NAKASIMANGOT si Gella habang pinagtatawanan siya ni Nuel. Sa awa ng Diyos ay nakasuot na ito ng T-shirt at pantalon. Si Kelvin naman ay pinaglinis niya ng kuwarto nito. Nabasag kasi ang baso roon nang mabitiwan niya ang tray kanina.
Itinakip niya ang mga kamay sa kanyang mukha. "Tumigil ka na nga sa katatawa, puwede? Kahit sino naman ang makakita sa inyo ni Kelvin sa gano'ng sitwasyon, gano'n din ang iisipin!"
"Miss, liliwanagin ko lang, nakatulog lang ako sa tabi ni Kelvin dala ng kalasingan. He has been my best bud ever since we were in college. I just love teasing him. Nothing strange happened between us."
Nanatili siyang nakasimangot. Pero ang totoo, gusto na niyang mamatay sa labis na kahihiyan.
"Huwag kang sumimangot, masasayang ang ganda mo." Nakangiting inilahad nito ang kamay sa kanya. "I'm Manuel Alex Legazpi. You can call me 'Nuel.'"
Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. "I'm Gella Maria Centeno."
"Oh, so you're Kelvin's best friend."
"Kilala mo 'ko?"
"Medyo. Pero ayaw ni Kelvin na pinag-uusapan ka. Mukhang pinoproketahan ka niya mula sa mga kaibigan namin. At siguro kung ako si Kelvin, gano'n din ang gagawin ko. 'Pag nakita ka ng mga kaibigan naming single pa, sigurado akong kukulitin nila si Kelvin para makuha ang number mo," nakangiting sabi nito, saka siya kinindatan.
Flirt. "Ibig sabihin, hindi ka bakla—" Natutop ni Gella ang kanyang bibig. Hindi niya sinasadyang sabihin iyon nang malakas.
Tumaas ang isang kilay ni Nuel, halatang hindi nagustuhan ang sinabi niya.
"I'm sorry."
Humalukipkip ito. "So, you thought I was gay?"
Nag-peace sign siya rito. "Sorry. Sa nakita ko kanina, naisip ko ngang gano'n ka."
May kung anong kumislap sa mga mata nito. "I wonder what I should do to correct that impression."
Napasandal siya sa backrest ng sofa nang dumukwang ito. Itinukod nito ang mga kamay sa magkabilang gilid ng ulo niya.
"Should I kiss you?"
Napalunok siya. Kung hahalikan siya ni Nuel ngayon, siguradong mawawalan siya ng ulirat! Kinabahan siya pero hindi naman siya takot. Mukha kasing nagbibiro lang ito.
"Kiss her and I'll kill you," mapanganib na banta ni Kelvin na bigla na lang sumulpot mula sa likuran ni Nuel at in-arm lock nito ang kaibigan palayo sa kanya.
"That hurts, Kelvin," nakasimangot na sabi ni Nuel habang pilit na inaalis ang braso ni Kelvin sa leeg nito.
"Gella is off-limits, Nuel! Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit hindi ko ipinapakilala sa 'yo si Gella kahit best friend din kita? It's because I don't want you to fawn over her. I know she's beautiful, but you have to back off, buddy. Hindi ka bagay sa tulad niya. Diyosa siya, lamang-lupa ka lang!"
"Kelvin," saway niya rito.
Nagpatuloy lang si Kelvin sa paglilitanya kahit pinakawalan na nito si Nuel na tatawa-tawa lang. "Makinig kang mabuti, Manuel Alex Legazpi. Off-limits ang best friend ko. She's too good for you, okay?"
Sa kabila ng pag-iingay ni Kelvin ay natuwa si Gella sa mga sinasabi nito. Bukod sa masaya siyang lumalabas ang pagiging overprotective nito ay masaya rin siyang malaman na mataas ang pagtingin nito sa kanya kahit magkalayo ang estado ng buhay nila.
"Gella is a virgin!" bulalas ni Kelvin na ikinagulantang niya.
"Kelvin!" galit na sigaw niya, saka ito binatukan nang malakas. Hindi naman nito iyon kailangang sabihin sa kaibigan nito.
Kelvin smiled apologetically at her. "Sorry, Gella."
Sinimangutan niya ito. Gusto na talaga niyang mamatay sa kahihiyan!
Tumawa si Nuel. "Don't worry, I'll pretend I didn't hear anything." Tinapik nito sa balikat si Kelvin. "Pare, huwag kang mag-alala, nagbago na 'ko. Bumalik ako sa Pilipinas hindi para magpasarap sa pagbubuhay-lalaki. In fact, bumalik ako sa bansa para maghanap ng mapapangasawa."
"What?" gulat na bulalas ni Kelvin. "Gusto mo nang mag-asawa?"
Tumango si Nuel. "Hindi tayo bumabata, Kelvin. Isa pa, may sakit ang lolo ko. Gusto kong tuparin ang kahilingan niyang makita ang magiging apo niya sa 'kin bago siya mawala. Naisip ko ring nasa tamang edad na 'ko para lumagay sa tahimik. Nagsasawa na 'ko sa pagbubuhay-lalaki ko. Gusto ko nang magkaroon ng sariling pamilya."
"That's so unbelievable. I mean, you're the player in our group," hindi makapaniwalang sabi ni Kelvin na tinawanan lang ni Nuel.
