Nagtataka ako kung bakit hinila ako ni Russel dito sa kaniyang silid. Hindi ko rin maitindihan kung bakit iritado siya pagkatapos namin kumain ng pares sa Makati. Binalewala ko lang iyon. Pinapanood ko lang siya kung papaano niya isinara ang pinto ng kaniyang kuwarto. Pagkatapos ay nilapitan niya ako at nasa harap ko na siya. Matigas na ekspresyon sa kaniyang mukha. Titig na titig siya sa akin, samantala ako naman ay pakurap-kurap ko siyang tiningnan.
"You're kidding, right?" matigas niyang tanong.
"Ang alin?" painosente kong tanong.
"Na papalutuin mo ako ng pares." matigas niyang sambit. "Una sa lahat, wala akong panahon sa isang tulad mo. Maraming maid and cook dito sa mansyon, sila nalang ang palutuin ng pagkain na sinasabi mo, alright?"
Ngumuso ako. "Pero ikaw ang gusto kong magluto." sabi ko.
Nang sabihin ko ang mga bagay na iyon, tila naging bingi pa siya. Sa halip ay naghubad siya sa harap ko. Hindi ko rin iniitindi dahil nakita ko rin naman iyan. Pero ang tanging natirang niyang saplot sa kaniyang katawan ay boxers. Hinawi niya ang comforter sa kaniyang kama at humiga na. Binabalewala niya ako. Pero imbis na umalis na ako dito sa kaniyang silid ay walang sabi na sumampang din ako sa ibabaw na ng kama na ikinagulat niya.
"Anong problema mo?!" bulyaw na naman niya sa akin.
Tiningnan ko siya sa pamamagitan ng malamig na tingin. "Alis ka dito." sambit ko sa malamig na boses.
Mabilis siyang bumangon, nanlalaki ang mga mata dahil sa hindi makapaniwala sa aking sinabi. "The f**k?! Pinapaalis mo ako sa mismong kuwarto ko?!"
Nanatili pa rin ang ganoon ang ekspresyon ng aking mukha. "Basta, umalis ka dito! Ayokong makita ang pagmumukha mo." wait, saan galing ang mga sinabi ko na iyon?
"Putang ina." matigas niyang sabi saka ginugulo niya ang kaniyang buhok dahil sa inis.
Ewan ko bakit pakiramdam ko sa tuwing nagmumura siya, tila tinutusok ang puso ko. Kasabay na parang pinipiga iyon. s**t, nararamdaman ko na naman ang mga namumuong luha sa aking mga mata. "Russel..." halos pumiyok na ako nang tawagin ko ang pangalan niya.
"Ano ba—" sabay lingon niya sa akin pero natigilan siya nang nagtama ang mga tingin namin. Kita ko na bahagyang kumunot ang noo niya. "H-hey, why are you suddenly crying?"
Suminghot ako bago ulit nagsalita. "Umalis ka na... Naiiyak ako sa pagmumukha mo... Promise..." humihikbi kong sabi.
Napangiwi siya't yamot na umalis sa kama. "Puta naman, oh! Siya! Aalis na ako!"
Pero agad ko din kinuha ang braso niya. "Russel..." umiiyak na tawag ko.
Iritado siyang lumingon sa akin. "Ano na naman ba?"
"Gusto ko ng pares..." walang alinlangan na sagot ko.
Laglag ang panga niya. "Na naman?!"
"Please...?" garagal kong pakiusap.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata niya, like he's composing himself. Tumingin siya sa akin na may pilit na kalmado. "Bibili ba ako?"
"Gusto ko tikman ang luto mo..."
Marahas siyang bumuntong-hininga. "Fine! Umalis ka na d'yan at pupunta tayo ng Kusina."
Hindi ako agad kumilos. "Buhatin mo ako. Pleaseee?"
Gigil na gigil niyang sinabunutan ang kaniyang sarili. Kita ko sa mukha niya ang panggagalaiti pero pilit pa rin niyang kontrolin ang kaniyang sarili. Nilapitan niya ang closet para magbihis ng damit. Lumipat siya kung nasaan ang puwesto ko. Tumalikod siya sa akin saka yumuko. "Dalian mo." utos niiya.
Kusang nawala ang pag-iyak ko. Mabilis akong kumilos sa sumakay sa likod niya. Napalitan ng saya ang puso ko. Parang gumaan ang pakiramdam ko. Rinig ko ulit ang pagmura niya pero mahina pero ang importante para sa akin ngayon, pinagbibigyan ako ni Russel sa gusto ko.
**
Hindi mabura sa mukha ko ang kasiyahan. Nakapangalumbaba ako habang pinapanood ko si Russel kung papaano niya kinakausap ang kaniyang kuya Keiran sa pamamagitan ng tawag.
"Ahia, first time ko magluto n'on!" inis niyang sambit. "At hindi ko alam kung bakit kailangan ko siya ipagluto n'on! Palagi siyang naghahanap—"
"Naglilihi na siya, Russel." rinig kong seryosong boses ni Sir Keiran sa kabilang linya. Oh, nakaloudspeaker palang ang tawag. Nakapatong din kasi ang cellphone sa kitchen counter. "Sa pagkaalam ko naman ay may mga stocks pa tayo d'yan kaya hindi ka na mamomoblema sa pagluluto. Ang importante lang naman ay tandaan mo ang lasa ng pares na gusto niya. After this call, isesend ko sa iyo ang ingredients na kakailanganin mo." saka pinutol na niya ang tawag.
Pakurap-kurap akong tumingin kay Russel na ngayon ay kumawala ng marahas na buntong-hininga. Bumaling siya sa akin. "Pasalamat ka't buntis ka."
Mas lalo ko nilawakan ang ngiti ko. "Thank you..." may halo pa iyong lambing na mas lalo siya nainis.
Sa huli ay wala na siyang magawa kungdi magsimula na siyang magluto. Nang nakuha na niya ang text message ng kaniyang kuya ay agad niyang hinahanap sa ref ang mga sangkap na gagamitin niya sa pagluto ng pares. At saka, hindi pa naman ako inaantok. Sa katunayan pa nga ay na-eexcite akong matikman ang luto niya.
Napasapo ako sa aking tyan.
Baby, alam kong gutom ka na. Ako din, naeexcite na din akong matikman ang luto ng daddy mo!
Pinapanood ko si Russel kung papaano magluto. Namamangha ako kung papaano siya mabilis maghiwa ng mga rekados. Gumamit siya ng pressure cooker para daw mas mabilis maluto ang baka dahil kung mano-mano daw, matatagalan daw. Wow, hindi ko akalain na may mga matutunan ako kay Russel pagdating sa pagluluto. Mukhang maalam nga siya sa pagluluto!
"Russel?" tawag ko sa kaniya habang nanatili pa rin akong nakapangalumbaba.
"Hmm?"
"Hindi ba, twenty five ka na?"
"Yeah, why?"
"Anong trabaho mo?" diretsahan kong tanong.
Hindi siya nakatingin sa akin, mukhang concentrated siya sa kaniyang ginagawa. "A stockholder."
Natigilan ako. What? Stockholder siya? Kung hindi ako nagkakamali, he holds one or more shares in a company. Kaya pala nagagawa niyang pumarty kung kailan niyang gusto? Kaya hindi siya katulad ng mga pinsan niya na madalas nasa Maynila para magtrabaho? Talagang nagagawa niya kung anuman ang gugustuhin niya! "T-talaga? Bukod doon, wala na?"
Doon siya nagkaroon ng pagkakataon na bumaling sa akin. "Because I don't know what I really want. Hindi ako sigurado kung tama ba ang tinapusan ko."
Mas lalo bumuhay ang kuryusidad ko. "Bakit? Ano bang tinapos mo?"
"Bachelor of Management Studies." simple at kaswal niyang sagot. Ipinagpatuloy niya ulit ang pagluluto. "You're eighteen, right?"
"Uh-uh."
Nagtama ang tingin namin sa muling pagkakataon. Mas sumeryoso ang tingin niya ngayon. Pero nababasa ko doon ang paghihinayang, awa, lungkot. Hindi ko lang matukoy kung alin doon ang nangingibabaw. Pero bakit siya nagrerebelde sa gayon ay mababait naman ang pamilya niya? Hindi ko nga rin naman sukat akalain na isang tulad ko, na hindi galing sa isang mayaman at kilalang pamilya ay matatanggap nila ako. Na magagawa nilang tanggapin ang bata sa sinapupunan ko. Na bunga ng pagkakamali namin ni Russel.
Nang tapos nang magluto si Russel ay inihanda niya ang pares na request ko. Ipinatong niya sa harap ko pagkain. Halata sa mukha ko na natatakam ako sa pagkain na inihanda niya. Binigyan din ako ni Russel ang kutsara at tinidor at sinimulan ko nang tikman ito.
Napaletra-O ang bibig ko. Tuwang-tuwa akong tumingin kay Russel. He's leaning forward, hinihintay niya ang magiging komento ko. "Ang sarap! Mas masarap ito kaysa sa kanina!" bulalas ko.
Wala akong marinig sa kaniya na kung anuma pa man. Pinapanood niya lang ako kung papaano kumain.
Pero may isang tanong pa ang sumagi sa aking isipan, "Russel?"
"Hmm?"
"May girlfriend ka na ba?" baka kasi may girlfriend siya tapos nabuntis niya ako. Delikado kung nagkataon.
"Wala," simple niya ulit na sagot.
Nakatitig ako sa kaniya. Sa guwapo niya, wala siyang girlfriend? Aba, bulag ang mga babae kung hindi nila mapapansin ang isang Russel Anthony Hochengco! At saka malakas ang appeal niya!
"But..." pahabol ko pa. "Who's your first love?"
Kita ko kung papaano siya natigilan sa tanong ko na iyon. Wala naman kasi akong intensyon na masama kung malalaman ko man kung sino ang first love niya. Naisip ko lang din naman kung ano talaga ang nararamdaman niya. Gusto ko malaman kung ano ba talaga ang dahilan niya kung bakit siya nagkakaganito. Kung bakit siya nalagay sa ganito, naging rebelde sa pamilyang ito.
"C'mon, Russel. Wala naman ibang makakaalam kungdi tayo lang." sana sa sinasabi ko na ito ay mapagaan ko man lang ang kalooban niya. I think, this will be our wonderful start, hindi man bilang ina ng magiging anak niya, bilang kaibigan.
Seryoso siyang tumingin sa akin. "The college girl named Nayana Alvez." he finally answered.
Bahagyang bumuka ang bibig ko nang marinig ko ang pangalan na kaniyang binanggit. "S-si Madame Naya? Ang hipag mo?" namimilog ang mga mata ko dahil sa gulat. Oh s**t, may hidden desire siya sa hipag niya?! Sa asawa ng kuya Keiran niya?! "P-papaanong..."
"I was in Elementary, naging tutor ko siya." panimula niya. "Bagsak kasi ako sa isang subject noon, pero ang hindi nila alam, sinadya ko talagang ibagsak 'yon dahil galit ako sa isang tao na kailanman ang tanging alam niya, ang gusto niya. Hindi niya iniisip kung anong gusto ko, kahit ang gusto ni Keiran ahia, hindi niya pinakinggan. Kaya ang ending, naging tutor ko si atsi Naya that time na naging sila din ni ahia."
Kumunot ang noo ko. "S-sino naman tinutukoy mo na hindi kayo pinakinggan?"
Nang nagtama na naman ang mga tingin namin ay nababasa ko na sa kaniyang mga mata ang galit at poot. "My father. Damien Hochengco." kahit sa pagbanggit niya ng pangalan nito ay bahid pa rin ang galit niya para sa tao na iyon.
Kumurap ako at dumapo ang tingin ko sa pares na niluto niya. Ngayon, malinaw na sa akin kung bakit naging black sheep siya ng pamilyang ito. "Pero... Kung hihingi man siya ng tawad sa iyo... Papatawarin mo ba?" kusang lumabas sa bibig ko ang mga salita na iyon.
"Never." simple pero ramdam mo ang pagkamuhi niya sa sarili niyang ama. "Miranda Ho, my mother is a second wife. Hindi na pupwedeng manganak pa ni tita Victoria kaya naman umaasa siya na magkaroon siya ng anak ng lalaki na magdadala ng pangalan at magpapatuloy ng legacy ng mga negosyo niya. It means, galit ako na pagkatapos niyang kunin ang kailangan niya kay mama, babalewalain niya ito na parang basura."
"Russel..." ang pangalan lang niya ang tanging masabi ko. Hindi ko akalain na ganito pala ang pinagdadaanan niya. Nakakaramdam ako ng awa at lungkot sa rebelasyon niya.
Buong buhay niya, dala-dala niya ang sakit na iyon.
"Don't worry, I'm good. Huwag mo akong kaawaan dahil wala rin mangyayari." he added. Huminga siya ng malalim. "For now, I need to take care of you. Papakasalan kita kung saan man mo gusto. Ibibigay ko sa anak natin ang apelyido ko."
"Pero, hindi mo ako mahal. Hindi rin kita mahal... Kawawa ang bata, Russel."
Ngumiti siya na dahilan para matigilan ako. Binigyan niya ako ng isang sinserong ngiti na ngayon ko lang nakikita. "Do you believe in marriage first, fall in love later? Sana nga ganoon ang mangyayari sa ating dalawa. At ngayon ko lang din narealized na kung ipagpapatuloy ko ang ginagawa ko na ito, parang wala din ako pinagkaiba sa tatay ko." nagtama ang aming tingin. "I can't promise you the world you wanted, Jelly. But I promise you the care and touch by this wild man."