Alas-kuwatro nang madaling araw nang gisingin ni Micah ang mga kasamahan at nagtipon-tipon sila sa labas ng silid-tulugan. Nasa bungad sila ng pinto ng underground safe-house. Nakapalibot silang pito sa iisang mesa at nakalapag sa gitna niyon ang nag-iisang lampara. Nandoon din ang mapa ng buong Maynila, mga dokumento, mga papel at panulat.
Pinagkrus ni Micah ang mga braso at napabuntong-hininga, mukhang wala na silang oras pa para mag-almusal dahil magplaplano muli sila bago pa sumikat ang araw.
"Hindi tayo pwedeng manatili rito nang matagal. Madadamay ang mabuting pamilya na tumulong sa atin kapag nalaman nilang nandito tayo." Simula ni Theodore na siya ring pinakamatanda at tinuturing na pinuno ng grupo.
"Maging alerto kayo, lalo pa at minamaliit tayo ng mga hapon. Kung handa silang patayin tayo, dapat handa rin tayo sa kanila. Ang ilan sa mga kakilala kong miyembro ng ibang guerilla group ay nagtatago sa Tanay at sa Sierra Madre. Mas pamilyar tayo sa kagubatan, mas lamang tayo sa mga hapon kung naroon tayo."
"P-Pero sa ngayon po... k-kailangan po muna natin makahanap ng supply ng mga pagkain at sandata. Mas marami ang makamkam natin, mas maigi, m-may maibibigay tayo sa 'ting mga kababayan." Pumapangalawa sa pinakamatanda si Bernard. Nakasuot ito palagi ng makapal na salamin sa mata.Halata sa boses nito ang pagiging tensyonado at mahiyain. "Pagplanuhin nating maigi..."
"Mag-raid muna tayo." Si Jaime naman ang nagsalita. Parang siga kung umasta ang lalaki. Ngumunguya pa ito ng bubble gum na nakupit nila sa isang sundalong Amerikano.
"Pero saan naman po?" tanong naman ng pinakabata at pinakamakulit sa grupo, si Abra. Hawak nito ang mahabang paltik na tinatabi rin nito sa pagtulog.
"Hindi pa natin sigurado. Kailangan makakalap pa tayo ng bagong impormasyon." Si Theodore ang sumalo sa tanong ng bata. "Mayroong tambakan ng supply sa Intramuros, Malacanang, Fort Santiago, Port Area at sa mga lagusan..."
"Pero hindi magandang ideya na roon tayo magkamkam, napapalibutan ng napakaraming mga hapon ang mga lugar na iyon," wika naman ni Micah, "Hindi natin sila kaya. Pito lang tayong natira dito."
"Heh, natatakot ka ba?"
Napalingon siya sa lalaking biglang nagsalita sa gilid. Nakangisi si Martin na para bang inaasar siya.
Masama siyang tumingin sa lalaki. Noon pa man, bago pa lamang siya sa Hunters, lagi na siyang inaasar ng taong ito. "Hindi sa natatakot ako. Sinabi ko lang ang totoo."
Napansin niyang napailing at napabuntong-hininga si Serrando. Ito ang lalaking katabi ni Martin at siya ring pinakatahimik sa kanila. Mukhang nawawalan na rin ito ng pasensya sa kuya. Nakababatang kapatid ito ni Martin.
"Kahit saan pa tayo magpunta, maraming hapon. Bakit kailangan pa nating pumili? Sumugod na tayo kahit saan!"
"Akala mo kung sinong matapang, nauuna naman na magtago kapag nasa alanganin na..." irap ni Micah.
"Ha? Ano 'yon?" Hindi naunawaan ni Martin ang sinabi niya, pero akmang lalapit ito para maghamon ng away.
"Tama na iyan," bago pa magpang-abot ng init ng ulo, pumagitna na si Theodore. Natahimik naman silang lahat.
"Makinig kayo, nakapagdesisyon na akong lilipat tayo sa kagubatan ng Tanay. Kung palarin tayo, baka sa paglalakbay natin ay makasagap tayo ng impormasyon at malaman natin kung saan nila itinatago ang mga sandata. Kailangan nating magbaka-sakali. Bukas din ay aalis na tayo rito. Magpapasalamat tayo sa pamilyang nagtago sa atin."
