LESSON 06

2677 Words
LESSON 06 “Fake Evidence” “WOW! Tignan niyo naman kung sino ang mga nagsama-sama. Ang losers ng SCNHS!” Tahimik na kumakain sa canteen sina Abby, Marvin, Nicolo, Laira at Maira nang marinig nila ang pagsasalita na iyon ni Elise. Nakatayo ito sa tabi ng table nila kasama si Ronnie na nakaakbay dito, si James at sina Gail at Roxanne. “'Wag niyo na lang pansinin. Kumain na lang kayo…” pabulong na sabi niya sa mga kasama. Nagtataka lang siya kung bakit nandito ito ngayon sa school gayong sa pagkakaalala niya ay sa susunod na linggo pa ito maaaring pumasok dahil sa suspension na ipinataw dito. Sabagay, mukhang hindi naman talaga ito papasok dahil hindi ito nakasuot ng uniform. “Tara na nga, guys! Baka mahawaan pa tayo ng pagka losers ng iba diyan!” At tumatawang umalis sina Elise. “Si Elise 'yon, 'di ba? Mukhang nagsama-sama na ang kampon ng mga demonyo!” ani Maira sabay tirik ng mata. “Ate, bad words ang demonyo. Magagalit si tita kaoag narinig ka niyang nagsabi ka ng ganiyan,” ani Laira. “Pwede ba, Laira, 'wag mo akong pakialaman sa mga sasabihin ko. Isa pa, bad din naman sila kaya bagay lang sa kanila ang bad words!” “Mas maganda kung hindi na lang natin sila papansinin. Kapag kasi alam nilang apektado tayo mas lalo lang silang matutuwang i-bully tayo. Hayaan niyo na lang sila,” sabi ni Abby. -----***----- NASA library si Abby ng hapon na iyon. Uwian na at hinahanap lang niya ang aklat na kakailanganin niya para sa kanilang assignment. Sabado na kasi bukas at ang gusto niya ay gawin na niya ang mga assignment niya mamayang pagkauwi niya. Tuwing Sabado kasi ay naglalaba siya at halos wala na siyang oras para mag-aral o gumawa ng takdang-aralin sa bahay. Nauna na sa pag-uwi ang mga kaibigan niya. Pinauna na niya ang mga ito. Hindi na siya nagpahintay dahil ayaw niyang magpaabala sa mga ito. “Nasa’n na ba iyon?” tanong niya sa sarili habang iniisa-isa ang mga aklat sa shelf na iyon. Kailangan na niyang bilisan dahil medyo dumidilim na. Hindi rin kasi siya agad nakaalis kanina sa last subject nila dahil sa hindi niya masagutan iyong exam nila. Siya ang kahuli-hulihang nakatapos. Napangiti si Abby nang sa wakas ay makita na niya ang aklat na hinahanap. Kinuha niya iyon at nagtungo na siya sa librarian na mukhang paalis na rin. Ipinalista niya ang aklat na hihiramin at lumabas na rin siya ng library. Palabas na siya ng gate nang may biglang humawak sa braso niya. Paglingon niya ay nagulat siya nang makita si Ronnie. Nakangisi ito na parang isang aso. “Pauwi ka na?” tanong nito. “Obvious ba?” Pumiksi siya pero nanatiling nakahawak ang kamay nito sa kanya. “Bitiwan mo nga ako, Ronnie!” Kinakabahan lang siya na baka makita sila ni Elise. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na ito na ang bagong nobyo ng babaeng iyon. “Hatid na kita. May motor ako. Sa’n ba ang sa inyo?” “'Wag na. Bitawan mo na lang ako. Kaya kong umuwi mag-isa--” “I like you, Abby! Maganda ka, sexy… at mukhang magaling.” Naningkit ang mga mata niya sa narinig. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Ronnie? Baka nakakalimutan mo si Elise na girlfriend mo? Hindi ka ba natatakot na baka malaman niya itong ginagawa mo?” Hindi niya talaga alam kung anong meron siya at parang ang lahat na lang ng nobyo ni Elise ay nagkakagusto sa kanya. Nananadya ba ang mga ito? “Of course, hindi ko siya nakakalimutan. Pero pwede ko naman kayong pagsabayin. Gagalingan lang natin ang pagtatago,” kumindat ito sa kanya. Napailing siya. “Bitawan mo na nga ako-- Hmp!” Nanlaki ang mata ni Abby nang bigla siyang kabigin ni Ronnie palapit dito at halikan siya sa labi. Marahas ang halik nito na parang pinupwersa siya. