Hawak-hawak ni Abra ang compass na huling ibinigay sa kaniya ni Theodore, paminsan-minsan ay tumitingin din siya sa detalyadong mapa na dala-dala. Nakasunod sa kaniya ang mga kasamahan na tahimik lamang sa paglalakad at malalim ang mga iniisip. Napabuntong-hininga si Abra, mariin niyang hinawakan ang compass. Ito ang tanging alalala ni Theodore sa kaniya. May determinasyon sa mga mata na nagpatuloy siya sa pagtahak ng tamang landas.
Nang makarating sa bungad ng Baranggay San Jose, nagpaalam sina Mang Ador at Aling Selya na magpapaiwan. Dito sila magsisimula muli ng panibagong buhay. Nagpaalam ang dalawang matanda sa mga kabataan at niyakap ng mga ito nang mahigpit si Abra. "Dinadalangin namin ang kaligtasan ninyo. Sana hindi ito ang huling pagkikita natin," wika ni Aling Selya at lumuluhang tumalikod upang magsimula sa kanilang paglalakbay patungo ng baryo.
Ganoon din ang nasa loob ni Abra. Sana, hindi masayang ang sakripisyo ni Theodore para sa kanilang lahat.
***
Nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa may madaanan silang ilog, nagkasundo sila na magpahinga muna rito. Malapit na rin ang takipsilim at hindi naman sila makapaglalakad sa kadiliman.
Habang naghihilamos ng malamig na tubig ay tinanong ni Jaime si Abra. "Malapit na ba tayo sa Bundok Maynuba?"
Tumango naman ang batang lalaki, nakaluhod ito sa tabi ng umaagos na tubig at nakatingala kay Jaime. "Sakop na ng Tanay ang lugar na iyon. Maaaring nagtatago sa Baranggay Cayabu ang iba pang mga miyembro ng Hunters. Pero Kuya Jaime, wala pa rin tayong alam kung nasaan ang kumander. Ni hindi tayo sigurado kung sa Tanay nga sila nananatili."
Napabuntong-hininga si Jaime at nagbawi ng tingin. "Saka na natin problemahin iyon. Basta, dumiretso lamang tayo sa plano. Kapag nakalipat na tayo sa Tanay kung saan mas maraming miyembro ng guerilla, mas may laban tayo. Kailangan natin ng kakampi ngayon."
Iyon naman talaga ang pinaplano nilang lahat. Nais nilang makasali sa mas malaking grupo ng guerilla. Subalit napakarami nilang pinagdaanan para lamang sa iisang hangarin.
Minsan nagsisisi si Jaime, dapat siguro hindi na lang sila umalis sa syudad ng Antipolo... Pero hindi! Napailing siya sa naisip. Alam niyang hindi maaaring magtagal ang mga miyembro ng gerilya sa iisang lugar lamang. Napabuntong-hininga si Jaime na umupo sa malaking tipak ng bato na naroon.
Sinundan siya ng tingin nina Bernard at Micah na nagsisindi ng apoy gamit ang lighter at mga tuyong dahon. Nais ng mga ito na magluto at kumain muna bago sila matulog. Salamat talaga kay Abra na nakapagdala pa rin ng pagkain at sandata nang tumakas sila sa Calawis. Kahit papaano, hindi sila magugutom.
Napansin ni Micah na malalim ang iniisip ni Jaime. Tumayo ang dalagita, iniwan si Bernard sa gawain at tumabi kay Jaime sa bato.
"Bakit? Anong iniisip mo?" usisa agad ni Micah.
Napatingin si Jaime sa dalagita. "Wala akong hangarin sa buhay, Micah. Gusto ko rin naman makalaya ang Pilipinas pero kung personal na hangarin, hindi ko alam kung anong gusto ko. Kaya naisip ko na lamang na tumigil at manatili ng Calawis. Pero isa iyong malaking kahangalan. Kung hindi tayo umalis doon, baka patay na rin tayo ngayon.
Nang mamatay si Theodore, nakaramdam ako ng matinding galit. Siguro... ito na ang tamang pagkakataon na magkaroon ako ng totoong hangarin para sa sarili ko. Gusto kong maghiganti pero hindi ko alam kung paano."
"Paghihiganti, huh?" Umiwas ang balitataw ng dalagita. "Iyan din ang sinasabi ko sa sarili ko pero nang magkaroon ako ng pagkakataon na gumanti, naduwag ako." Malalim siyang napabuntong-hininga. "Sa tingin ko, iyan din ang damdamin ng mga hapon sa 'tin. Wala silang alinlangan na pumatay dahil gusto rin nilang gumanti. Pero Jaime... pagganti ba talaga ang solusyon sa digmaan?"
Hindi alam ni Jaime kung anong isasagot kaya nakinig lamang siya.
"Gaganti ka... gaganti rin sila... tapos gaganti ka ulit at gaganti rin ulit sila." Naalala ni Micah ang mga naging karanasan.
"Nang saktan ni Martin at Serrando si Yamamoto, sinabi rin nila na gusto nilang gumanti... Iyon din ang gusto ko pero naawa ako kay Yamamoto. Isa pa, iniligtas niya ang buhay ko kaya hindi siya katulad ng ibang hapon. Sa totoo lang, hindi ko rin alam... ano ba ang tama at mali sa digmaan? Nakakalito. Gusto kong gumanti dahil sa galit pero may moralidad pa rin ako bilang tao." Tumingin nang diretso si Micah kay Jaime.
"Ano bang kasalanan natin, Jaime? Bakit pinaparusahan tayo ng ganito?" Namamasa sa luha na tanong ng babae.
Nag-iwas ng tingin si Jaime. Hindi rin niya alam kung bakit. Nalilito rin ang kaniyang isipan.
Muli silang binalot ng katahimikan. Tanging buntong-hininga at kuliglig lamang ang maririnig sa paligid.
Tahimik na lumuluha si Micah habang nakatingin sa apoy na nasa gitna ng clearing. Hanggang ngayon ay nangungulila ang puso niya sa pagkamatay ng kanilang pinuno. Nakatunghay din sina Bernard at Abra doon, kapwa nagdadalamhati rin.
Palubog na ang araw at pakagat na ang dilim sa buong paligid, subalit ang mga isip nila ay sariwa pa rin sa mga naganap nitong umaga.
Ngayong wala na si Sir Theodore parang wala na ring direksyon ang mga buhay nila. Wala silang ama na gagabay sa kanila sa gitna ng pagsubok.
Nabaling ang atensyon nila sa ingay na narinig sa kaliwang bahagi. Napatayo bigla sina Jaime at Micah nang marinig na may sumisigaw roon. Nagmamadali silang nagtungo sa pinagmumulan ng mga ingay.
Napasinghap at nanlaki ang mga mata ni Micah nang makitang nakatali sa puno si Yamamoto at pinagkakaisahan ito nina Serrando at Martin. Hindi niya inaasahan na sa kasamahan nila magbubunton ng galit ang magkapatid.
"Yamyam!" ganoon na lang ang sigaw ni Abra nang makita ang kalagayan ng kaibigan. Pumagitna agad sina Micah at Abra. Tinanggal nila ang pagkakatali ni Yamamoto sa puno at sinalo ang pobreng katawan nito. Pumutok ang labi ng lalaki at at may pasa sa kaliwang mata.
Natigilan si Serrando sa pananakit nang makita ang nagbabantang mata ni Micah. Samantalang, pinagtulungan nina Bernard at Jaime si Martin na nagwawala pa rin. Natumba ang tatlong lalaki sa lupa.
Inundayan ni Martin ng suntok si Jaime pero nakailag naman ang huli. Samantala, natamaan si Bernard ng suntok dahil sa kakapigil sa dalawang lalaki. Naisipan na lamang ni Bernard na lumayo at huwag nang makigulo sa mga ito.
"Ano ba?! Tumigil na kayo!" sigaw ni Micah sa mga ito. "Wala na si Sir Theodore tapos nagkakaganyan pa kayo! Hindi ito ang gustong mangyari ni Sir Theodore! Hindi siya namatay para dito!" Nang banggitin niya ang pangalan ng kanilang pinuno, tila napagtanto ng mga ito kung anong ginagawa.
Maya-maya pa ay napahinto si Martin, tumayo nang tuwid at lumayo kay Jaime. Tama si Micah, hindi ito ang tamang oras para makipag-away.
Tumayo rin si Jaime, masama ang tingin habang pinupunasan pa ang dugo sa labi gamit ang likod ng kamay. Napuruhan din siya ng lalaki.
"Pero kasalanan ng hapon na 'yan kaya namatay si Theodore!" sisi agad ni Martin kay Yamamoto.
"Walang kasalanan si Yam-yam!" wika agad ni Abra na katabi ang kaibigan na nahihirapan pa rin sa mga pinsalang natamo dahil sa pambubugbog ni Martin.
"At ang hindi ko matanggap, ikaw pa ang pinili niyang papalit sa kaniya!" Dinuro ni Martin ang mukha ni Jaime.
Nanlaki ang mga mata ni Jaime. Ah kaya pala... Ngayon, naintindihan na niya kung bakit masama ang loob ng lalaki.
"Magiging tapat ako sa 'yo. Hindi kita gusto," wika ni Jaime. Inikot niya ang paningin sa mga mukha ng kasamahan. Nakatitig ang mga ito sa kaniya. "At hindi ko rin gustong maging squad leader ninyo. Wala akong kakayahan para mamuno. Hindi ko tinatanggap ang ibinibigay na rango ni Sir Theodore."
Nagtaka ang mga mata ni Micah. Hindi rin makapaniwala sina Abra at Bernard sa naririnig. Iyon ang huling bilin ni Theodore bago mawalan ng buhay. Ipinasa nito ang pagiging pinuno kay Jaime.
"Pero bilang paggalang sa alaala niya, pangako dadalhin ko kayo sa Tanay. Makakasama natin ang mas malaking grupo ng guerilla. Iyon ang dahilan kung bakit tayo naglalakbay. Iyon din ang hangarin ni Sir Theodore. Iyon ang plano na sinusunod niya. Dahil alam niyang mga bata pa tayo at hindi natin kayang mag-isa. At pangako, hindi ko kayo iiwan sa ere," wika niya sa mga kasamahan. Diretso siyang tumingin sa mga mata ni Martin. "Hindi man natin gusto ang isa't isa, pero pangako dadalhin din kita roon. Pero kung hindi ka naniniwala sa akin, bibigyan kita ng kalayaan na bumukod. Kaya hindi mo kailangang sumunod."
Natahimik si Martin at napaisip. Ngayon lamang nito napagtanto na kung bumukod man sila ni Serrando ay wala rin silang mapupuntahan.
"Martin, pakiusap. Hindi mo kami kalaban. Wala kang ibang kalaban dito kundi ang iyong sarili," makahulugan na wika ni Micah. "Hindi ito ang tamang oras para magsisihan at magkawatak-watak tayo!"
Napatingin si Martin sa babae at hindi nagsalita.
"Tara na..." mahinahon na tumalikod si Jaime at naunang umalis. Tinulungan naman ni Abra at Bernard si Yamamoto na makatayo saka sumunod sila sa likod ni Jaime. Nag-iwan ng nagbabantang-tingin si Micah kay Martin bago bumuntot sa grupo.
Naiwan doon sina Martin at Serrando na naguguluhan. Sinundan nila ng tingin ang mga kasamahan. Bumalik ang mga ito sa clearing upang magpahinga muli.
"Kuya Martin," nag-alala ang mga mata at tinig ni Serrando.
Napabuntong-hininga si Martin at napaisip nang malalim bago bumalik ang mga mata sa harap. Wala naman silang ibang pagpipilian kundi ang sumunod sa mga ito papuntang Cayabu. "Wala na tayong magagawa, tara na," desisyon ni Martin. Sa ngayon, pagbibigyan niya si Jaime pero kapag nakarating na sila sa Tanay, bubukod na sila ng kapatid niya.
***