Episode 23: Paunang Lunas

2132 Words
"Yes, iha?" Kanina pa naghihintay si Father sa isasagot ko nang tanungin ako nito ukol kina Mulan at sa mga batang kasama nito sa kulungan. Kung itinakwil ako ni Mulan, mas kinalimutan ko na siyang kadugo ko dahil delikado ang mga ito sa tao. Balisa ako nang tingnan ko si Father. "Roxy!" Pinanlakihan ako ng mata ni Father pero atubili pa rin ako. Pinaypayan ko ang sarili ko bigla nang makaramdam ng alinsangan. Siya namang sulpot ni 'Tay Densio sa opisina ni Father. Mas nakahinga ako nang maluwag nang ngitian ko ang matanda. Sasabihin ko ba kay Father na isa akong aswang? Pa'no kung palayasin nila ako? Ang ganda ng timing ng pagpasok Ni 'Tay Densio. "Pasensiya na, Father, kung bigla akong sumulpot dito." Tumingin muna si 'Tay Densio sa'kin bago nito binalingan ang pari. "Huwag na huwag mong ilalabas ang mga nakakulong kahit na si Mihael dahil delikado sila. Napuntahan ko na rin ang mga nakakulong at mukhang hindi sila—" Napatingin muli si 'Tay Densio sa'kin. Tumaas ang kilay nitong may eyeliner na. Napakagat ako nang mariin sa labi ko nang makita ko kung ano ang suot ng matanda. Isang bestida at—naka-headband na rin ito na may raffles pa sa ulo. Naiiyak ako na naaasiwa. Hindi ako makahinga! "Tingin ko, Father, hindi sila dapat pakawalan. Hayaan mong pag-aralan ko muna ang lunas para sa kanila. Roxy," kumindat pa ito, "Sumunod ka muna sa'kin para masubukan natin kay Mihael ang bitbit kong lunas at kung mabigo tayo, alam mo na ang susunod." Susunod? Nahihiwagaan akong tumingin kay 'Tay Densio. "Si Mihael, susubukan ko ang nalalaman ko kung kaya ko siyang pagalingin. R-Roxy, ang d-dalawang bata at ang babaeng nakita ko, may kakaiba sa kanila." Tumiim ang anyo ng matanda nang mapatingin sa'kin bago nito binalingan ang pari, "Father, mag-uusap muna kami ni Roxy." Sumesenyas itong lumabas na ako. Hindi na hinintay ni 'Tay Densio na sumagot pa si Father nang hilahin ako nito palabas ng kwartong iyon. Dere-deretso lamang kami ng matanda sa isa pang kwarto na kami lamang dalawa ang tao. Isang kama na may manipis na kutson ang nakita ko at isang tokador. Wala nang kagamit-gamit ang loob ng kwarto nang masdan ko. "Susubukan ko kay Mihael ngayong gabi ang dagta pero kung hindi ito uubra—" Hawak-hawak na ng matanda ang gamit nitong nilabas nito sa bag, "K-kailangan mong g-gamitin ang itim na bato." Natigilan ako. Hindi maaaring mapunta kahit kanino ang batong ito. Ako lang ang pwedeng umangkin nito dahil posibleng magamit ito ng kahit sino sa kasamaan. "Tao si Mihael, Roxy, pero kung susubukin nating ipalunok 'yan sa kanya, posibleng isuka niya rin ang bato kasama na ang anupang bagay na pinasok ng mga aswang sa katawan niya, ang kanilang mga laway." Sa pagkakataong ito, hawak na ng matanda ang isang libro nang iabot ito sa'kin. "Basahin mo 'yan para may ideya ka sa kasaysayan ng—kalahi mo." Natigilan ako nang mapasakamay ko ang libro. Malahk Sutrah? "Si, Malahk Sutrah, isa siyang aswang na pumasok sa pagiging madre noon," panimula ng lalaki. "Dinokumento niya ang lahat dahil isa siya noon sa nagmay-ari ng batong nasa katawan mo. Isa siyang manunulat." Napamulagat ako sa sinabi ni 'Tay Densio. Naguluhan din ako dahil may sinabi rin si Sister ukol sa isa pang madre na aswang na nagmay-ari rin ng bato noon. Napigil ko ang hininga ko nang buklatin ko ito; isang litrato ng madre ang tumambad sa'kin pero dahil sa may kalumaan na ito, hindi malinaw ang mukha nito. Naninilaw na ang ilang pahina nito nang suriin ko pa. Habang nilalabas ni 'Tay Densio ang ilan pang gamit nito, may isa pa itong inabot sa'kin. Isang hugis tatlusok na kulay pula ang binigay ng matanda. Napako ang titig ko rito nang ilagay ito ng matanda sa palad ko. "Tay Densio, ano 'to?" "Proteksyon." Nanlaki ang mata ko nang itaas ko ito para lalo pang masiyasat nang mabuti. "Papa'no magiging proteksyon 'to, eh, tela lang naman 'to." "Proteksyon para sa masasamang nilalang o aswang," anas ng matanda nang ipakita nito ang hawak. "Tingnan mo, Roxy." Napako ang mata ko sa bote na kumukulo na ang loob. May laman itong tubig sa loob pero teka, bakit nga ba ito kumukulo? Hawak ito ni 'Tay Densio nang lumapit sa'kin. "Kapag may aswang na malapit, ganito ang mangyayari." Napaurong ako at inis itong hinablot. "Tay Densio, 'wag na 'wag mong sasabihin ang ganito sa mga madre or kay Father." Nilapit ko ang mukha ko sa matanda dahil sa takot ko, "Alam mo namang aswang ako, hindi po 'yan pwedeng gamitin sa harap nila." "Ako lang ang gagamit nito para malaman ko kung sino rito ang hindi tao pero kay Mihael, hindi ito uubra dahil tao pa rin 'yon. Sumunod ka sa'kin, Roxy." Sa kulungan nina Mulan kami humantong ni 'Tay Densio. Nang makita ako ng pinsan ko, mabilis itong nakalapit sa rehas at ubod higpit itong kumapit doon. "R-Roxy, s-sabihin mo sa mga tao rito na pakawalan kami. T-tutulong kami sa inyo para mapuksa ang mga kalaban." May pagmamakaawa sa mukha ni Mulan nang titigan ako pero napailing lang ako. "S-sabihin mo sa kanilang tao kami! Hindi kami hayop." Naramdaman ko ang paghawak ni 'Tay Densio sa braso ko nang sumulpot ito sa harap ni Mulan. Ang dalawang bata, galit itong nakatitig sa'kin pero binalewala ko na lamang. Tinaas ng matanda ang hawak nito at mas lalong bumula ang loob nito nang itapat ito ng lalaki kay Mulan. Mabilis kong sinuri ang paligid sa takot na may sumulpot na iba pa. Sa oras na ito, may kanya-kanya nang toka sa pagbabantay ang mga madre at ang ilan pa. Napatingin ako sa camera-ng nakatutok sa gawi nina Mulan at ng dalawang bata. "Aswang kayo," mariing sambit ng matanda. "Hindi kayo makakalabas dito kung 'yan ang inaakala niyo." Nakatapat na ang bote sa harap ni Mulan na lalong kumulo pa. "Isang senyales na aswang ang kaharap ko," matapang na sambit muli ng lalaki. "Delikado kayo." Naningkit ang mata ko nang mapabalik ang tingin ko kay Mulan. Unti-unting sumilay ang ngiti nito nang mapatingin sa'kin. Sinalubong ko ang galit niyang titig at sa isang iglap, hawak na nito sa leeg si 'Tay Densio matapos nitong hablutin sa kamay ang matanda at biglang paharapin sa'kin. "M-Mulan!" hiyaw ko. "Bobo!" nakangising anas ni Mulan sa tenga ng matanda. "Ano, R-Roxy, kung hindi mo kami ilalabas dito, papatayin ko ang matandang ito!" Unti-unting nagbagong anyo si Mulan. Ang itim nitong mga mata, nabahiran na ito ng kulay pula hanggang maging nakakasilaw na ito sa paningin ko. Mahinang ungol ni Mulan ang pumailinlang kasabay ng paglapit ng dalawang bata sa likod nito. Mukhang tao ang mga ito pero naglabasan na ang pangil ng mga ito. Kailangan kong iligtas si 'Tay Densio! "Ahhh!" hiyaw ni Mulan kasabay ng pagtakbuhan ng dalawang bata sa sulok. Napaurong ako nang masdan ko sila. Nakatakip na ang kamay ni Mulan sa mukha nito at napatakbo ito sa loob ng banyo. Hindi na lumabas ang babae. Bigla akong nalito nang tingnan ko si 'Tay Densio. "Asin at bawang, iha. Sabuyan mo sila dahil pangontra rin 'yon. Takot sila sa amoy ng bawang at sa asin maliban sa taong inaswang, kagaya ni Mihael." Akmang lalapit ang lalaki nang mapaurong ako. "Oo nga pala, aswang ka nga rin p-pala." Napangiti ang matanda nang maupo ito sa isang silya na nasa harap ng rehas kung saan ang mga nakakulong. "K-kakausapin ko sila ni Father na 'wag palabasin ang mga ito. Nakapatay na ba ng tao ang mga ito?" Kumabog ang dibdib ko nang mapaupo na rin ako katabi ni 'Tay Densio. Nakatitig lamang ako sa kamay nitong hawak pa ang pinangsaboy sa pinsan ko pero wala itong epekto sa'kin matapos ko itong hawakan. "Ang batong itim ang nagbibigay sa'yo ng kapangyarihan kaya ka hindi tinatablan, Roxy. Kung wala ' yan sa katawan mo-" Napailing ako, "Hindi rin ho. Never akong naaapektuhan sa hawak mong 'yan." Napatingin sa'kin bigla ang matanda na punong-puno ng pagtataka ang mukha. Ang dalawang bata, sumunod din ang mga ito sa loob ng banyo kung sa'n nagtago si Mulan. Ang pangako ko sa sarili ko, uubusin ko ang lahi ko pero may parteng nasasaktan ako dahil kamag-anak ko ang mga ito. Kung sana lang magpaka-normal ang mga ito kagaya ko pero mas pinili ng mga itong mambiktima at pumatay. "R-Roxy. May kakaiba sa'yo pero hindi ko alam kung ano." "Tay Densio." Napatingin ako sa buong lugar para hanapin ang camera pero tapik ng matanda ang nagpalingon sa'kin. "May mga camera rito, baka makita nila ito at pag-isipan nila akong—" "Huwag kang matakot. Habang kausap ka ni Father kanina, may ilang pumunta rito para tanggalin ang camera; baka bukas pa mapalitan dahil papadilim na. Kailangang palitan ang ilan dito dahil nasira nang may sumalakay sa kanila." Nakahinga ako nang maluwag nang marinig iyon pero nawala ang ngiti ko sa sumunod na sinabi ni 'Tay Densio. "Hindi habangbuhay kaya mong itago kung ano ka." Napabuntong-hininga ito nang mapatingin sa'kin bago ito dahan-dahang tumayo. "Puntahan natin si Mihael. Siguradong hindi naman makakatakas ang mga ito sa kulungan nila." Muli akong napatingin sa loob ng kulungan. Hindi pa rin lumalabas ang tatlo. May awa akong naramdaman pero hindi ko matandaan na naging close kami ni Mulan dahil masyado itong pikon at nananakit noon. Lagi akong dumidistansya sa kanya dahil bata pa lamang ito, nakitaan ko na ito ng pagkasakim lalo na pagdating sa pagkain. "Tay Densio..." "Puntahan natin si Mihael ngayon na nang masubukan ko kung gagaling siya habang hindi pa huli ang lahat, iha." Halos naluha ako nang marinig ko ito kay 'Tay Densio. Tama! Si Mihael... kailangang