KABANATA 15
‘Di muna kami umuwi agad ni Jeff. Dumaan muna kami ng coffee shop, dahil gusto ko ng kape. Para matanggal din ‘yung tama ng alak sa ‘kin. Lagot ako ‘pag napansin sa ‘min na naka-inom ako.
Pagkatapos namin pumunta sa coffee shop at nang ayos na 'ko, ako na ulit ‘yung nagmaneho. Hinatid ko muna si Jeff, saka ako umuwi. Pag-uwi ko, buti ‘di naman ako napansin nina Mommy kaya diretso na lang ako sa kwarto ko at naligo agad, para kung amoy alak man ako, mawala. Paglabas ko ng banyo nakita ko agad si Inah, nakaupo sa kama ko at gamit ‘yung laptop.
“Inah. Ano'ng sabi ko sa basta-bastang pagpasok dito sa kwarto ko? Labas ka muna, magbibihis si Kuya,” nakatapis lang kasi ako ng tuwalya sa may baywang ko.
“Kuya si Ate Jade kausap ko. Ito siya oh,” sabay harap ng laptop sa ‘kin. ‘Yung dalawang kamay ko tuloy naitakip ko sa katawan ko. Nakakahiya kay Jade, kaya tumakbo ako paalis sa harapan ng laptop.
“Pasaway kang bata ka,” natatawa ‘yung kapatid ko at narinig kong nagsalita si Jade.
“Uhm, Jared, ang macho mo pala,” at tinawanan pa 'ko. Hindi ko na muna sila pinansin. Kumuha ako ng t-shirt at shorts saka ako pumasok ulit ng banyo para doon magbihis. Pagkatapos kong magbihis lumabas na 'ko ng banyo at saka ako umupo sa tabi ni Inah.
“Ikaw Inah, pasaway ka ha. Bakit mo pinakita kay Ate Jade ang machong-machong katawan ko?”
“Eeeeewwww...” sabay pa nilang sabi. Pagtulungan daw ba ko ni Jade at ng kapatid ko. Macho naman talaga ko ah.
“Eww… Eww kayo d’yan. Jade, kumusta ka na pala? Ayos ka na ba?” nakakangiti na kasi siya. ‘Yung totoong ngiti, hindi ‘yung pilit.
“Honestly hindi. Buti nga nag-text ‘yang si Inah gamit ‘yung cellphone ni Tita. Sabi niya gusto raw niyang mag-Skype kami.”
“Kaya pala nandito ‘tong bubwit na ‘to sa kwarto ko at nakikigamit ng laptop nang walang paalam.”
“Kuya... Bad ka...” sabi ni Inah nang naka-pout pa. Ang haba-haba ng nguso, kaya natawa na lang kami ni Jade.
“Ate Jade ‘di ka po okay? What’s your problem?” tanong naman niya kay Jade.
“Wala ‘yun, Inah. Uhm, masakit lang ulo ko kanina,” sagot niya. Hindi nga naman maiintindihan ng bata kung tungkol sa love life ang problemang sasabihin niya.
“Why?”
“Inah, ‘wag nang maraming tanong,” saway ko sa kapatid ko.
“Why kuya?” ay makulit talaga. Sinenyasan ko si Jade na saglit lang at kakausapin ko ‘yung kapatid ko.
“Inah, favorite mo ‘yung gummy bears at jelly beans ‘di ba?”
“Yes kuya! Why? Ibibili mo ako?” nakangiti niyang tanong.
“Oo, ibibili kita nang maraming gummy bears at jelly beans pero sa isang kondisyon.”
“Ano ‘yun kuya?”
“Iwan mo muna kami ni Ate Jade, mag-uusap lang kami. Pagkatapos naming mag-usap, kayo naman.”
“Ayaw, matagal kayong mag-usap eh. When you’re done talking, I might be asleep na.”
“‘Di, sandali lang kami. Promise,” tinaas ko pa ‘yung kanang kamay ko. “Tapos bukas may gummy bears at jelly beans ka pa. Sige na, bunso.”
“Promise kuya?”
“Promise!”
“Okay!” salamat at napapayag ko siya. Konting lambing lang talaga sa kapatid ko, sumusunod na. Tumalon na siya pababa ng kama ko at lumabas ng kwarto.
“Sensya ka na sa kapatid ko, daming tanong,” sabi ko kay Jade.
“Okay lang, normal naman talaga sa mga bata ang pagiging matanong. Nakalimutan ko nga kahit sandali ‘yung problema ko nang dahil kay Inah.”
“Kung gusto mong pag-usapan ayos lang sa ‘kin, kung ayaw mo okay lang din.”
“Nahihiya ako sa ‘yo, Jared. Parang sa tuwing may problema ako, lagi na lang love life ko.”
“Si Steve pala ang problema. Ayos lang ‘yun. Makikinig pa rin ako.”
Kinuwento sa ‘kin ni Jade ‘yung nangyari kanina. Sinubukan daw niyang kausapin si Steve pero ‘di siya kinausap nang maayos. Nasigawan pa raw siya at sinabi pa nito sa kanya na lagi na lang daw niyang pinapahiya si Steve sa harapan ng mga kaibigan nila, pati na rin sa harap ko kanina. Lagi raw kasi siyang tanggi nang tanggi sa mga gusto ni Steve na parang ang dating kay Steve mali ‘yung gusto niya o bad influence sila kay Jade. Pero totoo namang mali si Steve at bad influence siya sa girlfriend niya. Anong kinagagalit niya?
“Alam mo Jared, lahat naman ng gusto nila kaya kong sakyan. Pero ‘yung pag-inom nila, ‘yun ang ayoko. Okay lang din namang halikan ako ni Steve. Pero kung hahalikan niya 'ko, habang lasing siya, ‘yun ang ayoko,” nainis naman ako nang sabihin ni Jade ‘yun. Ayokong isipin na hinahalikan siya ni Steve, pero ‘di ko pinahalata sa kanya syempre. “Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin ko Jared. Ilang beses na rin naming napag-awayan ‘yun.”
“Jade,” hindi ko muna tinuloy ‘yung sasabihin ko, medyo nagdadalawang-isip ako, pero sinabi ko na rin, “bakit hindi ka na lang makipaghiwalay kay Steve?”
“Mahal ko si Steve, Jared. Mabait naman siya, may ugali nga lang. Gusto ko sana na ako ang makapagpabago sa kanya,” sakit naman. Kung malalaman niya kaya na niloloko siya nina Steve at Kristine, sasabihin pa kaya niya na mabait si Steve at mahal niya ‘to?
“Jade, may sasabihin ako sa ‘yo.”
“Ano ‘yun Jared?”
“May alam ako tungkol kay Steve,” ‘di pa naman ako sigurado pero bahala na.
“Ano'ng ibig mo sabihin? Ano'ng tungkol kay Steve?”
“Hindi pa 'ko sigurado pero baka dapat mo na ring malaman. Ikaw naman kasi ang girlfriend at mararamdaman mo naman siguro kung totoo ba o hindi itong sasabihin ko ngayon,” sana lang ‘di niya masamain ‘yung sasabihin ko sa kanya.
“Ano ba talaga ‘yun Jared, kinakabahan naman ako sa ‘yo.”
“Si Steve kasi at si Kristine…”
“Ano'ng tungkol sa kanilang dalawa?”
“Sa tingin namin ni Jeff may tinatago silang relasyon.”
“Ano?!” gulat na tanong ni Jade. “Hindi totoo ‘yan! Paano mo nasasabi ‘yan Jared? Pati si Jeff?” halatang ‘di niya nagustuhan ‘yung sinabi ko.
“Wala pa kaming ebidensya na magpapatunay na may relasyon sila, pe-” ‘di ko natuloy ‘yung sasabihin ko, dahil nagsalita agad si Jade.
“So bakit mo sinasabi na meron? Wala naman pala kayong proof! Alam kong asar ka kay Steve at alam kong hindi magkasundo si Steve at Jeff kahit na magkapatid sila, pero hindi rason ‘yun para siraan n’yo si Steve sa ‘kin!” sa tono ng boses niya at sa expression ng mukha niya, alam kong galit siya.
“‘Di ko siya sinisiraan sa ‘yo, Jade. Concerned lang ako, kaya ko sinabi ko ‘to sa ‘yo. ‘Wag ka namang magalit sa ‘kin Jade, please.”
“Paanong hindi ako magagalit? May problema na nga kami ni Steve, dinadagdagan mo pa. Sinisiraan mo ‘yung boyfriend ko sa ‘kin pati ‘yung matalik kong kaibigan na si Kristine! Alam nating pareho na sa ‘yo may gusto si Kristine, tapos sasabihin mo na may relasyon sila ni Steve?”
“Hahanap ako ng pruweba para patunayan sa ‘yo na totoo ‘yung mga sinasabi ko.”
“Hindi, Jared. Ako ang magpapatunay sa ‘yo na mali ‘yang mga sinasabi at hinala mo. Bukas kakausapin ko si Steve.”
“Pero kung kakausapin mo siya itatanggi niya lang ‘yun panigurado.”
“Ako ang bahala at ako ang magde-decide kung ano'ng gagawin ko. Basta papatunayan ko sa ‘yo na mali ka. Bye Jared, tapos na ‘tong usapan na ‘to.”
Bigla na lang nawala si Jade sa screen. Pinutol na niya ‘yung tawag. Kainis! Ang tanga ko! Bakit ko ba sinabi agad sa kanya, eh wala pa nga kaming pruweba ni Jeff. Kainis talaga! Maling-mali ‘yung ginawa ko. Ngayon tuloy, galit na si Jade sa ‘kin. Ano'ng gagawin ko?
Palakad-lakad ako sa loob ng kwarto at inis na inis nang biglang pumasok si Inah.
“Kuya Jared, are you done talking with Ate Jade?” pangako ko nga pala sa kanya, pagkatapos naming mag-usap ni Jade sila naman ni Inah. Binuhat ko si Inah, at saka ako umupo sa kama, at ikinandong ko siya sa ‘kin.
“Bunso, sumakit ulit ‘yung ulo ni Ate Jade kaya nagba-bye na siya. Bukas na lang daw kayo mag-usap,” nagsinungaling na lang ako sa kapatid ko. Nalungkot tuloy siya at ngumuso na naman.
“Huwag ka na malungkot bunso. Bukas naman ibibili kita ng mraming candies ‘di ba? At konting tulog lang naman, bukas makakausap mo na ulit si Ate Jade,” kahit ‘di ako sigurado sa huling sinabi ko.
“Okay..” sagot niya pero halatang disappointed siya na ‘di niya nakausap ulit si Jade. Sana kahit ‘di muna ko kausapin ni Jade bukas, kausapin naman niya si Inah.