KABANATA 1
TIFANNY CABELLERA
TIFANNY'S POV
"Walang hiya ka! Dapat sa'yo ay mamatay na! Walang kapatawaran ang iyong ginawa!"
"Patawarin n'yo po ako, hindi ko po sinasad'ya—"
"Nang dahil sa'yo ay wala na s'ya! Nang dahil sa'yo ay wala na si tita!"
"H-hindi...hindi ko s'ya pinatay...h-hindi ko s'ya pinatay...i-inosente ako..."
"Sinungaling! Mamamatay-tao ka! Mamamatay-tao! Mamamatay-tao kkkaaa!"
"T-Tama na—"
"Tifanny! Tifanny, ano ba?!"
"Tama na!"
Hingal na hingal at pinagpapawisan akong bumangon mula sa pagkakahiga. Anim na buwan na mula nang mangyari iyon, at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako natatahimik, kahit na tila marami nang nakalimot sa pangyayaring iyon.
"Binabangungot ka, Tiffany. Napanaginipan mo na naman ba?"
Napatingin ako kay Bianca na nakaupo sa gilid ng aking kama at mukhang alalang alala sa akin. Naramdaman ko ang pagdampi ng kamay n'ya sa kamay ko, na nakatulong naman para kahit papaano ay gumaan ang aking pakiramdam.
"Oo Bianca, napanaginipan ko na naman iyon," saglit akong tumigil saka bumuntong-hininga, "Ewan ko ba, palagay ko ay hindi ako patatahimikin ng konsensya ko hangga't hindi ako nabubulok sa kulungan."
Sinampal niya ako ng mahina na aking ikinangiwi. "Aksidente lang iyon, ha? Wala kang kasalanan."
"P-Pero ako ang nakatulak sa—"
"Iba ang itinulak sa natulak. Di'ba pinag-usapan na natin ito? 'Wag na nating isipin 'yan. Ang isipin natin sina Jimbo, lalo na si Patricia. Schedule na ng check-up ni Jimbo sa Sabado. Doon tayo magpokus. Hmm?"
Napatango na lang ako ng marahan saka yumuko. Simula nang mangyari iyon, mas nagulo ang buhay ko. Dahil din doon, naniniwala akong may mas igugulo pa ito. Pero, hindi dapat ako magpatalo. Kailangan kong maging matatag para sa pito kong nakababatang kapatid kahit na hindi kami magkakapatid sa dugo. Nais ko lang silang kupkupin kaya nagsusumikap ako para sa kanila, kahit na sobrang hirap.
Nang umalis na si Bianca at tuluyan na akong mahimasmasan, naghanda na ako ng almusal para sa aming walo. Nagluto ako ng piniritong tuyo at kanin para sa umagahan namin. Nasa kalagitnaan ako ng pagpipirito nang maggising na si Dona, sampung taong gulang at ang pinakamatanda sa lahat ng mga batang itinuturing ko nang kapatid.
"Oh, Dona, maaga pa, matulog ka muna ulit, hmm?" saad ko rito nang humikab ito habang umuunat na naglalakad palapit sa'kin.
"Hindi na ako inaantok ate Tifanny. Mag-iigib na ako ng tubig ate."
"Hindi, ako na. Magpahinga ka na muna. Kagagaling mo lang sa lagnat."
"Hindi ate, magaling na ako. Hayaan mo na akong tumulong. Sige na aatteeeee—"
"Ahh!"
"Aray!"
Sabay kaming napatili ni Dona nang pumutok at tumalsik ang mantika mula sa kawali. Ito ang pinaka-ayoko kapag nagpipirito! Ilang beses ko nang nagawa ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay. Pero mas ikinabahala ko ang tumamang mainit na mantika sa braso ni Dona, dahilan para ahunin ko muna ang kawali mula sa pugon at ibaling ang atensyon sa kan'ya.
"Dona! Naku! Saan masakit? Dona, magsalita ka, saan masakit?" Hinawakan ko ang braso n'ya at hinipan ko iyon. May pamumula kasi at nakahawak s'ya roon. "Masakit pa? Dona bakit di ka sumasagot? Dadalhin kita sa clinic ha? Dona—"
Tumigil ako sa pananalita nang bigla s'yang sumingit.
"Ate Tifanny! Ayos lang po ako! Wag ka nang mag-alala, nagulat lang ako kaya napa-aray ako—"
"Napa-aray ka kasi may masakit—"
Bigla n'ya akong niyakap na siyang nakapagpapreno muli sa bibig ko. Med'yo mainit pa ang kaniyang katawan pero hindi naman na kasing-lala ng kagabi. Salamat naman at bumababa na ang kaniyang lagnat.
"I love you ate Tifanny," sabi ni Dona na aking ikinangiti at ikinayakap rin sa kaniya.
"I love you too, Dona. Love ko kayong lahat."
***
Nagmamasid ako sa paligid ng mabibiktima. Halos isang taon na rin ang nakalipas mula ng sumali ako sa grupo nina Gary. Alam kong masama ang ginagawa namin pero, sa sitwasyon ko ngayon, wala na akong iba pang pagpipilian. Kailangan ko ng 'easy money' kumbaga, at malaki ang naitutulong ng grupo ni Gary para sa easy money na ito. Kailangan kong makapag-ipon kaagad ng maraming pera para sa mga kapatid ko.
Iniluwa ko na ang bubble gum na kanina ko pa nginunguya saka ito itinapon sa kung saan. Pasimple akong naglakad palapit sa isang lalaki na nakausli ang wallet sa bulsa sa may pwetan. Binunggo ko ito at agad namang humingi ng paumanhin, saka pasimpleng kinuha ang wallet niya at sinilid sa aking bulsa.
"Opo, pasensya na po talaga ulit," pagpapaumanhin ko pa bago naglakad palayo.
Nang nakalayo na ako'y kinuha ko ang wallet at tiningnan ang laman nito.
"Ayos, limang libo," nakangiting sambit ko nang akin itong bilangin. Hindi pa man ako lubusang nakakalayo ay isang galit na galit na tinig na ang sa aking tenga'y nambulabog.
"Hanapin n'yo! Hindi pa nakakalayo ang magnanakaw na iyon!"
Nataranta ako matapos iyon, kaya naman agad kong kinuha ang sombrerong naiwan sa isang puwesto ng nagtitinda ng mga pampaswerte at agad na sinuot. Patingin-tingin ako sa likuran habang nagmamadaling naglalakad, hanggang sa napatakbo na ako nang makita na ako ng lalaking binunggo ko.
Walang'ya! Kung minamalas ka nga naman oh! Hindi ako pwedeng mahuli! Hindi pwede!
Pakiramdam ko'y ang daming humahabol sa akin kaya naman mas binilisan ko pa ang takbo. Nang saglit akong lumingon para tingnan sila, hutek! Marami nga!
Sa kakatakbo ko nang nakatingin sa likuran, may nakabangga na naman ako. Agad kong ikinatingin sa unahan iyon, pinulot ang phone n'ya at binigay sa aking nakabunggo.
"Pasensya na po, a-ale," nagmamadaling saad ko. Pero bago pa ako makatakbo, hinawakan n'ya na ang braso ko. Aish! Hindi pa ba sapat na inabot ko sa kan'ya phone n'ya?
Na dapat itinakbo ko na rin pala? Malaking halaga rin iyon kapag ibinenta ko! Ang tanga mo, Tifanny!
"P-Pasensya na po pero kailangan ko na pong umalis," natatarantang saad ko samantalang siya ay titig na titig lang sa akin.
Maedad na siyang babae, nasa sisenta na siguro, palagay ko nga higit pa. Sa itsura n'ya ay mayaman s'ya. Halata naman sa mga hikaw niyang kumikinang sa ganda, saka, sa aking palagay ay may halong arabo o Muslim ang lahi nito gawa ng balabal na nakabalot sa kaniyang ulo.
"Huli ka!" sambit ng isang lalaki na ikinagulat ko. Hinawakan n'ya na rin ako sa braso kaya naman mas kinabahan ako.
"A-Ano po bang—"
"Lintek ka! Ilabas mo na ang wallet ko! Magnanakaw ka!" galit na galit na sabi ng lalaki.
"A-Anong wallet? Anong magnanakaw? H-Hindi ko po alam ang sinasabi n-n'yo!" nanginginig na sagot ko.
Sa pagpapalusot ko'y biglang sumagi sa aking isipan ang mga bata. Paano na sila kapag tuluyan na akong nahuli? Paano na?
"Wait, mister. Is there a problem? I am Fidelita Fernando, apo ko ang batang ito," pagpapakilala ng aleng hawak din ang braso ko. Napatingin ako sa kaniya dahil sa sinabi niyang, apo n'ya raw ako? Sa pagkakatanda ko ay patay na ang lolo at lola ko. Saka, hindi ko kilala ang aleng ito!
"F-Fernando? M-magandang umaga po madam. Sigurado ho ba kayong apo ninyo ang magnanakaw na ito?"
"Anong magnanakaw? Hindi magnanakaw ang apo ko. Marahil ay nagkamali lang kayo."
Apo ko.
Apo ko.
Apo ko.
"A-Ahm, a-ale—"
"Mauna na kami, mga iho. Sa susunod ang tamang tao na ang hanapin ninyo, ha?"
Nalipat ang tingin ko sa bumusinang kotse sa tapat namin. Lumabas ang driver nito at pinagbuksan ang ale ng pinto. Ang akala ko ay bibitawan n'ya na ako pero hanggang sa loob ng kotse ay inakay n'ya ako.
