"Nay?" takang-taka ako nang ikutin ko ang paningin ko. "Bakit dito? Ano'ng gagawin natin dito?"
Napakalakas ng lagaslas ng tubig dahil panay na ang ulan nang umalis ako galing Maynila. Papunta na sa tag-ulan ang klima at tuwing tag-ulan, sinasabi ng karamihan na taggutom ito. Hindi ako naniniwala sa ganun dahil hindi naman ako nakaranas ng gutom sa kumbento. Bigla ko na namang naalala si Mihael.
"Nay, ano'ng masasabi mo sa naikwento ko sa'yo?"
"Ang kaibigan mo?"
Napangiti ako sabay hilig ng ulo ko sa balikat ni Nanay. Nangumpisal na'ko sa kanya kung ga'no ko kamahal ang bestfriend ko at labis ang tuwa nito. Kung may pagkakataon lang na maipakilala ko siya, gagawin ko ito.
"Malayo sila sa'tin, anak at ang lagaslas ng tubig, makakatulong ito para hindi nila marinig ang pag-uusap natin kaya kita dinala rito. Makinig ka, Roxy, kailangan ko na itong gawin para sa kaligtasan mo. Patawarin mo'ko, pero ito lang ang kabutihang magagawa ko sa'yo, anak."
May pagtataka kong tiningnan si Nanay. Biglang nangunot ang noo ko nang humarap ito sa'kin at ilabas nito ang dila. Sa totoo lang, matatakot ang sinumang makakakita sa nanay ko pero sanay na'ko, sanay na'ko sa pagiging aswang ng angkan ko. Humaba ang dila ni Nanay at labis ang pagtataka ko nang makita ko ang isang itim na bato sa ibabaw nito. Hinawakan ako bigla ni Nanay sa ulo at pilit nitong pinapasok ang dila sa bunganga ko. Napanganga ako at naramdaman ko ang bagay na iyon na nilagay nito sa bunganga ko.
"Makinig ka, anak. Hindi ka makakalabas sa gubat na ito hangga't hindi ka sumanib sa pinsan mo. Ang bato na 'yan, may taglay na kapangyarihan 'yan—kalakasan. Gamitin mo 'yan para maproteksyunan ang sarili mo. Iligtas mo ang mga taong mahal mo."
"Nay!" Nasa bunganga ko lamang ang bato at hindi ko ito malunok-lunok. "Para sa'n ba 'to?"
"Magbibigay ng lakas 'yan sa'yo. Isa akong pinuno at kailangan ko iyang maisalin sa tagapagmana ko. Hindi ang pinsan mo o kung sinuman ang magmamay-ari niyan kundi ikaw. Namana ko 'yan sa ninuno pa natin na nagpasalin-salin na. Roxy," pukaw nito sa tulalang anak. "Makinig ka, anak. Hindi ko pinagsisihan ang pagkain ng laman ng tao at pag-inum ng dugo nila. Kailangan kong mabuhay pa para sa muling pagbabalik mo. Oras na malaman ito ng kaanak natin, siguradong malalagay sa peligro ang buhay nating dalawa. Ang pagkakaalam nila, mahina ako at lumpo pero iba ang lakas na taglay ko kapag nasa katawan ko ang batong iyan pero dahil ikaw ang iniisip ko, mas pinili kong magbalatkayo, bilang isang mahinang nilalang."
Ang haba ng sinabi ni Nanay pero tumatagos ito sa puso ko. Disappointed ako dahil nakakain na ito ng tao pero asawang kami. Ikinalulungkot ko sobra kung bakit kami naging ganito.
