CHAPTER 4 - Trahedya sa bangin

1410 Words
HABANG naglalakad ay patuloy pa rin sa pagsasalita si Ka Andeng. "Kunsabagay, maaaring ang anak mo ang magbigay sa inyong mag-asawa ng kaginhawahan.'', nakangising sabi nito. Hindi na lamang iniintindi ni Apa ang nakakainsulto nitong opinyon. Mas tinitignan niya ang malaki nitong naitulong para mailigtas ang kanyang mag-ina. Sinikap niyang maging mahinahon. Ika nga, pasok sa kanang tenga, labas naman sa kaliwa. ''Aba'y pwede i'yang maging artista sa mga pelikulang katatakutan! O kaya ay magtanghal sa mga karnabal at magpanggap na alien. Naku, Apa! Malaki ang kikitain niyo ni Ada 'pag nagkataon!", anito na sinundan ng malakas na pagtawa habang hawak ang tiyan. Ang pagtitimpi at pagpipigil ni Apa ay humulagpos na! ''Ka Andeng! Hindi na ho maganda ang mga sinasabi niyo! Anak ko ho ang iniinsulto niyo!'', mataas ang tonong sigaw ni Apa. Humigpit ang pagkakahawak nito sa ilawan at bahagyang kumikinig ang katawan sa galit na nararamdaman. "O, e ano ang ikinagagalit mo?! Pinapayuhan nga kita ah! Praktikal na ang buhay ngayon. Kung hindi natin gagamitin ang utak natin ay mamatay tayo ng dilat ang mga mata. Ano'ng masama sa sinabi ko?! Totoo naman'di ba?! Mag-isip ka nga!", asik din ni Ka Andeng. Huminto na ng tuluyan sa paglalakad si Apa. Kung hindi lang babae at matanda pa ay tiyak na sinuntok na niya ito upang tumahimik. "Huwag mo na nga akong ihatid! Akina 'yang ilawan at ako na lang ang uuwi mag-isa! Bumalik ka na sa napakaganda mong anak! Pwe!", pagkasabi ay hinablot nito ang hawak ni Apa at saka matuling naglakad palusong. Naikuyom ni Apa ang mga palad. Lumalagatok ang mga panga nitong nagngangalit at nakangingilo ang nagkiskising mga ngipin. Ilang ulit itong sumagap at nagbuga ng hangin upang pakalmahin ang sarili bago nagdesisyong sundan ang hilot. Masyadong madilim at baku-bako ang daan pababa. Naisip niyang ihatid ito hanggang sa kahit makababa man lang. "Ka Andeng, hintay!", aniya kasunod ng malalaki at mabilis na paghakbang. Hindi huminto ang hilot bagkus ay lalo pa itong nagkumahog sa paglalakad. Eksaktong paglapit ni Apa ay natapak ang matanda sa batong nakausli! Nawalan ito ng panimbang at dumausdos sa matarik na bahagi ng dinadaanan! "Ka Andeng!", sigaw ni Apa. Dumapa agad ito at dinaklot ang kamay ng hilot na maswerteng nakakapit sa isang maliit na halamang nakatubo sa kinahulugan. "Kumapit ho kayo sa kamay ko! Kumapit ho kayo!", utos ni Apa. "Huh! A-anong ginagawa ko rito?! B-bakit----? Maryosep!", nasambit ng hilot. Takang-taka ito kung paano nakarating sa gilid ng bangin gayong ang natatandaan ay nahiga na siya upang matulog. Natatandaan din niyang may tila tumatawag sa kanya ngunit hindi na niya pinansin dahil sa paghila ng antok na 'di niya napigil. "Bwahahaha! Andeng, Andeng! Oras na upang sunduin ka at ihatid sa impyernong magiging bago mong tirahan! Salamat sa tulong mo! Bwahahaha!", halakhak ni Alister