng tao.
Hindi alam ni Dash kung anong magiging reaksyon niya. Dahil hindi sigaw ng sakit o poot ang naririnig niya kundi sigaw ng tuwa at punong puno ng gigil.
Kinilabutan siya ng husto nang tuluyang makababa ang sahig. Tumambad sa kanya ang tanawing kahit kailan hindi niya naisip na makikita niya.
Sa gitna ng mga taong nagsasaya, nasa ibaba ang humigit kumulang sampung tao at nagpapatayan. This is bad. Wala siyang ideya kung anong klaseng gulo itong napasok niya.
"Welcome to the underground arena, my dear innocent classmate," salubong ni Cale sa kanya.
Pagkakita niya sa pagmumukha nito ay isa lang ang gusto niyang sabihin.
"Bastard."
Tumawa lang ang tukmol. "I knew you'd come!"