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa magkabila niyang pisngi. Nagwala siya nang husto. Pinagsusuntok niya ito. At nang magkaroon siya ng pagkakataon ay nagawa niya itong itulak at pagsasampalin nang sunud-sunod. “Hayop ka! Hayop! Bastos!” Sa galit niya ay dinuraan niya si Ronnie. Wala na siyang pakialam kung saan tumama ang dura niya. Nagmamadali siyang naglakad palayo dito. Nanginginig at takot na takot. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari o gagawin pa ni Ronnie kung sakaling hindi niya nagawang manlaban at makawala dito. -----***----- “GOTCHA! Nakunan mo ba nang maganda? Patingin nga!” Inagaw ni Roxanne kay Gail ang cellphone nito at pinanood ang recorded video na ni-record nito kani-kanina lang. Papauwi na kasi silang dalawa nang makita nila sina Ronnie at Abby malapit sa gate ng school. Medyo nagduda sila sa kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa kaya nagtago sila sa likod ng isang malagong halaman malapit sa gate. Nakahawak kasi si Ronnie sa braso ni Abby. Pina-record ni Roxanne kay Gail gamit ang cellphone nito ang ginagawa ng dalawa. Hindi nga lang yata maririnig ang pinag-uusapan ng dalawa dahil hindi naman sila sobrang malapit sa mga ito. Laking gulat na lang nila nang biglang halikan ni Ronnie si Abby. Nagpumiglas si Abby at nakawala sa lalaki. Nang makaalis na ang dalawa ay saka lang sila lumabas sa kanilang pinagtataguan. Tuwang-tuwa si Roxanne sa nakunang video ni Gail. “Akin na nga 'yan! Isi-send ko na 'yang video kay Elise!” Akmang aagawin ni Gail sa kanya ang cellphone nito pero iniwas niya iyon. “'Wag muna. Kapag napanood ni Elise ang whole video, kay Ronnie siya magagalit. Which is boring, right? Away mag-jowa lang ang mangyayari. But, if we’ll edit this video at ang isi-send lang natin kay Elise is the kissing part… what do you think will happen?” Nagkatinginan silang dalawa ang nag-apir. “You are so evil talaga, Roxanne! So, pag-aawayin natin sina Elise and Abby?” “Tumpak! Mas fun iyon, 'di ba? Isa pa, naiirita din naman ako kay Elise. Feeling reyna ang pota! Akala mo naman ay maganda. Akala ko naman na cool siya kaya ako nagpursige na maging kaibigan niya pero hindi pala. She’s just an ordinary b***h. Unlike us, we are pure and true demonyitas!” Nagkatawanan ang dalawa. Ipinahiram muna ni Gail sa kanya ang phone nito. In-edit niya ang video. Tinanggal niya ang ibang part at ang itinira niya ay iyong hinahalikan ni Ronnie si Elise. Kung papanoorin mo lang ang video at hindi ang buo, iisipin talaga ng makakapanood niyon na naghahalikan ang dalawa. Hindi naman kasi pumalag noong una si Abby dahil siguro sa gulat. May ngiti sa labi ang dalawa nang i-send nila sa Messenger ni Elise ang edited video ng engkwentro nina Abby at Ronnie. “Abangan na lang natin sa Monday ang catfight!” turan pa ni Roxanne bago sila umalis ni Gail ng school. -----***----- NANGINGINIG at hindi makapaniwala si Elise sa video na si-nend sa kanya ni Gail. Paalis sana siya ng bahay nila para lumabas. Pupunta siya sa isang club at magpapakalasing hanggang madaling araw. Pababa na siya ng hagdan nang isang video ang natanggap niya mula kay Gail. At ganoon na lang ang galit niya nang mapanood iyon. Video iyon ng paghahalikan nina Abby at Ronnie sa mismong loob ng school. Napahinto tuloy siya sa pagbaba dahil pakiramdam niya ay nawalan ng lakas ang kanyang mga paa para maglakad. “That…bitch!!!” sigaw niya. Naglabasan ang ugat niya sa leeg. Kung nasa harapan lang niya si Abby ay baka napatay na niya ito ngayon. Talagang hindi siya nito tinatantanan. Una, iyong ex niya ang inahas nito. Ngayon, si Ronnie naman. Sinusubukan talaga ni Abby ang pagiging demonyo niya. Humanda ito oras na magkita ulit sila. “Elise! Ano’t sumisigaw ka?” Nakita niya ang kanyang mommy at daddy na paakyat ng hagdan. Kakauwi lang ng dalawa mula sa opisina ng kanilang negosyo. Nagsu-supply sila ng mga construction materials sa iba’t ibang