Bakit nga ba ako nagpaakay?
Ahh, kasi makakalusot ako.
Magkatabi kami dito sa likod. Hindi ako umiimik. Pero, palagay ko kailangan ko nang umimik.
"Uhm, a-ale—"
"Anong pangalan mo, iha?" malumanay n'yang tanong sabay tingin sa akin. Mukha naman siyang mabait, hindi tulad ng ibang mayayaman na matapobre.
"T-Tifanny po. P-Pwede na po ako dito, b-bababa na po ako," med'yo kinakabahan kong sabi.
"May pupuntahan tayo iha. 'Wag kang mag-alala, hindi ako masamang tao. Isa pa, 'wag mo na akong tatawaging ale. You can call me Lola Fi."
Nakatingin lang ako sa kaniya. Bukod sa naguguluhan ako, hindi ko naintindhan ang huli niyang sinabi.
"They accused you of stealing. Is that true, iha?"
"Aaahh, taga-Binondo ho ako," sagot ko. Siguro nagtatanong s'ya kung taga-saan ako.
"No, I mean, 'di bale na lang. Sa pagkatao mo mukhang hindi mo naman magagawa ang bagay na iyon."
Bigla kong naalala ko ang wallet. Pasimple akong kumapa sa bulsa ko at, lintek! Nasaan ang wallet?! Aligaga akong tumingin sa kinauupuan ko. Pati sa sahig nitong kotse tiningnan ko pero, nasaan na ang wallet?!
"Anong hinahanap mo, iha?"
"Y-Yung ano ko po, l-limampiso," natatarantang saad ko na ikinatawa n'ya nang mahina.
Med'yo nainis ako dito. Pero sa bagay, kung ang limang piso malaking bagay na sa aming mahihirap, sa kanila katumbas lang iyon ng bentesingko sentabos. Pero mas nakakainis ang pagkawala ng wallet! Pera na, naging bato pa!
Napaigtad ako sa pagkakaupo at napatingin ulit sa kaniya nang hawakan n'ya ang kamay ko.
"Hayaan mo na iyon, iha. I will help you, okay? I can give you more than that. Just trust me, hmm?" sabi n'ya saka hinawi ang buhok kong nakatabing sa aking mukha. "You are indeed a perfect jewel for my grandson," dagdag pa niya habang nakangiti.
Madam Fidelita Fernando. Sino ka po ba talaga? Bakit parang ang lapit-lapit mo po sa akin? Bakit ang bait mo sa akin? Ayoko sanang isipin pero, t-tomboy kaya ito? Tapos nagkagusto siya sa akin tapos...
Ay mali, mali. Imposible...
H-Hindi kaya...
"I-Ibebenta n'yo po ba ako? K-Kung ganun po, maawa po kayo sa akin ale, wala pong mag-aalaga sa mga kapatid ko kapag binenta n'yo po ako. Ako na lang po ang inaasahan nila. Kami-kami na lang po ang magkakamasama. Ayoko po silang iwan. Mahal na mahal ko po sila at hindi ko po sila magagawang iwan. Parang awa n'yo na po, ibaba n'yo na po ako, 'wag nyo po akong ibebenta," mangiyak-ngiyak kong paliwanag.
May nabiktima na kasing ganito sa lugar namin, at mula nang mawala s'ya, hindi na s'ya nahanap ulit. Balita ko, binebenta ang lamang loob ng mga nabibiktima nila. Ang iba binebenta ulit sa mayayaman. At ang iba, ipinapasok sa mga malalaswang bar.
Magnanakaw ako, pero hindi ko kakayaning ibenta ang sarili kong puri, ang sarili kong katawan, dahil pag nagkagayon para na rin akong namatay.
"Oh, no, no, no, I won't do that, iha. I am not that kind of person, okay? Please don't think that way."
Napaiyak na ako nang hindi ko s'ya naintindihan. Hindi ako nakakaintindi ng English! Maliban sa Thank You, You're Welcome, at I love you!
"Oh my, please stop crying, iha..."
Mas ikinabigla ko ang paghila n'ya sa'kin saka n'ya ako...niyakap? Naramdaman ko pang hinalikan n'ya ang aking ulo saka tinapik-tapik nang mahina ang likod ko.
B-Bakit ganito?
"Hindi ako masamang tao, Tifanny. Hindi kami masamang tao. Patutunayan ko sa'yo iyon, hmm? Magtiwala ka, iha. Sooner or later, ipapakilala kita sa apo ko."
Apo? May apo s'ya? Sinong apo? Hindi kaya nagkamali lang s'ya? Ako ba talaga ang kailangan n'ya? Ano ba talaga ito? May gulo ba akong napasok nang hindi ko namamalayan? Malapit na ba ang katapusan ko?