KABANATA 3
HULA
TIFANNY'S POV
"Lola, hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo mo napulot ang babaeng iyan. Hindi ko rin alam kung paano ka nagayuma ng hampas-lupang iyan pero kahit na anong gawin mo, hindi mo ako mapapapayag na ikasal sa kan'ya," seryosong saad ni Zaihk sa Lola n'ya.
"Zaihk, hindi ba napag-usapan na natin ito? Hindi mo ba natatandaan ang litrato na ipinakita ko sa iyo? Siyang siya na iyon apo, hindi ba? Alam kong alam mo rin iyon. At base sa mga deskripsyon ng manghuhula ay siya—"
"Manghuhula na naman? Lola, nasa 21st century na tayo. Wala na tayo sa kapanahunan ninyo. Kung dati'y gumagana ang mga hula-hula ninyo, pwes ngayon ay hindi na. Kailan pa naging totoo ang mga hula?"
Lumalabas na nagpahula si Lola Fi at ako ang tinutukoy kuno ng manghuhula? Para saan? At bakit may narinig akong kasal? Mapapangasawa? Imposible namang balak n'ya akong ipakasal sa Zaihk na iyan, hindi ba? Pero, ang Zaihk na iyon. Mas gwapo s'ya sa personal kaysa litrato. Pero kahit na! Ang kailangan kong gawin sa ngayon ay ang umuwi na. Kailangan kong maka-delihensya ngayong araw para may maiambag ako kina Gary. Hindi pwedeng wala.
Uminom na muna ako ng juice bago tuluyang tumayo. Ikinatingin kaagad sa akin iyon ni Lola Fi kaya naman bigla s'yang napatanong.
"Tifanny, iha, saan ka pupunta? Maupo ka na muna riyan—"
"L-Lola Fi, kailangan ko na pong umalis. Maraming salamat po sa pa-meryenda n'yo."
Humarap na rin sa akin si Zaihk at naglakad palapit.
"Yes, you should go," aniya saka hinawakan muli ang aking braso at kaagad akong kinaladkad.
"B-Bitawan mo na ako! Kaya kong maglakad mag-isa!" bulyaw ko pero hindi s'ya nakinig.
Hindi pa man kami nakakarating ng pinto ay hinawakan naman ako ni Lola Fi sa kabilang braso, dahilan para matigilan si Zaihk.
"Zaihk! Tifanny will not leave!"
"Lola—"
"Tifanny, huwag kang aalis. Dito ka lang dahil marami tayong bagay na pag-uusapan."
Bumuntong-hininga si Zaihk at tumingala. Halatang labis na siyang nagpipigil ng galit at sa kahit na anong oras ay maaari na s'yang sumabog.
"Halika na, iha. Maupo ulit tayo roon. Zaihk Xhyrone, mag-uusap tayong tatlo—"
"Grandma, I have a fiancee and you know that, right?"
"Alin? 'Yong fiancee mo na palaging mukhang clown sa kapal ng make-up? 'Yong fiancee mo na saksakan ng arte? Ilang beses ko pa bang kailangang sabihin sa iyo na ayon sa hula'y miserableng buhay lamang ang maidudulot n'ya—"
"Hula na naman! Lola! Mahal ko si Aixchviena, at saksi ka rin doon. Kung nais mo talaga ang babaeng ito na maging apo mo ay kay Clausen mo na lang s'ya ipakasal at hindi sa akin!"
Pabalik-balik lamang ang tingin ko sa kanilang mag-lola, ngunit nang sigawan na ni Zaihk ang kaniyang Lola ay doon na ako hindi nakapagtimpi.
"Zaihk! Huwag mong sigawan ang Lola mo! Gumalang ka naman sa mas nakakatanda sa'yo!" sermon ko sa kan'ya na mas ikinatalim lamang ng kaniyang tingin sa akin.
"Shut up!" sigaw n'ya sa'kin pabalik. "I'm done. Aalis ka sa pamamahay na ito at hindi na babalik."
Sapilitan n'yang tinanggal ang pagkakakapit ng kaniyang Lola sa braso ko at isinampay na ako sa kaniyang balikat. Hindi ko inaasahan ito! Para akong sako ng bigas na binubuhat ng mga 'boy' na nagdedeliver ng mga order na paninda sa tindahan!
"Hoy! Ano ba?! Ibaba mo nga ako!" pagmamaktol ko habang pinapalo ang kaniyang likod. Hindi ko masyadong maigalaw ang aking mga binti dahil hawak n'ya iyon.
"Zaihk! Ibaba mo si Tifanny! Nasasaktan na s'ya! Ano ba, apo?!" hiyaw na rin ni Lola Fi. Hindi ko s'ya direktang matingnan dahil hirap akong iangat ang aking ulo. Urgh! Kanina lamang ay nandedekwat ako ng wallet, at hindi ko akalaing mauuwi ako sa ganito!
"Open that goddamn door!" nanggigigil na saad ni Zaihk. May narinig akong pinto na bumukas; pinto ito ng kotse.
Napahawak ako sa aking ulo nang biglaan n'ya akong isakay doon. Agad niyang isinara ang pinto. Kitang kita ko pa kung paano naghabol sa akin si Lola Fi na pinigilan naman ni Zaihk. Hindi ko maintindihan kung bakit nang dahil lamang sa hulang iyon ay nagawa ni Lola Fi na umiyak. Umiiyak na s'ya habang nagmamakaawa kay Zaihk, at kahit na gustong gusto ko nang bumaba rito upang patahanin s'ya ay alam kong hindi iyon magandang ideya.
"Send that woman to where you picked her, or somewhere else that's very far from here," utos ni Zaihk sa lalaking naka-uniporme.
"Apo! Kailangan mong pabalikin dito si Tifanny! H-Hindi mo kasi ako naiintindihan! Tifanny, iha! Bumaba ka riyan! Bumalik ka na rito kay Lola Fi mo! Tifanny!"
Nanatili akong nakahiga, hindi dahil sa masakit pa ang ulo ko sa pagkakabigla pero dahil sa hindi ko alam kung ano bang gagawin ko. Halos mahirapan na sa paghinga si Lola Fi dahil sa kakaiyak at pagsasalita pero hindi ako maaaring lumabas. May sakit ba sa utak si Lola Fi? Kung tingnan n'ya ako ay para akong kamag-anak n'ya na matagal nawala at kaniya nang nahanap na sa wakas. Imposible naman na may koneksyon kami dahil wala akong nararamdamang lukso ng dugo.
Sumakay na ang driver at ini-start ang kotse. Inaakit na ni Zaihk si Lola Fi sa loob ngunit nagmamatigas pa rin ang matanda na bumaba rito sa kinaroroonan ng kotse.
"Taga-Binondo ka iha, hindi ba?" tanong sa akin ng driver.
"O-Opo. Taga-B-Binondo ho ako," tugon ko naman. Nakaalis na ang kotse ngunit nanatili akong nakahiga. Hanggang ngayon ay naguguluhan pa ako dahil sa nangyari.
"Malapit ka ba kay madam Fidelita, iha? Ito ang unang beses na nakita ko siyang nagkaganoon."
Nang dahil sa tinuran ng driver ay umayos na rin ako ng upo. Lumingon ako sa aking tabi at nanumbalik ang eksena kanina noong katabi ko si Lola Fi rito. Ang tatamis pa ng kaniyang mga ngiti kanina, tapos sa isang iglap ay napalitan ng labis na kalungkutan. Ano na kayang ginagawa nilang mag-lola ngayon? Kumalma na kaya sila? Sana naman ay maging maayos na ang lagay ni Lola Fi.
"Iha, tinatanong kita."
"P-Po? A-Ano po iyon?"
"Tinatanong kita kung malapit ka ba kay madam Fidelita. Ito ang unang beses na nakita kita at sa tagal ng paninilbihan ko kay madam, alam ko na kung sino-sino ang mga apo niya. Wala ka naman sa mga iyon pero tinawag ka n'ya kaninang apo. Hindi kaya may nawawalang apo iyang si madam at ikaw iyon? Talaga bang hindi mo s'ya kilala?"
"H-Hindi po, manong. Hindi ko po s'ya kilala. Maski ho ako ay nagtataka ring mas'yado. Ipagdasal nalang po nating maging maayos na s'ya."
Isinandal ko ang aking ulo sa bintana at napapikit. Marahil ay nagkamali lang si Lola Fi. Makakalimutan n'ya rin kaagad ako kaya hindi na dapat ako labis na mag-alala. Pagkabalik ko ng Binondo ay babalik na rin ako sa dati kong buhay. Hindi ko alam kung muli pa ba akong makakatungtong sa ganoon kagandang bahay pero mas pipiliin ko pa rin ang buhay kasama ang aking mga kapatid kaysa marangyang buhay na wala sila sa aking piling.
"Tifanny, bumalik ka na sa sarili. May trabaho ka pang aasikasuhin pagbalik mo. Isipin mo nalang na walang nangyari, hmm? Ipanatag mo ang isipan mo," bulong ko sa aking sarili saka sunod na bumuntong-hininga. Sinampal ko pa ng marahan ang aking sarili ng tatlong beses bago tuluyang nagmulat at pinagmasdan mula sa bintana ang mga sasakyang aming kasabay sa daan.
"Hello, Mr. Zaihk?" biglang saad ng driver na ikinalingon ko sa kan'ya. Bakit tumatawag sa kan'ya si Zaihk? Saka bakit wala s'yang hawak na cellphone?
"Ano kamo ulit ang nangyari?" pagtatanong n'ya na tila nag-aalala. Sumagi sa aking isipan si Lola Fi. Sana ay mali ang iniisip ko.
"Saang hospital?"
Hospital? I-Ibig sabihin, t-tama ang hinala ko na napasama ang lagay ni Lola Fi?
"Sige. Papunta na kami. Mag-iingat kayo."
May tila pinindot s'ya na bagay sa kaniyang tenga saka mas binilisan ng konti ang patakbo.
"M-Manong, bababa na po ako at maghahanap nalang ng ibang masasakyan. Kailangan na po yata kayo sa hospital," suhestiyon ko. Kapansin-pansin ang pagtingin n'ya sa pahabang salamin na nakalagay sa unahan. Ang mga mata niya ay nakatuon sa akin at tila pinagmamasdan din ako.
"B-Bakit po? Bababa na po ako rito."
"Hindi iha. Hindi ka bababa," sagot n'ya saka muling ibinaling ang atensyon sa unahan.
"Pero, hindi po ba ang sabi n'yo ay papunta na kayo? Ibig sabihin may susunduin ka pa po—"
"Ikaw ang pinapasama ni Zaihk sa hospital."
Ikinalunok ko ng laway ang kaniyang sinabi. Bigla kong naalala ang mga nangyari kanina, kung paano s'ya nagalit ng todo, kung paano n'ya ako sinigawan, kung paano s'ya nagkaganoon na ang kulang na lang ay ang magwala s'ya.
"B-Bakit po kasama pa ako? Hindi naman po nila ako kamag-anak..."
"Iyon na nga ang ipinagtataka ko, iha. Hindi ka nila kamag-anak pero kung umasta si madam Fidelita ay napaka-espesyal mo sa kan'ya. Pero hindi na rin ako masyadong magtataka kung malalaman kong dahil ito sa pagpapahula n'ya. Halos linggo-linggo ay bumabalik s'ya sa Binondo para magpahula. Madalas n'yang nababanggit ang isang babae na ipapakasal n'ya sa kaniyang apo na si Zaihk." Muli n'ya akong tiningnan mula sa salamin. "Tsk. Bakit nga ba ngayon ko lang naisip? Sa malamang ay ikaw na ang tinutukoy n'ya."
Sa totoo lang ay nakaramdam na ako ng takot. Ikasal? Hindi simpleng bagay ang pagpapakasal, at kung sa lalaking iyon pa? Sa malamang ay hindi na magtatagal ang aking buhay!
Muli siyang may pinindot sa kaniyang tenga at nagsalita.
"Oo, Zaihk. Malapit na kami sa hospital. Huwag kang mag-alala. Kasama ko siya."