"Tandaan mo lang, na wala pa akong napapatay na tao. Hayop, oo! Nakapatay ako ng mga hayop bilang pagkain natin nang nabubuhay pa ang tatay mo pero hindi ang tao, Roxy. Ang kaibigan mo, malamang nalawayan siya ng aswang pero hindi ako sigurado. Alamin mo muna. Pagpapatawad mo lang ang kailangan ko para makaalis na'ko sa mundong ito. Kahit aswang ako, ipagdasal mo'ko. Sa'yo ko nakita ang kabutihan ng isang aswang. Kung naging masama man ako sa paningin mo, pagpapatawad lang ang kailangan ko para maging payapa ang puso't isip ko."
Napalingon ako sa kakahuyan. Parang may naririnig akong mga kaluskos pero ayon kay nanay, wala ng mga ligaw na hayop dito dahil naubos na ito.
"Papunta na sila rito, anak."
Namilog ang mata ko nang tingnan ko si Nanay. "S-sino, 'Nay?"
"Ang mga kalahi natin, iligtas mo ang sarili mo kung ayaw mong sumanib sa kanila. Umalis ka na." Tinulak na ng matanda ang dalaga. "Ang sinasabi mong si Mihael, balikan mo siya at alamin ang kalagayan niya. Kung may makita kang itim na ugat na tumutubo sa katawan niya, maaaring nakainum siya ng laway ng aswang. Isang paraan iyon para maging halimaw ang lalaki pero sa ibang paraan magbabago ang katauhan niya, anak. Hindi aswang ang kalalabasan niya dahil ang lahi natin, nasa dugo na natin ang pagkaaswang. Inaswang ang tawag sa taong nakaramdam ng pagbabago sa sarili nila pero hindi sila nagiging ganap na aswang kagaya natin."
Hindi ko alam pero parang nakitaan ko nang biglang panghihina si Nanay. Isinantabi ko muna ang ukol kay Mihael. Kailangan kong madala sa ligtas na lugar si Nanay. Nanlupaypay ito bigla. Ang bato na nasa bunganga ko, nilagay ko lang ito sa gilid ng dila ko pero hindi ko ito nilunok. Sabi ko nga, ayokong maging aswang. Gusto kong maging normal na tao.
"Lunukin mo 'yan, anak. Nang isalin ko ang batong 'yan, makakaramdam na'ko nang sobrang panghihina. Isa na'kong ganap na inutil. Kahit mamatay ako, magiging masaya ako dahil nakita kita at nabigay ang pamana ko sa'yo."
Sunod-sunod na ungol ang aking naririnig sa malayuan. Napatingin ako sa kalangitan. Wala man lang bituin at mukhang nagbabadya pa ang ulan. Takipsilim na at makakapal ang ulap. Gagawa ako ng paraan para maisama ko ang aking nanay pabalik ng Maynila.
"Umalis ka na, a-anak," mahinang usal ng matanda. "Baka ano pang gawin nila sa'yo dahil alam ko, hinding-hindi ka sasapi sa kanila. Pabayaan mo na'ko dahil may edad na'ko."
Napailing ako nang sunod-sunod at namasa agad ang mata ko nang may napansin ako sa nanay ko. Unti-unting nangingitim ang balat nito at nagbabagong anyo ito bilang aswang. Sunod-sunod na ungol ang sumulpot sa aming likuran at sa isang iglap, nakita ko ang mga kaanak kong nakatayo na sa aming likuran.
"B-bakit kayo nandito, Roxy?" galit na sita ni Mulan. "Papadilim na at kailangan nating lumusob sa mga tao. Kanina ka pa namin hinahanap pero hindi ka namin makita sa bahay niyo."
Nasaktan ako nang makita ko ang buong pamilya ko na nasa kaanyuan na ng pagiging aswang. "Hindi ba pwedeng ipagpaliban muna natin, M-Mulan?" Tinatagan ko ang loob ko at napatingin sa nanay ko, kahit ito nasa kaanyuan na rin ito ng aswang.
Nauutal ako sa ginagawa ko dahil ramdam ko ang bato sa dila ko na hindi ko pa nalulunok. Naramdaman ko ang paghampas ng pakpak ni Nanay sa likod ko dahilan upang magulat ako. Sa isang iglap, sa 'di ko inaasahan, nalunok ko na lang bigla ang bato. Napaubo ako nang sunod-sunod nang tuluyan kong malunok ito pero bakit ganito? Nakaramdam ako ng pag-init ng katawan ko. Unti-unti akong nakaramdam ng kalakasan, parang nakasampung inum ng kape ang pakiramdam ko at gising na gising ang diwa ko. Hindi pa man ako nagiging aswang pero nadagdagan ang talas ng pang-amoy at pakiramdam ko.
Napaluhod ako sa lupa bigla at pinagkapusan ng hininga. "Nay?" Nanlalaki lamang ang mata ng aking nanay kasabay ng pagngiti nito. Hindi ko mapigil ang unti-unti kong pagbabagong anyo. Malakas na ungol ang pumuno sa gubat nang maging ganap akong aswang. "B-bakit ganito?"
Bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang may kuryenteng dumadaloy sa katawan ko at ginigising nito ang bawat kalamnan ko. Nakaramdam ako nang sobrang lakas at sobrang linaw ng paningin ko nang ikutin ko ang paligid. Ang dating anyo ng pagiging aswang ko, nag-iiba ito. Naging mabalasik pa ako lalo at nadagdagan ang laki ng katawan ko.
"Ano itong nararamdaman ko? 'Nay?"
Isang matandang aswang ang biglang humawi sa iba pang kasamahan nito. "Ang itim na bato! Na kay Roxy na ang itim na bato, ang simbolo ng isang makapangyarihang pinuno ng mga aswang." Sinundan ito ng nakakapangilabot na ungol ng matanda. "Roxy, magtatagumpay tayo sa paglusob dahil ikaw na ang nagmamay-ari ng batong pamana ng ating ninuno." Nanlaki ang mata ng matanda nang mabaling ang tingin nito kay Felencia. "Felencia, papa'nong napunta sa anak mo ang bato? Si Mulan ang nararapat na magmana niyan dahil siya ang kinikilala naming pinuno. Matanda ka na at walang lakas. Tama ba ako na hawak mo ang batong iyan, na hindi man lang pinapaalam sa'min?" Humampas ang malaki nitong pagpak kay Felencia kasunod ang pagtusok ng parteng matulis sa katawan ng babae nang makita nito ang pagtango ng babae. "Isa kang traidor, F-Felencia!"
"Nay!"
Hinarang ko ang malaking pakpak ko at hinampas ko sa tiyahin kong nagtangka sa buhay ng nanay ko. Halos kalahati lang ng laki at tangkad ko ang mga ito na labis kong ikinagtaka pero nagdulot ito ng saya sa'kin dahil may kakaiba sa batong nilunok ko. Umatungal ako at pinanlisikan sila ng mata.
"S-siya ang nag-iisang tagapagmana ko," panimula ni Felencia na hirap na hirap kasabay ng paghawak sa tiyan nitong may sugat. "W-wala ng iba pa. Ang pagbabalik ng anak ko ang pinakahihintay ko bago ko maisalin ang kapangyarihan na 'yan."
"Kung ganun, niloko mo kami, Tiya? Nagpanggap kang mahina at hindi sumama sa paglusob namin kahit pa malakas ka? Ano ang ibig sabihin nito?" mabangis na tanong ni Mulan kasabay ng pagpapakita nito ng pangil sa kaharap. "Matagal na naming hinahanap kung sino ang nagtataglay ng kapangyarihang iyan pero niloko mo kami."
"Umalis ka na, Roxy!" utos ni Felencia.
"Nay!" Hindi ko iiwan ang nag-iisa kong magulang. Hindi pa huli ang lahat para ilapit ko ito sa simbahan para makapagbagong buhay ito. "Aalis tayo at kayo, 'wag niyo kaming pipigilan. Gawin niyo ang gusto niyo pero kukunin ko ang nanay ko."
Simbilis ng kidlat nang bigla kaming paikutan ng aking kamag-anakan. Lahat kami, nasa kaanyuan na ng pagiging aswang. Hindi ko maintindihan pero hindi ako nakaramdam ng takot, may hatid na kakaiba ang ipinamana sa'kin ni Nanay.
"Umalis ka na, Roxy," mabangis na utos nito sa dalaga. "Hayaan mo na'ko, anak. Hindi na rin naman ako magtatagal dahil naisalin ko na sa'yo ang bato. Ang pagsalin sa tagapagmana ko ay tanda ng kamatayan ko."
Buo ang loob ko! Hindi ko iiwanan ang nanay ko! Bigla kong niyakap ang nanay ko bago lumipad nang mabilis. Napangisi ako nang segundo ko lang gawin iyon pero malayo na ang agwat ko sa mga kamag-anak ko. Isa-isang nagliparan ang mga ito para habulin kami.
"Anak."
"Nay?" Unti-unting nagbabagong anyo ang aking nanay. Hindi ko maintindihan kung bakit pero unti-unting nagkatawang tao ito. "Anong nangyayari sa'yo, Nay?" Nang tuluyan itong maging tao, nanlupaypay ito bigla. "Ang sugat mo, dadalhin kita sa ospital."
"Anak, sa pagpasa ko ng batong itim sa'yo, kapalit niyan ang b-buhay ko. 'Yan ang nagdudugtong sa buhay ko kahit matanda na'ko. Ihingi mo ako ng tawad sa Diyos."
"Nay!"
Mas lalo ko pang kinampay ang malaki kong pakpak at labis ang pagtataka ko nang lingunin ko ang likuran ko, hindi ko na makita ang mga kamag-anak kong aswang.
"Iyang bato ang pinag-aagawan ng mga kalahi natin. Matagal kong tinago na sa'kin naipamana ang itim na bato ng ating ninuno. Sa bawat tribu ng mga aswang, may kanya-kanyang pinuno pero walang nakakaalam kung kanino napunta ang batong nasa katawan mo na, Roxy."
Kahit napakahina ng boses ng nanay ko, napakalinaw nito sa pandinig ko. Pumaitaas pa ako lalo pero naramdaman ko na ang ulan na nagsisimula nang lumakas.
"Gamitin mo ang kapangyarihan mo sa kung ano ang nararapat, a-anak."
Hospital! Kailangan kong madala ang nanay ko sa ospital dahil ramdam ko ang panghihina niya. "M-malapit na, Nay." Naging mabangis ang boses ko nang sambitin ko ito kasabay ng ungol na nakakapangilabot. Nagmistulang mga bituin sa lupa ang mga ilaw sa ibaba. Bumulusok ako bigla para iligtas ang nanay ko. Sa pinakamalapit na ospital ang destinasyon ko.
"Paalam, Roxy. Ang batong 'yan ang magliligtas sa lahat, depende sa paggamit mo. Ipinagmamalaki kita bilang pinuno ng angkan natin. Ang kaibigan mo, a-anak, nalawayan siya ng mga aswang pero hindi ako sigurado."
Malakas na hangin ang nakasalubong ko pero hindi ko ito alintana. Basang-basa na rin kami pero hindi ito nakapigil sa'kin dahil wala akong maramdaman na pagod sa ginagawa ko. Nang pumikit ako, nakikita ko balintataw ko ang mga kamag-anakan ko. Napadilat ako bigla at napalingon. Napakalayo nila sa'kin. Lahat ng sinasabi ng nanay ko, rinig ko ito lahat pero mas pinili kong magmadali para maisalba ang buhay nito. Naniniwala ako sa siyensya dahil tao rin kami. Mabubuhay pa ang nanay ko.
"She's dead on arrival, Miss. I'm sorry."
Nagkatawang tao ako nang lumapat ang paa ko sa lupa. Walang nakakita sa'kin nang gawin ko iyon habang pangko ko si Nanay kanina. Kahit tao ako, pangko ko pa rin ang nanay ko kanina hanggang makapasok ako ng ospital. Dead on arrival?
Para akong nauupos nang sumalampak ako sa sahig. Si nanay, patay na? Natakpan ko ang bibig ko bago bumulanghit ng iyak. Naawang tinapik ng doktor ang balikat ko bago ito tumalikod. Iniyak ko nang iniyak ang sakit na naramdaman ko. Ilang oras akong nasa hallway lang at nakayukyok sa gilid. Kinakausap ako ng mga nurse pero tulala ako at hindi sumasagot. Ilang sandali pa, natagpauan ko ang sarili kong naglalakad papunta sa emergency room kung nasaan si Nanay. Nakatakip ang kulay berdeng kumot dito at nakita ko ang ilang staff nang i-transfer ng mga ito sa isa pang bed ang nanay ko. Nang sumunod ako, napahinto ako nang mabasa ko ang Morgue. Bigla akong pumasok sa loob. Kung may kapangyarihan kaming mga aswang, malamang buhay pa ang nanay ko. Isa itong aswang!
"Sandali!" Umiiyak kong pigil sa mga staff na naglapag sa katawan ng nanay ko sa panibagong steel bed na nasa morgue. "Buhay pa siya. Buhay pa ang nanay ko!"
"Ma'am," mabilis na humarang ang isang lalaki. "Pi-pick up-in na po ang katawan ng funeral homes para sa embalsamo niya. Pwede niyo pong tawagan ang ilang pamilya niyo para masamahan kayo rito. May tulong ang gobyerno na binibigay kaya libre na ang lahat dahil sa sunod-sunod na p*****n. Makipag-coordinate po kayo sa reception nitong ospital para alam mo ang gagawin."
"Hindi! Buhay pa ang nanay ko!" Bigla kong niyugyog ang payat nitong katawan pero wala na itong buhay. Napatingin ako sa mga taong nakapaligid sa'kin, nararamdaman ko ang t***k ng puso ng mga ito pero nang mapatingin ako sa nanay ko, wala akong maramdaman na kahit ano. "Nay, gumising ka!"
"Ma'am, hindi po kayo nakasuot ng proper gown for safety purposes lamang po. Marami pong imbestigasyon na nangyayari sa buong bansa. Ok lang po ba kung sa labas muna kayo at hintayin na bigyan kayo ng medical gown para maisuot niyo kung papasok ulit kayo?"
Napaurong ako nang hilahin ako ng isang staff palabas. "Sandali, sabihin niyong buhay pa si Nanay."
"Patay na ho siya, ma'am," giit ng staff. "Dead on arrival po, ibig sabihin—wala na siyang buhay nang dumating kayo rito. May sugat sa tiyan ang nanay mo na naging sanhi ng pagkamatay niya. Ma'am?"
Napaiyak na naman ako pero sumunod na'ko sa isang lalaking staff nang igiya ako nito palabas. Napaupo sa isang bench sa labas. Isinakripisyo ng nanay ko ang buhay nito dahil nang ipasa nito ang bato sa'kin, nanghina ito bigla. Bakit? Ang sama kong anak dahil tinalikuran ko sila ni Tatay pero alam ng Diyos ang rason ko kung bakit. Kung hindi ko tinanggap ang batong iyon, malamang patay na'ko sa mismong kamay ng mga kaanak ko.
"Nanay, sorry po! Sorry kung huli na kitang binalikan. Proud ako sa'yo, Nay, proud akong hindi ka nakapatay ng tao kahit pa aswang ka." Humagulhol na naman ako at ramdam ko ang pag-iisa ko rito. Walang karamay. "Mihael." Sa tuwing down ako, ang lalaking mahal ko ang laging karamay ko pero kahit ito, wala itong kaalam-alam kung nasa'n ako.