Kabanata 19: Rifle

1242 Words
Kahit maraming Kenpetai sa lugar ay tila karamihan ng mga ito ay wala namang pakialam sa paligid. Naroon lamang ang kapulisan upang kumuha ng buwis mula sa pamilihan, magyabang sa ibang mga tao, magsugal at makipagtalik sa kung sino-sinong babae. Ngunit may isang bagay na napagtanto si Theodore habang nananatili sa lugar na iyon– na hindi lahat ng hapon ay masasama. May mga tao pa rin na may sariling prinsipyo at moralidad. Hindi pa rin nabubura ang pagiging makatao sa kanilang kalooban. At isa na siguro si Yamamoto-san sa mga sundalong hapon na tinutukoy niya. Subalit, isa pa ring malaking palaisipan. Ano ba ang nagtutulak sa lalaki? Bakit ito pumapanig sa mga Pilipino gayong isa itong dayuhan? Hindi ba iyon, maituturing na pagtratraydor sa sarili nitong lahi? Anong misteryo ang bumabalot dito? Malalim ang kaniyang iniisip habang nakatingin sa tinutukoy. Kasalukuyang nagsasanay sila sa pag-asinta ng baril at katabi niya si Jaime habang nakahalukipkip ito at matamang nanonood. Limang lata ang nakapatong sa limang mga kahoy na mistulang ginawang shooting stand. Magkakaiba ang layo ng mga ito at isa-isa iyong pinatumba ni Yamamoto, walang-kahiraphirap para dito ang ginagawa. Pumalakpak naman si Abra at napa-wow pa sa tuwa, sapagkat sa mga mata nito ay para lamang silang naglalaro. “Ang galing mo, Yamyam!” Napabuntong-hininga si Theodore sa inasal ng kasamahan. Subalit wala naman siyang magagawa kung sadyang batang-isip pa rin si Abra. Wala pa rin naman sa tamang gulang ang isang ito. Nang matapos si Yamamoto sa pagpapaputok. Mabilis na inayos ni Abra ang mga latang target, pagkatapos, pumwesto naman si Micah sa kaninang tinatayuan ni Yamamoto at ang dalagita naman ang humanda sa pag-asinta. Apat na lata ang natumba, isa lamang ang hindi natamaan ng babae. Nang matapos si Micah ay si Jaime naman ang sumunod. Sa kasawiang-palad ay wala man lamang tumama ni isa sa limang lata. Sadyang walang kakayahan ang lalaki sa malayuang pag-target. Tawa naman nang tawa si Abra sa tabi. At nang si Abra naman ang sumubok, humanga sila dahil sa kabila ng kabataan nito ay kaya pala nitong mapatumba ang tatlong lata. Napakamot na lamang si Jaime sa ulo habang pinagkakaisahan at tinutukso siya nina Abra at Micah. Wala raw siyang kwenta sa pagbaril, ani ng mga ito sa kaawa-awang binata. Pinanood ni Theodore ang kasiyahan ng tatlong kabataan. Iniisip niya kung hanggang saan kaya mananatili ang mga ngiti sa mukhang iyon. Sa totoo lamang ay matagal na siyang nangangamba sa moralidad at kapasidad ng emosyon ni Micah. Kakayanin ba ng dalagita ang mga pasanin na haharapin nila? At si Jaime? Hindi ba magbabago ang positibong pag-uugali nito. Sana naman ay hindi mapawi ng digmaan ang kislap sa mga mata ng lalaki. Sapagkat, buo pa rin ang pagkatao nito at hindi pa nadudungisan ng kabrutalan. At si Abra… ang kaniyang puso ay lihim na nagdudugo para sa batang ito. Napakamura pa ng isipan nito upang maranasan ang masalimuot na giyera. Hindi dapat ito humahawak ng baril subalit dahil sa pagkamatay ng lolo at lola nito dahil sa naganap na digmaan, pinili nitong sumali sa grupo. Noon pa man ay wala na itong mga magulang at ang mga matatanda lang ang natirang kapamilya nito. Kaya labis ang pighati ng bata nang maiwang mag-isa—- isang ganap na ulilang walang mapuntahan. Sumali ito sa ROTC Hunters dahil natatakot na mag-isa at mamatay sa gutom. Ang dapat dito ay libro ang hawak subalit sa kasawiang palad ay paltik ang madalas bitbitin. Malayo man sa kaniya, nangangamba rin siya para kina Martin, Serrando at Bernard. Alam niyang kaya nina Martin at Serrando ang mga sarili, subalit matigas ang ulo ng mga ito at baka gumawa ng mga hakbang na pagsisisihan. Si Bernard naman ay napilitan lamang sa sitwasyon dahil wala ring matunguhan ang buhay. Dahil nagsara ang medisinang eskwelahan, nawala rin ang pagkakataon nitong maaabot ang pangarap. Sinabi rin ng ama nito na mabuti ngang sumali ang binata sa mga hunters. Napabuntong-hininga siya nang malalim. Pinapanood nila si Abra habang kinakausap nito si Yamamoto. Kahit sina Micah at Jaime ay ikinabigla ang nakikita. Napansin din nilang mukhang malapit ang dalawa sa isat isa at komportable si Yamamoto sa tabi nito. “Galing ito sa Danao, Cebu. Paltik ang tinatawag nila dito. Gumagawa kami ng pamilya ko ng mga baril noong panahong sinakop ng Amerikano ang Pilipinas. Ang lolo ko ay isa ring gunsmith,” pagkwewento ni Abra kahit pa walang kasiguraduhan na naiintindihan ni Yamamoto ang sinasabi niya. “Itong rifle na madalas kong bitbitin ay gawa rin ng lolo ko. Gusto mong makita?” Inosenteng ngumiti ito at iniabot ang hawak. Patango-tango lamang si Yamamoto at sa unang pagkakataon, nakita nila itong kiming ngumiti. Nakakapanibago, marunong palang ngumiti ang loko, akala nila ay wala itong ibang emosyon. Ngunit sa pagtingin nito kay Abra, naroon ang kislap ng mga matang may buhay at kaluluwa. Hindi pa pala patay ang lalaki. Hinawakan nito ang baril na ibinibigay ni Abra. Nasa mata nito ang paghanga nang masuri ang detalyadong pagkakagawa sa rifle. “Gawa sa kamay ang rifle na iyan. Ang galing ng lolo ko ‘di ba? Ibibigay ko na ‘yan sa ‘yo,” wika ni Abra nang tinangkang isauli ni Yamamoto ang baril. Napanganga naman ang huli dahil hindi naunawaan ang sinabi ng bata. “No return. Sa ‘yo na ‘yan!” Gamit ang pagsenyas ng kamay, sinasabi ni Abra sa lalaki na ibinibigay na niya ang napakahalagang baril na iyon dito. Lumambot ang puso nina Micah nang masaksihan ang pagkakaibigan ng dalawa. Sa gitna ng digmaan at pagkakaiba, mayroon palang pagkakataon na magkaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng dalawang lahing naglalaban. “Grabe, matagal ko nang kinakausap si Yamamoto, kay Abra pala siya magbubukas-loob at hindi sa ‘kin,” wika na lamang ni Micah habang katabi sina Theodore at Jaime, kapwa nakatingin din ang dalawa sa nakikita ng dalaga. “Nakakaintindi pala siya kahit na kaunting tagalog?” napagtanto naman ni Jaime. “Hanggang kailan kaya mananatili ang inosenteng ngiti ni Abra? Natatakot akong mapawi ‘yan ng digmaan. Walang kasiguraduhan ang mga buhay natin,” paalala naman ni Theodore. “Gusto ko sana na manatili na lamang tayo rito. Kahit papaano ay may kapayapaan sa lugar na ito.” Tapat ang mga salita ni Jaime. Walang tinatago sa isip na nagbukas siya ng suhestyon sa kanilang pinuno. Ikinabigla naman iyon ni Micah. “Nababaliw ka na ba, Jaime?” Kumunot ang noo ng babae. “Baka mapahamak pa ang pamilyang kumupkop sa ‘tin.” “Kung titigil tayong maging kaanib ng guerilla baka hindi…” Mukhang wala na sa wisyo ang isipan ni Jaime. “Nauunawaan ko ang nararamdaman mo,” wika naman ni Theodore, “Bibigyan ko kayo ng kalayaan. Ang gustong magpaiwan ay maiiwan dito, ngunit ang gustong sumama ay sumama. Subalit, magpapatuloy ako sa paglalakbay sa Tanay sapagkat iyon ang orihinal nating plano.” Iyon lamang ang sinabi ni Theodore at tumalikod na siya upang bumalik sa tinutuluyan. “Bukas pagkatapos ng misa ay aalis na tayo,” pahabol pa niyang wika na hindi na lumingon sa mga kasama. Nang maiwan sila roon, bumaling si Micah kay Jaime. Humawak siya sa braso ng lalaki at nag-usisa. “Bakit mo ‘yon sinabi? Ano bang pumapasok sa isip mo, Jaime?” Nasa mata ng babae ang pag-aalala sapagkat naninibago rin sa kilos ng kaibigan. Pero napabuntong-hininga na lamang si Jaime at walang itinugon sa pagtatanong ni Micah. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD