Wala nang saysay pa ang manatili sa hotel kaya lumabas na sila sa gusali at binaybay ang daan pabalik sa kinaroroon nina Jaime at Abra. Kapwa, tahimik ang dalawa at malalim ang mga iniisip. Lihim nilang ipinagdarasal ang kaligtasan ni Helen at ng iba pang mga babae sa loob ng bahay-aliwan.
Habang naglalakad sa labas, nakaramdam si Micah na may sumusunod sa kanila na tila ba minamanman din sila niyon. Napatingin siya sa likod at napansing may sumusunod sa kanilang batang babae na nahuhulaan niyang nasa sampung taong gulang pa lamang. Mukhang isa ito sa mga batang nananatili sa bahay-aliwan.
Napahinto siya sa paglalakad at napatitig sa babaeng nagtatago sa likod ng poste. Gayunman, nakikita pa rin ito roon... parang nais niyang matawa. Nagtago pa.
Ngunit bakit kaya sila sinusundan ng batang babae?
"Micah," untag sa kaniya ni Bernard nang huminto siya sa paglalakad. Natigilan din ito at nagtatakang lumingon sa kaniya.
Bahala na nga...
Naisip niya na huwag na lamang pansinin. Ano naman ang magagawa ng batang iyon? Wala rin siyang mapapala kung kakausapin pa ito. Akma na siyang susunod kay Bernard subalit muling natigilan nang makarinig siya ng tili sa likuran.
Nakita niyang may lumapit na sundalong hapon sa batang babae at marahas itong hinawakan sa braso. Mukhang lango sa alak ang hapon at wala sa sarili. Subalit nagawa ng batang babae na magpumiglas, makatakas at makatakbo palayo. Nanlaki ang mga mata niya nang habulin pa rin ito ng sundalong hapon.
"Micah." Hinawakan ni Bernard ang balikat niya. Nahulaan ng kaibigan kung ano ang kaniyang iniisip. "Huwag ka nang mangialam. H-Hayaan mo na."
Subalit hindi na kaya ni Micah na walang gawin man lang. "Saglit lang ako." Hindi siya nagpapigil, hindi niya pinansin ang babala ni Bernard.
"N-Naghihintay na sila sa atin doon," pagpupumilit pa rin ng lalaki.
"Huwag ka nang sumunod sa 'kin. Bumalik ka na roon." Buo na ang kaniyang pasya at nag-umpisang maglakad sa kabilang direksyon.
Naiwan si Bernard na nagpatumpik-tumpik pa kung anong gagawin. Napakamot ito sa ulo dahil sa kalituhan at nakapagdesisyon na bumalik na lamang sa kinaroroonan ng ibang kasamahan.
Sinundan niya ang direksyon na pinuntahan ng batang babae. Lumusot ito sa masukal na lugar kung saan may mga matatayog na mga puno at malalagong halaman. Nagtago siya sa likod ng mga puno upang magmanman sa mga mangyayari. Kung sakali mang maabutan niyang may ginagawang kasuklam-suklam ang hapon sa bata, handa siyang undayin iyon ng saksak. Siguradong, papatayin niya iyon sapagkat problema pa kapag nabuhay. Hindi siya maaaring magpahalata sa ginagawa dahil baka madawit din sa gulo ang iba pa niyang mga kasamahan na nandito. Subalit ninanais niyang muling magsagip ng buhay, ano pang silbi niya kung hindi niya ito magagawa?
At naabutan nga niya ang hapon sa masamang binabalak nito. Pagkasilip niya sa likod ng mga puno, nakita niyang dinadag-anan ng lalaki ang batang babae habang ang huli ay umiiyak at humihingi ng saklolo. Hindi siya makapaniwala sa mga nakikita, subalit ganito talaga karahas ang mga imperial japanese. Hinawakan niya ang baril na nakasukbit sa kaniyang balikat. Magaling siyang tumira kahit sa malayuan kaya madali lamang sa kaniya na patumbahin iyon kung gagamitan niya ng baril. Subalit ang problema, baka may makarinig ng putok at madatnan pa siya. Kaya pinili na lamang niya ang tabak na nakasukbit sa baywang. Mas tahimik, mas okay.
Akma na siyang lalabas sa tinataguan subalit napahinto nang may dumating na isa pang lalaki sa kung saan. Nanlaki ang mga mata niya nang biglang sinunggaban niyon ang sundalong hapon sa likod, mabilis na ginilitan ng leeg gamit ang matalas na kutsilyo at hindi man lamang nakasigaw o nakapanlaban ang hapon.
Tumitili pa rin ang batang babae habang nanlalaki ang mga mata dahil sa lagim na nasaksihan. Hindi pa rin ito makatayo dahil sa labis na pagkagimbal.
Bumagsak ang walang buhay na katawan ng sundalong hapon sa lupa. Nakadilat pa ang mga mata niyon habang umaagos ang dugo sa bibig at leeg. Nangisay iyon nang ilang saglit hanggang hindi na kumilos.
Napamaang si Micah habang nanonood sa eksena. Unti-unti ay umangat ang paningin niya sa mukha ng misteryosong lalaki. Kumunot ang noo niya dahil sa labis na pagtataka, nakasuot din iyon ng japanese military uniform. At batay sa kutis ng balat, hindi iyon Pilipino...
Ngunit sino siya?
Ang singkit na mga mata nito kung tumitig ay tila wala ring buhay. Nakatuon ang linya ng panigin nito sa bangkay na nasa paanan. Walang emosyon ang mukha. Walang galit. Walang pagkasuklam. Walang kahit na ano.
Tumingin ito sa batang babae na umiiyak pa rin at nagmamakaawa.
Napakislot si Micah. Baka pinatay nito ang isa para ito naman ang lumaspatangan sa batang babae. Lumabas na siya sa tinataguan at halatang nagulat ito nang tutukan niya ng kutsilyo.
"*れて! (Hanarete!)" Marunong siya ng kaunting japanese sapagkat ang kaniyang ate ay isang espiya na madalas makahalubilo sa mga hapon. Natuto siya ng ilang mga salita dahil sa kaniyang kapatid. Sinabi niya rito na lumayo. Nanginginig pa ang mga kamay habang hawak ang tabak na handa niyang ihampas sa kaharap.
Napabuka ang bibig ng lalaking hapon na tila ba hindi iyon inaasahan. Ngunit naramdaman nito na hindi siya mapanganib... Tumingin lamang ito sa batang babae, nagtapon ng tingin sa kaniya pagkatapos ay tumalikod.
Nanlaki ang mga mata ni Micah sa pagtataka. Hindi man lamang nagsalita ang hapon ng kahit na ano. Hindi man lamang nagpakita ng takot basta umalis na lamang ito na parang walang nangyari.
Bakit hindi siya nito inatake? At bakit nito pinatay ang kasamahan? Hindi ba't isa rin ito sa mga sundalong hapon. Ang daming tanong sa kaniyang isip. Naguguluhan siya.
Anong nangyari?
Huminahon siya nang makaalis ang hapon at ibinaba niya ang kutsilyong nakataas. Tumingin siya sa umiiyak na batang babae. Lumingon-lingon muna siya sa paligid, bago ito kinalong at nagmamadali siyang tumakbo paalis sa lugar na iyon.
Kapag naabutan sila roon ng ibang tao, baka masabi pa na sila ang pumatay sa sundalo... mapapahamak pa sila.
Ngunit kung hindi sila sinaktan ng misteryosong hapon, ibig-sabihin ang nais lamang niyon ay iligtas ang batang babae sa pagtatangka ritong panggagahasa.
Hindi pa rin maunawaan ni Micah. Bakit? Sino ba iyon?
***
Sa gitna ng kakahuyan ay nag-usap sila ng batang babae. Sa wakas ay tumahan na rin ito at huminahon.
"Huwag mo na akong sundan. Hindi ka pwedeng sumama sa amin," paliwanag niya rito. Napagtanto niyang nais nitong sumama sa kanila dahil alam nitong sila ay miyembro ng guerilla. Kaya pala ito nakasunod sa likod nila kanina. "Hindi ka namin maproprotektahan, bawat araw ay nakikipaglaban kami. Hindi ka namin madadala."
"Eh, saan ako pupunta?" inosenteng tanong nito.
Hindi niya iyon masagot. Saan nga ba? Hindi maaaring sa guerilla, hindi sila pwedeng magdagdag ng batang pasanin. Delikado. At mamamatay rin ito kapag namatay sila. Subalit, ayaw naman niyang ibalik ito sa bahay-aliwan para gawing patutot ng mga halang ang kaluluwa.
"Basta. Hindi ka pwedeng sumama sa amin," may diin na sabi niya.
"Natatakot ako kahit sa mga Amerikano. Sabi ng mga hapon, kumakain daw sila ng mga tao."
"Hindi iyon totoo. Sinabi lang nila iyon sa inyo para matakot kayong lumapit sa mga taong pwedeng magsagip sa inyo. Kapag may nakita kang Amerikano, lapitan mo sila. Kaalyansa sila ng mga Pilipino."
"Natatakot akong gawin din nila sa akin ang ginawa ng mga hapon..."
Isa rin iyon sa kinakatakot niya. Sa kamalas-malasan, hindi rin nila mapagkatiwalaan ng mga bansang kakampi.
"Ang mga Pilipino naman, parang walang pakialam," anito.
"Hindi iyon totoo. Nandito pa kami."
"Pero ayaw ninyo akong kupkupin kaya saan nga ako pupunta?"
Balewala. Kahit saan man magsuot, hahabulin ang babae ng kamatayan. Ano ba itong ginawa niya? Ano pang saysay ng pagsasagip?
Tama ang kaniyang mga kasamahan. Tama ang kaniyang Ate. Isantabi muna niya ang lahat. Unahin muna nilang sagipin ang Pilipinas. Hangga't nandito ang mga hapon, walang matutuluyan ang mga batang katulad nito.
***