CHAPTER 3 - Ang isinilang ni Ada

1789 Words
"KAILANGANG manatili sa akin ang posisyon bilang pangunahing taga t*****e ng mga kaluluwa! Hindi ako papayag na maagaw ng kahit na sino ang aking pwesto sa kanan ng aking panginoon. At ikaw, kasama ng iyong maybahay ang ipagsasama ko sa kanyang harapan! Bwahahaha!", humahalakhak na sabi ni Alister habang pinagmamasdan ang lalaking nakapanungaw sa bintana ng isang malaking bahay. "Tsk...,tsk.., tsk.. Wala kang kadala-dala, Alister.", tinig ng isang lalaki. "Hindi mo pa nga nakukuha ang kaluluwa ng dalawang tumalo sa'yo tapos ay heto at gusto mo na namang mang-ulot ng mag-asawang tapat na umiibig sa isa't-isa!", nang-uuyam na tinig naman ng isang babae. Nakangising sinulyapan ni Alister ang mga bagong dating. "Payong dimonyo lang, Alister. Kung ilang ulit ko nang sinubukang tuksuhin iyang si Ismael. Magnakaw ng komisyon, manloko at magsinungaling. Pati ang magagandang babae ay inilapit ko na sa kanya, ngunit matibay! Hindi man lang natinag kahit kaunti.", pagpapahina ng loob na sabi ng lalaking may itim na mata. "Tama si Abaddon, binigyan ko pa 'yan ng sakit pero hayan at matibay pa rin. Ganyan lang 'yan, subalit maya-maya lang ay buo na naman ang paniniwala sa kalaban ng ating hari.", pagsang-ayon ng babaeng may dilaw na mata. "Pagmasdan mo sila ng kanyang kabiyak. Walang anak ngunit matimyas pa rin ang pag-iibigan. Maraming beses na rin silang nilapitan at tinukso ng mga kasamahan nating diablo noong laman pa sila ng kalsada subalit wala rin. Magagawa mo ba silang kunin at ipagsama sa impyerno? Magagawa mo bang yanigin ang matibay nilang pananalig at pagmamahalan?", naghahamong tanong ng nauna. "Pagagalingin mo si Ismael? Lalagyan mo ng sanggol ang sinapupunan ni Josefina? Nasubukan na namin 'yan ngunit hindi sila pumayag kaya hindi kami nakapasok sa kanilang mga puso. Mabibigo ka lang uli, Alister.", nananant'yang sabi ng ikalawa. "Gawin n'yo na lamang ang inyong mga trabaho at hindi ang bantayan ako. Paghusayan n'yo upang makuha n'yo ang posisyon ko dahil sisiguraduhin kong mahihirapan kayo. Magkita-kita na lamang tayo sa impyerno at hintayin doon ang aming pagdating!", matigas na sagot ng lalaking may dilaw na mata. Nakakainsultong nagtawanan ang dalawang dimonyo at saka nawala sa hangin. "Ismael, Josefina, kayo ang babawi ng nanganganib mawala sa akin! Sa inyo ko itatama ang naging pagkakamali ko kay Ada at Apa! Kayo ang magpapatunay na walang ibang magaling maliban sa akin! Sisiguraduhin kong hindi niyo ako magagawang talunin! Bwahahahaha!", nakatitiyak na halakhak ng lalaking may dilaw na mata. ***** "APAAA!" Malakas na sigaw ni Ada. Humihilab na ang tiyan nito. "Huh!'', sambit ni Apa pagkarinig sa sigaw na 'yon ng asawa. "Nariyan na 'ko!", pagkasabi ay nagmamadali nitong isinukbit ang hawak na itak sa bewang at saka tinakbo ang daan pabalik sa kubong kinaroroonan ng kabiyak. Humihingal nitong narating ang kubo. Nadatnan ang asawang nakauklo sa pagkakatayo habang hawak ang tiyan. Nandilat ang mga mata ni Apa pagkakita sa dugong umaagas sa mga hita ng asawang ang mukha ay nakangiwi sa iniindang sakit. "A-ada, manganganak ka na!", magkahalong tuwa at takot ang himig nito. "S-sunduin mo na si .... , Ah! Hummmp!", muling daing ni Ada. Ang paghilab ng tiyan ay sunud-sunod na. Mabilis na napalapit si Apa sa kabiyak. Naroong haplusin ang tiyan nito at balakang sa pagnanais na mabawasan ang paghihirap. "Aah..! Huummmp!", muling pag-iri ni Ada. Lalong nataranta si Apa! Ang mga pinlano at mga paghahanda na gagawin sa pagdating ng pagkakataong 'yon ay nakalimutan na dahil sa nerbyos. "A-ada, kaya mo ba mag-isa? Kung susunduin ko si Ka Andeng ay wala kang makakasama.", nagdadalawang isip nito. "S-sige na. Su-sunduin mo na, da-dalian mooo!", sigaw ni Ada na sinundan ng muling pag-iri. "O-oo, s-sige, sandali lang ako. Dito ka lang muna. B-balik agad ako, dit---" "Dalian mooo, aaah!", sigaw ng ginang na nagpaumid ng dila ni Apa. Hangos itong bumaba sa hagdanan na inilang hakbang lang at saka kumaripas ng takbo pababa sa paanan ng bundok na kinatatayuan ng kanilang kubo. "Dapat pala ay hindi ko na hinayaang umuwi si Ka Andeng. Ang sabi n'ya kahapon ay mga apat hanggang pitong araw pa bago manganak si Ada.", may pagsising kausap ni Apa sa sarili sa pagitan ng paghingal. "Aaaaaaah...!" Sa narinig na sigaw ng asawa ay huminto ito at napalingon. Muling nag-atubili kung itutuloy pa ba ang pagbaba o babalikan ang asawang inaalala na baka kung mapaano habang wala s'ya. ***** "Huummp...", iri ni Ada nang muling sumakit ang tiyan. Higit ang sakit na nararamdaman niya kapag nakahiga kaya tumayo siya sa tabi ng bintana at nangungunyapit sa pasimano t'wing makakaramdam ng paghilab. Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita niya ang asawang naglalakad pabalik. Nabuhayan siya ng loob. Nararamdaman na kasi niyang nakaumang ang kanyang sanggol at kung magtuluy-tuloy ang paghilab na sasabayan niya ng pag-iri ay maaaring lumabas na ito. "A-apa, lalabas na ang anak natin! H-hindi ko na mahihintay pa si Ka Andeng. Saka mo na lang siya sunduin paglabas ng bata.", sabi niya sa pagitan ng paputol-putol na pagsasalita. Tinulungan siya ni Apa makahiga. Pagkatapos ay nagtuloy ito sa lutuan. Huminto pa ito at lumingon sa kanya. Pinigilan niya ang mapasigaw sa sakit na nararamdaman. Lalo lamang natataranta ang kanyang asawa. Magpapakulo ito ng tubig at kung maririnig ang kanyang pagdaing ay baka hindi maiayos ang pagpaparikit ng kalan. Baka masunog pa ang kanilang kubo. "Huuummp!", iri niyang muli. Kagat niya ang pang-ibabang labi upang hindi makalikha ng malakas na tunog. Nalasahan niya ang mainit na dugong sumasama sa kanyang laway. Hinila niya ang kumot, ibinalumbon ang dulo nito at saka isinubo. Iyon ang kinakagat niya sa t'wing sasabayan ng pag-iri ang paghilab ng tiyan. Isang matinding paghilab ang naramdaman niya. Huminga siya ng malalim at saka mahabang umiri. Napakasakit! Muling humilab kung kay muli s'yang umiri. Malapit na! Hindi man nakikita bukod pa sa ang mga mata'y nakapikit ay naramdaman niyang nakaumang na ang ulo ng kanyang sanggol. Muli niyang hinintay ang matinding paghilab. Nanghihina na siya kung kaya tinipid niya ang lakas. Naramdaman niya ang yabag ng asawa at ang pagpwesto nito sa kanyang paanan. Ang singaw ng maligamgam na tubig ay nasa tabi na rin niya. "Sige anak, lumabas ka na. Nakahanda na ang tatay mo sa iyong pagdating.", pakiusap niya sa kanyang sanggol. Unti-unti na niyang nararamdaman ang matinding sakit, tinipon niya ang lakas upang ibuhos sa binabalak na mas mahabang pag-iri gaya ng itinuro sa kanya ni Ka Andeng. "Huuump! Huuump!", magkasunod niyang iri. Napangiti siya nang maramdamang may bahagya nang lumabas sa kanyang puerta. Dumilat siya bago muling umiri. Nanlaki ang mga mata ng nagsisilang na ginang! "Aaaaaahh!", malakas nitong tili. Nasa paanan niya ang nakangising lalaking may dilaw na mata! Gaya ng napanaginipan, nakatalikod ang katawan nito ngunit ang mukha ay nakapaling sa kanya! Isang tili pa ang lumabas mula sa kanyang gbibig bago tuluyang nawalan ng malay. ***** Lalong nagmadali sa pagtakbo si Apa pagkarinig sa muling pagsigaw ng asawa. Sa layo ng natakbo ay mahina na ang sigaw na 'yon ngunit narinig pa rin niya. Kahit papaano ay naibsan ang pag-aalala niya pagkarinig sa boses nito , inisip na maayos pa rin ito sa kabila ng kalagayan. ***** "Dalian ho natin, Ka Andeng. Baka sa mga sandaling ito ay naisilang na ni Ada ang aming anak!", anito sa hilot na halos kaladkarin na sa pagmamadali. Sa wakas ay nakarating na ang dalawa. "Magpakulo ka na agad ng tubig!", utos ng hilot bago pa man pumanhik. "Ada, narito na si Ka Andeng!", sabi ni Apa sa asawang nakahiga. Papunta na ito sa lutuan habang ang hilot naman ay agad na nagtuloy sa paaanakin. "Susmaryosep! Ada! Ada!", sigaw ni Ka Andeng na nagpabalik kay Apa bago pa man makarating sa lutuan. "Gumising ka! Ada, gumising ka!", takut na takot na sigaw. Nanlaki rin ang ulo ni Apa sa nakita. Nakalabas na ang noo hanggang sa mga mata ng sanggol ngunit ang kabuuan ay hindi pa! "Gisingin mo ang asawa mo! Kailangang mailabas ang kanyang sanggol! Malalagay sa panganib ang kanilng buhay kung hindi s'ya tuluyang makapagluluwal!", utos ni Ka Andeng. Sa narinig ay lalong nangatog sa matinding nerbiyos si Apa. "Ada! Ada! Gumising ka, gumising ka!", naluluha nitong sigaw. Nagmulat ng mata ang ginang. "Umiri ka! Nakalabas na ang bata! Iri!", utos ng hilot matapos may kurutin. "Huuummmp...!", dire-diretsong iri ni Ada at pagkatapos ay agad nawalan ng malay. "Oh, Diyos ko!", nasambit ng hilot habang nakatingin sa sanggol na hawak. Malaki ang kalahati ng ulo nito at halos lumuwa ang mga mata sa namamagang mga talukap. "Nakakatakot at nakakadiring sanggol!", pintas ng hilot sa isipan habang ito ay inilalapag sa ibabaw ng kumot. Walang imik na nakatingin lang si Apa. Nabigla rin ito sa nakikitang anyo ng kasisilang lang na anak. Naapuhap lamang nito ang dila nang mapansing wala iyong kagalaw-galaw "K-ka Andeng ano ho ang----?" Umiling ang hilot. "Nahuli na tayo sa pagdating, Apa. Wala na siya.", sagot nito. "A-anak...", malungkot na anas ni Apa. "Ay, impaktong nabuhay!", mulagat na sabi ni Ka Andeng nang kumislot ang sanggol! Agad na nangiti si Apa. Buhay ang kanyang anak! Laking pagkadismaya naman ni Ka Andeng. "E-eh, Apa, pag-isipan mo munang mabuti ang bagay na ito. Bata pa naman kayong mag-asawa kaya magkakaanak pa uli kayo.", sabi nito. Hindi man tahasan ay para na rin nitong sinabing hayaan na lamang mamatay ang bagong silang na bata. "A-ano'ng ibig niyong sabihin?", mariing tanong ni Apa, nasa tinig ang pinipigil na inis. "Pagtatawanan at tutuksuhin lamang siya ng mga tao kung hahayaan mo siyang mab----" "Ka Andeng!", galit na saway ni Apa sa sasabihin pa ng hilot. "Siya sige kung 'yan ang pasya mo. Ako naman ay nagmamalasakit lang.", sabi ng aleng tila napipilitang iniangat uli ang sanggol at saka tinapik sa pwitan. "Uha, uha, uha!", iyak ng munting tinig. Naging musika sa pandinig ni Apa ang pag-uha ng anak. "Ano man ang iyong itsura ay anak pa rin kita. Mamahalin kita at aalagaan. Wala akong papayagang manakit sa'yo, kaya huwag kang mag-alala. Narito ang tatay. Hindi kita pababayaan, anak.", sabi ni Apa. Matapos malinisan ang mag-ina ay nagpaalam na si Ka Andeng. Ayaw nitong papigil. Tinanggihan ang alok ni Apa na doon na lamang magpalipas ng magdamag. Iniwanan ng bagong ama ang kanyang mag-ina upang ihatid ang hilot pababa. Kalat na ang dilim. Nagsisiawit na ang mga panggabing ibon at mga insekto. Iniilawan niya ang daraanan nito dahil ang buwan ay nagdaramot sa taglay na liwanag. "Huwag mong sabihin na hindi kita pinaalalahanan, Apa. Magiging miserable lamang ang iyong anak. Mas matutulungan mo siya kung hindi na niya mararanasan pa ang libakin at mapagtawanan. Nakakatakot ang kanyang anyo!", muling salita ni Ka Andeng, kasunod ng pagdura na tila diring-diri. Nagtagis ang mga bagang ni Apa at nanlisik ang mga mata! Hindi pa man nasisilaw ang anak niya sa liwanag ng araw ay hinahamak na!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD