Sa buhay na ito, napakarami kong kinuwestyon. Ngunit higit sa lahat, nangibabaw ang tanong kung bakit ito ang sekswalidad na umusbong sa pagkatao ko. Kung lalaki’t babae lang ang nilikha at siyang tinatanggap lang sa pamantayan ng mundong ito, saan kami nababagay? Saan ako nababagay?
Malulutong ang mura ni Papa habang naglalampaso ako ng court. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko mapapahupa ang galit niya. Madalas ay iritang irita kahit wala pa naman akong ginagawa. Paano pa kaya ngayong nakagawa ako ng mali? Kung sa ibang magulang nangyari ang ginawa ko, tiyak akong mauunawaan nila iyon dahil hindi inaasahan ang malakas na bagsak ng ulan.
Walang alam ang mga basketball players niya sa dahilan kung bakit galit na galit siya sa akin. Natatandaan ko pa nga ang sinabi niya sa isa kahapon. Aniya, binibigyan daw niya ako ng leksyon dahil may kasalanan akong ginawa sa bahay. He’s just stating what’s general. Hinding hindi niya ipagkakalat sa kahit na sino na silahis ako o bading dahil masisira din ang pangalan niya.
Wala sa sarili akong pumikit nang batuhin niya ako ng bottled water. Tumama iyon sa likod ko kaya napangiwi ako. Though I expected he’ll hurt me physically, hindi na ako nagulat dahil kaming dalawa na lang ang natitira rito. Umuwi na ang mga team niya at hinayaan kahit na naiwang marumi ang bench. Sobrang makalat.
“Bakla ka,” monotono niyang sambit. Sa boses na iyon ay para bang pinahalata niyang napapagod na siya kakangaral sa akin. “Magsimba ka bukas nang mawala ‘yang kademonyohan mo.”
Pa, sa totoo lang, ikaw ang demonyo.
Gustong gusto kong isigaw iyon ngunit kahit anong alab man ang nangniningas sa puso ko, sa huli’y magulang ko pa rin siya at anak niya lang ako. Iyon naman ang binuong tuntunin ng mundong ito, ‘di ba? Kapag mas matanda ka, mas tama ka. Kapag bata ka, mali ka. Pride ang iiral sa kanila at hindi kung ang tama, kung ano ang mabuti, at kung ano ang mali.
Minsan nakakawalang gana. Naisip kong mawala na lang dahil kahit kailan, mukhang hindi naman ako matatanggap. Isa nga ba talaga akong Fabular? Kung sina Tito, Kuya, at Papa ay hindi mababakasan ng kabaluktutan, saan ako nagmana? Bakit ganito ako?
“Mangumpisal kang ‘tang ina ka.”
“Pa…”
“Ano? Papalag ka?”
Umiling ako habang binababad ang mop sa balde. Kulay putik na agad ito sa sobrang dumi.
“Hindi po ako papalag, pero may tanong po ako,” sabi ko nang nakayuko. Hindi ko man sinubukang tumingin ngunit batid kong naroon pa rin siya sa bench, prenteng nakaupo.
Umaalingawngaw ang aming boses. Aaminin kong naroon ang kaba dahil malakas iyon at bukas pa ang main entrance ng court na ito. Siguro wala namang nakaririnig. After all, hindi naman hahayaan ni Papa na may makakaalam nito bukod sa kaniya at kay Kuya.
“Oh. Ano?”
Gusto ko siyang tanungin kung bakit hindi niya ako matanggap-tanggap, kung bakit demonyo ang tingin niya sa mga tulad ko, at kung bakit naniniwala siyang simbahan ang makalulunas sa identidad kong ito. Ngunit sa lalong pag-usad ng mga segundo, umurong bigla ang dila ko. Nawalan ako ng lakas ng loob. Naglaho ang sana’y paraan para lang malinawan ako.
“W-wala po pala.”
Lalo akong pumikit nang mariin nang marinig ang galit niyang sigaw. “Ayusin mo ang boses mo! Huwag lalambot-lambot!”
I cleared my throat. Pinilit kong pahupain ang nag-aalburutong kaba dahil lalo lang akong mangangapa kung paiiralin ko iyon. Kunwari’y pinagsawalang bahala ko iyon. Nagpatuloy ako sa paglalampaso kahit durog na durog na ang puso ko.
Mayamaya’y narinig ko ang mabibigat niyang yapak. Akala ko ay lalapit siya sa akin. Mabuti na lang at papalabas pala. Nang maisara niya ang main door ay hinang hina akong umupo sa sahig. Sa sobrang sakit ng nararamdaman ay doon ko na hinayaang pumatak ang mga luha.
Kung may kakayahan akong baguhin ang sarili ko, gagawin ko naman iyon. Pipiliin kong magpakalalaki kung iyon ang basehan at pundasyon ng pagiging mabuti. Kaso iba ang mundo dahil kahit kabutihan na ang ikinikilos ng mga kagaya ko, sa mga mata nila ay masama pa rin kami.
Kailan kaya? Kailan kaya darating ang panahon na hindi ko na kailangan mamroblema para lang linisin ang sarili ko? Kailan kaya darating ang pagkakataong hindi na marumi ang tingin nila sa puso ko? Imposible man ngunit umaasa pa rin ako. Umaasa ako na sa huli ay may nag-aabang ding paraiso sa mga tulad ko.
**
“TIME-OUT!” sigaw ni Papa matapos pumito. Mula rito sa bench ay mabilis akong tumayo dala ang water jug na siniguro kong punuin kanina ng tubig. Hindi ito ang unang araw ko bilang isang water boy pero bakit naninibago pa rin ako?
Hirap na hirap kong binuhat ang water jug upang bitbitin malapit sa pwesto ng mga players. Bawat isa sa kanila’y umupo sa sahig nang naka-topless, pawisan at prominente ang pagiging maskulado.
Napamura ako sa isip ko. Sa isang tingin pa lang sa mga ‘yon ay nadi-distract na agad ako. Kailan kaya ulit ako magkakaroon ng sekswal na atraskyon sa mga babae? Sinubukan kong manood ng mga straight p-orns kagabi pero sa lalaki pa rin talaga ang focus ko. Iba ang nagagawa sa akin ng nakasanayan kong panoorin. Mahirap pilitin.
“Pre, tulungan na kita.”
Kinilabutan ako bigla sa narinig ko. Sunod-sunod ang ginawa kong paglunok ngayong nasa gilid ko na siya at tinulungan akong i-angat ang jug. For years, I’ve been so madly obssessed, na kahit sino pang gwapo ang dumaan sa buhay ko, siya pa rin ang numero unong tumatak sa puso ko.
“K-kahlil…” bulong ko habang naglalakad dala ang tubigan. Nang subukan ko siyang lingunin ay diretso lang ang tingin niya sa harapan. Pasimple akong kumagat sa pang-ibabang labi nang matitigan ang ugat ng braso niya. Kahit hindi naka-topless dahil suot pa rin ang jersey, nangingibabaw pa rin ang kagwapuhan niya.
Sinong babae ang hindi mababaliw sa nilalang na ‘to? Sinong bading ang hindi matitinag kapag kaharap ito?
“Hmm?” he answered in a manly tone. Pagbaling niya ng pansin sa akin ay mabilis kong iniwas ang tingin ko.
Ilang hakbang na lang ay mararating na namin ang kinalulugaran ng mga teammates niya. Sa puntong ito ay hiniling ko na sana lumayo pa at humaba ang distansya. I could feel the moist of his hands seemingly touching mine. Naroon ang tukso na ibagsak na lang ang hinahawakan para lang hulihin ang likod ng palad niya.
Napapraning na naman ako.
“Uh… s-salamat,” nahihiya at nauutal kong bulong habang nakatitig sa daanan. Ganoon na lang ang panlalambot ng puso ko nang marinig ang baritono niyang halakhak, kasunod ng sinsero niyang sagot.
“You’re welcome, Yuri.”