Kabanata 27 : Marking Guerilla

1053 Words
Kinabukasan ay nagpatuloy sila sa pagtahak ng landas. Namimighati pa rin ang kanilang mga puso sa pagkawala ng kanilang pinuno subalit kailangan nilang magpatuloy. Dahil ganito talaga ang buhay, anumang pasanin ang dumaan ay kailangang magpatuloy sa laban. Binaybay nila ang matarik na daan, hindi sila tumigil hanggang sa lumagpas sila sa bundok Maynuba. Hinawi ni Jaime ang mabababang sanga ng puno na nakaharang sa daan, lumingon sa likod at tinignan ang mga kasamahan. Sumusunod naman ang kaniyang mga kaibigan, nasa pinakalikod si Yamamoto na may mga benda at tapal sa mga sugat, katabi nito si Micah. At si Abra naman ang nasa harap— ang nagsisilbi nilang tagahanap ng direksyon. May malaking punong nakabagsak na nakaharang sa daan, mabilis na nakaalpas doon ang mga lalaki, bukod kay Micah na nahirapan na makatawid. Hinawakan ni Jaime ang kamay ng babae at inalalayan sa pagbaba. Sa pagtawid din sa ilog, inalalayan niya ang babae sa pagyapak sa mga basang bato at nakabagsak na kahoy. Bahagyang kumunot ang noo ni Yamamoto, mukhang napagtanto agad nito kung anong mayroon sa pagitan nina Jaime at Micah. Hindi man nagsasalita ang lalaki, magaling siyang mag-obserba. Nakatawid silang lahat nang ligtas at maayos. Pinagpatuloy nila ang paglalakad sa tinatahak. Subalit naudlot ang tahimik nilang paglalakad nang biglang napatigil sa si Abra sa unahan, napasinghap ang batang-lalaki at namilog ang mga mata sa gulat. Sa isang iglap ay napaligiran sila ng mga hindi kilalang tao at tinutukan ng mga baril. Napaatras si Jaime nang kaunti at napanganga. Nagtaas agad sina Yamamoto, Bernard at Abra ng mga kamay nang matutukan ng nguso ng mga baril. Nakasuot ang iba sa kanila ng lumang uniporme ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. Subalit ang ilan ay nakaitim na damit o nakakulay kayumangging kamiseta na may mahabang manggas. May mga dahon sa ulo ng mga ito bilang pang-camouflage. Ang iba naman ay may salakot at bandana. Nakabota ang karamihan at ang nakatawag pansin kay Jaime ay ang armband sa kanang braso ng mga lalaki. Samantala, hinugot din nina Serrando at Martin ang mga baril nila upang tutukan ang mga ito. Hindi talaga magpapatalo ang dalawang lalaki kahit sino pa ang kalaban. "Saglit lang! Ibaba n'yo 'yan Martin! Serrando!" pinigil ni Jaime ang mga kasama na mag-panic at makipaglaban. Una sa lahat, mas marami ito sa kanila. Isang maling hakbang ay matotodas sila rito. At pangalawa, nahuhulaan niyang kabilang din ang mga ito sa Filipino Resistance Army. Hindi mga hapon ang nasa harap nila, mga Pilipino rin iyon at marahil ay nagtatago rin ang mga ito sa kabundukan. Napagkamalan siguro silang mga kalaban dahil sa suot nilang Japanese military uniform. Nagdududa man, matapang na hinarap ni Jaime ang lalaking nasa unahan. "Mga miyembro po kami ng Hunters. Hinahanap namin ang iba naming mga kasamahan. Hindi po kami nandito para manggulo." Naunawaan naman ng mga ito ang kaniyang sinabi. Ibinaba ng lalaking kaharap ang baril nito at sinenyasan ang mga kagrupo na ibaba ang mga sandata. Nang makitang nakababa na ang mga baril, huminahon na rin sina Martin at Serrando. "Mga miyembro kami ng Marking Guerilla," wika ng lalaking kausap ni Jaime. "Iyon lamang ba ang pinunta ninyo rito?" Napatingin ito sa hapon na nasa likod ni Micah. "Kung hindi kayo kalaban bakit kayo nakasuot ng ganyan at may kasama pa kayong hapon!" Syempre, may pagdududa rin ito. Lumingon si Jaime kay Yamamoto na mukhang inosente lang ang mukha dahil hindi naman nauunawaan ang kanilang pag-uusap. Umiling lamang si Yamamoto, tanda na hindi nga nito maintindihan ang sinabi. Si Abra ang naglakas-loob na sumagot. "Hindi siya hapon. Chinese 'yan!" anito, "Pipi siya at hindi rin nakapagsasalita. Dati siyang miyembro ng Wha-Chi. Pero wala na ang mga kasamahan niya nang sinugod sila ng mga hapon sa Calawis. Sumama siya sa amin." Magaling Abra... naisip agad ni Jaime. Kakagat kaya sila?— wika naman ni Micah sa utak at kinabahan na baka mabuking si Abra sa pagsisinungaling. Ngunit mukha namang naniwala ang mga ito. Sabagay, nahihirap din minsan ang mga Pilipino na mahulaan ang lahi ng isang tao— kung chinese, koreano o hapon ang mga ito. Pare-pareho kasing singkit ang mga ito at mapuputi. "Kabilang po kami sa ROTC Hunters at magagaling po kami sa pag-raid ng mga sandata," katwiran pa rin ni Jaime. "Ang suot po namin ay para lamang magpanggap na kakampi ng mga hapon para makapasok po kami sa teritoryo nila." "Totoo ba?" Nagdududa pa rin ang manong. "Sige nga, sino ang kumander ninyo? Hinahanap ninyo ang pinakalider ninyo 'di ba?" Napabuntong-hininga si Jaime. " Ang founder po namin ay si Sir Miguel Ver dating cadet ng PMA pero matagal na po siyang patay. Ang pinakapinuno po namin ngayon ay si Commander Terry Adevoso." Nagkatinginan ang mga lalaki. Kilala nila ang mga pangalan na nabanggit. Subalit may pagtataka pa rin sa mga mata ng mga ito. "Napakabata pa ninyong lahat para sa sumali sa laban. Bakit nga pala kayo napalayo sa hukbo ninyo?" "Nagmula po kaming lahat sa syudad ng Antipolo. May recruitment doon nang nakaraang buwan at ang namumuno po sa amin ay isang dating sarhento. Ngunit na-ambush po roon ang squad namin at pito na lang po kaming natira. Nagtago po kami ng ilang araw sa Antipolo, bago namin mapagdesisyunan na lumipat dito sa Tanay. Sinasabi nila na nandito raw po sa kagubatan ng Tanay ang pinaka-pinuno po namin," mahabang paliwanag ni Jaime. Muling nagkatinginan ang mga miyembro ng Marking Guerilla, nag-usap ang mga ito sa katutubong wika— ang Dumagat na lengguwahe ng mga tao sa Sierra Madre. Napag-alaman nilang ang iba sa kanila ay matagal nang naninirahan sa kabundukan. Bumaling kay Jaime ang pinuno ng mga ito. "Sige, bago kayo pumunta sa kabahayan, makipag-usap muna kayo sa lider namin. Sundan ninyo kami," bilin nito sa kanila at nauna nang tumalikod upang maglakad. Nagsisunuran naman ang iba sa likod nito. Nagtanungan muna ang mga mata nina Bernard, Micah at Jaime. Tama ba itong ginagawa nila? "Ano na, Kuya Jaime?" singit ni Abra, "Susunod ba tayo?" Himala na kahit sina Serrando at Martin ay naghihintay ng sagot niya. Tahimik lamang si Yamamoto at nakatingin din sa kaniya. Pagkuwa'y napabuntong-hininga si Jaime. Ngayon lamang niya napagtanto kung gaano kahirap ang mga desisyon na binibitawan ni Theodore sa kanila. Napakahirap maging pinuno. "Tara, subukan natin," pasya niya at sumunod sa hindi pamilyar na hukbo. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD