Nagtagal pa ng ilang oras ang ensayo ng mga players. Habang sila ay abala sa paglalaro, ako naman ay abala sa pagtapos ng walang katapusang school works. Kung hindi lang talaga ako na-obligang maging waterboy ay baka natapos ko na ito noong isang araw.
Walang madali nang matuklasan ni Papa ang totoong mukha ng sekswalidad ko. Kung alam ko lang na ito pala ang hirap na dadanasin ko, sana ay mas nag-ingat pa pala ako. Magbabago pa kaya ang tingin niya sa akin? Kailan kaya niya ako matatanggap? Kailan kaya niya ako ituturing na anak?
Maraming beses ko nang naisip na maglayas, magsarili na lang at magpakalayo-layo. Ngunit sa tuwing iniisip ko na hindi pa ako nakapagtapos at wala pang kakayahan upang buhayin ang sarili, pinanghihinaan na lang ako ng loob. Kailangan ko munang gumawa ng paraan upang patunayan na hindi hadlang itong identidad ko para hindi umunlad sa buhay— na hindi ito magiging dahilan upang bumagsak ako gaya ng lagi niyang isinisigaw sa tuwing sinesermonan niya ako sa bahay.
Inayos ko ang pagkakapatong ng laptop sa aking kandungan. Pasimple rin ang sulyap ko sa mga players na ngayon ay lalo pang naging pawisan. Wala si Papa dahil may dinaluhang meeting. Si Kahlil bilang captain, ang siya munang nag-supervise sa team. Nakatayo siya sa kabilang dulo, nakahalukipkip ang mga braso, at nakatitig sa akin.
Mabilis kong binaba ang tingin sabay yuko sa keyboard ng laptop. Nagpawis pa yata ang noo ko kahit medyo malamig naman at wala akong ginagawa. Bakit sa akin siya nakatitig? Bakit hindi sa mga teammates niya? Anong meron sa akin?
Nang muli kong iangat ang tingin upang ibalik kay Kahlil, laking ginhawa ko dahil diretso na ang kaniyang pansin sa mga naglalaro niyang teammates.
Hindi gaya kaninang umaga, naka-tshirt na siya ngayon. Plain white ang kulay nito at binagayan ng green shorts. Nakahawi pagilid ang kaniyang buhok at ang mukha’y seryosong seryoso. Hindi naman ito bago dahil madalas ko naman talaga siyang nakikitang seryoso.
Kung may pagkakataon man ay bihira ko lang siya makitang makipagharutan. Minsan lang din tumawa at minsan makipagbiruan. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit ang daming nagkakagusto sa kaniya. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi mabilang-bilang ang mga nagkakandarapa. Senior high pa lang, saksi na ako sa dami ng kaniyang tagahanga. At hindi ako bulag upang hindi makita na wala siyang pakialam kahit magaganda pa iyong mga babaeng lumalapit sa kaniya.
“Benj! Traveling ka,” seryoso niyang puna na siyang ikinatigil ng mga teammates. Kasalukuyan kasing nagaganap ang tune-up laban sa mga nakahanay sa team at sa training pool.
Ang totoo niyan, wala akong kaalam-alam sa larong ito. Unti-unti lang talaga ako natututo dahil lalo pa akong nagtatagal dito. Ang ironic lang isipin dahil coach ang tatay ko at minsan na ring naging basketball player si Kuya. Gustuhin ko man noong mga panahong tinuturuan ako, sadyang wala talaga akong interes.
“Di nga?” sigaw ni Benjamin na parang natatawa. “Bakit ako ang tinawagan mo eh nag-traveling naman ‘tong ugok kanina?” sabay turo niya sa rookie na nakasimangot. Siguro ay kanina pa iniinis.
“Kitang kita ko na. Bakit kinukwestyon mo pa?” ma-awtoridad na sagot ni Kahlil sabay hakbang at pulot sa bola. Inihagis niya ito at nasapo naman ng isang manlalaro. “Ayusin niyo ang trabaho niyo. Kung naglalaro lang kayo para mag-asaran, para sa’n pa ang training na ‘to?”
Muli akong yumuko at nagsimulang mag-type. Hindi man ako ang pinapagalitan ni Kahlil, pakiramdam ko’y natumabasan niya ang bagsik ni Papa. Saka lang gumaan ang tensyon nang bumalik na ulit sa paglalaro ang lahat at muli na namang napunan ng tunog ng dribble ang buong court.
Habang nagta-type, may nararamdaman akong naglalakad palapit dito sa bench. Katabi ko lang iyong water jug at mga duffle bags ng mga players kaya talagang may lalapit dito. Ngunit nang sinubukan kong iangat nang bahagya ang tingin, halos mangarag ako sa kinauupuan ko. Patungo na kasi rito si Kahlil na ngayon ay nakasimangot pa rin at nakapamulsa.
S-hit, para akong tanga. Sa isang iglap ay parang nahihirapan na rin akong huminga. Talaga bang papunta na siya rito? Anong gagawin ko? Magkukusa ba akong bigyan siya ng tubig? Pero paano kung hindi naman tubig ang sadya niya?
Sa gitna ng aking pag-iisip, tuluyan akong binalot ng kaba dahil umupo siya mismo sa aking tabi. Ilang dangkal lang ang layo nito kaya amoy na amoy ko ang panlalaki niyang pabango. Halos mahilo ako sa halimuyak na hatid nito. Hinding hindi ko pagsasawaan.
Napalunok ako habang nagpapatuloy sa pagta-type ng kung ano-ano. Katunayan, hindi ko na rin talaga alam kung anong tinitipa ko. Basta type lang ako nang type. Kung ano lang ang maisipan para kunwaring may ginagawa.
Ramdam kong nanonood siya sa ginagawa ng team mates niya. At sa gilid ng aking mga mata, kita ko rin kung paano siya nakaupo sa napakalalaking paraan. Iyong kaliwang kamay niya ay nakapamulsa habang ang isa naman ay nakapatong lang sa tuhod. Kakausapin kaya niya ako ngayong may ginagawa ako at kapwa lang kaming tahimik ngayon?
“Anong ginagawa mo?” bigla niyang tanong. Mabilis kong binaba ang laptop ko at pinatay na para bang sumakto iyon sa pagkakatanong niya. Kinailangan ko itong gawin dahil kung hindi, mahuhuli niya na walang kwenta naman itong mga pinagta-type ko. Nakakahiya!
Halos ngumiwi ako nang ipatong ko sa kabilang gilid ang laptop saka lumingon sa kaniya. Kung kanina ay hindi maipinta ang simangot sa kaniyang mukha, ngayon ay mas maayos na siyang tingnan. Kitang kita ang guhit ng kuryosidad sa kaniyang mga mata at tila uhaw upang malaman kung ano ang aking ginagawa.
“A-ah wala ‘yon. T-tinatapos ko lang ang… school works ko.”
“Bakit mo tinigil? Ituloy mo.”
“M-mamaya na…”
“Just because I asked? Naiilang ka ba sa ‘kin, Yuri?”
Napalunok ako. Gusto ko sanang tanggihan iyon at bigyan ng kung ano-anong dahilan. Pero ang hirap tumanggi gayong totoo naman ang sinasabi niya.
“Hindi ah. Bakit naman ako maiilang? Nagpapahinga lang ako.”
“Okay,” maikli niyang sagot sabay balik ng tingin sa mga naglalaro. Doon ko na rin dinapo ang pansin ko para naman hindi niya mahalatang baliw na baliw ako sa kagwapuhan niya.
Para akong timang. Kinakabahan ako na masaya. Masaya na natatakot. Natatakot na parang timang. Sa tanang buhay ko kasi, nitong nakaaran at ngayon lang ako nagkaroon ng pakakataon upang makasama siya nang malapitan. Nagkataon pang college na kami at talagang nasa iisa pang school.
Isa talaga ito sa mga kinonsidera kong school. Ang tanga ko ba para lang sundan siya dito? Kahit na sobrang mahal ng tuition, masaya pa rin naman ako sa course ko. At least may motivation, ‘di ba?
Habang tahimik na siyang nanonood sa mga naglalaro, tumayo ako at tumungo malapit sa water jug. Kumuha ako ng plastic cup at sinalinan ito ng tubig. Nang mapuno ay saka ako bumalik sa pwesto. Umupo na para bang sanay na sanay na sa gawain saka inabot sa kaniya ang cup.
“Kahlil,” malalim na tawag ko. Kaagad naman siyang tumingin sa akin sabay ngiti nang bahagya at kuha ng cup.
“Thanks.”
Kung hindi lang talaga ako nakikita, siguradong naglulumpasay na ako sa sahig sa sobrang tuwa. Did he just smile because of what I did? Seryoso?
Lalong bumilis ang puso ko nang simulan na niyang inumin ito. Iniwas ko pa ang tingin ko dahil baka nangangamatis na sa pamumula ang nag-iinit kong pisngi. Napakababaw ko naman para matuwa at kiligin. Seryoso bang nakita ko siyang ngumiti?
Paulit-ulit iyong rumehistro sa isip ko sa loob ng tatlong araw pang nagdaan. It’s been three days yet my mind still remained on the court, seemlessly thinking about the wonders of that damn smile. Kahit simple lang iyon, masyado ang naging epekto kahit nasa klase pa ako, dahilan kung bakit sobra akong lutang at wala sa sarili sa tuwing tinatawag.
“Paano tayo matatapos nito Yuri?” pagalit na sigaw ng leader ng grupo. Mas binilisan ko pa ang pagugupit ng craft paper para sa project na ipepresent bukas. Lima kaming magkakasama rito sa library at ang bawat isa ay seryoso sa ginagawa.
“S-sorry. Ano nga ulit ang sinabi mo?”
“God. Bingi ka na ba? Ang sabi ko, paki-ayos ng gupit mo. Hindi kasi tama. May mga lagpas pa.”
“S-sorry…”
“Okay ka lang ba? Wala ka bang sakit or what?”
Umiling ako sabay balik ng pansin sa ginagawa. “O-okay lang ako.”
“Sure ka ha? Para ka kasing lutang. Sa room pa lang, ganyan ka na e.”
Huminga ako nang malalim habang ingat na ingat na sa paggugupit. Kailangan ko na talagang ayusin itong trabaho ko dahil siguradong lintik ang matatamo ko kung uulitin ko pa.
Ilang oras din ang ginugol namin para matapos ito. Nang tingnan ko ang orasan, pasado alas singko na rin ng hapon. Kung sila ay diretso uwi na, ako naman ay patungo ngayon sa basketball court upang maglinis. Kinailangan ko itong gawin kahit wala namang naganap na training kanina. Sigurado kasing pagagalitan ako once na makitang maalikabok ang sahig at mga upuan.
Paulit-ulit akong bumuntong hininga habang tinatahak ang pathway. Malalim ang nilalakbay ng isip ko kung paano ko matatapos mamaya ang pending works na ilang araw ko nang hindi napagtuunan ng pansin. Sa isang araw na ang pasahan pero hindi ko pa rin nasisimulan. Ang hirap pa naman magpuyat para lang tapusin iyong ganoong gawain.
Habang papalapit ako sa court, unti-unti ko ring naririnig na para bang may tunog ng bola sa loob. Hindi lang ako ganoon kasigurado kung sino ang naroon dahil wala namang naka-sched na training ngayon.
Sa ilang sandali pa, pagkatapak na pagkatapak ko sa harap ng bukas na main entrance ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik upang sumilip. At ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata ko nang makita si Kahlil na ngayon ay nakatalikod, naka-topless, at mag-isang narito upang mag-ensayo. Kalat na kalat sa paligid ang mga bola na hindi na mabilang sa daliri. Base sa dami nito, sigurado akong kanina pa siya nagsimula.
Walang sabi-sabi akong pumasok habang dala-dala ang pananabik, kaba, at saya. Ang sarap makakita ng ganito. Ang sarap sa mata at ang luwag sa pakiramdam. Kung ito lang rin ang view na nakikita ko sa tuwing nakatoka ako upang maglinis ng court, hinding hindi ko ito pagsasawaan.
Ipinatong ko ang aking bag sa bench kung saan nakalapag iyong bag niya. Kita ko na wala na ring laman ang tumbler niya kaya mabilis kong kinuha ang tumbler ko sa bag at sinalin ang tubig nito para sa kaniya.
Umupo ako at pinagmasdan siya. Mula rito, naka-side view siya at dinig ko ang mabibigat na hingal. Should I ask him to rest? To take a break? Pero paano kung ikainit ito ng dugo niya? Nakakatakot.
Sa panglimang shoot niya sa ring ay saka siya humarap sa pwesto ko. Hindi nagbago ang seryoso niyang ekspresyon habang naglalakad na ngayon patungo sa akin. Titig na titig ako sa matipuno niyang pangangatawan, partikular na sa pawisan niyang abs. May mumunti ring balahibo sa ilalim ng kaniyang pusod at natutukso akong kumuha ng towel upang ako na ang mismong pumunas sa kaniya.
Paulit-ulit akong nagmura nang palihim. Kami lang ang narito kaya kung ano-ano rin ang pumapasok sa utak ko. Talaga bang nangyayari ito? Paano kung parte lang pala ng panaginip ‘to?
“May tubig ka?” tanong niya sabay upo sa tabi ko. Kahit pawisan ay naaamoy ko pa rin ang tapang ng kaniyang pabango.
“Meron,” tugon ko. Pinulot ko iyong sinalinan ko saka inabot sa kaniya.
Tuloy-tuloy niya itong ininom habang ako ay nanonood sa adams niyang nagtataas-baba. Parang patak ng ulan na gumagapang ang kaniyang pawis kaya sobra akong natutukso upang punasan. Pwede bang ako na mismo ang gumawa nito para sa kaniya? Papayag kaya siya?
“Paabot na rin ng towel sa duffle ko.”
“A-ah s-sige…”
Binalik ko ang yuko sa aking gilid saka binuksan ang zipper ng bag na tinutukoy niya. Saktong sa pagbukas, bumungad ang maayos na tupi at pagkakahilera ng kaniyang damit, shorts, towel, pabango, at kung ano-ano pa. S-hit. Ang laking turn-on naman nito.
Pagkakuha ko ng isa, saka ko sinara ang bag. Pagkaharap sa kaniya ay saka ko nahuli ang lumalalim niyang titig. Hindi iyon basta titig lang. Ganoon din ang tingin niya noong nakaraan!
Muli akong napamura sa isipan. May kahulugan ba ang titig na iyon o sadyang delusyonal lang ako?
Ngunit ang sumunod niyang sinabi ang totoong nagpawindang sa akin.
“Ikaw nang magpunas sa‘kin, Yuri.”