malalaking tindahan sa bansa. Pilit niyang kinalma ang kanyang sarili at umayos ng tayo. “W-wala po, mommy. N-nagpa-practice lang po ako ng lines ko for our play next week…” Pagsisinungaling niya. “Really? Allowed na ba ang salitang b***h sa school play? Wait, bakit nakabihis ka yata?” sabi ng daddy niya. “Uhm, b-birthday po ng isa kong friend, daddy.” “Umuwi ka ng maaga, Elise. Tapos na ang long vacation niyo sa school at may pasok ka na sa Monday. Hindi ka na pwedeng magpuyat.” “Yes, daddy!” Mabilis niyang sagot. Wala kasing kaalam-alam ang dalawa na kaya siya walang pasok ng isang linggo ay dahil na-suspend siya. Ang sinabi niya ay long vacation lang iyon at lahat sila ay walang pasok. “Good girl. Okay. Ingat ka. Umuwi ka ng maaga…” Isang tipid na ngiti lang ang isinagot ni Elise at tuluyan nang umakyat ang mommy at daddy niya sa kwarto ng mga ito. Nang wala na ang dalawa ay naitirik niya ang kanyang mga mata. Kapag talaga kaharap niya ang kanyang mga magulang ay kinakailangan niyang magpanggap. Kailangan ay maging mabait siya. Malayong-malayo sa tunay na siya. Dahil nawalan na rin naman siya ng gana na lumabas dahil sa video na si-nend ni Gail ay bumalik na lang siya sa kanyang kwarto. Naiinis siyang umupo sa gilid ng kanyang kama habang isa-isang tinatanggal ang mga alahas sa kanyang katawan. Itinapon lang niya ang mga iyon sa kung saan dahil sa inis. Napatingin siya sa side table kung saan nakapatong sa ibabaw niyon ang picture niya at ng kapatid niyang panganay-- si Elirie. Halos limang taon nang patay si Elirie. Nalunod ito nang minsan silang mag-outing sa isang beach resort sa Batangas. Mabait, hindi makabasag ng pinggan, mahinhin, matalino. Lahat na yata ng magaganda at positibong adjective ay itinatawag ng lahat sa ate niya kaya naman inggit na inggit siya dito. Halos maligo ito ng papuri sa araw-araw mula sa kanilang mga magulang. Kaya naman nang mamatay ito ay ginawa niya ang lahat para makopya ito lalo na ang ugali nito na parang anghel para makuha niya ang pagmamahal na ibinibigay dito ng mommy at daddy niya. Sa school lang talaga niya naipapakita ang totoo siya. Kahit na nga ang gusto ng mga ito sa sa private school siya mag-aral ay tumutol siya. Ang private school kasi na papasukan niya ay pagmamay-ari ng family friend nila at ayaw niyang may makakasilip ng mga ginagawa niya. Kinuha niya ang picture frame kung saan nakalagay ang picture ni Elirie. “Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito kung bakit kailangan kong magpanggap na katulad mo! Bwisit ka!” At marahas niyang ibinato sa dingding ang picture frame. Nabasag iyon at kumalat ang bubog sa sahig. -----***----- MAAGANG natapos ang second subject nina Abby. Break time na ang kasunod niyon pero dahil hindi pa naman siya nagugutom ay tumambay muna siya sa isang kubo na malapit sa canteen. Magbabasa-basa na lang muna siya ng notes nila para sanext subject dahil mahilig magpa-surprise quiz ang teacher nila doon. Malamig din sa kubo at saktong walang nakatambay doon kundi siya lang. Maa-absorb niya nang mabuti ang mga babasahin niya dahil tahimik. Inilalabas pa lang niya ang notebook niya nang maramdaman niya na may papalapit sa kinaroroonan niya. Hindi nga siya nagkamali dahil papalapit sa kubo si Elise at nasa likuran nito sina Gail at Roxanne. Medyo kinakabahan siya sa uri ng tingin ni Elise sa kanya. Nanlilisik ang mata nito at mukhang galit. Hindi na bale, hindi na lang niya ito papansinin at papatulan kahit na anong mangyari. Huminga siya nang malalim nang nasa harapan na niya si Elise. Nagkunwari siyang hindi ito nakikita. Nag-focus lang siya sa pagbabasa ng notes pero ang totoo ay hindi niya magawang magfocus dahil dito. Biglang kinuha ni Elise ang notebook niya at pinagpupunit nito ang pahina niyon. “Elise!” Aagawin niya sana ang notebook dito pero inihampas nito iyon sa kanyang mukha. Sisigawan niya sana ito pero naisip niya na kung lalaban siya ay baka mas lumala lang ang sitwasyon. Baka naman bored lang ito at siya na naman ang napagdiskitahan nito. “Wala ka talagang kadala-dala, 'no? At pinapatunayan mo talaga na anak ka ng pokpok!” “Pwede ba, Elise, kahit naong gawin mo, hindi kita papatulan--” “Ahas ka talaga! Pati ba naman si Ronnie, Abby?!” “Ha? A-anong sinasabi mo?” Inilabas nito ang cellphone ang isang video nila ni Ronnie ang ipinanood nito sa kanya. “'Ayan! Ebidensiya ng kalandian mong hayop ka!” anito sabay sampal sa kanya ng malakas. “Elise, magpapaliwanag ako. Kung ano man ang nasa video na iyan, hindi iyang ang buong nangyari--” “At ano ang buong nangyari, ha, Abby? Na pagkatapos niyong maghalikan ay nag-s*x kayo?! Malandi ka talaga! Makati ka! Pokpok!” Mukhang kahit anong sabihin niya at paliwanag niya kay Elise ay sarado na ang isipan nito. Hindi siya nito papaniwalaan. Mas makakabuti na manahimik na lamang siya. Inayos na niya ang gamit niya. Tatayo na sana siya mula sa pagkakaupo pero itinulak siya ni Elise paupo. Napayuko na lang siya. Hahayaan na lang niyang matapos si Elise sa kanya hanggang sa mapagod ito. Nakita niya na inilabas ni Gail ang cellphone nito at sa tingin niya ay kinukuhaan sila nito ng video. Nakatitig lang sa kanya si Elise. Galit na galit ang mata nito. Hanggang sa bigla siya nitong sampalin ulit sa kaliwang pisngi niya. “Putang ina mo! Para iyan sa pang-aahas mo sa boyfriend ko!” Halos mabingi siya sa lakas ng pagkakasampal nito sa kanya. Isa pang sampal ang ibinigay nito sa kanya. “Iyan naman, para sa pagiging makati mo! At ito naman, para sa akin!” Isa pang malakas na sampla ang natanggap niya mula dito. “Ano?! Gusto mo pa?! Baka gusto mong ingudngud ko sa pader iyang pagmumukha mo para maalis 'yang kakatihan mo!” “Hala! Kawawa naman 'yong kamay ni Elise. Baka nagasgasan!” Tumatawang singit ni Roxanne. Sa pagkakataon na iyon ay hindi na napigilan ni Abby ang maawa sa kanyang sarili dahil mas pinili niyang hindi lumaban. Awang-awa siya sa kanyang sarili… “Putang ina mo, nanggigigil talaga ako sa iyo!” duro pa sa kanya ni Elise sabay sampal ulit. “At matibay ka, ha! Bakit hindi umiiyak? Ang gusto ko… umiyak ka! Iyak!!!” Sinampal ulit siya nito. Magkakasunod. Pero hindi talaga siya umiyak. Ayaw niyang ibigay dito ang kasiyahan na makita siyang talunan. Iyon na lang ang natitira para sa kanyang sarili. “Umiyak ka! Umiyak ka!” sinabunutan naman siya nito. Naramdaman niya ang sakit sa kanyang anit. Halos mabunot na lahat ng buhok niya sa lakas ng sabunot nito sa kanya. “Umiyak ka na lang kasi, Abby, para tapos na!” sulsol ni Roxanne. “Elise, tara na! Baka may makakita pa sa atin! Break time na, o!” ani Gail. Nilapitan na ng dalawa si Elise para hilahin. “Let’s go na, Elise!” “Hindi pa ako tapos sa iyo, Abby! Malandi ka!” Nang wala na ang tatlo ay doon lang naibuhos ni Abby ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Napahagulhol siya habang isa-isang pinupulot sa sahig ang mga punit na piraso ng pahina ng kanyang notebook. Nanghihinang napaupo na lang siya sa sahig. Wala siyang ideya kung sino ang kumuha ng video nilang iyon ni Ronnie pero alam niya ang totoo. Hindi totoo ang inaakusa sa kanya ni Elise na inaagaw niya ang boyfriend nito. Kung alam lang sana nito ang totoo at buong pangyayari baka hindi ito sa kanya nagagalit. Sa pagkakataon na iyon ay dumating na sina Marvin at Nicolo. Nag-aalalang inalalayan siyang tumayo ng dalawa. “Anong nangyari sa iyo, Abby?” tanong ni Nicolo. Imbes na sumagot ay humahagulhol na napayakap na lang siya sa kanyang dalawang kaibigan. Sa mga balikat ng mga ito niya ibinuhos ang lahat ng kanyang luha. CLASS DISMISSED!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD