Naninikip ang dibdib ni Juan Miguel habang naririnig niya ang pagtangis ni Calleigh. Nakuyom niya ang kanyang kamao. Natitiyak niyang ang kahon na nakapangalan kay Don Simon ay nabasa na ng kanyang asawa. Napatiim-bagang siya, isa iyon sa mga dahilan kaya hangga’t maaari ay ayaw niyang malaman pa ni Calleigh ang mga kasamaang ginawa ng Lolo Simon nito. Napabuntong-hininga siya, binuksan niya ang pintuan at pumasok siya sa loob ng library. Naabutan niya ang asawa na nakasandal sa pader na malapit sa bintana. Pinipiga ang kanyang puso na makita itong lumuluha. Nilapitan niya si Calleigh at kinabig niya ito sa kanyang dibdib. Lalong napahagulgol sa pag-iyak ang kanyang asawa. Gumanti ito nang mahigpit na yakap sa kanya. Hindi niya malaman kung paano maiibsan ang nararamdaman nitong sakit.

