"Comfort stations" ang tawag sa mga bahay-aliwan na itinatag ng mga hapon - sa paniniwalang mababawasan nito ang kalupitan ng mga sundalo. Mababawasan kamo nito ang mga sakit na naipapasa sa pakikipagtalik. At matutugunan nito ang pangangailangan sa laman ng mga sundalong lalaki.
Napabuntong-hininga si Micah. Isang kahunghangan na paniniwala - mababawasan daw ang karahasan at panggagahasa ng mga sibilyan kung magtatayo ng mga ganito. Heto nga, at kabaliktaran ang naging bunga, mas lalong naging masahol ang mga lalaking hapon sa mga kababaihan. Alam niya, sapagkat ang kaniyang kapatid at ina ay napabilang sa mga biktima.
Sapilitan ang pagkuha nila sa mga babae, may asawa man, may kasintahan man o anumang edad. Inililipat nila sa mga bahay-aliwan ang mga ito upang gahasain nang paulit-ulit, pahirapan, saktan at insultuhin.
Ang iba sa mga babae ay galing pa sa ibang bansa. Ipinangakuan ng mga hapon ang mga ito ng trabaho at oportunidad sa ibang lupain subalit nang makuha nila ang mga ito, dinala nila ang mga babae sa bahay-aliwan upang gawing alipin.
Natigilan sina Bernard at Micah sa paglalakad nang bumukas ang isang kuwarto sa nilalakarang palapag. Kapwa sila napalingon sa babaeng pabalang na binuksan ang pinto at nagkandarapang tumakbo palabas. Nagsusumigaw ito at takot na takot habang palingon-lingon sa likod.
Walang saplot ang dalaga, may black-eye pa sa kanang mata, may mga malalaking pasa sa katawan at nagdudugo ang kanang bahagi ng labi. Nadapa ito at nasubsob sa maruming sahig. Napahagulgol ito ng iyak dahil sa sakit at kalupitan na sinapit.
At dahil hindi agad nakatayo, nahabol ito ng limang hapon at muling hinila pabalik sa kuwarto. Nagpumiglas at sumigaw ang babae, subalit wala na siyang nagawa pa nang suntukin muli siya sa mukha at hinila ng mga lalaki ang buhok upang ibalik muli siya sa kuwarto.
Nanlaki ang mga mata ni Micah. Akma siyang lalapit subalit pinigilan siya ni Bernard, napalingon siya sa kaibigan. Umiling lamang ito.
Wala silang magagawa, kapag gumawa sila ng gulo at pumagitna sa karahasan, hindi lamang sila ang mapapahamak, madadamay rin ang iba nilang mga kasamahan.
Mabigat man sa loob, tumalikod sila at nagpatuloy sa paglalakad. Subalit mananatili kay Micah ang nakakapangilabot na tili at pagmamakaawa ng babae habang nilalapastangan ito ng limang lalaki. Naikuyom ni Micah ang mga palad, nagugunita niya ang kaniyang kapatid na dito nananatili at ang ina na nagsisilbi rin sa mga hapon sa Intramuros. Ganito rin ba ang nararanasan ng kaniyang mga kapamilya?
Nagpatuloy sila sa paglalakad, may naabutan pa silang babaeng tumalon sa bintana at nagpakamatay. Sinubukan pa iyong habulin ng mga hapon, subalit nagtagumpay ang babae na makatakas sa kabilang buhay.
At habang nagpapatuloy sila sa daan ay lalo lamang lumalala ang kanilang mga nakikita at naririnig. Halos mabingi sila sa sigawan at masuka sa amoy ng paligid. May mga batang babae pang nakaupo sa gilid ng pader... walang buhay ang kanilang mga mata at mistulang estatwang nakaupo lamang doon. Anong ginagawa ng mga bata rito? Sila rin ba ay mga patutot?
Parang hinalukay ang kaniyang sikmura. Nais niyang maduwal, umiyak at magwala. Anong kasalanan nila at pinarurusahan sila nang ganito?
Naramdaman niya ang kamay ni Bernard sa kaniyang balikat, "M-Micah, tara na." Marahil gusto na rin ng binata na umalis sa impyernong ito. Hindi na rin nito nakayanan ang mga nasaksihan.
Tumango siya, akma na silang babalik subalit nakarinig sila ng sumusutsot. Napalingon sila sa pinagmumulan ng ingay. Namilog ang mga mata ni Micah nang makilala ang babaeng tumatawag. Isa sa mga babaeng espiya ng Hunters at naglilingkod din ito sa mga sundalong hapon, ang kaniyang nag-iisang kapatid na babae.
"A-Ate..."
"Shhh..." Inilagay nito ang hintuturo sa labi at ikinampay ang mga kamay na para bang pinalalalapit sila.
Tuminging-tingin muna sila sa paligid, at mukha namang walang nakakapansin kaya sumunod na sila sa babae.
Iginiya sila nito sa isang silid, pagkatapos ay isinara nito ang pinto. Nagkaroon sila ng pagkakataon na magyakapan at magkamustahan. Hindi na napigilan pa ni Micah ang maluha at suminghot-singhot dahil naalala niya ang mga nakita.
"Shhh..." Inalo siya ni Helen, "Tahan na... Isa kang sundalo, hindi ka dapat umiiyak."
Tila napahiya naman si Micah na nagpunas ng mga mata.
"P-Pwede ba kami dito sa kuwarto?" sumingit sa kanila si Bernard na hindi iniintindi ang drama ng dalawa. Balisa ang itsura nito at mukhang kinakabahan dahil pumasok sila silid ng isang magdalena.
Tumingin dito si Helen. "Huwag kang mag-alala, wala namang nakapansin sa atin. Pero hindi pa rin kayo pwedeng magtagal dito. Sa likod kayo dumaan at palihim din kayo na lumisan." Nginuso nito ang sikretong lagusan sa likod.
"Aalis na kami rito, ate. Lilipat kami ng Tanay. Sumama ka," pagkatahan ni Micah ay iyon ang sinabi niya.
Umiling si Helen. "Hindi ninyo ako madadala. Mapapahamak pa kayo, magiging pabigat lang din ako. Mananatili ako rito at mag-eespiya para sa ibang mga guerilla na nandito."
"Pero ate..."
"Micah. Hindi ngayon ang tamang panahon para unahin natin ang mga sarili. Unahin muna natin ang Pilipinas. Noon pa ako nagdesisyon na mamamatay nang may kabuluhan. Hindi ako mamamatay na isang patutot lang." May determinasyon sa mga mata ni Helen.
Hindi na nakasagot pa si Micah. Alam niyang buo na ang kalooban ng kapatid at hindi na niya ito mapipilit.
Tumalikod si Helen at nagtungo sa isang mesa. Ipinagpatuloy nito ang pagtitimpla ng kape. Ibibigay nito iyon sa mga sundalong hapon na nag-aalmusal sa bulwagan. Tuwing umaga ay siya ang naglalaba, nagluluto at nagsisilbing yaya ng mga hapon. Kapag gabi naman ay parausan siya ng mga lalaki. Noon pa, tinanggap ni Helen sa sarili ang kaniyang magiging parte sa digmaan.
"Sa una ay napakahirap. Nakita n'yo naman sa labas na nanlalaban pa ang mga bagong dinala. Ang iba sa kanila, sa sobrang takot ay pinili na lang na magpakamatay. Hindi ko sila masisisi. Ganoon din ako sa una. Pero kapag nanlaban ka, lalo lamang sila mangigigil na saktan ka..." Habang naglalagay ng asukal sa kape ay nagpaliwanag si Helen.
"Ang taktika ay sumunod sa gusto nila. Kung ayaw mong mabugbog, magparaya ka. Ginawa ko iyon at nagbunga naman dahil pinagkatiwalaan ako ng mga kumander. Eh, ano kung personal na prostitute? Ang mabuti... may napapala ako sa ginagawa ko. Kapag nahuli ako, simple lang... magpapakamatay ako. Mas mabuti iyon kaysa pahirapan pa nila." Pinanood nila ang paghahalo nito ng kape gamit ang kutsara.
Lumingon sa kaniya si Helen. May katapangan sa mga mata nito. "Micah, noon pa man na sumali ka riyan dapat handa ka sa magiging kalabasan. Katulad ko, handa na ako... Kaya huwag kang umasa na mabubuhay pa ako, hindi rin ako aasa na mabubuhay ka."
Masakit na mga salita, makahulugan na mga linya subalit totoo. Dapat alam nila sa mga sarili kung ano ang pinapasok. Inilagay nila ang mga sarili sa panganib kaya huwag silang maghangad ng kaligtasan.
"Bago kayo pumunta ng Tanay, pumunta kayo sa kuweba na pinakamalapit dito. Doon ay may mga nakatagong mga armas at pagkain." Nang matapos sa pagtitimpla, inangat ni Helen ang tray ng mga baso. "Hanggang dito na lang muna, mag-iingat kayo."
Akma na itong aalis ngunit muling pinigil ni Micah. "Ate... mag-iingat ka rin."
Natigilan si Helen sa paglabas. Naalala nito ang ina... na marahil hindi na nito makikita kailanman. Pinigil nito ang sarili na maluha subalit namasa pa rin ang gilid ng mga mata. Ipinikit nito iyon, malalim na napabuntong-hininga at pinakalma ang sarili. Dire-diretso itong lumabas sa kuwarto- bitbit ang mga kapeng itinimpla. Wala nang sinabi pa si Helen.... hindi rin nito kayang magbukas ng damdamin at magtanong tungkol sa kanilang ina.
Parang may bumara sa lalamunan ni Micah, sumikip ang kaniyang dibdib dahil sa labis na pagdaramdam. Subalit pinigil niya rin ang sarili. Tama si Helen, hindi ito ang tamang oras para unahin ang sarili.
***