Napatitig si Gella kay Nuel. Nagustuhan niya ang sinabi nitong gusto na nitong mag-asawa. Nakikita niya rin sa mga mata nito ang determinasyon. Hindi tulad ni Kelvin, mukhang seryoso at mas matured na lalaki si Nuel. Alam niyang magiging mabuti itong asawa. Mukha naman kasi itong mabait at magalang sa mga babae kahit mukhang may-pagkapalikero ito. Lalo na siguro itong magiging responsable kapag nagkaroon na ng anak.
Nuel was the perfect husband material and he was looking for a wife.
She wanted to get married and have a child. And she found him.
Nang magtama ang mga paningin nila ni Nuel ay nginitian siya nito. Hindi niya napigilang gumanti ng ngiti nang may pumasok na isang ideya sa isip niya.
I want to marry you, Nuel!
***
MALUNGKOT na inekisan ni Gella ang date sa kalendaryo. Isang araw na naman ang lumipas nang wala siyang napapala sa paghahanap ng mapapangasawa niya. Palapit na nang palapit ang kaarawan niya. Ayaw niyang mag-thirty-one nang hindi pa rin ikinakasal!
Bumuntong-hininga siya. Hinubad niya ang eyeglasses at isinara ang sketchbook. Wala pa siyang maisip na bagong disenyo ng mga kasangkapan na ipapasa sa boss niya. Yumukyok siya sa mesa. Iidlip muna siya. Baka sakaling paggising niya ay refreshed na ang isip niya at makakapag-design na siya.
Hindi alam ni Gella kung ilang minuto o oras ang lumipas nang maramdaman niya ang pag-angat ng kanyang katawan mula sa upuan. Nang may masamyo siyang pamilyar na pabango, kumalma agad siya. Kilalang-kilala niya ang masculine scent na iyon. Kelvin.
Ipinulupot niya ang kanyang mga braso sa leeg ni Kelvin at saka sumiksik pang lalo rito dahil nilalamig siya. May duplicate keys ito ng bahay niya kaya malaya itong nakakapasok sa bahay niya kung kailan nito gusto.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. "Gellabs, hindi ba sinabi ko na sa 'yong kapag pagod ka na, ihinto mo muna ang pagtatrabaho at magpahinga? Ayokong napapagod ang girlfriend ko."
"Hindi ko naman sinasadyang makatulog. Iidlip lang dapat ako," pangangatwiran niya na inaantok pa rin. Pero lihim siyang napangiti dahil sa pagtawag nito ng "girlfriend" sa kanya.
Maingat siyang ibinaba ni Kelvin sa kama. Pumailalim agad siya sa comforter para mainitan siya. Lalo siyang inantok nang maramdaman ang lambot at init ng kama.
Walang kaabog-abog na sumampa sa kama si Kelvin at sumiksik sa tabi niya."Gellabs, 'wag ka munang matulog. May ipapakita ako sa 'yo," excited na sabi nito habang may kung anong itinatapat sa mukha niya.
Napilitan tuloy siyang dumilat. Tumambad sa kanya ang iPad nito. Tumagilid siya at ipinatong ang kanyang baba sa balikat nito. Inakbayan siya nito para mapagmasdan niya nang mabuti ang ipinapakita nito. Nakabukas ang f*******: account nito at nasa isang Fan Page ito—ang "Speedy Date."
"Ano 'yan?" nakakunot-noong tanong niya rito.
"This is a speed dating site. Nag-apply ako para makasali tayong dalawa."
Napabalikwas siya. "Seryoso?"
"Oo. Ayaw mo?"
"Hindi ba tayo magmumukhang desperado niyan?"
"Gellabs, nakipag-blind date na rin tayo. Wala 'yong pinagkaiba sa speed dating."
"'Sabagay, desperado naman ako. Pero ikaw, Kelvin, hindi mo 'to kailangang gawin. Bata ka pa naman. Isa pa, hindi ka mahihirapang maghanap ng mapapangasawa. You're handsome, rich and nice." Alam kong sinasamahan mo lang ako kaya nakikipag-date ka sa kung sino-sino.
Tumawa ito. "Alam mo namang hindi ako naghahanap ng mapapangasawa. Ine-enjoy ko lang ang proseso ng paghahanap ng babaeng mamahalin."
"Hindi. Naghahanap ka lang ng makakapalit ni Chloe."
"Huwag kang magsimula, Gella," saway nito.
Of course, she hit the bull's eye. Totoo namang hindi "Miss Right" ang hinahanap ni Kelvin kundi ang makakapalit ni Chloe. Hindi ito naghahanap ng pag-ibig. Gusto lang ipakita ni Kelvin kay Chloe na kaya nitong palitan ang babae. "Galit ka pa rin ba kay Chloe dahil iniwan ka niya?"
"Wala na 'kong kahit anong nararamdaman para sa kanya."
"Sinungaling."
"Gella," banta nito. Gumuhit ang galit sa mga mata nito.
Bumuntong-hininga siya. Hinalikan niya si Kelvin sa pisngi bilang paghingi ng paumanhin. Apektado pa rin ito kapag si Chloe ang pinag-uusapan.
Si Chloe ang Miss Right ni Kelvin. Pero nang magpasya si Kelvin na makasama si Chloe habang-buhay, iniwan ito ni Chloe. Nag-propose ng kasal si Kelvin kay Chloe noong third anniversary ng mga ito. Pero tinanggihan iyon ni Chloe.
Nasaksihan niya kung gaano nasaktan si Kelvin noon. Nagalit din siya kay Chloe dahil sa pananakit nito sa kaibigan niya...