CHAPTER 5 - Hukay sa loob ng gubat

1526 Words
TAGAKTAK ang pawis ni Apa sa kabila ng malakas at malamig na hanging sumasalpok sa kanya. Nangangatal ang buo niyang katawan hindi dahil sa hamog at malamig na singaw ng mga puno at halaman, kung 'di sa nararamdamang takot . "Hindi ako ang pumatay sa inyo, Ka Andeng. Sinubukan ko kayong iahon mula sa pakahulog pero nagpipiglas kayo. Hindi ako ang gumusto ng nangyari sa inyo.", paulit-ulit niyang salita. Tila kinakausap ang hila-hilang katawan. "Ows, hindi nga, Apa? Hindi ba't inisip mo rin na bitawan na lamang ang matandang 'yan upang hindi ka madamay sa katangahan niya? Pinag-isipan mo pa siyang patirin upang matigil na ang bunganga niya sa pagsasalita. Hindi ba't naisip mo rin siyang sakalin sa gigil kanina nang tanungin ka niya kung bubuhayin pa ang anak mo eh napaka pangit naman? Gusto mo pa nga sungangain ang nguso niya, hindi ba?", bulong ng lalaking may dilaw na mata, nakasunod pa rin ito kay Apa. "Nakakasama ng loob ang mga sinabi n'yo sa anak ko pero pinalampas ko na lang. Siguro naman kahit kayo ang lumugar sa lugar ko ay sasama rin ang loob n'yo, 'di ba? Laman ng aking laman at dugo ng aking dugo ang pinagsalitaan n'yo ng masama kung kaya nakaisip ako ng 'di maganda. Magkagan'on pa man ay hindi ko na lang kayo pinatulan pa, 'di ba?", kausap pa rin niya sa matandang hindi na humihinga. "Apa...., dinadaya mo lang ang sarili mo. Ginusto mo talagang mawala na ang matandang 'yan upang wala na siyang mapagsabihan pa tungkol sa kapangitan ng anak mo. Bakit hindi mo maamin na nag-alala ka. Na kung malalaman ng ibang tao ang anyo ng sanggol na isinilang ng iyong sawa ay baka mahalungkat ang pinagmulan ninyong dalawa. Na si Ada dati ay isang napaka pangit na kuba at ikaw naman ay sintu-sintong pipi!", bulong uli ng lalaking nakasunod kay Apa. "Tahimik na ho kami ni Ada, Ka Andeng. Kaya dito ang napili naming tirhan ay upang makaiwas sa magulong syudad. Dito ay nagawa naming makapamuhay ng simple subalit mapayapa. Gusto naming makapagsimula nang maayos na buhay kasama ng aming anak. Kung mananatili kami sa gubat na ito ay wala namang makakakita sa anak namin. Hindi niya mararanas ang mga naranasan namin ng kanyang ina. Kaya hindi na dapat pa'ng malaman ng ibang tao kung ano ang itsura niya.", dugtong pa rin niya. "Bwahahaha! Apa.., Apa.., para mo na rin siyang pinatay! Ano ka ba?! Pinabayaan mo siyang mamatay! Gan'on din 'yon! Pinatay mo pa rin siya, kaya dapat mong itago ang katawan ng matandang 'yan upang hindi matagpuan ng mga maghahanap sa kanya! Kumilos ka na, Apa! Ibaon mo na ang bangkay niya!", sigaw ni Alister. Luminga sa paligid si Apa. Naghahanap ng lugar sa bahaging iyon ng kagubatan ng malambot na lupang maaaring pagbaunan ng matandang hilot. "Doon mo na lang siya ibaon malapit sa taniman mo ng mais. Mababantayan mo pa ang matandang 'yan kung may magagawi para maghanap. Pataba rin 'yan! Kilos na bago pa tuluyang lumiwanag! Naghihintay na ang asawa mo't anak.", utos ni Alister. Animo narinig, hinila nga ni Apa ang katawan ng hilot patungo sa taniman niya ng mais. Gamit ang piko at pala na hindi naiuwi ay nagsimula na siya sa paghuhukay. "Kailangang laliman ko ang hukay para hindi sumingaw ang amoy kapag nagsimula nang mabulok ang katawan ni Ka Andeng!", bulong niya sa sarili habang pinapala ang lupang nabuhaghag ng pikong unang ginamit. Dahil batak ang katawan at nasanay na sa ganoong gawain ay hindi naging mahirap para sa kanya ang mapalalim agad ang hukay. Hanggang bewang na ang hukay nang umahon siya. Kinuha niya muna ang hagdanang gamit sa pag-gawa ng balag at inihulog sa ginagawa. Lumundag siya pabalik sa hukay at muling ipinagpatuloy ang pagpapalalim n'yon. Samantala'y nakangising pinanonood naman ng lalaking may dilaw na mata ang kanyang ginagawa. Nang lampas tao na ay pumanhik siya sa hagdanan upang makaahon at saka hinila iyon. Nilapitan niya ang bangkay ni Ka Andeng sa 'di kalayuan at hinila palapit sa hukay. Ihinulog niya roon ang mga labi ng hilot. Pagkaraa'y muling pinala ang mga lupa at itinabon sa ginawang hukay. "Bukas ay tataniman ko ito ng mais upang hindi maging kahina-hinala ang pagbungkal na ginawa ko sa lupa.", aniya. "Magaling, Apa! Utak kriminal ka talaga! Malinis kung gumawa ng krimen!", pumapalakpak na puri ni Alister. Nakaupo ito sa ibabaw ng pinagbaunan ng dating pipi sa katawan ng hilot. Puro lupa ang damit at katawan ni Apa nang makatapos. Nang makauwi ay agad siyang naligo pagkaraang silipin ang asawa at ang bagong silang na anak. Nang malinis ang sarili ay nilapitan na niya ang asawang mahimbing na natutulog at saka hinagkan sa noo. Maingat niyang tinabihan ang munting sanggol pagkatapos. Buong pagsuyong pinagmasdan ang maliit nitong mukha. Pumapatak ang luha niya habang dahan-dahang hinahaplos ang malaki nitong ulo na nakabalot sa malapad na lampin. PAgkaraan ay magaang ang kamay na hinaplos naman ang nakasarang talukap ng nakalobo nitong mga mata. Pinaraanan niya rin ang mumunti nitong ilong at labi. "Anak, ano man ang mangyari ay hinding-hindi kita pababayaan. Salamat at nabuhay ka. Salamat at hindi mo kami iniwan ng iyong inay. Aalagaan ka namin at mamahalin, anak. Ipinapangako ko sa'yong lalaki kang normal at may magandang pagtingin sa buhay. Ilalayo kita sa mata ng mga taong mapanghusga. Magiging masaya pa rin tayo ng inay mo. Mahal na mahal kita, anak.", mahina niyang sabi. Kinuha niya ang isang unan at inilagay sa pagitan nila ng anak. Na-alala siyang baka madaganan ito kung makakatulog nang mahimbing Tinabihan niya ang anak. Gamit ang sariling brasong ginawang unan ay inilatag na rin niya ang pagal na katawan. Hanggang sa igupo na siya ng labis na pagod at hindi na namalayan pa ang pagdaan ng ilang nalalabing oras bago ang pagsilip ng araw. "Tiktilaok! Tiktilaok!" Nilikhang ingay ng mga alaga niyang tandang na pamares sa mga alagang inahin. Napabalikwas ng bangon si Apa. "Nasarap ang tulog ko!'', bulong niya sa sarili. "Magandang umaga anak!", nakangiti niyang bulong sa sanggol. Pagkatapos ay sinulyapan ang asawang nakahiga patalikod. "Dito ka muna sa tabi ng iyong inay, ha? Ipagluluto ko muna siya ng magic lugaw para malamnan niya ang sikmura bago ka pasusuhin. Kailangang makabawi agad ng lakas ang iyong inay.", paalam ni Apa sa anak. Maingat nitong hinagkan ang ulo ng sanggol bago tuluyang tumayo at magtuloy sa kakalanan. Samantala... Isang malalim na buntung-hininga ang kumawala sa dibdib ni Ada nang maramdaman ang papalayong yabag ng asawa. Kanina pa siya gising. Nang balikan ng ulirat ay agad niyang naisip ang sanggol na isinilang. ......**...... "Ang anak ko!", lumarawan sa kanyang mukha ang kaligayahan pagkakita sa munting sanggol na katabi. Hirap man ay nagsikap siyang makatagilid at saka buong pananabik na hinawi ang lampin na nakabalot sa katawan nito. Natutop niya ang sariling bibig nang makita ang anyo ng isinilang na supling! "Diyos ko!", sigaw ng kanyang isip at saka umiling nang umiling. Iniurong niya ang katawan palayo sa sanggol. Nandidilat ang mga mata at hindi mapaniwalaang ito ang kanyang anak. Muli siyang nahiga. Unat na unat sa sahig habang ang itim ng mga mata'y walang humpay sa paglinga kung saan. Mula sa sulok nito'y panakaw niyang sinulyapan ang katabing sanggol. Napaigtad siya nang ito gumalaw! Nagmamadali siyang pumihit pakabila, patalikod sa anak! Halos mahalikan na niya ang sawaling dingding kauusod, kaiiwas. Tila nandidiring mapadikit sa kanya ang pangit na anak. Ipinikit niya ang mga mata at nagkunwaring tulog nang maramdaman ang pagkilos ng asawa. Naririnig niya ang mga sinasabi nito ngunit hindi siya gumagalaw . Itinutuloy pa rin ang pagpapanggap. ......**...... "Uha...! Uha...!", iyak ng munting tinig. Naihinto ni Apa ang ginagawa at nakangiting pinakinggan ang pag-iyak ng anak. "Ayos 'yan, anak. Magiging matibay ang iyong baga. Kapag maaari ka nang kumain ay ipagluluto rin kita ng lugaw.", bulong nito sa sarili. Ngunit ang pag-iyak ng anak ay hindi tumitigil kung kaya nabahala na si Apa. Humangos ito papasok sa kubo at agad na nilapitan ang anak. "A-ada, umiiyak ang anak natin. Bakit--?", aniya sa asawang nakatingin lamang. "Ada, kailangan niya ng gatas mo, siguro ay nagugutom na siya kaya umiiyak.", muli niyang sabi sa ginang. Ngunit imbis na sumagot ay muling humiga si Ada patagilid. Patalikod sa kanilang mag-ama. "Ada.., ano at nagkakaganyan ka?", tanong ni Apa na hindi naisa-tinig. Hindi na niya pinilit pa ang kabiyak. Nagmadali siya sa pagbaba at tinungo ang alagang kambing. Mabilis ang kanyang pagkilos. Nang matantiyang sapat na ang gatas na nakuha ay agad niyang binalikan ang anak. Gamit ang malinis at puting-puting lampin ay pinagtiyagaan niyang mapadede ang anak. "Pasensya ka muna sa inay mo, anak. Hindi pa niya natatanggap ang lahat. Huwag kang mag-alala, narito naman ang itay , 'di ba? Maraming gatas ang alaga nating kambing. Pagtiyagaan mo na muna ito sa ngayon, ha.", kausap niya sa anak na panay na ang pagsipsip sa dulo ng telang isinawsaw niya sa tasang may gatas. Habang ang inang dapat siyang nagpapasuso ay nakatalikod pa rin at yila walang pakialam. Isang malalim na paghinga ang muli niyang ng pinawalan mula sa baradong dibdib. Kung hanggang kailan magiging gan'on ang asawa sa kanilang anak ang labis niya ngayong pinangangambahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD