"GELLA, will you return this to Kelvin for me?" nakangiti pero malungkot na tanong ni Chloe sa kanya. Iniabot nito sa kanya ang kahita ng singsing. "Basta na lang kasi niya 'tong ibinato kagabi."
Umiling-iling si Gella. "Kung gusto mong isauli ang singsing na 'yan kay Kelvin, bakit hindi ikaw mismo ang mag-abot niyan sa kanya?"
Marahang umiling ito. "Ilang beses ko siyang tinawagan at pinuntahan sa bahay nila pero ayaw niya 'kong harapin. Ikaw na lang ang inaasahan kong magbabalik niyan sa kanya dahil alam kong makikinig siya sa 'yo."
Napahikbi siya. Hindi na niya kinayang itago ang sama ng loob. "Mahal na mahal ka ni Kelvin, Chloe. Paano mo siya natitiis nang ganito? Alam mo ba kung gaano siya nasasaktan ngayon? 'Akala ko, ikaw na ang tamang babae para sa kanya, pero nagkamali ako!"
Niyakap siya ni Chloe. "I'm sorry, Gella. Alam kong nasaktan din kita dahil sa desisyon ko. Pero hayaan mo sanang kami ni Kelvin ang umayos nito. Basta ibalik mo muna sa kanya ang singsing na 'yan." Kumalas ito sa kanya at marahang pinunasan ng mga daliri nito ang mga luha sa kanyang mga pisngi.
Pakiramdam niya ay isa siyang bata sa paraan ng pagtrato ni Chloe sa kanya. Lalong tumaas ang paghanga niya rito sa kabila ng galit na nararamdaman niya dahil sa pananakit nito kay Kelvin. Chloe was perfect—she was beautiful and she had a kind heart. Alam ni Kelvin na hindi na ito makakahanap ng babaeng katulad ni Chloe at ang kaalamang iyon marahil ang lalong sumusugat sa puso nito.
"Huwag kang umiyak, Gella. Kailangang maging matatag ka para kay Kelvin. Alagaan mo siya," pakiusap ni Chloe. Ipinatong nito ang kahita sa mesa. Sa huling pagkakataon ay malungkot itong ngumiti, saka naglakad palayo at mula noon ay hindi na ito bumalik.
Hindi niya nagawang isauli ang singsing kay Kelvin sa takot na baka lalo itong masaktan. Dahil ipapaalala lang ng singsing na iyon ang pang-iiwan dito ni Chloe. Isa pa, masamang-masama rin ang loob niya kay Chloe kaya hindi niya sinunod ang kahilingan nito. Itinago niya ang singsing sa treasure chest niya at hindi na iyon binuksan pang muli.
***
"I'M SORRY," bulong ni Gella pagkatapos sariwain ang alaalang iyon sa kanyang isip.
Bumuntong-hininga si Kelvin. "Pasensiya na rin kung nasungitan kita. Alam mo namang ayokong pinag-uusapan siya."
Sinapo niya ang magkabilang pisngi nito at pinihit paharap sa kanya. Katulad ng inaasahan niya, nakaguhit ang sakit sa mga mata nito. Niyakap na lang niya ito para kahit paano ay gumaan ang kalooban nito.
"Thank you, Gellabs." Mas masigla na ang boses nito. "'Wag mo na 'kong alalahanin dahil sa 'ting dalawa, ikaw 'tong magte-treinta y uno."
Nakasimangot na kumalas siya rito. "Tama bang ipagdiinan sa 'kin ang edad ko?"
Tumawa ito. "Sorry. Basta sa speed dating na pupuntahan natin, siguruhin mong mahahanap mo na ang tamang lalaki para sa 'yo."
Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Kelvin ang brilliant idea niya na tiyak na ikakagalit nito. Baka nga batukan pa siya nito.
Natigilan si Kelvin sa pagkutinting sa iPad nito nang marahil ay maramdaman nitong nakatingin siya rito. Bumaba ang tingin nito sa mga labi niya, kapagkuwan ay napalunok ito habang unti-unting nag-aangat ng tingin sa kanyang mukha. May kumislap na emosyon sa mga mata nito na agad ding naglaho, o mas tamang sabihin na mabilis nitong naitago. Noon niya napansin na masyado na pala silang magkadikit. In fact, halos nakadagan na siya rito habang nakapalupot ang isang braso nito sa kanyang mga balikat. At napakalapit ng mukha nila sa isa't isa.
"Gella," namamaos na sambit nito.
Napalunok siya sa parang kakaiba nitong pagbigkas sa pangalan niya. Bigla siyang lumayo rito at dala ng katarantahan, naibulalas niya ang mga bagay na nasa isip niya kanina."I'm not getting any younger, Kelvin. I want to get married. I want a child. And I want Nuel to be my husband."
"What?!"
Bumuga siya ng hangin. "Kelvin, seryoso ako."
Nalaglag ang mga panga nito. Ilang segundo itong nakatulala. Pero nang makabawi ay agad gumuhit ang galit sa mukha nito. "Bakit si Nuel?"
Humugot siya ng malalim na hininga. "Sa palagay ko, si Nuel ang tipo ng lalaking hinahanap ko. Natatandaan mo ba 'yong sinabi niya noon sa condo mo? Gusto na rin niyang mag-asawa at magkaanak para sa lolo niya—"
"He's a player. He will only hurt you. And you don't love him!"
Umiling siya. "Hindi naman kailangang mahal agad namin ang isa't isa. Malay mo, baka kapag nagpakasal kami, saka kami ma-in love sa isa't isa."
"You're desperate!"
"I am! Hindi mo 'ko maiintindihan kasi lalaki ka at bata ka pa. Twenty-eight ka lang at perfect bachelor pa. Kahit hindi ka um-attend ng dating sites, siguradong maraming babae ang maghahabol sa 'yo. Pero hindi gano'n ang sitwasyon ko. Treinta na 'ko. Ni first kiss, wala pa 'ko. Mahihirapan na 'kong maghanap ng lalaking magpapakasal sa 'kin sa edad kong 'to. Natatakot din akong mahirapan sa pagkakaro'n ng anak. At alam mo kung gaano ko kagusto ang magkaro'n ng sariling pamilya." Hiningal si Gella pagkatapos ng mahabang paglilitanya niya.
Nagtagis ang mga bagang ni Kelvin, halatang kinakalma lang nito ang sarili. "No. Hindi ko kukunsintihin 'yang naiisip mong kalokohan."
Napasinghap siya. "Kalokohan?"
Tumayo ito at tinapunan siya ng masamang tingin. "Hindi pa ba kalokohan na gusto ng best friend ko na pakasalan at dalhin sa sinapupunan niya ang magiging anak ng kaibigan ko? That's bullshit!"
Binato niya ito ng unan. Tinamaan ito sa mukha pero hindi ito tuminag. "Isa lang naman ang kailangan mong sabihin. Tutulungan mo ba ko o hindi?"
"Hindi."
"Pero nangako ka noon na tutulungan mo 'kong hanapin ang lalaki para sa 'kin!" sumbat niya rito.
"Anyone but Nuel! Period!" galit na sabi nito, saka siya nilayasan. Padabog pa nitong isinara ang pinto.
Tumili siya sa sobrang inis. "Kalimutan mo na rin na magkaibigan tayo! Exclamation point!"