gumaling ni Mihael. Sunod naming pinuntahan ni 'Tay Densio ang kulungan nito. Punong-puno ng pagmamahal ang pagtitig ko sa kanya nang makita ko siyang nakaupo lamang sa kama. "Mihael." Naiiyak kong tawag sa kanya kasabay ng paglapit ko sa rehas nito. "Best, kaunti na lang, gagaling ka na." "R-Roxy." May ningning sa mata nito nang makita ako at hindi na ako nakahuma nang hawakan nito ang mukha ko kahit may harang sa pagitan namin. "Roxy, nagbalik ka. Please, p-pakawalan niyo na'ko rito." Magsasalita pa sana ako pero nakalapat na ang labi nito sa labi ko. Sa labis kong pangungulila sa kanya, hindi ko napigilang hindi lumuha nang pakawalan niya ang labi ko. Kahit nahaharangan kami ng rehas, damang-dama ko ang pagmamahal ni Mihael sa'kin. Ang mga titig nitong punong-puno ng lungkot. Ang haplos nitong nangungulila... "Makakaalis ka na rin dito, best. Wait..." "R-Roxy, I'm f*****g bored here. Please do something, love." Hawak-hawak na ni Mihael ang kamay ko nang lumapit si 'Tay Densio. "Tingnan mo, nandito si 'Tay Densio para tulungan ka. Para mawala na 'yang sumpa sa katawan mo kung anuman ang g-ginawa sa'yo ng mga aswang na 'yon." "R-Roxy," inis na pakli ni Mihael, "Hindi ako aswang so please, p-pakawalan niyo na ako para makatulong ako sa inyo." Napatingin ako kay 'Tay Densio ilang sandali pa nang sunod-sunod na tumikhim ito. May hawak nang isang baso na may lamang tubig ang matanda na inabot nito agad kay Mihael. May pagtatanong ang mata ko nang sundan ko ang inabot nito. "Iho, inumin mo na. Tingnan natin kung may epekto sa'yo 'yan. Kanina ko pa naihalo sa tubig ang dagta ng halamang magpapagaling sa'yo." Walang pag-aatubiling tinungga ito ni Mihael at sinaid ang laman nito pero hindi mai-drawing ang mukha nito nang ibalik nito ang baso sa matanda. "Ang pait sobra." Nalukot ang mukha nito nang mapatingin sa'kin. "G-gusto ko nang gumaling, Roxy. Gusto ko nang lumabas dito para makasama na kita. I m-miss you so much." Tinambol ang dibdib ko sa sinabi nito. Miss na miss ko na rin ang bestfriend ko pero kailangan ko siyang tulungan muna at higit sa lahat, ang ubusin ang mga aswang na natitira. Napapikit ako nang maisip ko si Mulan; mga halimaw sila pero kaya ko bang kitlin ang buhay ng sarili kong kadugo? "Mihael!" Napahiyaw ako nang malakas nang makita kong biglang napaupo ang lalaki sa sahig hawak ang leeg nito. "Tay Densio," nahintakutan kong tawag sa matanda. Sunod-sunod ang pag-ubo ni Mihael at naluluha na rin ito nang bigla itong napaduwal. Tumakbo agad ito sa banyo. Naiiyak ako nang sundan ko siya ng tingin, "Best, ok ka lang ba?" "Ayos lang siya," seryosong saad ni 'Tay Desio nang tumabi ito sa'kin. "Maaari niyang isuka ang napainum ng mga aswang sa kanya noon pero hindi ako sigurado kung ilalabas iyon ng buong katawan niya." Malakas na kalabog ang narinig namin sa loob ng banyo kaya napasigaw na naman ako. "Tay Densio, kailangan kong pumasok." Umiyak na'ko sa sobra kong pag-aalala sa mahal ko. Nang hindi sumagot ang matanda, tumakbo na'ko papunta sa tanggapan ni Father; ang pari ang may hawak sa lahat ng susi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD