Kanina pa lumulutang ang utak ni Jaime. Wala ang atensyon niya sa misa ng simbahan dahil ang kaniyang diwa ay nasa ibang bagay. Sinabi ni Theodore sa kaniya na kailangan nilang maghanda ngayong araw. Pagkatapos ng misa ay lilisan na sila sa Calawis upang magpatuloy sa paglalakbay patungong Tanay. Dumalo siya sa misa kasama si Micah upang magbigay ng mensahe kina Bernard, Martin at Serrando.
Samantalang sina Theodore at Abra ay may pinaghahandaan sa labas ng gusali. Kasama rin ng mga ito si Yamamoto.
Mataas ang kisame ng cathedral, makintab na marmol ang sahig at napapaligiran ng fresco o mural ng eksena sa bibliya ang haligi ng simbahan. Ang altar na siyang pinakasentro ay gawa sa inukit na kahoy na may kakaibang disenyo. Mataas at makulay ang mga stained-glass na bintana na may imahe pa ni Birheng Maria. Makikita sa bawat sulok ang mga rebulto ng mga santong hindi na kilala ni Jaime. Sumasalamin ang buong gusali sa katolikong paniniwala na namana pa nila sa panahon ng espanyol.
Kailan nga ba siya huling pumasok sa simbahan? Hindi na niya matandaan.
Subalit kahit walang nag-iba sa itsura ng simbahan, may nag-iba naman sa patakaran. Kahit sa gitna ng misa ay may mga nagbabantay na mga nakaunipormeng hapon. Palakad-lakad din ang iba sa paligid na para bang kinikilatis ang kilos ng bawat sibilyan.
Naisip ni Jaime, hindi siya makakakilos nang maayos dito. Ngunit kahit sa anong paraan kailangan niyang maibigay ang mensahe sa mga kasamahan.
“Jaime.” Naputol ang kaniyang iniisip nang lumapit si Micah sa kaniya at umupo ito sa tabi. Ngayon lamang niya napansin na nadagdagan pala ang haba ng buhok nito, sapagkat umabot na ito sa balikat. At nag-iba yata ang ihip ng hangin dahil nakabistida ito ngayon at nakakolerete pa ang mukha. Kapag nagbihis pala ito ng pambabaeng damit ay kitang-kita ang pagiging dalaga! “Mahihirapan tayong kumilos,” anito na seryoso ang boses.
“Aba, naligo ka yata ngayon,” panunudyo niya. Hindi pinansin ang sinabi nito.
“Pwede ba, mamamaya ka na mang-asar,” wika naman ni Micah.“Pwede ba, mamamaya ka na mang-asar,” wika naman ni Micah. Pinahiram siya ni Aling Selya ng damit at pampaganda. Ang suot niya ay pagmamay-ari ng anak ng ale na bigla raw naglaho nang maganap ang digmaan.
“Mahirap ‘yang gawin lalo na at ngayon ko lang nalaman na maganda ka pala kapag babae ka,” pagpapatuloy pa rin ni Jaime na hindi naaalis ang malaking ngisi sa mukha.
Nawalan na ng pasensya na umikot ang mga mata ni Micah sa itaas. Napapailing na napasapo na lamang siya sa noo at nanahimik sa upuan. Kapag ganito si Jaime na puro katarantaduhan ang nasa isip, hindi niya ito makakausap nang matino. Lumingon muli siya sa binata at natigilan nang makita ang mga mata nitong nakapaling sa altar. May lungkot sa kislap ng mga balitataw ni Jaime. Natandaan ni Micah ang nangyari kahapon. Hanggang ngayon hindi pa rin sinasagot nito ang katanungan niya. Sigurado siyang may bumabagabag sa binata.
Saglit silang natahimik na dalawa. Unti-unti nang napupuno ang mga upuan sa simbahan at malapit na ring mag-umpisa ang misa. Nagbasa na ng ilang pahayag sa bibliya ang babaeng nasa altar ngunit hindi nila pinakikinggan.
Nanatiling nakatingin ang mga mata nila doon— sa kahoy na krus kung saan may imaheng nakapako si Jesu Cristo.
Pagkuwa’y napabuntong-hininga si Micah. Makulit na kung makulit pero nais niyang malaman kung anong nasa isip ng lalaki.
“Jaime, ayaw kitang kulitin pero nag-aalala ako. Ba’t mo gustong manatili rito? Gusto mo na ba kaming iwan?” Isang bahagi ng puso ni Micah ay nagtatampo dito. Nakakalumbay isipin na ang pinakamalapit niyang kaibigan sa grupo ay nagdadalawang-isip na bumukod.
“Hindi ka ba napapagod sa ganitong buhay, Micah? Hindi ka ba naghahangad ng kapayapaan?” balik-tanong ni Jaime. Hindi pa rin tumitingin sa kausap. Sa wakas, nagsalita na rin ito tungkol doon.
“Ano bang ibig mong sabihin? Alam mong may hangarin ako.”
“Hangarin ng hangal!”
“Jaime—” Nais ni Micah na tumutol subalit pinutol ng binata ang sinasabi niya.
“Alam nating lahat na walang ibang patutunguhan ang buhay natin sa digmaan kundi ang kamatayan. Marahil kung titigil tayo ngayon, may pagkakataon tayong magkaroon ng payapang buhay. Para tumigil ang alitan kailangan sumuko ang isa.” Nasa mga mata ni Jaime ang kalungkutan. Ibinaba niya ang paningin sa ibaba.
“Iyan ba ang nasa isip mo? Ang sumuko na lang. Hindi ako makapaniwala.” Nanghihinayang si Micah sa naririnig.
“Mamamatay muna ang marami bago makamtan ang kalayaan. At isa tayo sa maaaring magbuwis ng buhay, Micah. Hindi mo ba naiisip na sa gulo ay wala tayong kinabukasan?”
“Pumasok tayo rito dahil handa tayong mamatay para sa inang-bayan at hindi sa sarili. Nawawalan ka na ba ng lakas ng loob?”
“Makakaya mo ba akong mamatay sa harap mo?” ganti ni Jaime na tumingin nang diretso sa mga mata ng dalaga. Naghahanap ng kasagutan ang mga mata ng binata.
Natigilan si Micah at nabasa ang mga mata ni Jaime. Ang isipin na iyon na mamamatay ang isa sa mga taong malapit sa puso niya. Ang mawala si Jaime… Bakit ganoon? Parang hindi siya makahinga nang maayos. May kung anong bumara sa lalamunan niya at hindi siya makapagsalita. Naiwas niya ang paningin at pinigil ang mga luha na maaaring lumabas subalit namula ang kaniyang talukap.
Nasa labanan tayo ngayon, hindi dapat inuuna ang sariling emosyon— Naalala niya ang bilin ni Helen.
“K-Kung ayaw mo na… hindi kita pipilitin. Pero ako…” Pinilit ni Micah ang sarili na magsalita. Pinatatag niya ang tinig kahit ang totoo ay gumaralgal iyon. “Magpapatuloy ako.”
“Micah, ang nais ko ay manatili rito.” Pag-amin ni Jaime subalit ang mga mata ay nandoon pa rin sa sahig, mistulang nananalangin. “Kasama ka.”
At ang huling salita ni Jaime bago manahimik, ang naging hudyat ng pagkawasak ng kaniyang puso. Ang pagguho ng kaniyang determinasyon na magpatuloy sa laban… Hindi maintindihan ni Micah kung bakit parang hindi siya makahinga dahil sa bigat ng dibdib.
Ano ba itong mga sinasabi ni Jaime? Hindi niya maunawaan kung anong tumatakbo sa isip ng lalaki. Bakit siya pinahihirapan nang ganito?
Sa puso niya— oo, gusto ko rin naman manatili rito. Magkaroon ng payapang buhay. Iyong bawat araw na gigising ako at nandyan ka para pagalitan sa sigarilyo mo. Iyong bawat araw na nag-aasaran lamang tayo dahil gusto nating makakuha ng atensyon at reaksyon sa isa’t isa.
Pero ang isip niya— pero hindi iyon kadali. May responsibilidad ako. May hangarin ako bilang sundalo ng bansang ito. Hindi ko maaaring unahin ang kagustuhan ng puso ko. Saka na iyan kapag malaya na tayo.
Naudlot ang pag-uusap nila nang magsimula nang tumugtog ang orchestra. Nagsitayuan ang mga tao sa simbahan, kabilang sina Jaime at Micah. Nagpapasalamat ang babae na nagkaroon siya ng pagkakataong makaiwas sa usapin na ito.
“Mamaya na natin ipagpapatuloy ang usapan tungkol dito,” wika ni Jaime, “Tatapusin ko muna ang trabaho ko rito sa simbahan.” Nakatitig nang diretso ang lalaki sa mga sakristan at altar server na papasok sa loob ng misa.
Hindi naman kumibo si Micah.
***
Napalingon si Bernard sa kaliwa nang makita sina Jaime at Micah na nakaupo sa pinakadulong bahagi ng pews. Napansin niyang parang pinipigilan ng dalawa ang matawa nang makita ng mga ito si Marvin na nasa kaniyang likod. Inaasahan na niyang aasarin ng mga ito si Martin.
Kasalukuyang mabagal na naglalakad sila sa gitna ng simbahan, patungo sa altar. Nakabuntot sila sa mga altar server na nasa unahan. Nakausot sila ng mahabang sotana o abito, kulay puti ang tela nitong sumisimbolo sa kadalisayan.
Hinintay muna nilang matapos ang prusisyon. Nang matapos nila ang paghahandog sa altar, nagtungo si Bernard sa gilid ng pinto ng simbahan habang may hawak siyang sisidlan ng handog o basket kung saan nilulusot ng mga tao ang kanilang donasyon. May ilang tao ang dumaan sa harap niya upang maghulog ng salaping papel—- Japanese government issued Philippine fiat peso, ito ay mga perang ipinalit ng hapon sa dating pera ng Pilipinas.
Sa kasawiang-palad ang mga salapi ng Pilipino ay sinunog o sinira ng mga hapon upang palitan ng mga salapi na tinatawag ng karamihan na Mickey Mouse Money. Para sa kanila ay walang silbi ang perang ito kaya binigyan nila ng nakakatawang katawagan.
Ilan sa mga Pilipino ay patagong gumagamit pa rin ng Philippine Peso o ng Dollars kahit pa pinagbabawal ito ng gobyerno. Subalit sa ngayon ay walang pagpipilian ang simbahan kundi gamitin ang mga basurang papel para payagan silang magbukas.
Napatingin si Bernard kay Jaime na pasimpleng tumayo at lumapit sa kaniya. Wala itong sinabing kahit na ano at nagpanggap na hindi siya kilala. Naghulog si Jaime ng papel at salapi sa loob ng basket at tuloy-tuloy na lumabas sa simbahan.
Nang makita iyon, umalis si Bernard sa tapat ng pinto upang lumipat sa kumpisalan. Bitbit pa rin niya ang basket. Pumasok siya sa loob ng kubol at nagtago sa likod ng tabing.
Binuksan niya ang basket at hinanap sa kumpulan ng mga salapi ang papel na hinulog ni Jaime sa basket. Nagulat siya nang makitang nakasulat pa ito sa code, subalit nabasa niya ang mensahe. Pinunit niya ito matapos niyang mabasa at lumabas sa tinataguan, naglakad siya patungo sa silid ni Padre Gomez at itinapon niya ang papel sa nadaanang basurahan.
Nag-aayos si Padre Gomez ng kaniyang kasuotang pampari nang makarinig siya ng katok mula sa pinto. Pinagbuksan naman niya ang nagbubulabog at nagtaka nang makita ang balisang mukha ni Bernard.
“Father, magsisimula na kami,” wika ni Bernard at nagbaba ng tingin. Hindi niya kayang sabihin nang diretso dahil baka may makarinig sa paligid. Lalo pa at may mga tao na nagbabantay rin malapit sa pinto.
Kahit pa mga Pilipino ang mga iyon, baka isa sa kanila ay kasanib ng mga kalaban. Nahahalata ni Bernard na patingin-tingin ito sa kanila na para bang sinusuri kung sino ba sila. Simula nang pumasok siya sa simbahan, noon pa niya napapansin ang mga ito. Noon pa sila pinanghihinalaan at baka magsumbong pa ang mga taksil sa kinauukulan. Kaya nga, inip na inip na silang tatlo sa signal ni Theodore na umalis ng Calawis. Nangangamba sila na baka mabuking sila rito.
“Ha?” Napabuka ang bibig ng pari at nagtaka.
“Alam n’yo na po… ito na ang tamang oras,” makahulugan niyang sabi na iba ang tinutukoy. “Baka mahuli po kami sa paghahandog. Kailangan n’yo na pong lumabas.” Ang paghahandog na tinutukoy niya ay hindi literal na paghahandog. Ang ibig nitong pakahulugan ay ang pagtakas o pag-alis ng buong grupo.
“Sige, nauunawaan ko na,” sa wakas ay naintindihan na rin ni Padre Gomez ang kaniyang sinasabi. Tumango-tango ito. “Pagbutihin ninyo. Palabas na rin ako.”
“Ayos lang po ba?” Nag-alala ang kaniyang mga mata. “Baka gusto n’yo pong… sumabay sa ‘min?” Ang ibig niyang pakuhulugan ay kung gusto nitong sumama paalis sa lugar.
Umiling ang pari. “Hindi na. Kaya ko nang mag-isa. Pagbutihin ninyo ang paghahandog. Mahalaga ang taimtim na pananalangin at sa inyo ako umaasa.” Malungkot itong ngumiti sa binata.
Naunawaan din ni Bernard na hindi pananalangin o paghahandog ang tinutukoy ng kausap. Ibig-sabihin nito ay pagbutihan daw nila ang pakikipaglaban at pagtatanggol sa bayan. At hindi nito gusto pang sumama sa grupo upang maging pabigat lamang.
Yumukod siya at buong pusong nagsabi, “Maraming salamat po, Padre.” Marami siyang gustong sabihin subalit, hindi maaari dahil baka mabuking sila sa salita dahil may mga palihim na nakikinig. Napakabait na tao ng pari, wala itong hinihinging kapalit sa pagbibigay sa kanila ng pangangailangan at masisilungan.
“Pagpalain kayo ng Diyos, iho.” Nagbigay ng matamis na ngiti si Gomez, nagpapaalam din ito sa kaniya.
Pinilit ni Bernard na huwag maiyak at tumulo ang mga luha. Namumula ang mga mata niyang tumalikod at naglakad paalis. Kailangan na niyang sabihan sina Martin at Serrando. Aalis na sila rito ngayon.
***