KABANATA 2
FIRST ENCOUNTER
TIFANNY'S POV
Dinala ako ni madam Fidelita sa isang mansyon. Literal na nagningning ang aking mga mata mula nang masilayan ang mala-paraiso nitong hardin. Sa gate pa lamang nito ay napaawang na ang aking labi, at lalong lalo na nang makita ko ang hardin. Sobrang laki ng bahay na animo'y palasyo. Kulay puti at itim ang tema ng pintura nito, hula ko ay nasa tatlong palapag sa taas. Dati ay napapanood ko lamang ito sa telebisyon at minsan na ring nangarap na makatira sa ganitong uri ng tahanan. Pero base sa estado ko sa buhay, mukhang napaka-imposibleng mangyari ng aking pangarap.
Nahinto ang aking pagmumuni-muni nang biglang bumukas ang pinto ng kotse sa aking gawi. Pinagbuksan pala ako ng isa pang lalaki na nakasuot ng unipormeng mukhang pang-militar na ewan. Masyadong pormal ang dating, matingkad na asul ang kulay ng kasuotan at may suot pang puting gwantes. Agaw-pansin din ang kaniyang sombrero na halos katulad na ng sombrero ng mga pulis. Hmm, o baka naman talagang pulis ang isang ito?
Siguro nga ay talagang respetado ang pamilya ni madam Fidelita. Fernando ang kanilang apelyido, at sa totoo lang ay ito ang unang beses na narinig ko ang Fernando. Palagi akong nasa bayan upang mambiktima ng pitaka pero 'ni minsan hindi naging usap-usapan sa aming lugar ang kanilang pamilya. Pero base sa iniasta ng pulis kanina sa bayan, mukha ngang respetado ang mga Fernando. Hays. Ewan ko ba. Hindi ko pa rin alam kung anong balak sa akin ni madam Fidelita, at sana'y hindi ko ito ikapahamak.
"Nagustuhan mo ba, iha?" nakangiting tanong sa akin ni madam Fidelita.
"O-Opo madam, napakaganda po ng bahay n'yo," naiilang ko pang sagot.
"Madam? Hindi ba't sinabi ko na sa'yong Lola Fi nalang ang itawag mo sa akin?"
Ngiti nalang muli ang iginawad ko sa kan'ya. Hindi ko na alam kung paano ko pa s'ya sasagutin. Kahit na sobrang nagagandahan ako sa mala-paraisong lugar na ito ay nais ko nang bumalik sa amin. Hindi ako nababagay dito.
"L-Lola Fi?"
"Yes, iha?"
"Maaari na po ba akong umuwi?"
"Umuwi? Naku, Tifanny my dear," huminto siya saglit sa pananalita nang kaniyang ipulupot ang kanang braso sa aking kaliwang braso, "Mamaya na, iha. Ipapakilala pa kita sa aking butihing apo."
"S-Sa inyo pong butihing a-apo? B-Bakit po? Naghahanap po ba ng kalaro ang apo n'yo? Ilang taon na po ba s'ya? Naghahanap po ba s'ya ng katulong? O nanny? Tama po ba ang termino ko?"
Nakatingin lang s'ya sa'kin habang ako'y nagsasalita, at nang matapos na ako'y wala siyang ibang nagawa kundi ang ngumiti.
"Hindi na bata ang aking apo. Hmm, may pagkamatigas nga lang ang ulo pero mabait si Zaihk. Siguradong magkakasundo kaagad kayo."
Kinunutan ko s'ya ng noo. Teka! Naguguluhan na talaga ako!
"M-Magkakasundo po? B-Bakit po? Kukunin n'yo po ba akong, yaya ng apo n'yo?"
"Mamaya mo malalaman. Halina at pumasok na muna sa loob. Baka naghihintay na s'ya roon."
Humakbang nalang din ako paakyat ng bahay. Wala na rin naman akong magagawa dahil hawak n'ya ako. Mga sampung hakbang din ang aming ginawa bago tuluyang nakapasok, at ang pagkamangha na aking naramdaman mula pa kanina ay mas nadoble pa.
Ang daming makukulay na muwebles. Puti rin ang pintura ng loob ng bahay na siyang mas nakapagpalinis sa awra nito. Ang lawak din ng espasyo, siguro mga sampung beses o higit pa ng lawak ng aming sala. Sa gawing kaliwa ay may mahaba at paikot na hagdan pataas. Sa malamang ay iyon na ang second floor. Nais ko sanang umakyat para makita kung anong meron doon pero hindi naman ako taga-rito.
Pero hindi sa biro. Ang dami ko na sanang puwedeng madekwat dito. Mukha pa namang mamahalin ang mga gamit nila. Siguradong malalaki ang halaga ng bawat isang gamit dito.
"Hintayin mo ako rito, iha. Maghahanda lang ako ng meryenda. Titingnan ko na rin kung nandito na ang apo ko," pagpapaalam niya.
"Sige po, Lola Fi. Maaari po ba akong maglibot dito sa sala n'yo?"
Baka sakaling makadekwat ako rito.
"Sige, iha. Walang problema, basta ikaw." Hinawakan n'ya ang aking buhok at iniipit iyon sa likod ng aking tenga. Saglit n'ya akong pinagmasdan na animo'y kinakabisa ang bawat detalye ng aking mukha. "Ikaw na ikaw na nga talaga," saad n'ya na ikinakunot ko na naman ng noo.
"P-Po? Ano po ang akong ako na?"
Ngumiti na naman lang s'ya.
"Wala, iha. Sige, maglibot ka na muna at ipamilyar mo na ang sarili mo rito."
Ngitian muna ulit ang aming siste bago siya tuluyang umalis, samantalang ako ay nagsimulang maglibot sa sala. Ang lalaki ng mga babasaging flower vase sa bawat kanto ng silid. Ang disenyo nito ay parang sa nakikita kong inuman ng tsaa na gawa sa seramiko sa bayan. May ibon, may ilog, at maputla lamang ang kulay. Nangingibabaw pa rin ang puti. Ilang tao kaya ang bumuhat nito para maipasok dito sa bahay?
Tiningnan ko rin ang mga nakasabit sa pader. May mga parang sertipiko pero hindi ko mabasa kung anong nakalagay. Hindi ako nakapag-aral kaya hindi ako marunong magbasa at magsulat. Nakakabilang naman ako pero one to one hundred lang. Para sa akin naman ay sapat na iyon. Ang mahalaga ay kahit papaano marunong akong magkwenta ng pera.
Bukod sa parang mga sertipiko ay mga litrato rin ng ibon at magagandang tanawin ang iba pang nakasabit, pero mas natagalan ako sa isang malaking frame na naglalaman ng litrato ng isang pamilya. Nandoon si Lola Fi na nakaupo katabi ng isa pang matandang lalaki. Siguro ay ito ang kaniyang asawa. Sa likod nilang dalawa ay may nakatayong dalawa pang lalaki. Ang isa ay med'yo may edad na pero wala pa naman sigurong trenta, samantalang ang isa ay med'yo bata pa, hindi siguro nalalayo sa edad ko.
Nagtagal ang aking paningin sa ikalawang lalaki. May itsura kasi siya. Makapal ang kaniyang kilay at ang ganda ng hugis ng kaniyang labi at panga. Palagay ko'y matangos din ang ilong nito. Med'yo singkit ang kaniyang mata at ang kinis ng mukha. Matangkad din siya. Siguro abot balikat lang ako nito kapag nagkatabi kami. Ayos na sana kaso nakasimangot s'ya, hindi tulad nina Lola Fi na nakangiti.
Kanina ay may nababanggit si Lola Fi na apo. Silang dalawa kaya ang kanilang apo? At kung oo, sino mismo sa kanila ang tinutukoy n'ya?
Iniiling ko ang aking ulo at iwinaksi ang tingin mula sa kanila, at nagawi ang aking atensyon sa isang palamuting medyo maliit pero kumikinang. Isa itong hugis kabayo na gawa sa parang ginto. Kumikinang ito gawa ng maliliit na mistulang beads na pula at puti na nakaayos ng linya mula sa ulo nito pababa sa likod. Magkano kaya ito kapag ibinenta? Siguradong malaki ang halaga nito!
Lumingon muna ako sa paligid upang makasigurong walang nakakakita sa akin. Nang masiguro ko nang nag-iisa lamang ako rito ay dahan-dahan kong iniangat ang aking kanang kamay upang kunin ang palamuti. Nasa isang pulgada nalang ang layo ng kamay ko sa kabayo nang isang malalim na boses ang sa aki'y pumigil.
"Who are you?" saad niya na agad kong ikinalingon sa pinto. Doon kasi nanggaling ang boses. Isang matangkad na lalaki ang nakatayo roon, nakasuot ng itim na jacket at may gwantes pang itim. Sa itsura n'ya ay para s'yang nagmotor. Nakasuot pa rin s'ya ng salamin, pero sa pakiwari ko'y nahahawig n'ya ang ikalawang lalaki sa litrato.
"I said who are you?!" sigaw na n'ya saka nagsimulang maglakad palapit sa akin. Kaagad akong napaatras at hinubad ang aking lumang sapatos saka itinutok sa kan'ya.
"H-Huwag kang lalapit k-kundi mananagot ka sa akin," kinakabahan kong sambit.
"Don't go near you? How dare you. You're the one who's trespassing in my Grandma's house at ikaw pa ang may ganang magsabing huwag akong lumapit?"
Naglakad na naman siya kaya muli akong umatras habang nakatutok pa rin sa kan'ya ang sapatos. Sa isang iglap ay nahawakan n'ya ang aking braso, ipinwesto iyon sa aking likuran at ang siste, para akong kriminal na hinuli ng pulis. Nasa likuran ko na rin s'ya ngayon, at ramdam ko sa aking leeg ang hanging lumalabas mula sa kaniyang paghinga. Ayokong lumingon sa kanan dahil dito ko nararamdamang malapit lang ang ulo n'ya.
"Sino ka? Anong kailangan mo sa Lola ko?" seryoso at madiing tanong n'ya. Sinubukan kong makawala ngunit mas hinigpitan n'ya lang ang hawak sa kamay ko. "Uulitin ko. Sino ka?"
"S-Sinama ako ng lola mo rito d-dahil may kailangan s'ya sa akin na hindi ko pa mawari. Maliwanag na?"
"What? She needs something from you? Tsss. Seriously? From a girl like you? Oh come on, stop fooling me, miss." Napapikit ako sa sakit nang mas diinan n'ya pa ang kapit sa aking kamay. "You came here to steal, don't you?"
"H-Hindi kita maintindihan! Bitawan mo nga ako!"
"Not until you tell me what's your motive."
"Hindi nga kita maintindihan! Seryoso ako!"
"Seryoso rin ako, miss."
"Managalog ka lang dahil hindi ako nakaka-intindi ng Ingles!"
"Zaihk! Apo! Let go of her!"
Dumeretso ang aking tingin nang magsalita na si Lola Fi. May hawak na s'yang tray na may juice at...cake? Nakatingin s'ya sa aming dalawa.
Teka, Z-Zaihk? Apo?
"Lola, let me handle this first. Magnanakaw ito."
Ikinalunok ko ang kaniyang sinabi. P-Paano n'ya nalaman? K-Kilala ba ako nito?
"Magnanakaw? Naku, apo!" Inilapag ni Lola Fi ang tray sa munting lamesang gawa sa salamin at naglakad palapit sa amin. "Zaihk, bitiwan mo na si Tifanny."
"Tifanny? Who's Tifanny?"
"A-Aray!" daing ko nang biglain n'ya ng hila ang mga kamay ko. Lintek! Pakiramdam ko ay matatanggal na ang aking braso!
"This is Tifanny?" dagdag n'ya pa.
"Y-Yes, apo. Stop that, nasasaktan na s'ya—"
"Why are you letting such random stranger to come in, Lola?"
"I am the one who brought her here—"
"What for? Who the hell is this?"
"Zaihk, I'll tell you if you calm down first—"
"No Lola. I won't calm down unless you'll send this woman elsewhere."
"I'll send her, Zaihk, but not elsewhere, instead, to somewhere that you know."
Ano na bang pinag-uusapan nila?! Pinag-uusapan na ba nila kung saan nila ako ibebenta o ipapakatay? Kung dito ba sa Pilipinas o sa ibang bansa? Paano kung, sinasabi ni Lola Fi na dito sa Pilipinas ako ibenta pero ipinipilit ni Zhaik na sa ibang bansa nalang para mas malaki ang kita? Paano na sina Donna? Paano na sila?
Tumulo na ang aking luha dahil sa labis na pag-aalala. Ayoko pang mamatay! Masamang d**o ako kaya hindi ba dapat matagal akong mamatay?
"I-Iha, Tifanny, a-are you crying? Zaihk! I'm serious now! Bitawan mo na s'ya dahil nasasaktan na s'ya!"
"Lola, huwag nang matigas ang ulo. I'll send this thief now to the police station and—"
"She's not a thief, apo! How many times do I have to tell you that? Magiging gan'yan ka ba talaga kalupit sa mapapangasawa mo?"
"M-Mapapangasawa—what?!"