***
Sumunod sila sa planong itinakda ng kanilang pinuno. Naglinis sila ng mga sarili at nagbihis ng malinis na japanese military uniform bago lumabas sa tinataguan. Nagpasalamat si Theodore sa may-ari ng bahay, nakipagkamay ito sa lalaki, pagkatapos ay nanalangin sa kaligtasan nito.
Upang hindi mahalata na nagmula sila sa iisang bahay, hinati ni Theodore ang grupo sa dalawa. Ang unang grupo ang lalabas sa umaga. Hihintayin nila ang pangalawang grupo sa pinakamalapit na hotel na mismong ginawang comfort station ng mga hapon.
Ang pangalawang grupo naman ang lalabas sa tanghali at susunod na lamang ang mga ito sa kanila.
Kabilang si Micah sa unang grupo, kasama niya roon sina Abra, Jaime at Bernard.
Nakasuot sila ng japanese military uniform na isinusuot din ng mga Makapili. Makapili ang tawag sa mga Pilipinong sumanib sa sandatahang Hapon, kadalasan sila rin ang mga nagsusumbong at nagtuturo sa kinaroroonan mga guerilla.
Kapag may nililitis at pinanghihinalaan na tao ang mga Hapon, tinatawag nila ang mga Makapili. Pagkatapos, itinatago ng mga Makapili ang kanilang katauhan sa pamamagitan ng pagsusuot ng bayong sa ulo at sila ang nagsasabi kung ang tao ay kabilang sa guerilla o hindi.
Sa isip ni Micah, mga traydor ang mga Pilipinong iyon at nararapat lamang silang ubusin kasama ng mga hapong nagpahirap sa bansa.
Subalit upang makalabas at makahalubilo sa mga sibiliyan, kailangan nilang magbalat-kayo. Walang sisita sa kanila kung ganito ang kanilang ayos. Kung saan nila nakuha ang uniporme... isa lang ang kasagutan- dahil ang Hunters pinakamagaling na raiders sa bansa. Minamaliit sila ng mga hapon dahil sila ay mga bata lamang subalit sila rin ang pinakamagaling sa pangungupit ng mga gamit at pag-di-distribusyon ng mga ito sa ibang grupo ng guerilla.
Habang naghihintay sa pangalawang grupo, naisipan nila na magmanman sa bungad ng hotel na ginawa ring comfort station ng mga hapon. Dito dinadala ng mga hapon ang mga babaeng bihag at ginagawang mga parausan at alipin.
Kahit sa bungad pa lamang ay naririnig na niya ang sigaw ng isang babae mula sa loob ng gusali. Nakakahindik man ang naririnig, wala silang magagawa... hindi sila makakakilos ngayon.
Naikuyom ni Micah ang mga kamay dahil sa galit na nararamdaman sa dibdib. Babae siya, kaya mas nararamdaman niya ang sakit. Isa pa, isa rin sa mga babaeng nandito ang kaniyang kapatid na si Helen. Tagapag-silbi ito sa mga commander ng militar.
"Lilibot lang ako at magmamanman nang saglit sa loob. Nandito rin ang kapatid ko at gusto ko siyang makausap," pasya niya at sinabi iyon kay Jaime - ang tumatayong pansamantalang pinuno.
"Huwag na. Sinabi ni Sir Theodore na maghintay lang tayo rito. Kung papasok ka pa, baka manghinala sa 'yo ang mga hapon," tanggi ni Jaime. Hininaan ang boses dahil baka may makarinig sa kanila.
"Hindi sila manghihinala kung hindi tayo kahina-hinala sa kilos natin. At sa totoo lang mas manghihinala sila kung magkukumpulan tayo rito," halos pabulong din na tugon niya.
Nagkatinginan ang tatlong lalaki sa sinabi niya.
"May punto siya," sang-ayon ni Abra.
"Oh sige, samahan mo si Micah, Bernard. Kami ni Abra ang magmamanman dito. Pero bumalik kayo rito nang saktong alas-dose." — si Jaime.
Hindi na sila nagsayang pa ng oras. Naglakad sina Micah at Bernard papasok sa comfort station, samantalang nanatili naman ang dalawang kasamahan doon.
***