HABANG papalapit sa kubong tirahan ay nakadama ng matinding kaba si Apa. Pakiramdam niya'y may malaking kamaong sumuntok sa dibdib niya. Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Halos hindi na sumasayad ang talampakan niya sa lupa dahil sa bilis at laki ng kanyang mga hakbang. Nang matanaw ang kubo ay humangos siya palapit. Nangunot ang kanyang noo nang makita ang asawang nakaupo sa baitang ng hagdanan at nakayuko. Nakatakip pa ang mga palad sa magkabilang tenga. Nagtaka siya sa itsura nito. Bakit nakatakip ang mga tenga nito na tila ayaw makarinig ng ingay gayong wala naman siyang naririnig? Ang kaninang pakiramdam na kamaong tumama sa dibdib ay naging ubod lakas na tadyak! Agad niyang tinakbo ang pagpasok sa loob ng kanilang kubo! Nagkakandarapa na siya sa paghakbang sa iilang baitang.