habang pinanonood ang pagkagulat at takot sa mukha ng hilot. "Ano ang gagawin mo ngayon, Apa?! Anoooo?! Bwahahaha!", nanunubok na sigaw ng lalaking may dilaw na mata. "Hihilahin ko ho kayo! Kumapit kayo sa akin!", sigaw ni Apa, halos magputukan ang nakausli nitong litid at mga ugat sa ginagawang paghila sa matanda. "Hangal ka talaga, Apa! Bitiwan mo na ang walanghiyang babaeng 'yan! Galit ka sa kanya, 'di ba?! Ano pa ang hinihintay mo?! Pagkakataon mo na upang makaganti! Pabayaan mo na s'yang mahulog! Hayaan mo na s'yang mamatay!", susog pa rin ni Alister. Walang namamalayan si Apa ngunit hindi si Ka Andeng! Nanlalaki ang mga mata nito sa panghihilakbot! Nakikita nito ang anyo ng isang dimonyong may dilaw na mga mata! Nakaupo ito sa tabi ni Apa! Nakaawang ang bibig ni Ka Andeng, sumisigaw! Sinasabi kay Apa ang nakikita. Ngunit ni isang letra ay walang lumalabas mula sa bibig nito! Walang tinig at naninigas ang buong katawan! "Ayaw makinig ni Apa sa akin, Andeng! Ayaw n'yang sumunod! Bitawan mo s'ya! Hayaan mong dumulas ang pagkakahawak n'ya sa iyong braso. Bitaw, Andeng! Bitaaaaw!", sigaw ni Alister. Panay ang iling ni Ka Andeng. Sa paningin nito ay nagsusulputan ang mga nabubuong sanggol (fetus) na naliligo sa sariling mga dugo! Gumagapang ang mga ito mula sa tuktok na kanyang kinaroroonan! Mga mumunting sanggol na kinitlan niya ng buhay nasa sinapupunan pa lamang ng kani-kanilang mga ina! Uha.., uha.., uha.., uha..! Matinis na iyakan ng mga ito. Hiik..kiik..kiik.., Hiik..,kiik..kiik! Na nauwi sa mas matinis at masakit sa tengang paghagikgik! Hindi nakayanan ng hilot ang pagkakaingay ng mga ito, kailangang matakpan ang kanyang tenga kung 'di ay sasabog ang kanyang ulo sa tindi ng sakit! "K-ka Andeng, huwag! Kumapit ka, kaunti na lang! Kapit, Ka Andeng!", muling sigaw ni Apa nang magpilit ang matanda makahulagpos sa pagkakahawak niya. Ramdam ng hilot ang pagsuot sa damit niya at ang paggapang ng mga nabubuong sanggol sa kanyang katawan. Nag-uunahan ang mga ito sa pagsipsip sa kanyang magkabilang dibdib, tila gutum na gutom sa gatas ng isang ina! Ang ilan na walang malugaran ay pumaibaba naman at sa pagitan ng kanyang dalawang hita ay nagpipilit makapasok! Nagtutulakan! Nag-uunahan, sa sinapupunan na nais mahimlayan! Nagpapasag ang hilot. Nagpipilit ipagpag ang mga nakadikit sa katawan! "Ka Andeng!", sigaw ni Apa. Nahihila na siya ng matanda! Kung magpapatuloy ang pagpasag ng hawak ay maaaring matangay s'ya sa pagbulusok pababa! "Aaaaah!", todo lakas na paghila n'ya sa ale. Ngunit walang nangyari! Nahihila na siya! Nakalawit na sa bangin ang kanyang dibdib! Ang maliit na halamang kinakapitan niya ay nabubunot na! Wala na siyang pamimilian pa! Si Ka Andeng na nasa bingit na ng kamatayan? O silang dalawa kapag ipinilit pa niya itong iligtas? "K-ka Andeng! Parang awa niyo na, magtulungan ho tayo! Ka Andeng!", aniya at saka sumubok uli itong hilahin. "Tsk.., tsk..! Talagang makulit ka, Apa.", sabi ni Alister at saka animo isang hiblang buhok lang ang ugat ng halamang tuluyang binunot! Nailang si Apa! Wala na ang kinakapitan. "Aaaaaaaah......!" "Ka Andeeeeeeng...!" Dag! Blag! Dag! Dag! Blag! ''Patay na siya, Apa! Binitawan mo siya para hindi ka mahulog. Tama lang ang ginawa mo! Dapat lang sa kanya ang mamatay! Nakaganti ka na! Bwahahaha!'', anas nito sa tenga ni Apa. "Baka buhay pa si Ka Andeng! Hihingi ako ng tulong!", sabi ni Apa habang sinusubukang aninagin kung saang gawi bumagsak ang matanda. "Patay na si Andeng, Apa! Wala ka ng magagawa pa. Hihingi ka ng tulong? Kanino? Pagbibintangan ka lang nila. Iisipin nilang itinulak mo ang matanda sa bangin dahil sinisisi mo ito sa pagkakaroon ng anak na napakapangit! Paano mo ipapaliwanag na wala kang kasalanan? Paano kung dalhin ka sa mga pulis? Tatanungin ka nila, ano'ng pangalan mo, ilang taon ka na, sino ang mga magulang mo at kung anu-ano pa. Paano kung hanapan ka nila ng dokumento tungkol sa iyong pagkakakilanlan? May I.D. ka ba o sedula man lang? Wala! Hahalungkatin nila ang pagkatao mo, ang pinagmulan mo. Malalalaman nila na ikaw si Apa na dati ay isang pipi at sintu-sinto. Malalaman nilang ikaw ang pumatay sa dalawang magkaibigang gumulpi sa'yo. At higit sa lahat, madadamay ang maganda mong asawa. Maghihinala sila na siya rin si Adang kuba na dati mong kaibigan! Paano mo ipapaliwanag sa kanila ang lahat ha, Apa? Paano mo sasabihin na nakipagkasundo kayo sa akin? Kaya mo ba mahiwalay kay Ada? At ang anak niyo, paano na siya? Mag-isip kang mabuti, Apa. Mag-isip ka!", panggugulo ni Alister sa isipan ni Apa. Nanlulumong naitukod ni Apa ang mga siko sa magkabilang tuhod at saka naisabunot ang kamay sa buhok. Nanatiling nakaupo. Walang malamang gawin. Nagtatalo ang isip kung ano ang tamang gawin. Kung ano ang dapat gawin. Nakaabang naman si Alister sa kanya. Hinihintay kung ano ang susunod niyang hakbang. Tumayo si Apa. Pinulot ang ilawang tumalsik sa 'di kalayuan at muling sinindihan. Sandali pa ay buong ingat na itong bumaba palusong sa kinahulugan ni Ka Andeng. Palibhasa'y nasanay na, hindi nagtagal ay nakababa na ito. Nilapitan ni Apa ang walang kagalaw-galaw na matanda. Kumikinig ang katawang pinulsuhan ito. Wala na! Hindi na ito humihinga. Patay na! "P-patawarin niyo ho ako, Ka Andeng. Hindi ko ho ito gustong gawin sa inyo ngunit wala na ho akong mapagpipilian pa.", anito habang hawak ang dalawang binti ng matandang hilot at saka hinila papasok sa gubat. "Bwahahaha! Ganyan nga, Apa! Ganyan nga! Ang pag-ibig na pinagmumulan ng iyong lakas ang siyang pinanggagalingan rin ng iyong kahinaan! Umpisa pa lamang ito, Apa! Umpisa pa laaaang! Bwahahaha!", malulutong na halakhak ni Alister habang pinanonood ang pagpasok ni Apa sa gubat habang hila-hila ang bangkay ng matandang ang kaluluwa ay inaabangan na ng mga diablong kagaya niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD