KABANATA 17

3642 Words
KABANATA 17 Maaga akong nagising at pagmulat pa lang ng mga mata ko, ‘yung mga bagay na pilit kong tinulugan kagabi, heto na naman. Naiisip ko na naman. Naligo na ‘ko at nag-ayos para pumasok sa school. Kinuha ko ‘yung jacket ko na may hoodie. Sinuot ko ‘yun para itago ‘yung mga pasa at galos sa mukha ko. Panigurado papagalitan ako ni Mommy ‘pag nakita niya ‘yung mga ‘to. Balak ko rin ‘wag na mag- breakfast. Magpapaalam na lang ako kaagad na papasok sa school. Pagbaba ko, pumunta na ‘ko sa kusina dahil nandoon si Mommy. Nagpaalam ako na papasok na, pero tinanong niya ‘ko kung ‘di raw ba ‘ko magbe-breakfast. Kinamusta pa niya ‘yung party na pinuntahan ko kagabi. Sinabi kong ayos naman at sa school na lang ako kakain ng breakfast. Nagmamadali na ‘kong umalis pero pinigilan ako ni Mommy. “Teka… Teka…” “Bakit po?” “Bakit ka nakasuot ng ganyan? Ang init-init naman. Tanggalin mo ‘yang jacket mo, pagpapawisan ka niyan,” lumapit pa si Mommy sa ‘kin. “‘Di, Mommy. Ayos lang po ako,” umiwas ako ng tingin. ‘Di ko pwedeng tanggalin ‘yung jacket ko, kundi makikita niya ‘yung mukha ko. “Hindi,” tinanggal ni Mommy ‘yung nasa sa ulo ko, at nakita na ang mga pasa at galos na itinatago ko sa kanya. “Jared, bakit may mga pasa ka? Nakipag-away ka kagabi? Magsabi ka!” Sa tono ng boses ni Mommy, galit siya. Ayaw na ayaw niya talagang nakikipag-away ako, lalo na ang makipagsuntukan. “Wala po ‘to. Aksidente lang po,” pagsisinungaling ko. Hindi tuloy ako makatingin kay Mommy. “Paanong aksidente? Tinamaan na naman ng pinto? Kung ganyan karami ang pasa at galos mo, katangahan na kung tama ng pinto ‘yan, kaya magsabi ka ng totoo. Saan mo nakuha ‘yan? Nakipag-away ka ba?” “Wala po ‘to,” ipinilit ko pa rin ‘yung sagot ko na wala. “Jared Sarmiento,” galit na talaga si Mommy. Tinawag na ‘ko sa buong pangalan ko. “Po?” “Magsabi na,” kaya sinabi ko na ‘yung mga nangyari kagabi, na nabastos si Jade at ‘di ko naman pwedeng pabayaan na lang ‘yon. Naintindihan naman ni Mommy at kinamusta pa niya si Jade. Sabi ko, okay naman si Jade at ako mismo ang naghatid sa bahay nila. Pinalampas na lang ni Mommy ‘yung mga nangyari pero binilinan niya ‘ko na ‘wag na raw mauulit. Umoo naman ako at nag-sorry. Pagkatapos kong mag-breakfast, pumasok na ‘ko sa school. Habang naglalakad ako, parang ang bigat ng mga paa ko. Parang ayoko pang makarating sa classroom, dahil pagdating ko sa room, ‘di pwedeng maiwasang makita ko si Jade. “Jared!” Kilala ko ‘yung boses. Ayoko man siyang tingnan, lumingon pa rin ako. “Jade...” Napansin niya ‘yung pagiging matamlay ko. Ang bagal ko raw kasing maglakad at nakayuko pa ‘ko. Sabi ko na lang, inaantok pa ‘ko at kinamusta ko na lang siya. Sabay na rin kaming naglakad papasok ng school. “Okay lang. Kaso kanina pa tawag nang tawag si Steve sa ‘kin. Ang aga-aga, nambubulabog. Ayoko pa naman siyang kausapin,” halatang ayaw niya ‘yung ginagawang pangungulit ni Steve sa kanya. “Baka magso-sorry. Gustong makipagbalikan.” “Maybe I will accept his sorry, pero ‘yung makipagbalikan sa kanya, malabo na. Ang tagal ko na rin nagtiis sa kanya. Ang tagal ko rin siyang inunawa, pero hindi naman siya nagbago.” Si Steve ang pinag-uusapan namin at saktonamang dumating siya. Biglang sulpot sa harapan namin, pero iniwasan siya ni Jade.  “Steve, ayoko munang makipag-usap sa ‘yo,” binilisan ni Jade ‘yung lakad niya para makalayo agad kay Steve. “Please, Jade. Kahit sandali lang mag-usap tayo.” Hinawakan siya ni Steve sa braso. Kahit naiilang ako kay Jade, ‘di ko pwedeng hayaan lang siya sa pamimilit na naman ni Steve. “Steve, tama na, huwag mo nang ipagpilitan kung ayaw pa niya.” Tinanggal ko ‘yung kamay ni Steve na nakahawak kay Jade. “Alam mo, Jared, kahit nasa school tayo ngayon, hindi ako magdadalawang isip na makipagsuntukan ulit sa ‘yo. Kulit mo pare eh, sabi nang huwag kang pakialamero!” Kitang-kita pa ‘yung mga pasa at sugat sa mukha niya. Lakas din ng loob niya makipagsuntukan ulit. “Pare, ayoko ng away. Ang akin lang, irespeto mo ‘yung gusto ni Jade.” “Jared, halika na. Hayaan na natin siya d’yan,” sabi ni Jade at hinawakan ako sa braso at hinila na ‘ko papasok ng school. Tumakbo naman si Steve papunta sa harapan namin ni Jade. “Please... Please Jade... Sandali lang… Gusto kong magpaliwanag,” makaawa ni Steve kay Jade, pero ‘di siya pinagbigyan. Para kay Jade sapat na raw ‘yung mga nakita niya at mga sinabi ni Steve kagabi. Naglakad na ulit kami ni Jade at nilagpasan lang namin si Steve. Tiningnan ko si Jade, namumula ‘yung mukha niya. Mukhang gusto niyang umiyak pero pinipigilan niya. “Jade, ayos ka lang?” “Okay lang ako. Kaya ko ‘to. Mas masakit pa ‘yung naramdaman ko dati nang mamatay ‘yung kapatid ko,” sagot niya sa ‘kin. Naalala ko tuloy si Jasmine. Hay… Jade, bakit kailangan mo pang ipaalala? Naglakad na kami papasok ng building ng school, tahimik lang kami pareho. Nakakapanibago. Dati ang kulit ko, at dapat tuwang-tuwa na ‘ko ngayon dahil break na sila ni Steve, pero hindi eh. Iba na, nagbago na mula nang malaman ko ‘yung totoo. Pagpasok namin sa classroom. Nandoon na si Jeff. Binati niya kaming pareho at sabay pa kami ni Jade na nag-hi sa kanya. Pagkaupo ko, kinamusta ko si Kristine sa kanya. Pabulong lang para ‘di marinig ni Jade. “Ayun, iyak nang iyak. Pinuntahan pa kaya niya ‘yung kapatid ko, kaso pinagtabuyan lang siya. Gago ‘no? Gustong-gusto ko na kaya sapakin ‘yung kapatid ko kagabi, kaso mukhang napuruhan mo na eh. Sinamahan ko na lang si Kristine hanggang magsawa siya sa kakaiyak. Ako na rin ang naghatid sa kanya sa bahay nila.” “Siguro naman natauhan na rin si Kristine. Dapat layuan na niya si Steve.” “Sana nga. Eh kayo ni Jade, kumusta? Siya kumusta?” “Nasaktan siya sa nalaman niya. Umiyak din nang umiyak. Pero kakayanin daw niya na wala na sila ni Steve.” “Eh ‘di makakaporma ka na ngayon dahil break na sila.” “Ha? ‘Di siguro,” sabi ko sabay buntunghininga. Napakunot naman ang noo ni Jeff sa ‘kin. “Paanong hindi? Ito na chance mo, wala na sila.” “Masyado pa sigurong maaga,” sagot ko naman. Pero sa totoo lang, ‘di ko alam kung ano nga bang dapat gawin. Si Jade siya, ‘di naman siya si Jasmine. Binalik ko naman ‘yung tanong kay Jeff, tinanong ko kung kumusta sila ni Kristine at kung ano’ng balak niya. “Magkaibigan kami. Ata? Basta, magiging kaibigan na lang muna ako sa kanya,” sagot niya. Sana nga maging okay sila ni Kristine, para kahit sila man lang magkatuluyan. ‘Yung sa ‘min kasi ni Jade, ‘di ko alam. Dumating na ‘yung teacher namin, nag-discuss, at may biglaang quiz pa. Mga teachers talaga hilig manorpresa. Buti na lang, naintindihan ko pa rin ‘yung tinuro ng teacher namin kahit wala ako sa sarili. Binigyan rin kami ng assignments. Pagdating ng recess, sa ‘min ni Jeff sumabay kumain si Jade, ‘di sa mga kaibigan niya. Tumingin ako sa table nina Steve, nandoon sila, kumpleto maliban lang kay Kristine. Wala si Kristine, siguro ‘di pumasok. Pwedeng nahihiya sa nangyari o pwedeng ayaw niya lang talagang pumasok. “Jade, galit ka rin ba sa mga kaibigan mo?” tanong ni Jeff sa kanya. “Oo, alam ko na alam nila ‘yung nangyayari between Kristine and Steve. Mas close sila eh. Ako, bago lang sa barkada kaya kung may kakampihan sila, malamang si Kristine ‘yun. Nang mabuking ko nga sina Kristine, wala ni isa sa kanila ang lumapit at nag-comfort sa ‘kin. Bigla silang naglayuan lahat. Halatang mga guilty. Mga hindi sila totoong kaibigan, pero okay lang ‘yun, sanay na ako.” “Ano’ng ibig mo sabihin na sanay ka na ganun?” “Wala... Wala ‘yun Jared,” umiwas siya ng tingin at pinagpatuloy na niya ‘yung pagkain. Tumingin ulit ako sa table nina Steve at nakita ko, na ang sama ng tingin ni Steve sa ‘kin. ‘Di ko na lang pinansin. Dumaan ‘yung mga araw, ayos naman kami ni Jade, pero ‘di na ‘ko kasing kulit dati. ‘Di na rin ako nagpapa-cute sa kanya. Sa tuwing makikita ko kasi siya, si Jasmine pa rin ‘yung naaalala ko. Si Steve naman, nagsawa na sa pangungulit kay Jade, dahil kahit anong sabihin at gawin niya ayaw na talagang makipagbalikan sa kanya ni Jade. Lalo namang tumindi ‘yung inis niya sa ‘kin. Si Kristine, lumayo na rin siya kina Steve. Madalas siya mag-isa, kaya si Jeff naman sinasamahan siya tuwing break tapos sabay silang umuwi tuwing uwian, kaya kahit medyo naiilang ako, si Jade ang palagi kong kasama. ‘Di ko nga alam kung napapansin niya ‘yung pagbabago ko. Sana hindi. Ayoko rin naman siyang saktan. Pero nasasaktan kasi ako tuwing nakikita ko siya. Kaya ‘di ko magawang maging masaya talaga sa harapan niya. “Jared, okay ka lang ba?” tanong niya sa ‘kin habang nasa canteen kami at kumakain. Tumango naman ako at sinabing ayos lang ako. Tinanong ko rin kung bakit niya ‘ko natanong kung okay lang ako. Sabi niya parang may nagbago raw sa ‘kin, at tinanong niya kung may problema raw ba ‘ko. Pansin pala niya ‘yung pagbabago ko. Sinabi ko na lang na wala akong problema. “Sure ka?” “Oo.” “Pero kung meron, huwag kang mahiyang magsabi sa ‘kin ah,” tumango lang ako. “Jade.” “Bakit?” “Pwede mo ba ‘kong kwentuhan tungkol sa kakambal mo?” Simula nang malaman ko ‘yung tungkol kay Jasmine, ‘di ‘ko siya tinanong kay Jade. Ngayon pa lang. Ngayon pa lang ako ako magpapakwento kay Jade tungkol kay Jasmine. Sigurado akong masasaktan ako, pero gusto ko pa ring may malaman tungkol sa kanya. At baka sakaling doon maka move-on ako. “Tungkol kay Ate Jasmine?” “Mas matanda pala siya sa ‘yo, ilang minutes?” “Matanda siya sa ‘kin ng three minutes, bakit pala gusto mong magpakwento tungkol sa kanya?” “Wala lang, gusto ko lang malaman kung paano ba kapag merong kakambal,” palusot ko sa kanya. “Masaya. Kahit palagi kaming magkasama hindi kami nagkakasawaan, kahit na magkamukha pa kami. Mabait si Ate Jasmine, masayahin, palakaibigan, palabiro ‘tsaka malambing. Kaya nga siya ang favorite ni Mama.” Masaya siya habang nagkukwento siya tungkol kay Jasmine, pero nang mabanggit niya ‘yung mommy niya bigla siyang nalungkot. “Kaya nang mawala si Ate, biglang naging malungkutin at masungit si Mama. Ako rin ang sinisisi niya sa pagkamatay ni Ate.” Hindi na napigilan ni Jade ‘yung nararamdaman niya kasi bigla na lang siyang naluha. Wrong move Jared. Napaiyak mo pa tuloy si Jade. “I’m sorry,” inakbayan ko siya, saka ko siya hinimas sa braso. Inabutan ko rin siya ng panyo. “‘Wag ka na umiyak, I’m sorry.” “Okay lang, sorry din. Hindi ko lang mapigilan. Hanggang ngayon kasi hindi pa rin kami okay ni Mama.” “‘Wag kang mag-alala maayos din siguro ‘yan.” “Sana...” Naramdaman kong nag-vibrate ‘yung cellphone sa bulsa ng pantalon ko. Si Mommy pala tumatawag. Pagkasagot ko, si Jade agad ang tinanong sa ‘kin. “Kasama ko po, bakit?” tinatawagan pala ni Mommy si Jade kaso naka-off ata ‘yung phone niya. “Sige po, teka ibibigay ko sa kanya. Jade, kausapin ka raw ni Mommy.” Inabot ko ‘yung phone kay Jade. “Hello, Tita. Yes po, nasabi na po ni Jared,” tumawa si Jade. Ano kayang nakakatawang pinag-uusapan nila ni Mommy? “Wala pa nga po, Tita. Ay, nakakahiya naman po. Huwag na po. Ha? O sige po. Sige po sa Saturday po, pwede po ako. Okay po. Thanks po Tita, bye po.” Wala akong naintindihan sa pinag-usapan nila. Inabot sa ‘kin ni Jade ‘yung phone at nagpasalamat. “Ano’ng pinag-usapan n’yo ni Mommy?” tanong ko sa kanya. ‘Wala lang’ ang sagot niya at girl talk daw ‘yon. Napaisip naman ako. Baka naman tungkol na naman sa ‘kin, kaya kinulit ko siya. “May lakad lang kami ni Tita sa Saturday,” sagot naman niya. “Kayo lang?” “Kaming tatlo, kasama namin si Inah.” “Alam mo, ‘pag magkakasama kayong tatlo, kinakabahan ako.” “Bakit naman? Ang praning mo, Jared. Don’t worry, walang baby pictures ang involved,” tapos tumawa siya. “Jade, ‘wag mo na ngang ipaalala ‘yun!” “Jared, namumula ka na!” tawa siya nang tawa kaya natawa na lang din ako. Sa mga oras na ‘yun kahit sandali lang, parang bumalik ‘yung dating kami ni Jade. Walang Jasmine. Ako at si Jade lang. Pero alam kong babalik at babalik pa rin ‘yung ala-ala ni Jasmine sa ‘kin. Nalaman kong sa mall pala ang lakad nilang tatlo nitong Sabado. Next week kasi birthday ni Inah at gusto ni Inah na mag-beach, kaya sa susunod na Sabado pupunta kami sa beach house nina Tita Emily, kapatid ng Mommy. Kaming buong family lang tapos kasama rin sina Phil, Mico, Jeff, at Jade. Gusto sanang isama ni Jeff si Kristine kaso naisip ni Jeff si Jade, kaya ‘di na lang. Sabi ko naman kay Jeff, subukan niyang kausapin si Kristine para kausapin si Jade at mag-sorry. Kaso nahihiya raw si Kristine, pero susubukan daw. Gusto ko rin naman magka-ayos sina Kristine at Jade. ‘Di na kasi namin masyado nakakasama si Jeff dahil nga ang madalas niyang kasama ay si Kristine. Nanunuod ako ng TV sa may sala nang biglang lumapit si Inah sa ‘kin, “Kuya! Kuya, look!” sigaw niya, at tuwang-tuwa sa suot niya. Suot niya kasi ‘yung bathing suit na binili ni Mommy sa kanya. Ang cute nga eh, may palda. Umikot-ikot pa siya sa harapan ko, suot na rin niya ‘yung salbabida. “Cute! Bagay sa ‘yo, Inah.” “Talaga, kuya?” tapos ikot siya nang ikot. “Jared! Tingnan mo rin ‘tong damit ni Mommy,” si Mommy naman ngayon. Bumili kasi siya ng floral na beach dress, at may suot pang buri hat. “Ma, ‘di naman po summer ngayon. Tag-ulan na nga eh.” “Ang KJ mo anak! Si Jade nga binilhan ko ng swimsuit. Ang ganda-ganda! Bagay na bagay sa kanya. Nahihiya pa nga siya noong una. Naku, ‘pag nakita mo ‘yun Jared, hindi mo na iaalis ang tingin mo kay Jade. Ang sexy pala ng batang ‘yun, parang ako noon,” tapos tumawa si Mommy. “Mommy...” napabuntunghininga na lang ako. Kung alam lang niya ang pinagdadaanan ko. “At bakit?” “Wala po. Sige, panik na po muna ‘ko.” Pinatay ko na ‘yung TV, saka ako pumanik ng hagdanan. Nasa kalagitnaan na ‘ko nang may pahabol pang sinabi si Mommy. “Jared, may swimming trunks nga rin pala akong binili para sa ‘yo. Nasa kwarto mo na, sukat mo ah,” napahinto tuloy ako sa pagpanik at nilingon si Mommy. “Ma! Hindi ko po susuotin ‘yun.” Ako, magswi-swimming trunks? Pwede namang mag-shorts. Wala namang batas na ‘pag nag-beach dapat naka-trunks. “Kung sexy si Jade, dapat hunk ka naman.” “Mommy naman, may shorts naman ako d’yan. ‘Yun na lang po, bakit naman swimming trunks pa?” “Sige na, anak. Sayang naman pagkabili ko.” “Ayoko po.” “Basta, isusuot mo ‘yun!” minsan si Mommy ang kulit din. Pailing-iling na lang akong pumanik hanggang sa kwarto ko. Pagpasok ko sa kwarto, nakita ko agad ‘yung swimming trunks sa kama. Nilagay ko na lang sa drawer ko. Wala naman akong balak suotin ‘yun. Kahiya lang. Baka pagtawanan pa ‘ko ni Jade. Bigla ko tuloy naisip si Jade. Ano nga kayang itsura niya sa swimsuit? Siguro sexy nga siya. ‘Pag sinabi naman ni Mommy, totoo. Teka, bakit ko nga ba iniisip? Parang ang manyak lang ng dating. Wala akong magawa kaya tinuloy ko na lang ‘yung panunuod ng TV sa kwarto ko. Pero naiinip pa rin ako. Parang na-miss ko ‘yung pag-uusap namin ni Jade. Tawagan ko kaya siya? Napailing ako. Hindi, ‘wag na lang. Pero kakasabi ko pa lang na ‘di ko siya tatawagan, nag-ring ‘yung phone ko at nakita ko sa screen ‘Jade calling’. ‘Di ko nga siya tinawagan, pero siya naman ang tumawag. Sasagutin ko ba? Nag-isip pa ‘ko, pero sige na nga. Sinagot ko ‘yung tawag niya. Nagkamustahan kami, tapos bigla ba namang tinanong ‘yung tungkol sa trunks na binili ni Mommy para sa ‘kin. Sinabi pa niya na siya raw ‘yung pinapili ni Mommy kung ano’ng magandang kulay at tawang-tawa siya, hiyang-hiya naman ako. “Si Mommy talaga. Pasensya ka na. Nakakahiya. Pero ‘di ko naman isusuot ‘yun,” dahil nakakahiya talaga. Kung kaharap ko lang si Jade ngayon, siguro tinakpan ko na ‘yung mukha ko sa sobrang kahihiyan. “Bakit? Sayang naman.” “‘Di, ayos lang ‘yun. Bakit gusto mo bang makitang suot ko ‘yun?” biro ko na lang sa kanya. “Pwede,” sumakay naman siya sa biro ko at tinawanan na naman ako. “‘Wag na, siguradong pagtatawanan mo lang ako, tulad ng ginagawa mo ngayon.” “Uy, hindi ah,” pakunwari pa siya. Pigil na pigil naman ‘yung tawa niya. “‘Di ka d’yan. Teka, ‘yun lang ba itinawag mo?” tanong ko sa kanya. ‘Di naman siya siguro tumawag para pag-usapan lang namin ‘yung swimming trunks na binili ni Mommy sa ‘kin. Tumawag raw siya kasi ikukwento niya sa ‘kin na tinawagan siya ni Kristine kanina, pero ‘di raw niya kinausap. Ang daddy daw niya ang nakasagot ng tawag at sinabi niyang sabihin kay Kristine na wala siya. “Bakit ‘di mo kinausap?” “Alam mo naman ‘yung nangyari ‘di ba? I don’t think ready na ako na kausapin siya. Ewan ko, masakit pa rin kasi sa ‘kin yung ginawa niya. Pero tingin mo ba, tama ‘yung ginawa ko?” “Kung ‘di ka pa ready, ayos lang naman ‘yun. Pero ang sa akin lang, bakit ‘di mo subukang bigyan ng pagkakataon si Kristine na kausapin ka? Kahit mag-sorry man lang. Baka sakaling mabawasan ‘yung sakit na nararamdaman mo,” tahimik lang siya. Siguro iniisip ‘yung mga sinabi ko. “Uhm, siguro tama ka nga. Alam mo Jared ang galing mong magpayo talaga. Tama na ikaw ang tinawagan ko. Thanks ah.” Ang galing kong magpayo sa problema ng iba, pero sa problema ko, wala akong magawa. Jade kung alam mo lang. “‘Yun lang ba? Ayos ka na?” “Meron pang isang dahilan kung bakit ako tumawag.” “Ano pa?” Ang tagal niya bago nagsalita ulit. “Miss na kita. Miss ko na ‘yung ganito. Sigurado ka ba talaga na wala kang problema, Jared?” “Oo naman. Mukha ba ‘kong may problema?” maang-maangan ko. “Oo, alam mo noong una hindi ko pinapansin ‘yung changes mo. Baka kasi wala ka lang sa mood. Kasi minsan gano’n din ako. Pero ilang araw ka na kasing ganyan. Nilalayuan mo ba ‘ko? Napipilitan ka na lang ba na kasama ako? Sana hindi. Kasi Jared, ikaw na lang ‘yung kaibigan ko. Ikaw na lang ‘yung pinagkakatiwalaan ko. Ayokong pati ikaw mawala,” malungkot ‘yung boses niya. Ang bigat sa pakiramdam. Kahit ayoko, kahit ‘di ko naman sadya, nasasaktan ko siya. “Jade, I’m sorry. ‘Di ko alam na ganyan ‘yung nararamdaman mo. I’m sorry.” “So may problema ka nga?” “Marami lang gumugulo sa isip ko. Sorry kung pati ikaw nadamay.” “Bakit hindi mo sabihin sa ‘kin ‘yung problema mo? Ako, sinasabi ko sa ‘yo ‘yung mga problema ko. Sana ikaw rin gano’n sa ‘kin,” pero paano ko naman sasabihin sa kanya? Ang hirap. ‘Di ko ata kaya. Baka pati siya maguluhan sa ‘kin. Gusto ko munang malaman sa sarili ko kung ano ba talagang nararamdaman ko. Kung sino ‘yung mahal ko. Siya ba o ‘yung kakambal niya na si Jasmine? “‘Di na kailangan, Jade. Marami ka nang problema at ayokong dumagdag pa. Aayusin ko ‘to. Kaya ‘wag kang mag-alala, ‘di ako lalayo.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD