"Anong paborito mong ulam? Pwede ko bang lutuin, hmm?" pagtatanong ko kay Gabriel na siya ngayong nasa likod ko at sinusundan ako papasok sa loob ng kusina. Saglit ko siyang nilingon mula sa pagitan ng leeg at balikat ko, roon ko naman nakita ang paninitig niya sa likod ko ngunit kaagad ding nag-angat ng tingin sa akin. Tipid itong ngumiti na mabilis ko ring sinuklian ng ngiti. "May problema ba?" takang sambit ko, kapagkuwan ay maang na pinagmasdan ito habang pilit na inaaninag ang emosyon sa mukha niya. "Wala naman." Ilang beses siyang umiling bago ulit ngumiti sa akin, marahil para hindi ko na masyadong isipin pa iyon. Hindi ko alam kung ako lang ba, pero kanina pa nawawala sa sarili si Gabriel na para bang may bumabagabag sa kaniya. Tahimik kasi ito na hindi katulad nang pagkakakila

