"Tay Densio," may pag-aalala kong tawag sa matanda.
Marami itong nakasabit na mga abubot sa katawan na pangontra sa aswang at may hawak din itong matalim na kawayan na may dagta rin sa dulo. Baka mainis ang matanda at sa'kin nito itusok ang matulis na dulo nito. 'Wag naman!
"Kanina ka pa, Roxy," inis na anas nito sa'kin. "Mas alam ko ang g-gagawin ko kaysa sa'yo. Kung nandiyan sa katawan mo ang batong itim, mas malakas ka ng isandaang porsyento sa mga kalahi mo." Nilapit pa nito ang mukha sa'kin nang may panggigigil. "Kahit aswang ka, h-hindi kita papakialaman b-basta tuparin mo ang ipinangako mong uubusin ang lahat ng aswang sa lugar na ito." Biglang dumura pa ang matanda sa lupa nang mabwisit ito. "L-lahat ng kalahi mo, patayin mo para wala na silang mabiktima na t-tao."
Napatango lang ako nang sunod-sunod nang makita ko ang galit niya. Nangako si 'Tay Densio na sasabihin ang lahat ng nalalaman nito kapag napatay namin ang lahat ng aswang sa lugar na ito. Walang uwian ayon sa matanda kapag hindi naubos ang mga ito. Hindi rin ito sasama sa Maynila kapag hindi kami nagtagumpay. Si Mihael lang ang naiisip ko kaya isang malakas na atungal ang ginawa ko nang magbagong anyo ako. Isang malakas na batok ang ginawa ng matanda sa'kin kaya napabalik ako sa katawang tao ko.
"S-sekreto ang paglusob natin, ba't ka umaatungal nang malakas, Roxy?" gigil na anas nito sa mukha ko. "Isang atungal pa, makikita mo talaga ang h-hinahanap mo. Bulilyaso ang plano natin kapag pareho tayong pumalpak."
Hala, si Tatay Densio, nanginginig ang labi niya sa sobrang inis sa akin. Namasa ang mata ko nang mapatingin sa kanya kasabay ng pagsabi ng "sorry" pero hindi ito lumabas sa bibig ko. Silent whisper, ika nga. May tinuro sa'kin ang matanda kung sa'n ako tutungo habang siya, sa kabilang direksyon naman. Gusto ko siyang sundan pero pinandilatan ako nito ng mata. Mabilis itong tumakbo sa kasukalan ng kakahuyan matapos kaming makatawid ng ilog.
"Tay Densio?" mahinang tawag ko sa kanya pero bumangis ang mukha ko nang may maramdaman ako. "Ahh, mga aswang, mga kalahi ko... andiyan na'ko. Papatayin ko kayong lahaaat."
Mahinang ungol ko ang umalpas sa aking lalamunan nang unti-unting lumabas ang pangil ko. Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib ko nang lumaki ang katawan ko. Hindi ko ito nararanasan noon pero kakaiba ang gabing ito. Napatingala ako bigla sa kalangitan kaya sumalubong ang nakakasilaw na liwanag ng buwan. Naging mapupula na ang mata ko nang mapatitig ako sa liwanag nito... ang aking mga tainga, tumulis bigla kasabay ng paggalaw nito. Napatingin ako sa isang direksyon. Naririnig ko ang sunod-sunod na takbuhan—ng mga aswang. Hindi sila papunta sa gawi ko pero mukhang lulusob na ang mga ito sa tao. Napatingala na naman ako sa langit kasabay ng panlalaki ng mata ko nang marinig ko ang 'di mabilang na pagaspas sa kalangitan.
Isang ngisi ang kumawala sa'kin nang pumagaspas ang malaki kong pakpak. Iba ang pakiramdam ko kumpara sa noon na pagbabagong anyo ko. Hindi ko maintindihan pero nakaramdam ako ng gutom at ang naaamoy ko, isang umaalingasaw na mas mabaho pa sa basura—ang amoy ng aswang. Kami lamang ang nakakaamoy nito kapag malapit na ito. Yumuko ako kasabay ng pagngisi ko bago ako pumailanlang pataas... nang pataas. Nagbibigay ng sobrang lakas ang buwan. Kabilugan na naman nito. Ang bilin ni 'Tay Densio, 'wag akong maingay pero hindi ko mapigilang umatungal nang malakas para kuhain ang atensyon ng mga lumilipad na aswang. Malayo ang agwat ng mga ito pero nakuha ko ang atensyon ng mga ito nang ang ilan sa kanila ay lumipad papunta sa direksyon ko.
"Sigeee, lumapit kayooo," malakas kong hiyaw nang simulan kong ikampay ang mga pakpak ko patungo sa mga ito. "Andiyaaan na 'kooo." Sinundan ito ng malakas kong halakhak nang maramdaman ko ang papalapit na pag-atake ng mga ito sa'kin. "Iryaaaang!" malakas kong atungal dahil ito ang una kong papatayin.
Sunod-sunod na ungol ang nagsulputan sa aking likuran, sa harap ko at kahit sa uluhan ko pero mabilis ang kilos ko nang sakmalin ko ang isang aswang. Halos humiwalay ang ulo nito matapos ko itong bitawan. Napasunod ang tingin ko nang bumulusok ito paibaba. Wala na itong buhay!
"Sinoo ka?" Isang lalaking aswang ang sumigaw sa harap ko. "Kalahi ka namin p-pero bakit mo pinatay si Loriya? Kakaiba ang l-lakas mo kaya tinunton ka n-namin."
Lumawak ang ngisi ko nang makita ko ang takot sa mga mata nito. Hindi ko maintindihan pero may nanalaytay sa dugo ko na nagbibigay ng ibayong init sa katawan ko. Ngayon ko lamang ito nararanasan. Isang bigwas ng kamao ko ang pinadaan ko sa dibdib ng nagsalita at napatawa na naman ako nang malakas. Binaon ko ang matutulis kong kuko sa dibdib nito kaya nang hinugot ko ang kamay ko, hawak ko na ang pumipintig nitong puso. Dinurog ko pa ito nang pinong-pino.
"Halimaw kaaa!"
"Sino ka, haa? Bakit mo pinapatay ang kagaya mong a-aswang?"
Sunod-sunod ang pagsigaw nila sa 'kin. Pinapalibutan na nila ako pero hindi ko mapigil ang mapabungisngis nang makita ko ang lalaking bumulusok paibaba.
"Patay na siya," natatawa ko silang tiningnan isa-isa. "Isa." Nakangisi kong tinuro ang dalagang aswang, "dalawa," hanggang umabot sa pito ang bilang ko. Isang malakas na atungal ang ginawa ko nang gumalaw ang pakpak ko.
Nagpuslitan ang dugo ng mga aswang sa harap ko nang tumusok nang salit-salitan ang matulis na dulo ng pakpak ko sa katawan ng mga ito. Sinabayan ito ng malakas kong halakhak nang mangisay ang mga ito sa harap ko. Parang mga papel itong bumulusok dahan-dahan... paibaba. Saglit akong natigilan. Nagmasid at nakiramdam. Papalayo na ang ilang aswang para lumusob sa tao kaya lumipad na naman ako nang mabilis. Hindi ko maintindihan pero parang may kakaiba akong kapangyarihan sa klase ng mabilis na paglipad ko kaya siyang-siya ako nang tumambad sa harap ko ang matatandang aswang.
Ang laki ng mga ito, halos kalahati lang ng katawan ko. "Ahhh," napabungisngis na naman ako nang makita ko ang pagkagitla sa mukha ng mga ito. Lahat sila, nakahinto na sa ere. "Hmmmm," halos pabulong ko na lang itong anas habang nakangisi sa kanila.
"Ikaw ang nagmamay-ari ng bato," malakas na atungal ng matandang Iryang nang humawi ang mga kasamahan nito. "Sino kaaa?" hiyaw nito pero agad ko itong nahawakan sa leeg. "Dapat kang s-sumapi sa amin dahil aswang ka," hirap nitong saad kasabay ng pagpupumiglas nito. "W-walang m-makakatalo sa'yo hangga't n-nasa l-loob ng k-katawan m-mo ang... ang b-batong itim."
Inilapit ko ang mukha ko sa kanya pero napahalakhak lang ako nang makita ko ang takot niya. Naramdaman ko ang mga kalmot, ang salit-salitang paghampas ng pakpak ng mga aswang sa katawan ko pero—wala akong naramdamang sakit. Umigkas lamang ang malaki kong pakpak sa sinumang magtangkang saktan ako. Pumupuslit ang dugo nila tuwing tumutusok sa katawan ng mga ito ang matulis kong pakpak. Dumiin ang pagkakasakal ko kay Iryang na nagpapalag na; parang mga bubwit sa harapan ko ang mga ito dahil ang laki ko ay hindi na naging pangkaraniwan.
"Hayoop k-kaa," tungayaw ng matanda. "Bakit mo p-pinapatay ang kalahi mooo—"
"Tama na ang satsat, tanda." Isang malakas na atungal ang ginawa ko nang hawakan ko sa ulo si Iryang at pisilin ito nang ubod lakas. Malakas ko siyang hinawakan nang ihagis ko siya pababa habang nangingisay ito. "Paalam, pinunong Iryang. Bubwit man ako sa paningin mo noon, hindi na ngayooon!"
Lumikha ng malakas na tunog ang pag-ungol ko habang nasisiyahang tinitingnan ang wala nang buhay na katawan nito kasama ang ilan pa nitong kasamahan. Bumulusok ang mga ito pababa. Mabilis ang paggalaw ko nang inikut-ikutan ko ang ilan pang natitira. Grupo ito ng mga matatanda kaya labis ang saya ko dahil tandang-tanda ko ang mga ito. Kahit pala sa kaanyuan ng aswang ang mga ito, nakikita ko pa rin ang puting buhok ng mga halimaw na ito kaya napabungisngis ako.
"Patayin niyo siyaaa," hiyaw ng isa pa pero—huli na.
Isa-isa na silang bumulusok paibaba nang wakasan ko ang buhay nila. Nasisiyahan akong tumingin sa buwan; animo may lakas na bigay ito nang mapatingin ako sa nakakahipnotismong kulay nito. Mamula-mula na nahahaluan nang ubod puting mga ulap pero matingkad ang nakakasilaw na sinag nito. Dumipa ako at pabulusok na lumipad. Halos nauga ang lupa at nahapay ang ilang puno nang buong gilas na bumuka ang pakpak ko pagkalapat ng paa ko sa lupa. Hindi ko mabilang ang mga katawang wala nang buhay; mga aswang na walang kakuwenta-kuwenta!
"Psst, Roxxy!"
Gumalaw ang tenga ko nang marinig ko ang boses na iyon; para itong nanggagaling sa ilalim ng lupa dahil sa matinis nitong pagsigaw. Saglit akong nagpalinga-linga para hanapin iyon pero napangisi ako nang makita ko sa harapan ko si 'Tay Densio na sinisipa ang mga aswang na patay na. Sumenyas ang matanda kaya napasunod ako. Napahalakhak ako nang makita ko siya kung paano tumakbo—nakatikwas ang kamay ni 'Tay Densio habang kumekendeng ito. Lumakas ang tawa ko hanggang maging mala-demonyo na atungal na ito. Nakakapangilabot! Nakakapanindig balahibo. Napahinto ako nang biglang tumigil ang matanda. Para akong si Hulk dahil sa pangangatawan ko, ang taas ng matanda, hanggang hita ko lamang. Bakit naging ganito na ako kalaki?
Napaupo ako nang senyasan niya akong ilapit ang mukha ko sa kanya. "Ano 'yon, Tay Densio?" taka kong tanong na nakangisi. Hindi ko siya nakitaan ng takot kahit pa nakakatakot na ang anyo ko. "Ouuch," mahina kong reklamo nang hampasin ng matanda ng kamay nito ang hita ko pero wala naman akong naramdamang sakit kaya napabungisngis ako. "M-masakit po, 'Tay Densio," napangiwi ako kuno para maniwala siya.
"Ang atungal mo, Roxy," inis na singhal nito. "Ang sabi ko, 'wag kang aatungal nang ganyan dahil baka maalerto ang mga nagroronda. May mga kapulisan na nagkalat sa lugar, baka paulanan tayo ng bala kapag natunton tayo rito."
Para akong tuta nang yumuko ako at maramdaman ko ang batok ng matanda sa ulo ko. Napangisi lang ako dahil parang kinalabit lang niya ako. "S-sorry, 'Tay Densio," kimi akong ngumiti na lalo pang pinakita ang pangil ko.
Isang duro ang binigay nito sa'kin, "Ikaw ha, kahit aswang ka, hindi ako natatakot sa'yo," matinis nitong sigaw. "Kung may balak kang ubusin sila ngayong gabi, tahimik na paglusob ang g-gawin mo, Roxy. 'Wag kang panay atungal dahil nakakabahala ang lakas ng b-boses mo. Baka bomba na ang ihagis nila sa'tin. Kailangan nating iligtas si Mihael kaya ubusin mo ang lahat ng aswang. Wala pa akong napapatay na isa pero—"
Mabilis akong lumipad nang maramdaman ko ang presensiya ng mga aswang; mapabata man o matanda kahit pa ang ilang kalalakihan na aswang na halos kaedaran ko lamang. Nakanganga lang si 'Tay Densio nang mawala ako sa harap niya. Wala akong sasayangin na sandali. Hindi pa tuluyang nakakalapit sa baryo ng mga tao ang kalahi ko kaya uunahan ko na sila. Tahimik akong lumipad at sinundan ang amoy nila.
Gulat ang nakita ko sa mga mukha ng mga batang aswang na nagtatakbuhan sa kakahuyan. "H-hello, I'm baaack!" Kasabay ng pagsabi nito ang pag-igkas ng kamay ko para padaanin ito sa bawat leeg ng mga batang aswang. Napalingon ako sa ibang direksyon kasabay ng pagsinghot ko nang maramdaman ko ang paglusob ng iba pa. "Halikayo, 'wag niyo na akong pahirapan paaa," tungayaw ko nang magsulputan ang ilan pa. Mga lalaki naman at ang ilan ay nanggaling pa sa taas na biglang lumanding sa harap ko.
"It's shooow timee!" hiyaw ko.
Tusok dito. Tusok doon! Hampas ng pakpak ko at pagsakmal sa leeg o kahit sa'ng parte ng katawan ng mga ito ang ginawa ko hanggang mangisay ang mga ito sa harap ko. Napadila ako para lasapin ang dugo nila pero nasuka ako sa lasa nito. Napadura ako para ilabas ito. Masangsang. Nakakasulasok. Suminghot pa ako para masigurong naubos ko na sila at muling nakiramdam.
"Hmm," napangisi ako nang may maramdaman pa akong kakaiba.
Pigil ko ang pag-atungal ko nang tumakbo ako nang mabilis. Tumutunog nang malakas ang bawat pagtapak ng paa ko sa lupa at nahahapay ang ilang puno na madaanan ko sa bilis ng pagtakbo ko. Para akong isang ipo-ipo na may kalakasang taglay dahil natumba ang ilang maliliit na puno na nadadaanan ko. Napahinto ako sa harap ng grupo ng mga kabataan.
"P-pinatay mo ang Inang ko! P-pinatay mo silang lahat," umiiyak na sigaw ng isang batang aswang kasabay ng paglabas ng pangil nito para takutin ako. "P-papatayin kitaaa."
"Ohh," kunwari ay takot ako nang yakapin ko ang sarili ko pero bumagsak agad ang katawan ng batang aswang. Nakatusok na ang pakpak ko sa katawan nito. "Alam mo na p-pala na patay na ang ilang kasamahan niyo." Napangisi ako kasabay ng panlilisik ng mata ko. "Fake news dahil hindi pa'ko tapos na ubusin kayong lahaaat!"
Pagkagitla sa mukha ng ilan pa ang sumalubong sa'kin nang masiguro kong huli na ang bilang ng mga aswang sa harapan ko. Kitang-kita nila nang walang awa kong kitlin ang buhay ng paslit na aswang. Hindi ko na sila hinayaan pang makapagsalita dahil isa-isa ko na silang pinaslang gamit ang nakakamatay kong pangil; ang matutulis kong kuko at ang walang kapagurang pakikipaglaban ng pakpak ko para tuluyan nang magwakas ang buhay ng mga ito.